CHAPTER 12: New Home.
Written by: CDLiNKPh
"WALANG kaibigan ang anak ng Tita Mildred mo kaya dapat maging mabait ka sa kanya. Mabuti ng magkaroon ka ng kaibigan habang nandito tayo." Kanina pang paulit-ulit na sinasabi ng nanay ni Alexa ang bagay na iyon habang sakay sila ng sasakyan papunta sa bago nilang bahay. Naririndi na nga siya dahil iyon ang bukambibig nito. Ang maging kaibigan niya ang anak ng kumare nito.
"Bakit wala siyang kaibigan? Masama ba ang ugali niya?" parang tinatamad na tanong niya.
"Alexa, huwag kang magsasalita ng ganyan kapag nasa harapan na natin sila, ha. Hindi naman siya salbaheng bata. Kaso ang sabi ng Tita Mildred mo, simula no'ng iniwan si Ivy ng kalaro niya noon ay nawalan na iyon ng ganang makipaglaro sa ibang bata. Kaya kung hindi ka man niya mapakitaan ng maayos mamaya ay pagpasensyahan mo na lang, okay? Tandaan mo, sa kanila tayo pansamantalang makikitira habang hindi pa natatapos iyong renovation ng bahay natin doon kaya magpakabait ka," paalala ng mama niya.
"Opo," sabi na lang niya para matapos na ang usapan.
Binenta ng mama niya ang maliit na bahay nila roon sa Pasay para makapagpatayo ng negosyo. Kaya ngayon ay lilipat sila sa probinsya kung saan nakaassign ang tatay niyang sundalo. Dahil na rin gustong makahabol sa enrolan ng nanay niya para roon na siya tuluyang mag-aral sa San Diego ay minadali na nito ang paglilipat kahit hindi pa tapos gawin ang bahay nila roon. Mabuti na lamang at may kumare ito roon kaya doon muna sila titira pansamantala.
Okay lang naman sa kanya kahit magpalipat-lipat sila ng bahay dahil hindi rin naman siya mahilig makipagkaibigan kaya hindi siya malulungkot na baka may maiwan siya.
Nang sa wakas ay nakarating na rin sila sa subdivision nina Tita Mildred.
Malinis at malawak ang lugar na iyon. Mabango pa. Pwede ka ngang humiga sa kalsada, e. Hindi katulad sa dating bahay nila sa Pasay na maliit na nga e, dikit-dikit pa ang bahay.
"Lukring! Ang tagal nating hindi nagkita, naku, sobrang namiss kita! Welcome kayo rito sa bahay ko, kahit dito na kayo tumira habang buhay!"
Bakas ang galak sa mukha ng Tita Mildred niya nang makita sila nito at salubungin sa labas. Napabaling ang tingin sa kanya ng babae. "Siya na ba ang anak mo? Naku, napakagandang bata!" nakangiting sabi sa kanya ng babae.
Wow. Maganda raw siya. Sarap sana paniwalaan kaso alam naman niyang hindi totoo iyon. Paano ba naman kasi, napaglaruan ng bwisit na parlorista ang buhok niya. Sobrang ikli niyon ngayon kaya naman mukha siyang lalaki kahit na magsuot pa siya ng bestida.
"Ivy! Anak, halika rito at ipapakilala kita sa kanila!" pagtawag ng Tita Mildred niya sa isang batang babae na kasing edad niya.
Nahihiyang lumabas pa ang batang babae at nagtago pa sa likuran ng mama nito na para bang hiyang-hiya.
Hindi niya maiwasang hindi mamula. Para itong buhay na barbie doll dahil sa sobrang kacute-an nito! Petite rin ang katawan nito at para bang isang pitik lang ay tutumba na ito. Mas lalo ring bumagay sa kacute-an nito ang hawak-hawak nitong teddy bear. Para bang doon ito humuhugot ng lakas.
Vulnerable. Fragile. She is so feminine!
Sa nakita ay parang bigla siyang nag-alangan sa hitsura niya. Mukha itong prinsesa habang siya naman ay mukhang magbobote. Tsk.
Pero inabot na rin niya ang kamay dito at nagpakilala dahil ayaw niyang maging bastos.
"Hi, Ivy! Ako si Alexa! Pwede ba tayong maging magkaibigan?" nakangiting tanong nya.
Pero tinitigan lang nito ang kamay niya. Walang karea-reaksyon ang mukha.
"Hindi pwede. May boyfriend na ako, e," supladang sabi nito.
Tumaas ang isang kilay niya.
"May boyfriend ka na kahit ang bata-bata pa natin? Saka ano naman ngayon, nakikipagkaibigan lang naman ako, a?" hindi makapaniwalang sabi niya.
"Hindi nga pwede! Huwag kang ngang makulit. Baka magselos si Cane kapag nakita niya na nakikipaglaro ako sa ibang batang lalaki. Ayaw ko siyang magalit kaya huwag mo na akong lalapitan ulit! Bleehh!" pagsusuplada nito saka siya binelatan at nagtatakbo na papasok ng loob.
Oi-Oi.
Huwag mong sabihin na napagkamalan siya nitong lalaki?
Oo at maikli ang buhok niya pero ang masabihang lalaki at makulit ay below the belt na! Nakabestida na nga siya, mukha pa rin siyang lalaki?!
Gaaahhh!!!
Hinding-hindi rin siya makikipagkaibigan sa cute nga, e napaka-rude naman na batang babaeng katulad nito!
"Lukring, pagpasensyahan na ninyo ang anak ko, ha? Alam n'yo kasi, nagkaganyan na 'yan simula nang pumunta sa Japan iyong bestfriend niyang si Cane. Ayaw na niyang makipagkaibigan sa ibang bata. Alam n'yo sa totoo lang, kahit ako ay hindi ko na alam kung anong gagawin ko sa kanya." Halata sa mukha ni Tita Mildred na kahit ito ay nahihirapan na rin sa ikinikilos ni Ivy.
"Walang problema, kumare. Naiitindihan naman namin. Isa pa, kami nga ang dapat mahiya dahil dito pa kami pansamantala sa inyo makikitira."
"Kahit dito na kayo habang buhay ay okay lang! Alam mo naman na simula nang mamatay si Arnulfo ay kami na lang palagi ni Ivy dito sa bahay. Dati ay masiglahin ang batang iyan. Pero ngayon ay wala nang kabuhay-buhay. Para bang ikinulong na lang niya ang sarili niyang mundo sa kalungkutan." Tuluyan na talagang nalungkot si Tita Mildred. Inalo naman ito ng mama niya.
Doon niya naisip na talagang salbaheng bata si Ivy. Hindi nito iniisip ang nararamdaman ng ina nito sa ikinikilos nito. Selfish ito kaya hindi sila magiging magkaibigan talaga. Pangako iyon!
Doon na sila pumasok sa loob ng malaking bahay. Hindi na lang niya papansinin si Ivy kapag nakita niya ito.