ILANG ARAW na si Oli sa Sitio Tres pero hindi siya nakakaramdam munti mang pagkabagot. Paano ay gustong-gusto niya ang preskong hangin at natutuwa siya dahil nakakasama niya ang mga magulang.
Subalit sa loob ng ilang araw na iyon, sa isang bahagi niya ay hindi nawala ang pag-asam niyang muli silang magkikita ni Laurens. Ilang beses siyang umasam na bigla niya itong makakasalubong habang naglalakad siya sa kalsada o nagpupunta siya sa sentro. Pero walang Laurens na lumitaw. Ni anino nito ay wala. Aminin man niya o hindi, iyon lang ang nagpapalungkot sa kanya.
Hindi lang isang beses na napansin ng kanyang ina na tila siya may hinahanap sa paligid kapag lumalabas sila dahil maya’t-maya ang kanyang paglinga. Sa tuwina ay palagi niyang sinasabi na baka makakita lang siya ng kakilala niya o dating kaklase noong high school. Kapag ganoon ay hindi na mag-uusisa pa ang kanyang ina.
Hanggang sa matanto niyang bakit ba siya umaasang magkikita silang muli? E isang beses lang naman silang nagkasama. Wala pang isang oras silang nagkuwentuhan o wala pang isang oras na nakilala niya ito. Baka nga hindi na siya nito natatandaan. Aminado siyang nagka-crush siya dito. Pero siguro naman ay hindi sapat iyon para makaramdam siya ng lungkot dahil hindi niya ito nakikita. Crush lang niya ito dahil naging gentleman ito sa kanya at dahil napaka-guwapo nito. Para namang ito lang ang lalaking naging gentleman sa kanya at parang ito lang ang lalaking nakita niyang guwapo.
Sa totoo lang, madami na siyang lalaking guwapong nakadaupang palad sa unibersidad na pinasukan pero si Laurens ang pinakaguwapong nakita ng kanyang mga mata. Kaya siguro may bahagyang inis siyang naramdaman ng hindi na niya ito makita pa. Ito lang din ang nakakuha ng interes niya at napagtuunan ng pansin. Sa halip na magmukmok sa isang himala na maari pa silang magkita o umasam na mag-krus muli ang kanilang landas ay inabala nalang niya ang sarili sa ibang bagay. Itinuon niya ng buo ang kanyang atensiyon sa kanyang mga magulang at sa pagbabakasyon niya doon. Iyon naman kasi ang goal niya, ang magbakasyon at samantalahin ang pagkakataon na makasama niya ang mga ito bago siya magtungo ng Maynila para magtrabaho. Hindi ang mag-asam na muling makita ang kanyang kauna-unahang crush ever.
Tulad ng araw na iyon. Isang matiwasay na araw mula pa kaninang umaga hanggang ng mga sandaling iyon. Sa mga oras na iyon ay sabay-sabay silang nanananghalian ng kanyang nanay at tatay. Sa pagitan ng pagkain ay nabanggit sa kanya ng inang si Aling Edna na pumunta siya sa pawnshop sa sentro mamaya. Tubusin daw niya ang naisanlang isang pares ng hikaw ng ina. Naisanla iyon ng minsang magipit ang mga magulang niya sa pera. Pumayag siya dahil wala naman siyang gagawin.
“Basta mag-iingat ka lang, anak ha. Hindi natin alam kung kailan susulpot ang mga bandido dito sa ating lugar.” Maya-maya’y nagsalita si Mang Anselmo. Ang kanyang ama.
“Bandido ho, ‘Tay? ‘Yung mga holdaper o magnanakaw? Meron ho dito sa lugar natin? Kailan pa ho? Parang wala pa akong nabalitaang nagkaroon ng mga bandido dati ah.” Sunod-sunod niyang tanong saka bumaling sa ama habang sumusubo ng pagkain.
Tumango-tango ito. “Mayroon dito sa atin. Kunsabagay ay hindi naman sila nananakit. Wala pa akong nabalitaan na sinaktan nila kapag may pinapasok silang negosyo dito sa Tres.”
“Pero mag-iingat ka pa rin , anak, kagaya ng sinabi ng Tatay mo. Hindi natin alam ang sitwasyon.” Sumegunda ang kanyang ina.
Sunod-sunod nalang siyang tumango. Subalit sa isang bahagi ng kanyang isip ay hindi siya naniniwala na may mga bandido sa kanilang lugar. Tahimik ang Tres noon pa man. Baka ang sinasabi ng kanyang mga magulang ay nataon lang kung totoong may mga bandido nga sa kanilang lugar sa mga panahong ito. Pero siyempre ay pakikinggan niya ang mga magulang at walang masama kung mag-iingat pa rin siya.
Bandang alas dos na ng tanghali ng magpasya siyang magtungo sa pawnshop sa sentro para tumubos. Maalinsangan ang paligid at bukod doon ay kakaunti ang taong nakikita niya. Masyadong tahimik subalit isa lamang iyong normal na araw para sa mga tiga-Tres.
Sa mismong tapat na siya ng pawnshop nagpababa sa sinakyan niyang tricycle. Ilang sandali pa ay pumipirma na siya sa isang papel. Walang ibang kostumer maliban sa kanya ang pawnshop. Abala siya sa pagsusulat ng maramdaman niya ang isang presensiya na tumabi sa kanya. Umusod siya para bigyan ito ng espasyo. Wala sa loob na nag-angat siya ng mukha at napasulyap sa bultong katabi na niya ngayon. Awtomatikong umawang ang bibig niya ng makitang nakatakip ang mukha nito at tanging mga mata lamang nito ang makikita. Bukod doon ay mataas ang lalaki kaya kailangan pa niyang tumingala.
Weird! Iyon ang pumasok sa isip niya sabay kunot ng noo.
Anong trip niya? Medyo natatawang sabi niya sa sarili. Naiiling na ibinalik niya ang atensiyon sa isinusulat. Nagpatuloy siya sa pagsusulat habang walang muwang kung anong nangyayari sa paligid. Gayon nalang ang gulat niya ng mag-anunsiyo ang isang lalaki sa loob ng pawnshop.
“Holdap ‘to!” malakas na anunsiyo ng lalaki.
Napatingin siya sa loob ng pawnshop. Kumukurap-kurap siya dahil baka nagkakamali lang ng tingin ang kanyang mga mata. Saglit din niyang hinintay kung may magsasabi ng ‘joke lang’ sa paligid dahil baka nagbibiro lang ang mga ito. Nang tingnan niya ang lalaking nag-anunsiyo ng holdap ay nakamaskara din ito. Kagaya ng lalaking katabi niya!
Mabilis na lumipad pabalik ang tingin niya sa katabing lalaki.
Sinalubong nito ang tingin niya. Nang magsalita ang lalaki ay namutla siya.
“Huwag kang sisigaw o gagawa ng kahit na anong bagay kundi ay sa’yo ko ipuputok itong baril.” Mabigat ang tonong sabi nito. Hindi man sa kanya nakatutok ang hawak nitong baril ay natakot pa rin siya.
Sabay na nanlalaki ang kanyang mga mata at umawang ang kanyang bibig.
Bago pa niya mamalayan ay guwardiyado na siya ng lalaking katabi ngayon habang nakatutok ang hawak na baril sa dalawang babaeng nasa loob. Nang sulyapan niya ang nag-iisang guwardiya sa pawnshop na iyon ay nakita nalang niya ito sa isang tabi habang may busal ang bibig at nakatali ang mga kamay sa isang haligi ng pawnshop. Ganoon ba siya kawalang muwang sa kanyang paligid at hindi namamalayan ang nangyari sa likuran niya na ilang dipa lamang ang layo sa kanya?
Ni hindi na niya nagawang mag-react dahil pakiramdam niya ay nakakulong siya sa mala-rehas na katawan ng lalaki. Pakiramdam niya kapag kumilos siya ay siya ang papuputukan nito. Naparalisa ang buong katawan ni Oli. Nang muli siyang sumulyap sa loob ng pawnshop ay nakita niya ang lalaking kasama ng may hawak sa kanya ngayon na abala na sa ginagawa nito. Kasing-bilis ng pagpasok nito na hindi niya namalayan ang kilos nitong maglagay ng pera sa isang bag na dala din nito. Saka lang pumasok sa isip niya ang isang reyalisasyon.
Shit! May holdapang nagaganap sa pawnshop na iyon! At siya yata ang magiging hostage!
Mabilis na dumaan sa isip niya ang bilin ng kanyang mga magulang kanina. Wala pang ilang oras ay hayun at nasa kamay na siya ng mga bandido. Ito kaya ang mga bandidong tinutukoy ng kanyang mga magulang?
Isa pang naglaro sa isip niya ay nasa bingit siya ng kamatayan! At kung hindi siya kikilos ay siguradong mapapasama siya. Mabilis niyang pinagana ang isip.
Isip-isip, Oli! Hindi ka puwedeng magtagal sa kamay ng lalaking ito. Ah, ano bang puwede kong gawin? Tapakan ko kaya ang paa nito. Kagaya ng mga napapanood ko sa TV. Umiling-iling siya. Hindi iyon uubra dahil sa liit ng paa niya, buti kung magka-puwersa siyang tapakan ang paa nito. Tuhurin ko kaya sa ano… Kumilos siya upang tingalain sana ang lalaki subalit naramdaman niya ang lalong paghigpit ng braso nito sa kanyang katawan.
“Huwag kang magtatangka, Miss….” Malamig nitong sabi. Kasinlamig ng yelo ang boses nito.
Hindi nga siya nagtangka pang kumilos. Ni huminga yata ay gusto na niyang pigilan. Masyadong nakakatakot ang boses ng lalaki. Alam niyang hindi siya nito sasantuhin kapag sumigaw siya o may ginawa siyang hindi nito magugustuhan.
Malalaking tao din ang mga ito. Halos magkasin-laki ng katawan. Ano ang laban ng maliit niyang katawan sa katawan nito. Ni hindi siya nakakilos maging ang dalawang babae sa loob ng pawnshop. Nagmukha siyang estatwa at tanging ang mga mata nalang niya ang gumagalaw. Tila tumigil ang oras na tanging ang dalawang lalaki lamang ang kumikilos.
Pare-pareho silang napatingin sa unahan ng marinig nila ang ingay ng sirena. Sirena ng sasakyan ng mga pulis na paparating. Para siyang natauhan. Saka lang niya naalalang huminga. Gayundin ang dalawang babae. Sumigaw ang mga ito. Sisigaw din sana siya pero naramdaman niya ang matigas na braso ng lalaking humapit sa leeg niya. Nahirapan siyang huminga. Nanlaki ang mga mata niya habang napapanganga. Ginawa na talaga siyang hostage ng holdaper na ito!
Diyos ko. Iligtas mo po ako! Tahimik niyang usal. Mariin nalang niyang naipikit ang mga mata.
Nasa harap na ng pawnshop ang dalawang patrol ng mga pulis sa mismong gitna ng kalsada. Apat na pulis ang nakapalibot sa kanila. Apat? Kaya bang talunin ng apat na pulis ang dalawang lalaking kay lalaki ng katawan?
Nang gawin siyang hostage ng lalaki ay para na siyang hihimatayin. Nagsimula siyang manginig. Kasunod niyon ay nagsimula na rin siyang manalangin.
“Huwag kang sisigaw kung ayaw mong ituluyan kita, babae.” Narinig niyang bumulong ito sa kanyang teynga. Lalo yatang nangatal ang kanyang katawan sa tindi ng kaba at takot. Gusto niyang sumigaw pero mas pinili niya ang manahimik kundi ay tutuluyan siya ng lalaki. “Kung makikisama ka ay mabubuhay ka. Ipinapangako ko sa’yo iyan.” Alam niyang hindi iyon totoo. Halang ang bituka ng mga ito at hindi man niya sigurado ay baka kayang pumatay ng mga ito kung ipag-aadya ng sitwasyon. Narinig pa niyang nagpasalamat ito.
Muli niyang naalala ang bilin ng kanyang mga magulang. Na wala pang sinaktan ang mga bandidong ito sa kanilang lugar. Mukhang nagkamali ang kanyang ama dahil heto at nakahanda siyang saktan ng bandido oras na magkamali siya ng galaw.
"Ako na ang bahala sa kanya. Dalhin mo na itong bag." narinig niyang sabi ng isang lalaki. Paglingon niya ay naroon na ang lalaking 'nangangalap' lang ng pera kanina sa loob. Napakurap-kurap siya dahil ang bilis talagang kumilos ng mga ito. Pakiramdam din niya ay nakulong siya sa dalawang higante ng mga sandaling iyon.
Wala siyang narinig na tugon mula sa lalaking nang-ho-hostage sa kanya. Sandaling nag-usap sa mata ang dalawa. Maya-maya lang ay ibinigay ng lalaki ang bag sa may hawak sa kanya. Naramdaman niyang lumuwag ang pagkakasakal sa leeg niya. Para lang mapunta sa bisig ng isa pang lalaki. Hindi siya nito inipit at sa pagkabigla niya ay binuhat siya nito. Napasigaw siya. Kasunod niyon ay lumitaw ang malaking usok na hindi niya alam kung saan nagmula. Lumabo ang tingin niya sa paligid. Saka niya naramdaman ang patalilis na pagtakbo ng lalaki. Buhat pa rin siya.
Nagpaputok ng baril ang mga pulis. Natakot siyang tamaan ng mga ito kahit pa nakaharang ang katawan ng lalaki sa katawan niya. Hindi tuloy niya alam kung magpupumiglas siya upang makawala dito o isisiksik ang katawan sa lalaki - upang hindi siya tamaan ng bala.
By instinct ay iyong ikalawa ang pinili niya. Baka kapag pinilit pa niyang kumawala dito ay matamaan siya ng bala ng mga pulis na patuloy sa pagpapaputok. Sa takot niya ay hindi na niya nagawang sumigaw. Lalo niyang isiniksik ang katawan dito. Patuloy sa pagtakbo ang lalaki. Patuloy niyang naramdaman ang pag-uga ng katawan niya. Nakaramdam siya ng pagkaliyo. Humina ng humina ang naririnig niyang putok ng baril. Naramdaman niya ang kakapusan ng hangin sa kanyang baga. Para siyang mauupos na kandila dahil naramdaman din niya ang panghihina. Saka niya namalayang sobrang nanginginig na pala siya. Takot na takot si Oli. At sa sobrang takot niya ay hinimatay siya habang nasa bisig ng holdaper na ito.