CHAPTER 17: Friendship Over.

2552 Words
CHAPTER 17: Friendship Over. Written by: CDLiNKPh Bumangon si Alexa sa pagkakahiga sa kama. Kagabi ay iyak siya nang iyak kaya naman hindi na siya nagtataka kung namumugto na ngayon ang mga mata niya. Iniyakan niya nang husto si Cane. Katulad din ng ginawang pag-iyak ni Ivy noon para rito. Pinilit niyang ilabas lahat ng sama ng loob niya kagabi. Lahat ng sakit na naramdaman niya no'ng sinabi ni Cane na mahal nito si Ivy at hindi siya. Iniyakan din niya ang katangahan niya dahil inisip niya pa man din na siya na ang pagtatapatan nito pero hindi pala. Ang tanga-tanga talaga niya. Sino ba namang lalaki ang pipili sa kanya kung ipantatapat siya kay Ivy? Kung ikukumpara sa kaibigan niya ay walang-wala siya. Ang sakit-sakit. Kahit iniyak na niya lahat kagabi ay para bang hindi pa rin niyon napagagaan ang loob niya. Inaasahan niya na mawawala na iyon kinabukasan at makakalimutan niya ang lahat ng nangyari. Pero bakit ganoon? Pakiramdam niya ay ang bigat-bigat pa rin ng dibdib niya. Sariwa pa rin ang sakit sa puso niya Nang makarinig siya nang sunod-sunod na katok mula sa pinto. "Alexa! Alexa! Pasok na tayo, dali!" Malakas na sabi ng nasa labas. Boses iyon ni Ivy. Agad siyang tumayo mula sa kama at tiningnan ang mukha sa salamin. Hindi naman pala namumugto ang mga mata niya. Hindi na rin gaanong mapula iyon. Pero hindi niya maibalik ang ningning sa mga mata niya. Sinubukan niyang ngumiti sa harap ng salamin pero nagmukha lang iyong fake dahil malumbay ang mga mata niya. "Alexa, bakit ang tagal mong magbukas ng pinto?" nagrereklamo ng sabi ni Ivy mula sa labas ng pinto. Binuksan na niya ito. "Alexa!" masiglang sigaw nito saka siya sinugod ng yakap. “Namiss kita! Bakit ba iniwan mo ako sa mall kahapon? Hindi mo tuloy ako nasamahan bumili ng teady bear saka ng bagong damit. Tingnan mo ito, oh! Ibinili kita ng stuffed toys! Tada!" Masaya nitong inilabas ang teddy bear mula sa bag na dala nito kahit na hindi siya nagsasalita. "Sige, ilagay mo na lang diyan. Maliligo lang ako sandali,” walang kagana-ganang sagot niya saka na umalis sa harapan nito at pumunta ng banyo. Nagtaka man si Ivy ay binalewala na lang nito ang kilos ng kaibigan at nilaro-laro na lang muna ang stuffed toy na binili para kay Alexa. Si Alexa naman, habang nasa CR ay napapabuntong-hininga. Hindi niya alam kung bakit pero nong niyakap siya ni Ivy kanina ay parang bigla siyang nairita. Parang bigla siyang nawalan ng gana rito. Parang bang wala na iyong pakiramdam na gusto niya itong protektahan o masaya siya na kasama ito. Para bang ngayon ay naiinis na siya sa presensiya nito. Umiling siya. Dapat niyang alisin sa sistema niya ang pakiramdam na iyon. Magkaibigan sila ni Ivy at higit na mas matagal kaysa sa pagkakakilala niya kay Cane. Kaya naman hindi sila pwedeng magkagalit nang dahil lang sa iisang lalaki. Hindi siya dapat na magdamdam dito dahil lang ito ang gusto ni Cane at hindi siya. PAGDATING NILA SA SCHOOL. As usual, para na namang tukong nakakapit sa braso ni Alexa si Ivy. Maaliwalas na maaliwalas ang mukha nito habang si Alexa naman ay parang may dark aura sa paligid nito. Kinikilabutan na nga ang mga taong nakatingin sa kanila dahil magkasalungat ang mga aura nila. Isang nakakasilaw na liwanag mula kay Ivy at isa namang nakakapanlumong kadiliman mula kay Alexa. Umupo na ang dalawa. "Alexa, diyan ka na lang, ha? Ako na ang bibili ng pagkain natin, ililibre kita!" nakangiting sabi ni Ivy. Tumango na lang si Alexa. Wala pa ring ganang makipag-usap dito, pero syempre, hindi iyon pansin ni Ivy. Masyado siguro siya nitong mahal kaya hindi nito napapansin kahit wala siyang ganang makipag-usap dito. "Ano kayang nakita ni Ms. Ivy sa babaeng iyan, ano? Hindi siya karapat-dapat maging kaibigan niya! Tingnan mo naman, ang baduy-baduy! Walang kaclass-class! Ang boring pa! Gosh, ha! Kung ako kaibigan niyan, matagal ko na sigurong inabandona! Ni hindi marunong mag-ayos, palaging magulo ang buhok at mukha pang may anghit! Ha-ha-ha!" Napansin ni Alexa na may nagpaparinig na naman sa kanya. Si Myleen. Ang babaeng matagal nang inggit sa kanya dahil matagal na ring trying hard na maging kaibigan ni Ivy. "Sinabi mo pa! Para silang gatas at kape. Langit at lupa. Prinsesa at taong grasa! Naku, hindi ko matake! Ang kapal ng mukha niya! If I know, nakikipagkaibigan lang iyan kay Ms. Ivy kasi namemera lang 'yan! E, 'di ba nga, patay gutom naman iyan? Balita ko nga ay nakitira sila sa bahay nina Ms. Ivy noong elementary pa sila. Masyado niyang tine-take advantage ang kaibaitan ni Ms. Ivy. Dahil sikat si Ms. Ivy ay hindi niya tinatantanan para mapansin din siya ng mga tao. Masyadong famewhore wannabe ang babaeng 'yan!" panggagatong pa ng isang kasama nito. "Oo nga naman, ano? O baka naman may gusto siya kina Prince Luke at Prince Cane? At ginagamit niya si Ms. Ivy para mapansin siya ng mga prinsepe natin? Naku, ha! Hindi lang pala siya user, talandi pa! Palibhasa kasi, walang lalaking nagkakagusto sa kanya! Sa panget ba naman niya, eh!" sabi pa ng pangatlong babae. Doon na nagpanting ang tenga niya. Tumayo siya at nilapitan ang tatlong babae na hantaran kung alipustahin siya at batuhin ng kung ano-anong salita na wala namang katotohanan. Ano bang problema ninyo, ha? Gusto n'yo ba ng g**o? Sabihin n’yo lang at ng makatikim kayo!" matapang na bulyaw niya. Matagal na niyang tinalikuran ang pagiging delinquent noong makagraduate sila ng highschool dahil na rin sa pakiusap ni Ivy sa kanya pero sa mga narinig niya sa bunganga ng mga ito ay parang lumalabas na naman ang pagka-amasona niya! "Eh, bakit, totoo naman 'di ba? Kaya ka lang naman nakikipagkaibigan kay Ms. Ivy ay dahil marami kang nahihita sa kanya. Mas nauna ka lang naging kaibigan niya pero hindi ka deserving! Mahirap ka lang at walang kahit ano'ng maipagmamalaki kumpara sa amin! Pero bakit hindi kami ang kinakaibigan niya at kahit ano'ng lapit namin sa kanya ay hindi niya kami pinapansin? Dahil sa 'yo! Isolated siya sa 'yo at tuwang-tuwa ka naman! Magagamit mo na siya para perahan, sisikat ka pa dahil sikat din siya! Gamitera! Sorry ka na lang dahil marami rito ang nakakaalam ng tunay mong kulay! Kaya huwag ka nang umasa na may magkakagusto pa sa 'yong lalaki rito hangga't magkasama kayo. Dahil ayaw ng mga lalaki sa mga user!" pagsigaw din ni Myleen na nanlalaki pa ang mga mata. Hindi na siya nakapagpigil at sinampal niya ang pisngi nito. Gumanti naman ito at doon na nag-umpisa ang sabunutan. Nagkagulo na roon at nagtinginan na rin lahat ng mga estudyante sa kanila. Pinagtutulungan si Alexa ng tatlong babae pero dahil magaling lumaban si Alexa ay nagawa niyang itulak isa-isa ang mga babae. Subsob sa sahig ang isa at dumugo pa ang nguso ng isa. Si Myleen naman ay naitulak niya at tumama ang tiyan nito sa gilid ng malaking mesa kaya naman namilipit ito sa sakit. Agad namang tumakbo papunta si Ivy sa pinangyayarihan ng g**o. Nagulat siya sa pakikipag-away na ginagawa ni Alexa. Dumating din ang papasok na rin na si Cane kasama ang mga kagrupo nito sa basketball team at si Luke. Agad na tumakbo palapit si Cane kay Alexa nang makita niya na hahabulin pa sana nito ng sabunot ang namimilipit pa sa sakit na si Myleen. Bago pa nito maabot ang buhok ng babae ay napigilan na ni Cane si Alexa. "Alexa! Ano ba, tama na! Bakit ka ba nakikipag-away?" pasigaw na tanong ni Cane sa nagwawalang si Alexa. "Ang babaeng ‘yan ang tanungin mo!" inis na sagot ni Alexa sabay duro kay Myleen. Nanginginig naman sa takot na nagkumpulan ang tatlong babaeng nang-aaway kay Alexa. Marami sila pero parang mas napuruhan pa sila kaysa kay Alexa. "Wala kaming kasalanan sa kanya, Prince Cane! Nag-uusap lang kami dito pagkatapos ay nagalit na siya. Ang akala niya yata ay siya na ang pinag-uusapan namin,” pagmamaang-maangan pa ni Myleen. Parang maamong tupa. "Alexa, baka nga naman ikaw? Ano ka ba, bakit ka sugod nang sugod? Takaw g**o ka ba talaga?" parang naiirita na sabi ni Cane. "Tumahimik ka dahil wala kang alam! Hindi mo alam kung ano ang totoong nangyari kaya huwag mo akong husgahan!" Naiinis na rin si Alexa. Parang mas kinakampihan pa kasi ni Cane ang tatlong babae. "Kung hindi man ikaw ang nag-umpisa, hinayaan mo na lang sana para wala nang gulo." "Alexa! Ayos ka lang ba? May masakit ba sa 'yo?" Hindi namalayan nina Alexa at Cane na nakapalapit na pala si Ivy. Alalang-alala ito na iniangat ang mukha ni Alexa at sinipatan kung may galos ang mukha nito. Pero sa gulat ng lahat ay pinalo pa ni Alexa ang kamay ni Ivy palayo rito. “Huwag mo akong hawakan!" pagsigaw ni Alexa na masama pa ang tingin kay Ivy. Natigilan naman si Ivy. Ngayon lang siya napagtaasan ng boses ni Alexa. "Alexa..." anas ni Ivy. Hindi na sumagot pa si Alexa. Sa halip ay tumayo ito sa pagkakaupo sa sahig saka nagtatatakbong umalis ng lugar na iyon. Napamura ng palihim si Cane. Nakita niya kung gaanong nasaktan si Ivy sa ginawa ni Alexa kaya naman humabol siya sa babae para pagsabihan ito. UMIIYAK si Alexa habang tumatakbo. Hiyang-hiya siya sa mga nangyayari at nanginginig siya sa galit dahil pakiramdam niya ay pinagtulungan siya ng lahat. Pakiramdam niya ay wala siyang kakampi. Hanggang sa nakarating siya sa oval ng school. May green grass doon at walang tao. Doon niya inilabas lahat ng sama ng loob niya. Alam niyang walang katotohanan ang mga sinabi nina Myleen. Ang lakas ng loob ng mga itong akusahan siya na ginagamit lang niya si Ivy. Pero alam din niya na may sinabing isang bagay ang mga ito na totoo at tumama nang husto sa kanya. At iyon ay ang katotohanan na hangga't magkasama sila ni Ivy ay walang lalaking magkakagusto at lalapit sa kanya. Hindi lang isang beses na nagkagusto siya sa isang lalaki. Sa totoo lang ay napakaraming beses na talaga siyang umibig pero lahat ng lalaking iyon ay kay Ivy lang nagkakagusto. Dahil maganda raw ito, inosente, mahinhin at sweet. Hindi raw katulad niya na maton, baduy at walang kalatoy-latoy. Ilang beses din siyang nagconfess sa lahat ng lalaking nagustuhan niya noon na lingid sa kaalaman ni Ivy pero lahat ng confession na iyon ay walang tumanggap kahit isa. At iisa lang ang dahilan. Dahil si Ivy ang gusto ng mga ito at hindi siya… Alam niya na hindi kasalanan ni Ivy na mas naging attractive ito kaysa sa kanya pero sawang-sawa na siyang ikinukumpara rito. Sawang-sawa na siya na palaging nabibigo nang dahil dito. At marahil, nagsasawa na rin siya na palaging pinapasaya ito habang siya naman ay tila wala nang karapatang maging masaya. Babae rin siya at gusto rin niyang mainlove at maranasang magkaboyfriend. Pero hindi niya magawa iyon dahil palagi itong nakabuntot sa kanya. Ang mundo niya ay palagi na lang umiikot dito kaya gusto na niyang kumawala. Ayaw na niyang maging kaibigan ni Ivy. Sawang-sawa na siya. PATULOY NAMAN NA hinanap ni Cane si Alexa hanggang sa makita nga niya ang babae sa oval ng school kung saan maraming green grass. Bumuntong-hininga muna siya bago tuluyang lumapit sa babae at tinabihan ito. "Alexa, I'm sorry. Alam ko na hindi kita dapat sinisi kanina dahil lang sa ayokong may mangyaring g**o. Ayaw ko lang isipin ng ibang tao na basagbulera ka at walang pagtitimpi sa sarili. Ayaw kong isipin nila na dapat ay magsisi si Ivy at ikaw ang pinili niyang maging kaibigan. Para sa akin ay wala lang naman iyon pero alam mo naman kung paanong mag-isip ang mga tao rito," sabi niya kay Alexa habang umiiyak ito. "Marami akong mga bagay na dapat at hindi dapat gawin dahil lang sa naging kaibigan ko ang napaka-dakilang si Ivy. Kaya naman nakapagdesisyon na ako. Na tatapusin ko na ang lahat ng ito," nakayukong sabi nito. Malamig ang boses. Nakaramdam naman si Cane nang hindi maipaliwanag na kutob base sa tono ng pananalita ni Alexa. "Alexa, huwag. Kailangan ka ni Ivy, hindi mo dapat siya iwan!" sabi niya na nagbago ang pananaw simula ng makita niya kung gaano kalalim ang pinagsamahan ng dalawa. "Ayoko na, Cane. Hindi ko na kayang pigilan ang nararamdaman ko. Alam mo ba kung ano ang pinakamalaking bagay na hindi ko dapat gawin bilang kaibigan ni Ivy?" parang nahihibang na sabi ni Alexa na nag-angat ng tingin sa kanya saka siya tinitigan ng mariin. "Ano?" Nagawa pa niyang itanong. "Ang mahalin ka...” Maya-maya ay sabi nito na nagniningning pa ang mga mata. Mabilis ang naging pangyayari at namalayan na lang niya na bigla na lamang siyang sinunggaban ng halik ni Alexa. Sa sobrang gulat ay nanlaki ang mga mata niya! Hindi malaman ni Cane kung ano ang gagawin. Alam niya na dapat niyang itulak si Alexa pero umiiyak ito. At mahigpit nitong hinahawakan ang mukha niya at idinidiin pa nito ang paghalik sa kanya na para bang nagmamakaawa ito na huwag niya itong pahiyain. "Alexa..." Nagulat sila parehas ni Alexa nang makarinig sila ng isang pamilyar na boses. Awtomatikong naghiwalay silang dalawa nang makita kung sino ang tumawag sa pangalan nito. Si Ivy iyon na kanina pa palang nasa likuran nila! Malungkot na malungkot ang anyo ni Ivy nang masulyapan niya ito. Para bang hindi ito makapaniwala sa nakita. Hindi niya alam kung paanong magpapaliwanag pero tumayo siya para daluhan ang babaeng totoong laman ng puso niya. "Ivy, nagkakamali ka ng iniisip.” Iyon lang ang tanging namutawi sa bibig niya. Pero imbes na kausapin siya ni Ivy ay nilagpasan lang siya nito ng tingin. Sa halip ay nilapitan nito si Alexa. "Alexa, bakit?" Parang maiiyak na si Ivy. Tumayo si Alexa. Pumikit at pagkatapos ay bumuntong-hininga. "Narinig mo naman siguro ang sinabi ko, hindi ba? Mahal ko si Cane at simula ngayon ay hindi na kita ituturing na kaibigan ko kundi bilang isa nang karibal. Humanda ka, Ivy dahil hinding-hindi kita uurungan! Kahit ano'ng mangyari ay sisiguraduhin ko na sa akin mapupunta si Cane!" seryosong sabi ni Alexa na idinuro pa ang daliri kay Ivy. Nang mga sandaling iyon ay parang tumigil ang pag-inog ng mundo ni Ivy. Agad na nangilid ang luha sa mga mata nito. "Alexa..." hindi pa rin makapaniwalang anas ni Ivy. Ni hindi na ito makapag-isip ng sasabihin. "Simula ngayon ay pinuputol ko na rin ang koneksyon nating dalawa. Huwag na huwag ka ng lalapit sa akin ulit dahil walang magkaribal na magkaibigan, Ivy. Itatak mong maigi sa kokote mo iyan dahil hindi na kita kakausapin ulit." Iyon lang at umalis na si Alexa sa harapan nina Ivy at Cane. Alam ni Alexa na wala nang urungan sa mga sinabi niya pero handa siyang kalabanin si Ivy alang-ala sa pag-ibig ni Cane. ---- Gusto mo bang mabasa ang karugtong? Pwede na dahil tapos na ang story na ito. If you want to buy digital copies of my books na completed na, just go to Google play then click book tab tapos search n'yo lang, CDLiNKPh OR just send a message in my F B, just search CDLiNKPh para masabi ko ang process. If you'd like to support me in creating more stories in the future, you can donate here: GCASH: 09152881691 MAYA: 09910091691
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD