KUNG GAANO kabilis ang pangyayari na maging nobyo ko na si Topher ay ganoon din kabilis kumalat ang balita sa aming mga kaibigan ang relasyon namin. Tadtad ng personal message ang messenger ko-- at karamihan sa mga iyon ay mula sa Brat Girls! Tinatamad pa akong reply-an sila isa-isa dahil male-late na ako sa trabaho.
Hingal na hingal ako nang halos takbuhin ko ang building ng eye center, kaunti pa lang ang naghihintay na mga pasyente sa may labas nang silipin ko iyon. Kaya umakyat na muna ako sa may nurse station upang ilagay sa locker ang mga gamit ko.
"Mukhang blooming ka na parati, Ms. Celeste ah," pagbungad sa akin ni Moriah kaya pinandilatan ko siya ng mata dahil sa pagtawag niya sa akin sa aking apelyido. Inaasar niya ba ako?
"Hm, anyway--" Natigilan ako nang mapansin ang hawak niyang bouquet ng roses at namumukadkad ito sa ganda dahil pulang-pula iyon.
"May nagpapabigay, sabi niya ingatan mo raw dahil kasing ganda mo ang mga rosas na 'yan.." Tila nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya at hindi na ako nagtaka kung kanino manggagaling iyon.
Tinanggap ko iyon at hindi ako nabigo na mabasa kung ano na naman ang pakulo niya.
Ms. Celeste,
Kasing ganda mo ang mga rosas na ito kaya sana ingatan mo. Magandang umaga, loves.
-Toph
Hindi ko naiwasan ang mapangiti ay mag-init ang pisngi. Habang panay tusok naman sa tagiliran ko si Moriah.
"So, kaya pala Ms. Celeste ang tinawag mo sa akin?" paninigurado ko at dahan-dahan siyang napatango habang natatawa.
Pero sandali-- paano 'to sa kaniya naibigay ni Topher, e, wala pa naman siya sa clinic kanina?
"Iniisip mo ba kung paano niya iniabot 'yan sa'kin?" ngingiti-ngiting aniya. Samantala'y ipinagpatuloy ko lang ang pag-aasikaso ng mga documents na nakakalat sa table nang sagutin ko siya.
"O-oo?" nag-aalangang sagot ko.
"E, kasi sinadya niya lang na paunahin ka na makapasok para hindi mo raw siya makita.." natatawang aniya.
Anong trip ng lalaking 'yon?
"Siguro, ayaw niya lang mabalewala ang surprise niya sa'yo kapag nagkataon na nagkita agad kayo." Napaisip ako sa sinabi niya. Well, may point din siya pero bakit ba kasi kailangan niya pa'ng gawin 'to? Gustung-gusto ko pa naman siyang makita.
Pasado alas singko na ng hapon pero hindi ko pa rin nakikita si Toph na umakyat dito. Hindi rin kasi kami nagkasabay kanina mag-lunch dahil sa rami ng pasyente. Kaya nilibang ko na lang ang sarili ko sa pag-a-assist ng mga pasyente.
"Gaano po karami ang nainom niyong tubig?" tanong ko sa pasyente habang nakahiga at kinukuhanan ng blood pressure.
"Mga tatlong baso.."
"Dumumi na o umihi?"
"Umihi pa lang."
Napangiti ako bago muling nagsalita, "Bawal na pong kumain at uminom ng tubig before twelve midnight, ah?" pagpapaalala ko pa rito. Naka-schedule na kasi ito para sa operasyon bukas.
"Okay po," sagot niya dahilan para mapangiti ulit ako.
"Okay na po.."
"Salamat, miss," pahabol pa ng pasyente.
Pagkatapos ko sa isang pasyente ay gano'n din ang ginawa ko sa ibang pasyente. Nang sandaling iyon ay hindi ko inaasahan na darating si Toph kasama ang ilang doctor. Animo'y hindi ako mapakali sa kinatatayuan ko at nagmamadali akong makalabas na ng ward.
Subalit hindi ako nakaligtas sa pasimpleng pagbulong niya, "Hintayin mo ako sa labas, ah." Binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti subalit inismaran ko lamang siya.
Bumalik na ako sa may nurse station at nadatnan ko roon si Moriah na seryoso sa ginagawa pero hindi ko inaasahan ang ibubungad niyang katanungan, "Anong nangyari?"
"H-ha?" pagtataka kong tanong.
"Para kasing hindi ka mapakali?"
Sandali akong napailing dahil hindi ko inaasahang mapupuna niya 'yon. "W-wala 'to. Ahm, bumibilis lang ang t***k ng puso ko kapag malapit siya sa akin, ewan ko ba, boyfriend ko naman na siya pero parang ang lakas pa rin ng epekto niya sa'kin." Matapos kong sabihin 'yon ay nakita kong napapangiti na si Moriah habang busy sa ginagawa.
At makalipas nga lang ang halos sampung minuto ay bumungad si Topher sa akin.
"Good afternoon, love," pasimpleng pagbulong niya. At tumingin pa ako sa paligid habang pinandidilatan siya ng mata.
"Huy, baka marinig ka ni Moriah," mahinang pagbulong ko.
"Ano naman? I just miss you, pasensya na at busy lang talaga sa clinic. Dahil siguro last three days ko na lang dito at babalik na si Dr. Dampitan at ibang doctors galing sa vacation leave." Tila nawala ang sigla sa mukha niya. Maging ako ay nalulungkot kahit na hindi pa man nangyayari 'yon. Pasimple niyang hinawakan ang kamay kong nakapatong sa may lamesa kaya bumilis ang t***k ng puso ko. Kamay niya pa lang 'yon paano pa kaya kapag-- ah! Ano bang tumatakbo sa isip mo, Sabrina? At muli niyang nakuha ang atensyon ko sa huling sinabi niya, "O, sige na.. magtrabaho na muna tayo," sabi niya pero nabigla ako nang nakawan niya ako ng halik sa pisngi at mabuti na lang dahil busy pa rin si Moriah at walang dumaan na kahit sino.
Pasado alas siyete na nang makapag-out ako at hinintay ko na lamang sa may parking lot si Toph. Dumating naman siya kaagad matapos kong mabasa ang text niya na, "Wait, love."
"I'm sorry.. nagugutom ka na ba?" tanong niya habang pinaaandar ang makina ng kaniyang kotse.
"Sa apartment na lang siguro.. gusto ko na rin magpahinga, e," walang ganang sagot ko. Napagod talaga ako ngayong araw at napansin ko rin iyon sa kaniya.
"Okay, nagustuhan mo ba ang flowers?" Sumilay ang ngiti sa labi ko.
"Oo naman, ang ganda nga, e.. nang pambobola mo," tila pang-aasar ko pero mukhang hindi 'yon umubra sa kaniya.
"'Di ah, seryoso 'yon.." Tumingin siya sa akin at natigilan ako sa pagtawa nang makita ang seryoso niyang mukha. "I love you.." wika pa niya at dinampian niya ako ng halik sa may labi kaya napapikit ako. "Kanina ko pa sana gustong gawin 'yan nang nasa nurse station ka pa ang kaso.. baka ma-issue pa, e. Mahirap na," sabi niya habang seryoso nang nagmamaneho.
Matapos akong maihatid ni Toph ay tila nawala ang pagod ko. Nakahiga na ako sa aking kama pero hindi pa rin nawawala ang ngiti sa labi ko.
Kaya bago ako matulog ay naisipan kong basahin isa-isa ang message ng mga kaibigan ko.
From: Hanna Melendez,
Brat! Ang daya mo, hindi ka nagsasabi na luma-lovelife ka na, ah? Anyway, I'm so happy for you. Noon pa lang ay pinangarap mo na siya, saksi kami sa pagiging martir mo no'n, gaga! Mag-iingat ka palagi, ah. Labyu, brat!
Hindi ko maiwasan na mapangiti sa chat niya. Nai-imagine ko kung paano ang itsura niya habang sinasabi niya 'yon.
Ni-reply-an ko siya at sa pag-i-i-scroll down ko pa sa f*******: ay hindi ko inaasahan ang makikita ng dalawang mata ko-- halos manlaki ang mga mata ko sa i-p-in-ost na picture ni Travis.
Dahil hindi si Jasmine ang kasama niya ro'n, kundi-- si Hanna. Napaisip kaagad ako roon at dala ng matinding pagtataka ay napatanong ako sa aking sarili, "May hindi ba ako nalalaman?"