Prologue
Wala kaming imikang dalawa ni Jasmine habang nakatingin sa kawalan. Muli niyang inabot ang aking kamay at pinaharap ako sa kaniya. Sa liwanag ng gabi ay kita ko ang luha na umaagos sa kaniyang mukha.
"Alena, tama na, please? Pakiusap tigilan mo na ito" pagmamakaawa niya habang pinipisil ang aking kamay. Ako man ay nagpipigil rin ng luha ngunit kailangan kong maging matigas sa kaniyang harapan. Hindi ko kayang gawin ang gusto niya. She's asking for too much! "Alena walang totoo sa mga ito, wala ni isa maliban sa’ting dalawa, hindi ito ang tunay na mundo" muli ay paalala niya.
Mariin kong hinawakan ang kamay niya saka iyon binitawan. "At ano ang tunay na mundo, Jasmine? Iyong mundo na punong-puno ng sakit? Nang p*****n? Nang mga mahihirap?" tumingin ako sa baba nang burol.
Kitang-kita ko ang mga liwanag na nanggagaling sa bahay ng mga tao. Lahat sila halos naghahanda ng kumain para sa hapunan. Maging ang matayog na kastilyo sa harapan namin ay napakasayang tingnan.
"… Iyong sinasabi mong mundo kung saan sinasaktan ng kapwa nila ang sarili nilang kapwa, mundo na walang kasiguraduhan, mundo na walang naitulong na maganda sa'kin" umiling siya.
"Alena, nakalimutan mo na ba?" dahan-dahan siyang lumapit sa'kin, "Nandoon din ako sa mundong sinasabi mo, sa mundong kinamumuhian mo, si Arthur ay nandoon din, nandoon kami para sa'yo. Alena, kailangang bumalik na tayo bago pa man magsara ng tuluyan ang lagusan, gusto mo bang mamuhay na lang sa isang hindi totoong mundo? Sa mundong ginawa mo?"
Parang may kumurot sa aking puso sa sinabi niya. Ito ang mundong ginawa ko. Ako ang may gawa ng lahat nang ito. Hindi niya naiintindihan dahil hindi niya pa nararamdaman o nararanasan ang mga pinagdaanan ko.
"Naririnig mo ba ang sarili mo Jasmine? Gusto mong sirain ko ang Lanea. Ang nag-iisang lugar na tumanggap sa'kin bilang ako, ang sarili kong mundo, sa tingin mo ba kaya kong gawin iyon?" napailing siya sa sinabi ko, alam ko naman na hindi niya maiintindihan. "Jasmine nandito na lahat nang kailangan ko, mo, hindi na natin kailangan pang umalis--"
Pumiksi siya na para bang nauubos na ang pasensiya sa kakapaliwanag sa akin, "Pero walang totoo dito! Hindi mo ba naiintindihan Alena? Hindi ito totoo, alam ko hindi maganda sa tunay na mundo, pero iyon ang realidad natin, doon tayo nabibilang hindi dito, hindi kailanman! Ngayon, mamili ka Alena, ako, si Arthur at Cain na nasa tunay na mundo o ang Lanea?"
Hindi ako makapaniwala sa sinasabi niya. Gusto niya akong mamili? Marahan akong napailing, hindi ko kaya, hindi ko pa kaya. Kapag umalis ako sa Lanea, paano na sina Argos? Paano ang---
"A-alena!" agad akong napatingin kay Jasmine na ngayon ay dahan-dahan na umaangat sa lupa, "Alena!" pilit niyang inaabot ang kamay ko kaya naman iyon din ang ginawa ko.
Anong nangyayari? Bakit hinihigop ng lagusan si Jasmine? Hindi pa oras!
"Jasmine! Kumapit ka bilis!" sigaw ko habang tumatalon ngunit mas lalo lang siyang tumataas at unti-unting naglalaho. No! Hindi pwede 'to! "Alena!" iyak ni Jasmine habang naglalaho, "Alena! Babalik ako! Babalikan kita ok? Tapos babalik tayo sa tunay na mundo" iyak niya habang naglalaho.
Itinaas ko ang mga kamay ko at pilit inisip na hindi maglalaho si Jasmine. Kaya ko ito, nagawa ko na ito noon. Pero ilang minuto na ang lumipas ay walang nangyayari.
"H-hindi pwede! Bakit hindi gumagana ang kapangyarihan ko!" napatingin ako sa itaas hanggang sa tuluyang maglaho si Jasmine.
Naiwan na naman akong mag-isa dito sa Lanea. Sa mundong aking ginawa