CHAPTER 16: Change Of Heart.
Written by: CDLiNKPh
Ngayon naman siguro ay alam mo na kung bakit hindi mo pwedeng sabihin kay Ivy na ikaw ang Cane na kababata niya noon na nag-iwan sa kanya." Matapos maikwento ni Alexa kay Cane ang lahat-lahat ng nangyari noong bata pa sila ni Ivy ay iyon na agad ang unang lumabas sa bibig niya.
"Pero isang malaking misunderstanding ang nangyari. Unfair sa akin ito! Ang akala ni Ivy ay niloko ko siya kaya hindi na ako nagpakita sa kanya. Noong araw na iyon na dapat ay magkikita na kami ay pasakay na sana ako ng eroplano ng biglang tumawag ang mga maids sa bahay namin at sinabing naaksidente nga si mama. She is the only family that I have and I can't afford to lose her. At isa pa, after what happened ay bumalik din naman ako rito sa Pilipinas pero bigla na lang silang nawala sa dati nilang tinitirhan. I don't even know their telephone number! Inilayo ninyo sa akin si Ivy!" panunumbat ni Cane.
Tama ito. Noong bumalik ito sa hometown nila ay nakausap pa ito ng ina niya. Nagkataon na nasa bakasyon sila noon ni Ivy at sumama ang tiyan ng nanay niya kaya hindi ito nakasama. Hindi naman talaga lumipat ng bahay sina Ivy. Nagsinungaling na lang ang nanay niya para umalis noon si Cane. Alam niya dahil naikwento nito iyon sa kanila. Hindi na bumalik ulit noon si Cane kaya akala nila ay talagang wala na ito.
"Walang sumisisi sa 'yo dahil alam naman ng mama mismo ni Ivy kung ano ang totoo pero no'ng mga oras na iyon ay hindi namin pwedeng sabihin kay Ivy ang lahat dahil baka lalo lang siyang mag-alala sa kalagayan mo. Hindi siya pwedeng mastress, Cane. At kahit na hindi mo pa kasalanan, ikaw pa rin ang dahilan kung bakit muntik na siyang mamatay sa sakit sa puso noon. At ayaw na ulit mangyari iyon ng mama ni Ivy. Alam ng mama niya na kapag nagmahal si Ivy ay binibigay niya ang lahat-lahat at halos sa tao nang iyon umiikot ang mundo niya. Kaya naman gano'n din kasakit para sa kanya kapag nawala sa kanya ang taong mahal niya. Parang ikaw, Cane. Mahal na mahal ka niya noon kaya iyon din mismo ang kinakatakot ng mama niya. Ayaw niya na lapitan mo pa ulit ang anak niya,” sabi pa ni Alexa.
"No! Hindi ako papayag! Hindi ako papayag na manatiling masama sa paningin ni Ivy! Mahal ko siya, naiintindihan mo?!" pagmamatigas ni Cane.
"That's why you have to do this for her! Maniwala ka sa akin, Cane, hindi makakabuti para sa kanya kung lalapitan mo pa siya ngayon. Malalim ang galit niya sa 'yo at kaunting sama ng loob lang ang ibigay mo sa kanya ay maaari na niya iyong ikapanghina. Kaya please lang, huwag mo na siyang lapitan. Umalis ka na lang ulit. Bumalik ka na lang ulit sa Japan kung gusto mo!" Doon na napagsigaw si Alexa habang may luhang tumutulo sa mga mata niya.
Natigilan si Cane sa nakita sa mukha niya at alam niya na kahit ito ay hindi na rin alam ang gagawin. Mahal nito si Ivy pero ni hindi ito maaaring lumapit sa babae.
Siya naman ay ang bigat-bigat ng nararamdaman ng mga sandaling iyon. Hindi na niya alam kung sino ang pipiliin.
Ang bestfriend ba niya o ang lalaking mahal niya?
Alam niya na hindi lang dahil sa ayaw niyang may mangyaring masama ulit kay Ivy kaya niya sinabihan si Cane na layuan na si Ivy.
Alam niya na ang pagmamahal niya para rito at ang pagiging makasarili rin niya ang isa sa dahilan kung bakit ayaw niya na magpaliwanag na si Cane kay Ivy. Dahil kapag nagpaliwanag si Cane kay Ivy at mapatunayan nito na wala itong kasalanan ay siguradong magbabati rin ang mga ito at pagkatapos noon ay magiging magkasintahan. Ibig sabihin lang niyon ay dalawang taong mahalaga para sa kanya ang mawawala sa kanya. Ang bestfriend niya at ang lalaking mahal niya…
At kapag masaya na ang mga ito ay maiiwan siya sa ere. Malungkot at nag-iisa...
SAMANTALA...
Hmp! Taksil ka, Alexa! Nawala lang ako sandali, sumama ka na agad sa kabayo!
Nagpa-pout na naman ang lips ni Ivy habang nakatingin kina Cane at Alexa. Kani-kanina lang ay nawala na ang sakit ng ngipin niya at pumunta pa rin siya sa school kahit na uwian na para sunduin lang sana ang prinsepe niya at magmall sila para makabili ng mga bagong teddy bears. Pero pagdating niya sa classroom ay wala na raw ito roon at nakauwi na raw kasama si Cane.
Paglabas niya ay napadaan siya sa coffee shop at nakita nga niya ang dalawa mula sa loob. Dahil transparent ang salamin doon, kahit nasa labas siya ay tanaw niya na nag-uusap ang mga ito ng masinsinan.
Mukhang lumabas na talaga ang tinik sa buhay niya. Ang makakaribal niya sa atensyon at pagmamahal ng prinsepe niya. Nakakainis!
Umalis na lang siya sa kinaroroonang coffee shop nina Alexa at Cane dahil sa inis at siya na lang ang naggala ng mag-isa sa mall.
Maya-maya lang ay naisip niya na umalis na lang sa mall kasi nakakawala na rin naman ng gana ang nakita niya kanina.
Nasa kalsada na siya nang bigla na lang may babaeng nakabangga sa kanya na tila ba nagmamadali.
Nagningning ang mga mata niya nang makita na si Alexa iyon!
"Alexa, saan ka galing? Tara, bili tayo ng bagong stuffed toys!" Pinilit niyang magpakasigla at nagkunwari na hindi niya alam kung saan ito nanggaling.
Ayaw na ayaw niyang nagagalit siya kay Alexa kaya kakalimutan na lang niya ang nakita niya kanina. Kumapit pa siya sa braso nito pero natigilan siya nang makita ang lumuluhang mga mata nito!
"Alexa?" Ang tanging nasabi niya.
Ngayon lang niya ito nakitang umiyak. Kahit na kailan ay hindi ito nagpakita ng kahinaan sa kanya. Malakas ito. Kaya nga ito ang prinsepe niya, e. Palaging ito ang tagapagtanggol niya pero bakit ngayon ay umiiyak ito? Hindi siya makapaniwala.
“Alexa, ano'ng problema?” Nagtatakang tanong niya nang hindi ito sumagot. Nakayuko pa rin ito.
"Pwede ba, Ivy, huwag mo muna akong lalapitan? Kailangan kong mapag-isa," seryosong sabi nito saka lumayo paalis sa kanya.
Nakatulala pa rin siya kahit na nakaalis na ito.
Bakit ganoon? Ano'ng nangyari sa prinsepe niya?
Sa inis ay agad siyang bumalik sa coffee shop kung saan niya nakita sina Cane at Alexa kanina. Baka naroon pa ang damuhong lalaking iyon! Kailangan nilang magtuos ng karibal niya!
Hindi nga siya nabigong makita ito dahil nagkasalubungan pa sila.
"Ivy..." Parang nababato-balani pa ito sa pagkakatingin sa kanya. Sobra ang titig nito. Pero hindi siya napaso. Sa halip ay kinuwelyuhan pa niya ito.
"Hoy! Ano'ng ginawa mo sa prinsepe ko, ha? Bakit siya umiiyak kanina? Inaway mo ba siya?" inis na tanong niya na masamang titig ang ibinigay sa mga mata nito. Sigang-siga na handang lumaban kapag naapi ang taong mahal niya.
“Ivy..." pagsambit pa rin nito sa pangalan niya.
"Wala ka na bang ibang gagawin kundi ang sambitin lang ang pangalan ko? Ano'ng ginawa mo kay Alexa? Sumagot ka!" Halos yugyugin na niya ito pero seryoso pa rin ang mukha nito. Parang ang bigat-bigat ng dinadala.
"I'm sorry." Parang nagbago ang isip nito at hindi na sinabi ang gustong sabihin sana sa kanya kanina at sa halip ay nagbaba na lang ito ng tingin pagkatapos.
Nabitawan niya ito. Saka naitakip ang dalawang kamay sa bibig.
“H-Huwag mong sabihing... MAY NANGYARI SA INYONG DALAWA?!" shocked na sigaw ni Ivy.
NA-SHOCK si Cane nang marinig ang sinigaw ni Ivy. Dahil sa lakas ng boses nito ay nagkatinginan pa tuloy doon sa kanila ang mga tao sa coffee shop.
"Ivy, ano bang sinasabi mo? Nababaliw ka na ba?" naiirita nang tanong niya.
"Ang kapal ng mukha mo! Isang araw lang ako nawala, sumalisi ka na kaagad! Dapat ako ang makauna sa kanya, hindi ikaw! Kaya pala siya umiiyak kanina! Mang-aagaw ka! Ahas!" Hindi na napigilan ni Ivy ang sarili nito at pinagbabayo siya ng palo at hampas sa dibdib.
"Wait, Ivy, listen to me! WALANG NANGYARI SA AMIN NI ALEXA!" Napalakas na ang pagkakasabi niya niyon kaya lalo lang nagtinginan ang mga tao roon sa kanila.
Napahiya naman sila pareho lalo na si Ivy dahil nagmukha na isa itong eskandalosa. Mukhang nakikilala pa man din ito ng ibang tao roon dahil isa itong commercial model.
Hinila na niya ito palabas ng coffee shop at dinala ito sa lugar kung saan walang masyadong tao.
“Mali ka ng iniisip, Ivy. Hindi ko sinamantala ang kaibigan mo. Walang nangyayari sa amin ni Alexa,” paliwanag pa rin niya.
"Talaga?" parang batang tanong nito.
"Oo naman.”
"Sigurado?"
"Oo nga!" Naiinis na rin siya. Napakakulit talaga nito kahit kailan!
“Peksman? Mamatay ka man?"
Ivy, isa pang tanong! Unli ka na! reklamo ng isip ni Cane.
"Kapag sinabi kong wala, wala."
"Kung totoo 'yang sinasabi mo, bakit siya umiiyak kanina?" tanong pa rin nito.
Natigilan naman siya.
Paano nga ba niya i-e-explain iyon dito?
Naisip kasi niya na tama rin si Alexa. Siguro, this is not the right time yet para sabihin na ang katotohanan kay Ivy. Baka nga mas lalo lang niyang mapalala ang sitwasyon. Kaya mas maigi siguro kung makipagkaibigan na lang muna siya kay Ivy at pagkatapos, kapag medyo okay na sila ay saka niya sasabihin ng paunti-unti rito ang totoo.
"Actually, she confessed to me but I turned her down. I already have someone I like, Ivy and she don't want to accept it. That may be the reason why she cried. She can't accept the fact that I don't love her." Mahirap din para sa kanya na sabihin iyon. Bakit ba kasi naisipan pa niya noong landiin si Alexa. Hindi niya akalain na mabilis pala itong mainlove.
"Talaga? May gusto kang iba?" Parang naexcite na tanong nito.
"Umm... Y-yeah," sabi niya.
Bakit ba parang tuwang-tuwa pa ito?
“Iyon naman pala, e! Kung ganoon, hindi naman pala kita karibal. Ay, kaso nagtapat pa rin si Alexa sa 'yo kaya hindi pa rin dapat tayo magkalapit! Alam mo bang ikaw pa lang ang unang lalaking nilapitan niya? Ano ba kasing nakita niya sa 'yo? I'm much better than you!" reklamo nito na nakalabi pa na lalo lang nagpacute rito.
"Wait, what are you trying to say?" Naguguluhan na siya sa mga pananalita ni Ivy. Sobrang cute nito at sobrang feminine kaya hindi bumabagay sa itsura nito ang pinagsasabi ng bibig nito.
"Hindi pa ba halata kung ano? Akala ko matalino ka, hindi rin naman pala. Mabuti na lang at binasted mo si Alexa kasi sa akin siya! Kaya huwag ka nang lalapit sa kanya ulit, naiintindihan mo ba?!"
Halos mapanganga siya nang marinig ang sinabi nito. "W-wait, matagal mo nang sinasabi na sa 'yo si Alexa. Do you even know what you're saying? Pareho kayong babae!" Hindi na niya mapigilang sabihin. Ang akala niya noon ay sobrang sweet lang talaga ito sa kaibigan nito pero ngayon, parang may something na.
"E, ano naman ngayon? Sa ibang bansa, pwede na ang same s*x marriage at doon na lang kami magpapakasal ng prinsepe ko kapag nagkataon," parang walang anumang sabi nito.
Doon na tuluyang nanlaki ang mga mata niya! Same s*x marriage?!
"Wait, a-are you a lesbian?" Parang ayaw kumawala sa lalamunan niya ng tanong.
Sa halip na sagutin ng maayos ang tanong ay sinimangutan lang siya ni Ivy.
"Wala kang pakialam, pangit!" Saka nito inilabas ang dila at saka umalis na sa harapan niya at tuloy-tuloy na naglakad palayo.
Umihip ang malakas na hangin pero hindi pa rin matinag si Cane sa kinatatayuan niya.
Si Ivy, ang pinakamamahal niyang si Ivy ay naging lesbian at dahil iyon sa kanya! Kung hindi niya ito iniwan noon at wala si Alexa sa tabi nito ay hindi siguro mababaling ang pagtingin nito sa kapwa nito BABAE.
Sumasakit na talaga ang ulo niya. Hindi na niya alam kung ano pa ang gagawin. Hindi niya pwedeng ipagtanggol ang sarili niya kay Ivy para sa kapakanan nito and at the same time ay hindi rin niya ito malapitan dahil buntot ito palagi kay Alexa. Bukod doon ay tibo na pala ito ngayon.
Ano nang mangyayari sa matagal na niyang pinapangarap na makasal at makasama habang buhay si Ivy saka mabiyayaan ng kahit dalawang anak man lang?
Wala ito sa plano niya. Hindi siya makapaniwala!