CHAPTER 13: Ivy's Innocent Love.

1416 Words
CHAPTER 13: Ivy's Innocent Love. Written by: CDLiNKPh ILANG LINGGO pa ang lumipas at nasanay na si Alexa sa lugar na iyon kahit papaano. In-enroll na rin siya ng mama niya roon. Sa pamamalagi niya roon ay ni hindi man lang sila naging close ng isnaberang si Ivy. Para kasi itong may sariling mundo. Araw-araw ay gumagawa ito ng sulat para sa kababata nito na ang pangalan daw ay Cane. Halos diary na nga nito ang bawat sulat na ipinapadala nito sa lalaki dahil bawat nangyayari rito kada araw ay isinusulat nito sa mga liham na iyon. Pero kahit kailan ay wala naman itong nakukuhang sagot mula sa Cane na iyon. Kung siya ang tatanungin, nagmumukha na talaga itong tanga. Hindi talaga niya maintindihan si Ivy kung bakit ito nagpapakamukmok nang dahil lang sa Cane na iyon kung pwede naman itong makipagkaibigan na lang sa ibang bata. Hanggang sa isang araw ay nakita niya si Ivy sa garden na ngumingiti-ngiti nang mag-isa. Gumagawa ito ng kwintas gamit ang mga bulaklak. "Kanino mo ibibigay 'yan?" tanong niya rito na tumabi rito nang walang paalam. Napalingon naman ito sa kanya. Saka muling binalingan ang kwintas na bulaklak. "Kay Cane. Isasabit ko ito sa leeg niya kapag bumalik na siya rito. Maganda ba? Siguradong magugustuhan niya ito kaya excited na akong magkita kami ulit." Nag-angat siya ng kilay. Mukhang good mood talaga si Ivy ngayon at nagawa na siyang pansinin. Nawawala iyong kamalditahan nito kapag iyong Cane na nito ang napag-uusapan. "Kailan ba siya babalik?" tanong na lang niya. "Wala siyang sinabi pero sigurado ako na babalik din siya. Mahilig manorpresa si Cane kaya sigurado ako na pagbalik niya ay marami siya sa aking pasalubong na candy." Ang laki-laki ng ngiti ni Ivy at iyon ang unang pagkakataon na nakita niya na ngumiti ito ng ganoon. Sino ba ang Cane na iyon at ganoon na lang kung mapasaya nito si Ivy kahit wala naman ito sa tabi ng babae? "Pero 'di ba, dalawang taon nang hindi nagpaparamdam sa 'yo ang lalaking iyon? Ni tawag o sulat, wala kang natatanggap. Baka naman ikaw na lang ang umaasa sa kanya at nakalimutan na niya ang tungkol sa iyo?" Alam niya na medyo masama na ang nasabi niya pero kailangan nitong magising sa katotohanan. "Hindi totoo 'yan! Mahal ako ni Cane kaya alam kong hindi niya ako makakalimutan! Sabi niya magpapakasal pa kami pagbalik niya kaya hindi niya ako pwedeng kalimutan! Babalik siya rito. Babalikan niya ako!" pagsigaw na nito sa kanya na tumayo pa mula sa kinauupuan nito. Natigilan naman siya nang makitang umiiyak na si Ivy. Hindi niya akalain na ganoon kalala ang magiging reaksyon nito sa sinabi niya. Mukhang seryoso talaga ito sa lalaki. Umaasa pa rin kahit wala nang dapat pang asahan pa. Hindi na nito hinintay na makapagsalita pa siya dahil tumakbo na ito palayo sa kanya. Nagsisi siyang bigla dahil sa mga sinabi niya. Mukhang hindi iyon matanggap ng maayos ni Ivy. Talagang sensitive ito kapag tungkol na kay Cane ang usapan. Gusto lang naman niya na hindi na umasa si Ivy dahil mukhang wala na ring balak magpakita pa rito ang Cane na iyon. Pero mukhang hindi na nga lang dapat siya nakialam dahil nasaktan lang niya si Ivy... LUMIPAS PA ANG ILANG ARAW at naging magkaklase sila ni Ivy hanggang sa school. Unang araw din niya sa klase ng araw na iyon pero ni hindi man lang siya nito pinapansin na parang hindi sila magkakilala. Nahihiya naman siya na siya pa ang lumapit dito dahil napagsabihan niya ito nang dahil kay Cane. Nasa pangalawang row ang upuan ni Ivy habang siya naman ay nasa bandang likuran kaya nakikita niya ang likod nito. Wala itong kasama o ibang kinakausap at madalas ay nakatingin lang sa labas ng bintana. Hula niya ay si Cane na naman ang laman ng isipan nito. Bakit kaya baliw na baliw si Ivy sa lalaking iyon? "Siya ba iyong model do'n sa commercial ng gatas?" Narinig niyang tanong ng isang babae sa isang kaklase nila. "Oo, siya nga! Ang cute-cute niya, 'no? Tara, lapitan natin!" kinikilig na sabi ng isa pang babae. "Hindi ba nakakahiya? Parang mukha siyang mayaman saka sossy." Nag-alangan bigla ang isang babae. Hmp. Kahit sino naman mag-aalangan dahil sa ganda ng isang 'yan, sabi na lang ni Alexa sa isip niya habang patay malisya na nakikinig sa mga kaklase niya. "Try na rin natin, wala namang mawawala," pag-anyaya na ng isang babae saka hinila nito ang kasama nito papunta kay Ivy. Ayaw niyang tumingin pero hindi niya mapigilang hindi alamin kung ano kaya ang magiging reaction ni Ivy. "H-Hi, Ivy, ako si Marle, ito naman si Jona. Pwede ba kaming makipagkaibigan sa 'yo?" Halata sa boses ng babae na kinakabahan ito pero mukhang nilunok lang nito ang takot nito. Pero gaya ng inaasahan ay para na namang walang narinig si Ivy. Nakatingin pa rin ito sa labas ng bintana habang parang may sariling mundo na nag-i-imagine ng kung ano-ano. "I-Ivy? P-pwede ba?" muling tanong ng babae nang hindi sumagot si Ivy. Lumingon si Ivy hindi para ngumiti kundi para irapan lang ang mga ito! Para namang naging estatwa sa kinatatayuan ng mga ito ang dalawang babae. Pahiyang-pahiya dahil sa naging reaksyon ni Ivy. Kung kailan pa naman naglakas ng loob ang dalawa ay saka lamang makakaranas ng rejection. Umiyak pa iyong isang babae dahil sa cold treatment na ipinakita ni Ivy at nag-walk out pa talaga! Ang OA naman nila. Parang inirapan lang e! naiiritang sabi niya sa isip. Hindi na niya mabilang kung ilang beses na siyang inirapan ng supladang si Ivy pero hindi naman siya nag-react ng ganoon. Siya ang tipo ng tao na hindi pinipilit ang sarili sa isang tao na ayaw naman sa 'yo kaya hindi niya maintindihan kung bakit may mga tao na handang magmukhang tanga, mapalapit lang sa taong gusto nila. Kung tutuusin, wala ring pinagkaiba sa mga babaeng iyon si Ivy. Dahil pakiramdam niya ay ayaw din dito ng lalaking sinasabi nitong Cane. Kung totoo ang intensyon ng Cane na iyon na tuparin ang pangako nito kay Ivy, e, 'di sana ay hindi nito hahayaang magmukhang tanga ang babae sa kakapadala ng sulat dito at pagkatapos ay wala namang matatanggap na sagot. SIMULA nang araw na iyon ay nagkaroon ng masamang reputasyon si Ivy sa school. Wala nang ibang estudyante roon ang nagtatangkang lumapit dito dahil masyado itong aloof. Kahit pa na sikat ito dahil isa itong commercial model ay takot na ang lahat na masupalpal nito. Pero kahit ganoon ay para bang wala na itong pakialam. Para ngang wala itong paki kung masira man ang buhay nito. Para bang wala iyong direksyon base sa mga pinapakita nito. Parang wala itong kagana-gana kahit napakabata pa nito. Siya naman ay hindi maintindihan ang sarili kung bakit kahit naiinis siya rito ay hindi pa rin niya maiwasang hindi subaybayan ang mga ginagawa nito. Hindi niya alam kung bakit naroon pa rin sa kanya iyong pakiramdam na gusto niya itong protektahan. Well, siguro ay dahil may utang na loob sila sa pamilya nito. Doon naman sila nakatira sa bahay ng mommy nito kung tutusin. Pero ewan ba niya, parang higit pa roon ang nararamdaman niya. Naroon iyong totoong malasakit niya rito, may utang na loob man sila rito o wala. Araw-araw niya itong palihim na sinusundan. Siguro dahil na rin sa bilin ng mama nito sa kanya na tingnan-tingnan niya paminsan-minsan ang anak nito dahil nag-aalala na rin ito rito. Noon pa man ay sakitin na si Ivy at hindi nito nagugustuhan ang ginagawang pag-aabuso ni Ivy sa katawan nito para paulit-ulit na magpabalik-balik sa playground kung saan ito at no'ng Cane unang nagkakilala. Palaging umaalis si Ivy sa bahay kahit na Sunday at pagkatapos ng klase, araw-araw itong gumagawa ng kwintas na gawa sa bulaklak at buong maghapon itong nakaupo lang sa padulasan ng playground at naghihintay kay Cane. Dahil walang sinasabing eksaktong date si Cane sa pagbabalik nito ay araw-araw na bumabalik sa playground si Ivy para maghintay at magbakasakali na roon nito makikitang muli si Cane. Nawiwirduhan na talaga siya sa ginagawa ni Ivy. Bakit ba ganoon na lang ito kaobsess kay Cane? Bakit kahit paulit-ulit nang bumabalik si Ivy nang mag-isa sa playground ay ni hindi man lang niya nababakasan ng pagkainip at kalungkutan ang mukha ng babae habang gumagawa ito ng kwintas ng mga bulaklak? Positibo pa rin ito na babalik si Cane. Iyon na nga ba ang tinatawag nilang inosenteng pag-ibig o sadyang tanga lang talaga ito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD