MULA sa mabilis at mahabang pagtakbo ay dahan-dahang tumigil si Laurens ng masigurong nasa isang ligtas na lugar na siya – kasama ang babaeng buhat-buhat niya ngayon. Ang babae ay walang iba kundi ang ginawang hostage ng kanyang Kuya Ludgi at ipinasa sa kanya na ngayon ay walang malay. Sigurado siyang hinimatay ito sa takot kaya ito nawalan ng malay.
Kagagaling lang niya sa sentro ng Sitio Tres at katatapos lang nilang pasukin ang isang pawnshop. Kadarating ng kanyang Kuya Ludgi at Saphira kanina mula sa Maynila upang makipag-usap kay Marina – ang babaeng inaasahan nilang maaring makatulong sa kanila para matapos na ang kalbaryo nila sa Tres – ng salubungin nila ang mga ito ng isang hindi magandang balita. Alam niyang pagod ang kanyang Kuya mula sa isang mahabang biyahe subalit kailangan nilang gawin ang misyon. Ayaw pa nga sanang paalisin ni Saphira ang kuya niya kanina.
May nangailangan kasi ng kanilang tulong at kailangan nilang pairalin ang kanilang pagiging bandido. Ang pawnshop na pinasok nila kanina ang ginawa nilang target. Hindi iyon kalakakihan pero alam nilang may makukuha sila. At madali din nila iyong na-korner. Hindi naman nila kinuha ang lahat ng perang laman niyon. Iyong sakto lamang sa alam nilang pangangailangan ng pamilyang pagbibigyan nila. Hindi na bago sa kanila kung may mga pulis mang rumesponde sa isa kanilang misyon. Pero sa lahat ng pagkakataon ay sinisigurado nilang makakaalis sila ng ligtas at walang masasaktan. Kung tutuusin ay kaya nilang labanan ang apat na pulis na dumating kanina subalit mas pinili nilang tumakas. Ayaw din naman kasi nilang magkaroon ng palitan ng putok kung sakali. At ni minsan ay hindi pa nila nagamit ang mga hawak nilang baril.
Subalit sa pagkakataong iyon ay mayroon siyang bitbit. Iyon ang unang beses na magkaroon sila ng hostage. At sa dinami-rami ng mga taong puwede nilang maging hostage ay ang babaeng ito pa.
Nang masiguro niyang nasa ligtas na lugar na sila ay saka lang siya naglakad ng mabagal. Papasok na sila sa kasukalan sa isang bahagi ng gubat sa Tres. Sa di kalayuan ay naroroon ang kanyang kabayo na naghihintay sa kanya at sinadya niyang iwan doon para sa mga ganoong pagkakataon.
Habang naglalakad ay hindi niya napigilang sulyapan ang babaeng buhat-buhat. Kilala niya ang babaeng ito. Ang babaeng ilang araw na ring hindi maalis sa kanyang isip. Ang babaeng isinakay niya sa motor ng minsang pumunta siya sa ibang Sitio upang kumuha ng mga kalakal.
Walang iba kundi si Carolina Miranto. O Oli.
Maraming pagkakataon na sumagi sa isip niya ang dalaga. Sa totoo lang, simula ng magkakilala sila ay hindi na ito naalis sa isip niya maging ang napakaganda nitong mukha. May mga pagkakataon na binabalikan niya sa isipan ang mga eksena kung papaano sila nagkakilala hanggang sa maihatid niya ito sa kanilang bahay. Minsan ay napapangiti siya ng wala sa oras kapag naiisip niya ang ngiti nito at maging ang boses nito ay tila sariwa pa rin sa kanyang pandinig. Pagkatapos ay mapapakamot nalang siya o mapapailing dahil sa kanyang iniaasta. Para kasi siyang teenager kapag naiisip niya ang dalaga. Hindi niya alam kung iyon ang pakiramdam ng kinikilig subalit masaya siya kapag naiisip niya si Oli. Iyon kasi ang unang pagkakataon na nakaramdam siya ng ganoon sa tanang buhay niya.
Sigurado din siyang kapag nahuli siya ng mga kapatid sa mga ganoong pagkakataon ay isang nakakamatay na tuksuhan ang magaganap. Na hindi niya hahayaang mangyari.
Hindi rin ilang beses na tinangka niya itong puntahan sa bahay ng dalaga at bisitahin. Pero palagi siyang nagdadalawang isip at hindi tumutuloy. Kapag kasi naiisip niya ang estado niya sa buhay ngayon ay tila umuurong siya para humarap sa dalaga.
Sa pagkukwentuhan kasi nila ay nabanggit nitong katatapos lang nito sa kolehiyo at planong magtrabaho sa Maynila. Isa pa, maganda si Oli. Magandang-maganda. At mukhang hindi ito basta-bastang klase lang ng babae. Habang siya ay ano? Isang bandido. Walang sariling tirahan. Oo at guwapo siya – o sige, ubod ng guwapo – pero wala siyang maipagmamalaki dito. Wala siyang maaring maibigay.
Kapag ganoon na ang takbo ng isip niya ay bigla namang kakambiyo ang isang bahagi niyon. Tatanungin niya ang sarili – bakit ba ganoon ang iniisip niya e bibisitahin lang naman niya ang dalaga? Wala namang masama doon. Bibisitahin lang naman niya ito dahil base sa pagkakaalam niya, bago siya nagpaalam dito ay naging magkaibigan na sila. Pero siya din ang sasagot sa sarili. Wala ngang masama, pero hindi niya ugali ang bumisita lalo sa isang babae – kahit pa sabihing magkaibigan na sila. Sa puntong ganoon ay magtatalo na ang isip niya hanggang sa hindi nalang siya tumuloy. Sa mga nakalipas na araw ay ganoon ang sistema ng utak niya.
Pero ngayon ay kasama niya ang babae at nasa bisig pa mismo niya. Pinagmasdan niya ang mukha nito habang marahan siyang naglalakad.
“Oli… hindi ko akalaing sa ganitong tagpo muling magku-krus ang landas natin. Hindi ko alam kung anong iisipin mo sa akin oras na makilala mo ako.” Seryosong sabi niya dito.
Hindi niya alam kung narinig siya nito dahil bahagyang nagsalubong ang mga kilay nito. Narinig din niya ng umungol ito. Saka dahan-dahan itong nagmulat ng mata. Sinalubong ng tingin niya ang mata nito.
Rumehistro ang takot sa buong mukha nito kasabay ng panlalaki ng mga mata. Kasabay ng panlalaki ng mga mata nito ay siya ding pagkabog ng kanyang dibdib. Hindi niya alam kung paraan ang kabog na iyon. Ang alam lang niya ay kinabahan siya dahil nakatitigan niya ang babaeng ilang araw ng nilalaman ng kanyang isip.
“I-ikaw…” nanulas sa bibig nito. Umangat pa ang isang kamay nito at itinuro siya. Sa tingin niya ay kulang sa lakas ang kamay nitong umangat.
Hindi siya tumugon. Pinanatili niya ang paghihinang ng kanilang mga mata. Nang akala niya ay sisigaw na si Oli base sa reaksiyon nito ay saka naman ito muling nawalan ng malay. Muling lumungayngay ang kamay at ulo nito.
Hinintay niya itong muling magising subalit nanatili na itong walang malay. Napahugot siya ng malalim na paghinga. Sigurado siyang muli itong hinimatay sa tindi ng takot sa kanya.
“Hindi kita sasaktan, Oli. Pangako…” anas niya.
Inalis na niya ang tingin dito bago pa sila mabangga sa mga punong nadaraanan nila. Ibinalik na niya ang tingin sa unahan at ilang metro lang ay nakita na niya ang kanyang kabayong nakatali sa isang malaking sanga. Walang pagmamadaling nilakad niya ang distansiya sa kabayo. Kampante siyang hindi siya nakilala ng dalaga dahil nakasuot pa din ang maskara sa mukha niya.
Pagkalapit sa kabayo ay maingat niyang isinakay doon si Oli. Siniguro niyang hindi ito mahuhulog. Saka niya inalis ang tali ng kabayo sa sanga. Siya naman ang sumampa sa kabayo sa posisyong nasa unahan niya si Oli habang siya ang nakapuwesto sa likuran. Sa puwestong iyon ay hindi malalaglag ang dalaga kapag lumarga na siya.
Naglalakad na ang kabayo – sakay sila – ay alalay pa rin niya ang dalaga. Patungo sila ngayon sa pusod ng gubat. Sa isa pa nilang hide out. Doon niya dadalhin ang dalaga pansamantala habang hindi pa nila alam ang gagawin dito. Hindi niya ito maaring basta iwan nalang kung saan lalo at wala itong malay. Hindi din niya ito maaring iwan sa bahay nito dahil baka may makakita sa kanya. Ayaw naman niya itong iwan nalang basta kung saan malapit ang bahay nito ng wala itong malay. Mahirap na dahil baka may iba pang makapulot dito.
Ilang minuto pa ang matuling lumipas ay narating nila ang isang lumang kubo sa gitna ng gubat. Walang nakakaalam sa kubong iyon maliban sa kanilang magkakapatid. At walang nangangahas na pumunta sa bahaging iyon ng gubat maliban din sa kanilang magkakapatid. Kaya kampante siya na doon niya dadalhin ang dalaga.
Pagkarating sa bakuran ng kubo ay mabilis subalit may ingat na pinangko niya ang dalaga at dinala sa loob ng kubo. Dumiretso sila sa maliit na silid. Maingat niya itong ibinaba sa papag na naroroon. Nang tuluyan niya itong maihiga ay saglit niya itong pinagmasdan. Wala siyang naiisip na kahit na ano habang pinagmamasdan ang babae. Basta gusto lang niya itong tingnan at magaan sa kanyang pakiramdam na nakikita ang mukha nito.
Ah Carolina. Ano bai tong ginagawa mo sa akin? Hindi ako ito…
Napakaganda talaga ni Oli. Ang ganda nito ang siyang pinakamagandang nakita ng kanyang mga mata. Dumako ang mata niya sa labi nitong nakatikom. Muling sumagi sa isip niya ang ngiti nito ng araw na magkakilala sila. Mangingitian ulit kaya siya nito kagaya ng ganoon? Sigurado siyang hindi na siya makakatanggap ng ngiti mula dito kapag nalaman nito kung sino siya.
Ilang minuto pa siya sa ganong posisyon ng maalala na kailangan pala niyang magpunta sa kuweba. Mabilis na siyang kumilos. Kampante siyang iwan doon si Oli dahil alam niyang hindi naman ito mapapahamak doon. Kung magtangka man itong tumakas ay siguradong babalik ito sa kubo dahil siguradong mawawala ito sa gitna ng gubat. Babalik nalang siya kaagad kapag natapos na niya ang kailangang gawin.
ANG PLANO ni Laurens na bumalik sa kubo kung saan niya iniwan si Oli ay hindi nangyari ng malaman niya mula kina Father Anton na kinuha ng grupo ni Kanor si Saphira. Mabilis siyang sumunod sa dalawa niyang kapatid upang iligtas ang kasintahan ng kanyang Kuya Ludgi.
Nalaman niyang nasa dulo ng isang bahagi ng Hasyenda Valerya nila Kanor si Saphira ayon kay Kasandra na siyang narorooon ng dakpin si Saphira. Nasundan ni Kasandra ang mga ito kaya nila nalaman kung saan dinala si Saphira. Doon na siya dumiretso pagkatapos niyang makausap si Father Anton.
Eksaktong pagdating niya doon ay nakikipagpalitan na ng putok ang kanyang mga kapatid at ang grupo ni Kanor. Hindi na din siya nagdalawang-isip na sumali sa laban. Nakita niyang sumulyap sa kanya ang kanyang Kuya Ludgi. Nagtanguan silang dalawa.
Ang mga sumunod na sandali ay puro ingay ng putok ng baril ang maririnig sa paligid. Saglit na nawala sa isip niya si Oli na hanggang sa mga sandaling iyon ay wala pa ring malay.