KABANATA 3

1213 Words
SITIO TRES. Isang maliit na bayan sa isang bahagi ng Mountain Province. Maliit lamang ang bayan ng Tres. Mas marami ang mahihirap keysa sa mga may kaya sa buhay. Hindi pa aabot sa limang libong katao – mula pagkapanganak hanggang sa pinakamatanda – ang bilang ng mga nakatira doon. Sa pinakasentro ay may nag-iisang bangko na may kaliitan, isang may kalakihan ding patahian ng mga damit, may isang maliit na presinto, sa tabi ay ang dalawang palapag na munisipyo, isang may kalakihang grocery - na parang isang malaking kubo ang istraktura - may dalawang pawnshop, at ilang gusali at establisyimentong pag-aari ng ilang may kaya sa buhay doon. Ang Tres ay isang tipikal na bayan sa isang malayong probinsya. Malayo sa kinalakhan sa Maynila at kung hindi ka sanay mamuhay sa ganoong lugar ay siguradong ikakamatay mo ang kasimplehan niyon. Halos kalahati ng populasyon dito ay nagtatrabaho bilang manggagawa ni Senyor Esmundo. Ang may edad na lalaki na siyang nagmamay-ari ng nag-iisang hasyenda doon. Marami ang nagtatanong kung papaanong naging ‘Sitio’ ang pangalan ng kanilang maliit na bayan – dahil ang salitang Sitio ay parte lamang ng isang barangay o lugar sa loob ng isang bayan. Subalit ang ‘Sitio’ sa pangalan ng lugar ay hindi ibig sabihin na parte ng isang barangay kundi mismong pangalan nito kagaya ng mga karatig nitong Sitio. Sitio Uno hanggang Sitio Singko ang magkakatabing bayan na iyon. Mula sa humigit-kumulang kalahating oras na biyahe sakay ng tricycle ay huminto ang sinasakyan nila Oli at ang driver na si Laurens sa tapat ng bakuran na may maliit at isang palapag na bahay. Gawa lang iyon sa matibay na kahoy subalit kahit ganoon ay napaka-preskong tingnan sa labas. Masasabing maganda na ang bahay na iyon kumpara sa ibang bahay na naroon at nakakariwasa. Ilang metro mula sa kalsada ay nakatirik ang bahay nila Oli. Ang bahay ay nakatayo sa may kaluwangan ding bakuran. Malinis ang paligid at walang bakod. May iilang punong nakatanim sa paligid upang magsilbing lilim doon. Sa harap ay madaming halaman na nakatanim kundi man ay nakapaso. Mahilig ang kanyang ina na magtanim ng mga halaman kaya ganoon kadami ang mga halaman sa bakuran nila. Pareho nilang narinig ang mga boses sa loob ng bahay. Maaring iyon ang mga bisita na inimbitahan ng kanyang mga magulang sa inihanda nito para sa kanya. Bumaba si Oli pagkahinto ng tricycle. Nakapa niya ang pang-upo niya na nangawit mula sa pagkakaupo. Sa hinaba ng ibiniyahe nila ay namanhid na ang laman-laman niyon. Bumaba din si Laurens at tahimik na kinuha ang bag niya sa bubong ng tricycle. Habang pinapanood ang galaw nito ay hindi niya naiwasang makadama ng mumunting panghihinayang. Nanghihinayang siya dahil maghihiwalay na sila. Hindi niya alam kung makikita niya pa ito. Sa loob kasi ng ilang sandaling magkasama sila sa biyahe ay parang ang dami na nilang napagkuwentuhan. Kahit na naging question and answer portion lang naman iyon. At halos nagsisigawan pa nga sila. Pareho nilang itinanong sa isa't-isa kung ipinanganak ba sila doon. Nalaman niyang isa itong dating trabahador sa hasyenda ni Senyor Esmundo. Marahil ay kilala ito ng ama niya. Sinabi din niyang doon siya ipinanganak pero sa Baguio siya nag-aral kaya noon lang siya nito nakita. Isa pa ay magkaiba sila ng Purok. Purok 3 siya samantalang ito ay sa Purok 7. Nang maitanong niya kung bakit hindi na ito nagtatrabaho sa hasyenda ay dahil iba na ang namumuno ngayon doon. Isang nagngangalang Kanor daw. Na hindi niya kilala. Kung ano-ano pa ang napagkwentuhan nila na para bang kaytagal na nilang magkakilala. Kung tutuusin ay hindi niya ugaling makipagkwentuhan sa mga taong kakikilala lang niya o magsabi ng mga bagay tungkol sa kanya at sa buhay niya. Pero iba ang nangyari sa pagitan nila ni Laurens. Magaan ang loob niya dito. At lalo siyang naging kampante kanina ng makita niya ang pamilyar na bungad ng sentro ng Tres. Sigurado na siyang walang gagawing masama sa kanya ang binata. Bagamat nakakaramdam na siya ng pangangawit kanina ay hindi niya iyon masyadong pansin. Hindi din siya nabagot habang nasa biyahe sila. Maagan at masarap kausap ang binata at hindi iilang beses na nagtawanan sila dahil lang sa kung ano-anong pangyayari sa buhay nila. May laman din ang bawat salita nito at mahahalatang intelehente itong tao. Dahil doon ay nadagdagan ang pakiramdam na crush niya ito. Alam niyang kakikilala palang niya dito pero crush lang naman niya ito. Ganoon naman talaga diba? Nagiging crush mo ang isang tao kapag may nakita ka sa kanya kahit noon mo palang siya nakita. Hindi naman agad love iyon kaya wala siyang dapat na ika-panic. Hindi din tumuloy ang ulan kanina dahil nasa gitna na sila ng daan ng umaliwalas na ang paligid. Nahalata pa niya ang pag-aalala sa boses nito kanina dahil kung sakaling umulan ay mababasa daw siya. Wala daw kaso kung ito ang mabasa pero hindi dapat siya. Hindi naman na kasi siya maaaring sumiksik sa loob ng tricycle. Kaya pareho silang nagpasalamat dahil hindi tumuloy ang ulan. "Heto ang bag mo. Pasensiya ka na sa pagkakaupo. Mukhang nangawit ka na." iniabot nito ang bag niya. Mukhang napansin nito ang pagkapa niya sa kanyang pang-upo. "Salamat. Pasensiya na din kung naki-angkas ako sa tricycle mo. Naabala pa kita. Pero salamat pa rin dahil kung hindi mo ako isinabay, baka hanggang ngayon nag-aabang pa rin ako doon." ngumiti siya ng pagkatamis-tamis dito na nagpalitaw ng biloy niya sa pisngi. Saglit na natigilan si Laurens at napatitig sa kanya pero mabilis ding nakabawi. "Tama ka diyan." Naglabas siya ng isang daang piso sa wallet niya. "Heto, tanggapin mo." iniabot niya ang pera dito. Tumanggi ang binata. "Hindi. Sabi ko kanina libre ang pagsakay mo diba?" Hindi na siya nagpumilit pa. Alam niyang hindi talaga nito tatanggapin ang bayad niya. "Sige. Pero papaano ba ako makakabawi sa iyo? Ah, kung gusto mo, pumasok ka muna sa loob ng bahay namin. Naghanda si Nanay ng kaunti dahil diba nga? Kaka-graduate ko lang." mapanghikayat na alok niya. Isang bahagi niya ang umaasam na pumayag ito. Parang gusto pa kasi niya itong makasama. "Pasensiya ka na pero hindi na kita mapapaunlakan pa. Kailangan ko pang ihatid itong mga dala ko." itinuro nito ang mga dala nitong nasa loob na nakabalot sa malalaking plastik na hindi pa rin niya alam kung ano ang mga iyon. "Ah..." may munting panghihinayang siyang naramdaman. "S-sige. Ikaw ang bahala. Salamat talaga." aniya. "Walang anuman." sumakay na ito sa harap ng manibela. "Umaasa ako na hindi ito ang huli nating pagkikita." sabi nito. Biglang kumunot ang noo."Oli ba talaga ang tunay mong pangalan?" Napangiti siya. "Carolina. Carolina Miranto ang tunay kong pangalan." Inilahad niya ang kamay dito. Na tinanggap agad ng binata. "Alam mo na ang pangalan ko. Masaya akong nakilala kita Carolina." sabi nito. Umurong siya ng paandarin na nito ang sasakyan. Isang tango kasama ng ngiti ang ginawa nito na sinagot din niya ng tango at ngiti. “Hanggang sa muli Carolina…” iyon lang at pinaandar na nito ang tricycle paalis sa lugar na iyon. Nahabol nalang ng tingin ni Oli ang tricycle sakay si Laurens. May lungkot siyang naramdaman pero kagaya nito ay umaasa siyang muling magkukrus ang landas nila. Hindi iyon malayong mangyari dahil nasa iisang bayan lang naman sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD