PANAY ang tingin ni Carmela, o Carmi, sa stand kung saan nandoon ang mga audience. Championship iyon ng inter-school ice skating competition at siya ang pambato ng eskuwelahan nila. She had practiced long and hard. Madalas ay gumigising siya ng alas kuwatro pala lang magawa ang mga assignments at school projects niya. Iyon lang kasi ang oras niya. Pagkagaling sa school ay tutuloy na siya sa ice skating rink at magpa-practice hanggang sa magsara iyon. O kaya ay sa gym class muna siya a-attend para mahasa ang balanse niya at maging mas graceful siya sa mga ice skating routines niya.
Pagdating niya sa bahay ay pagod na pagod na siya. Kakain lang siya, magsa-shower at matutulog na. Kinaumagahan na niya magagawa iyong assignments at makakapag-aral kung may exams man sila. Kapag weekend naman ay mas hectic ang schedule niya. Nagbababad siya sa rink pag Sabado at sa gymnastics club naman pag Linggo.
But she likes it. She thrives on the challenge. Kapag nananalo rin siya sa competitions ay nakukuha niya kahit paano ang atensiyon ng daddy niya na sa sobrang pagka-busy sa negosyo ay hindi na sila halos nagkikita. A simple that’s my girl is enough to make her day.
Mabuti pa noong buhay ang mommy niya ay madalas niyang nakakasama ang daddy niya. Well, hindi kasing dalas ng gusto niya. Noon pa naman ay workaholic na ito. Pero kahit paano ay namamasyal sila dati. Ilang beses nga ay sa ibang bansa pa. But her mother died in a car accident when she was about 7 or 8 years old.
Nag-asawa ulit ang daddy niya noong 13 years old siya. Pero noon pa man pala ay nagkaroon na ito ng affair sa babaeng pinakasalan nito. In fact, they had a child back then. Ilang taon lang ang tanda ni Carmi sa half-sister niya. Pero bago pa ito mag-asawa ulit, pagkamatay ng mommy niya, ay lalo nang dumalas ang panahong gabing-gabi na ito umuuwi. O kaya ay direkta na nga itong hindi umuuwi.
She did her best to catch his father’s interest. Nag-aral siyang mabuti dahil kapag napapasali siya sa honor roll ay uma-attend ito sa recognition day. Nagka-interes siya sa ice skating nang may mapanood siyang sine tungkol sa buhay ng isang kilalang ice skater. Hanggang sa napapasali na siya sa competitions. Nanonood din ang daddy niya kapag mahalaga iyong event. Nakukuntento na lang si Carmi sa mga ganoong pagkakataon. Kaya nga asang-asa siya sa pangako ng daddy niya na darating ito sa event niya ngayon. Napaka-bihira na nga ng mga ganoong pagkakataon kaya ganoon na lang kung abangan at panabikan niya iyon.
Pero kahit anong hanap niya sa stand ay hindi mahagip ng paningin niya ang ama. Lagi pa naman ay sa bandang harapan ito nauupo at kahit pa nakikita ni Carmi na madalas na nakatutok ang pansin nito sa telepono ay kuntento na siya na dumating ito. Pagkatapos din kasi ng event ay naging routine na nila na kakain sila sa labas. Sa pagkakataong iyon ay mukhang nangyari na ang kinatatakutan niya, iyong hindi na nito sisiputin iyong mga events niya, kagaya ng hindi na nito pag-attend sa recognition day niya.
She was distracted all throughout the event. Pagdating tuloy sa triple flip, na kahit mahirap ay nagagawa niya ng walang mintis sa practice, ay sumablay siya. Sa pag-landing niya ay hindi siya nakabawi ng balanse. Napaupo siya sa rink. Pulang-pula ang mukha niya sa kahihiyan. Ang tindi rin ng disappointment niya sa sarili.
That mistake cost her the critical points needed to seal the win. Naging third placer lang tuloy siya. Ang sama ng loob ni Carmi, hindi lang sa sarili niya kung hindi lalo sa hindi pagsipot ng daddy niya. Kung nandoon lang ito, malamang na siya ang nanalo. Pagkatapos ng awarding ceremonies ay nagtatakbo papunta sa ladies room si Carmi. Sa loob ng cubicle ay umiyak siya nang umiyak. Nang mahimasmasan ay saka niya tinawagan ang daddy niya.
“Daddy, why didn’t you come?” bungad agad niya.
“What? Where?”
Lalong sumama ang loob niya. Mukhang ni hindi naalala ng ama ang pangako nito.
“The ice skating competition.”
“Oh, that’s today? Sorry, sorry. May problema kasi sa office. I’m in a meeting as it is and it’s hectic. Babawi na lang ako ha? So, how did it go? I bet ikaw ang champion.”
“No, dad. Third placer lang ako.”
“Ganoon ba? Then maybe it’s a good thing I wasn’t there. I mean, sayang ang oras ko.”
Ouch! Nag-init na naman ang mga mata ni Carmi. Ni hindi naisip ng daddy niya iyong hirap niya para magkaroon man lang ng pagkakataon na i-represent ang school nila. Halos eight years old siya nang mawala ang mommy niya at mula noon hanggang ngayon na 12 na siya ay namamalimos pa rin siya ng oras at atensiyon nito. And it seems he is really not inclined to give it to her.
“Kung nandito ka, baka ako ang nanalo. No, I’m sure I would have won,” sabi niya.
“Come on, Carmi. Huwag ako ang gawin mong excuse. Kinulang ka ng effort kaya hindi ikaw ang nag-champion. You should learn your lesson from that. Be a brave girl and be strong...”
Hindi na niya narinig ang ibang sinasabi ng daddy niya. Wala na rin siyang balak makinig. Pinindot na lang niya ang buton ng phone para tapusin ang tawag. She feels so, so bad.
Uuwi na dapat siya nang ma-dismiss na sila ng mga schoolmates niya na nanood ng event pero dahil masama pa rin ang loob, nang may magyayang kaklase sa kanya na pumunta sila sa mall ay pumayag siya. Sa sasakyan na rin ng isa sa mga ito siya naki-angkas, pinasunod na lang niya ang driver sa pupuntahan nilang mall.
Ideal student si Carmi. Hindi nagluluko, hindi naglalakwatsa. Sobrang abala rin siya sa training kaya hindi siya nakakalabas kasama ang mga kaklase niya. Ngayon lang niya iyon nagawa at para siyang ibong nakawala sa hawla. She never thought it would be this much fun. Nanood pa sila ng sine ng mga kasama niya kaya ginabi na siya ng uwi.
Papunta na siya sa pintong palabas ng parking area kung saan niya hihintayin ang driver nila nang may sumabay sa paglakad niya. Dalawang lalaki. Pinagitnaan siya ng mga ito. Kinabahan siya at akmang tatawag siya ng atensiyon ng mga taong nasa paligid niya nang may maramdaman siya. Parang may malakas na boltahe ng kuryenteng tumagos sa kanya. It was so strong she couldn’t move, couldn’t speak. Maagap siyang inalalayan ng lalaking nasa kaliwa niya.
“Ikaw naman kasi, sabi ko sa iyo na iinumin mo iyong gamot mo,” sabi nung nasa kanan ni Carmi. Kung titignan sila ng iba ay para siguro silang magkakakilala. “Hayan tuloy, nahilo ka na naman. Tara na nga, uwi na tayo.” Hinawakan siya nito sa braso. Bigla na lang na parang may tumusok kay Carmi. Agad na umikot ang paningin niya, nagpumilit na pumikit ang mga mata niya. Ang huling natandaan niya ay ang pagbagsak niya, na hindi natuloy dahil sa mga kamay na sumalo sa kanya...