MEI'S POV
"'Attention! Attention to all students! Please look out for Mei Yezidi! I repeat! Please look out for Mei---!'"
"M-M... Mei?"
Nanlalaking mga mata ang bumungad sa akin pagkapasok ko pa lamang sa classroom. Nakakabinging katahimikan ang namayani habang lahat sila ay natitigilang tumitig sa akin. Tila ba panandalian silang nawala sa reyalidad, hindi makapaniwala sa nakikita.
Unti-unting tumaas ang sulok ng aking labi. Walang ibang maririnig kundi ang yapak ng aking marurungiIs na sapatos sa makailang hakbang ko papasok sa loob ng silid.
"S-Si Mei..." Nanginginig na mga tuhod at kamay akong tinuro ni Wendy na siya pa mismong nagbukas ng pintuan pagkakatok ko kanina.
Halos lumuwa ang kaniyang mga mata sa gulat, ang kaniyang mga labi ay tinakasan ng dugo sa pamumutla.
"Hm?" Nakalolokong ngisi ang pinakawalan ko habang may naglalarong tingin ko siyang tinitigan.
Walang umimik, walang nakapagsalita, wala maski paghinga ang naririnig. Lahat sila ay hindi nakabawi sa gulat at pagkabigla. Subalit para lamang dinaanan ng anghel, makalipas ang ilang segundo ay nakakabinging sigawan ang sumakop sa buong silid at tila ba'y sabay-sabay silang tinakasan ng bait.
"Aaaaaaaaah!!"
"M-Mei! Si Mei! Nakikita ko si Mei!!!"
"Tangina?! A-Anong..."
"B-Buhay... buhay... buhay siya?!!"
Humangin nang pagkalakas-lakas na tinangay ang puting kurtina sa kinakalawang na bintana. Bumagsak si Wendy sa maalikabok na sahig habang nanlalaki pa rin ang mga matang nakatingala sa akin. Kitang-kita ko ang panginginig niya, maging ang panlalamig niya ay nararamdaman ko.
Mula sa gilid ng aking mga mata ay nakita kong nagkakagulo ang aking mga kaklase, ang iba'y tumakbo sa pinakadulo ng classroom at doon nagsiksikan. Habang ang iba nama'y gustong lumabas ng silid, subalit iisa lamang ang pintuan na kung saan ako naroroon. Nakaloloko akong ngumisi at tinadyakan ang pinto upang sumara. Lalo silang nagsipag-sigawan sa takot.
"T-Tawagin ninyo si Dead Chicago!!"
"Aaaaaaaaaaaaaah!!!"
"Imposible! H-Hindi 'to pwedeng mangyari! M-Matagal na siyang... patay!"
Dahan-dahan kong nilapitan si Wendy na hindi na nakagalaw pa sa kaniyang kinalalagyan. Nilahad ko ang aking kanang kamay para sana siya'y tulungang makatayo.
"Tumayo ka..." Ngumiti ako sa kaniya. "Wendy."
Namula ang kaniyang mga mata, kasabay niyon ang pangigilid ng kaniyang mga luha. Mabilis na kumibot-kibot ang kaniyang labi at sa wakas ay malakas siyang napahagulgol.
Naitabingi ko ang ulo. "Wendy?"
Paatras siyang gumapang sa sahig sa halip na abutin ang aking kamay. Nanginginig, takot na takot at pabilis nang pabilis niyang iniling-iling ang kaniyang ulo. Unti-unting nawala ang aking ngiti sa pabilis na pabilis niyang paggapang papalayo sa akin hanggang sa mauntog ang katawan niya sa pader.
"AAAHHH!!!" Sumabunot siya sa sariling buhok habang pasigaw na humahagulgol.
"--?"
Lumakad ako sa sentro ng classroom at pinagmasdan ang lahat. Walang pinagbago, sila-sila parin, magmula noon hanggang ngayon. Walang nabawas, walang dumagdag... at wala paring namamatay.
Suminghap ako sa umalingasaw na pamilyar na amoy ng classroom at napabulong sa sarili. "Amoy dugo."
Para silang binuhusan ng sobrang lamig na tubig, pare-pareho paring nanlakaki ang mga matang nakatitig sa akin kahit wala akong ginagawa.
Sandali kong naitabingi ang ulo sa pagtataka at saka lamang napagtanto. "Oo nga pala... "
Bigla ay nagtama ang paningin namin ni sir Danilo. Bahagyang kong nilakihan ang aking mga mata at hindi napigilan ang bugso ng damdamin. Ngayon ko lamang napagtanto na narito rin siyas a loob ng classroom, akalain mo 'yon? Pero bakit nakikitago siya sa mga estudyante?
"Hindi pwede!! Matagal ka nang patay!! Isa lang 'tong kalokohan! Patay ka na, Mei Yezidi! Patay ka na!!" Nababaliw, nagwawalang pinaghahagis ni Sir Danilo ang mga upuan na kaniyang nadadampot sa pader.
Nagmamatapang man ang kaniyang asta. Subalit hindi ko magawang masindak gayong kitang-kita ko ang malamig na pawis na tumutulo sa kanyang noo at leeg. Umaangat-baba ang kaniyang dibdib at ramdam ko ang malalamig niyang paghinga.
"Mukha ba... akong patay?"
"Impostor! Isa kang impostor!!!" Lumulobo ang ugat sa kaniyang leeg. "Tama, isa ka lang impostor!!!"
"Hindi ikaw si M-Mei!" Umiiyak na inagaw ni Wendy ang atensyon ko sa gilid ng silid kung saan siya nag-iisa. May nanlalambot na mga tuhod siyang tumayo, nanginginig ang katawan. "P-Patay na si Mei... patay na siya!!!"
"Hindi 'to pwedeng mangyare!!!" Muling nabuhay ang malaking boses ni Sir Danilo at malakas na bumubulong sa sarili. "T-Tama... dahil imposibleng mangyaring buhay si Mei... hindi ikaw siya... hinde! "
Muli kong binaling ang atensyon sa kaniya na may naglalarong mga mata. Ang kaninang takot sa mukha niya ay napalitan ng sobrang pagkagalit, namumula ang kaniyang mukha kasabay ng pagsigaw niya nang pagkalakas-lakas.
"Hindi ikaw si Mei!!!" Matulin at parang hangin siyang humarurot ng takbo puntirya sa akin.
Mabilis na pumulupot ang dalawa niyang kamay sa aking leeg at malakas na sumalampak ang likod ko sa pisara. Pilit niya akong binaon roon nang may nagkikiskisang mga ngipin at nanliliksing mga mata. Ganoon kalapit ang mukha namin sa isa't-isa habang sakal-sakal niya ang aking leeg. Nagsigawan ang aming mga kaklase.
"Sir Danilo, 'waaag!!!"
"Anong 'wag?!! Patayin mo siyaaaa!!!"
"Patayin mo na siya, Rimmon!!!"
"Pagkakataon na nating lumabas!"
Napabulalas ako ng tawa habang malalim siyang tinitigan, hindi apektado ng kaniyang pagkakasakal. "Hanggang ngayon ba hindi ka parin marunong sumunod sa batas ng Murim?...Sir?"
Nasa batas ng eskwelahan na hindi maaaring kumitil ng buhay ang sinuman hanggat hindi nangyayari ang katapusan. Gaano sila kabobo para hindi 'yon maunawaan?
Unti-unting nabago ang ekspresyon niya sa pagtitig sa mga mata ko. Kusa na lamang lumuwag ang pagakakasal niya sa leeg ko. Natitigilan siyang napaatras na wari'y may naalala.
Ang katapusan ay nangyayari lamang tuwing sa pinakahuling araw ng kada buwan. Ito rin ang tawag sa araw kung saan nangyayari ang p*****n sa pagitan ng mga estudyante sa Murim upang ipamalas ang kanilang mga natutunan.
Ang araw na ito ang higit na kinakatakutan ng mga junior students, at kinagigiliwan naman ng mga seniors. Dahil sa oras na makalinya ka na sa quadrangle sa araw ng iyon, walang awa at paraya para sa mahihina.
Apat na sitwasyon lamang ang maaari mong kahahantungan pagkatapos ng katapusan. Una ang may pinakamalaking posibilidad---mabubura ang pangalan mo sa eskwelahan at maglalaho ang iyong bangkay. Pangalawa, mananatili kang buhay subalit kritikal ang 'yong kondisyon at kapag nangyari iyon, bababa ka sa ranggo at mababa rin ang magiging trato sa'yo.
Pangatlo ang mahirap gawin, mananatili ka sa maayos na sitwasyon na hindi bumababa sa ranggo at hindi rin tumataas. At ang pang-apat at pinaka-imposible sa lahat---kung saan isa ka sa tatlong may pinakamataas na ranggo, na siyang na tinitingala, nirerespesto at kinakatakutan ng lahat.
Nakabase ang ranggo mo sa bilang ng mga napatay mo. Ang pag-aaral sa Murim ay hindi para sa lahat, at may rason kung bakit kami nandirito, sapilitan man o kusang pumasok.
Tuwing araw ng katapusan, marahil pagkitil ng buhay ang minarapat naming gawin dito, may mga batas parin ang dapat na masunod bilang mapalago ang disiplina at kaayusan. Ang sinumang lumabag ay katumbas ang ulo na magiging palamuti sa gate ng Murim. Sa oras na magsimula ang p*****n, walang sinuman ang maaaring magpapigil nito hanggat hindi natatapos ang nakatakdang oras. Ang patayang magaganap ay tumatagal lamang ng isang oras. Ganundin, sa oras na matapos ang nakatakdang oras, wala nang sinuman ang maaaring magsimula nito.
Ang pinakamahigit na batas ng Murim, hindi lamang sa araw ng katapusan ay ang labanan sa pagitan lamang ng mga estudyante. Hindi pwedeng makialam ang mga guro o sinumang bahagi ng eskwelahan na hindi estudyante, kahit pa ang Dean ng eskwelahan.
"Sir Danilo! Patayin mo na siya!!!" Bumalik ako sa reyalidad nang muling sumigaw ang aming mga kaklase.
Subalit lumipas ang ilang segundo nang hindi siya makagalaw sa kinatatayuan. Nakita ko ang panginginig ng mga tuhod at kamay niya. Hindi niya magawang kumurap man lang habang may namumulang mga matang nakatitig sa akin.
Bigla ay napabulalas ako ng tawa. Makailang beses akong humakbang sa kaniyang harapan. Kahit na siya'y lalaki ay hindi nagkakalayo ang aming tangkad.
"Matagal ko na 'tong gustong malaman, sir Danilo." Inilapit ko ang aking labi sa tainga niya at bumulong. "Paano ka nga ba nakakaihi? Kahit na..." Binaba ko ang aking paningin sa pagitan ng kaniyang mga hita at ngumisi nang nakaloloko. "Kahit na putol na 'yan."
Halos lumuwa ang mga mata niya sa labis na panlalaki. Nawala ang kanina niyang pinamalas na katapangan at tumulala siya na para bang may bumalik sa kaniyang alaala.
"M-Mei... i-ikaw..."
Sabay-sabay at malalakas na napasinghap ng hangin ang lahat. Bigla na naman akong may napagtanto.
"Oo nga pala... malalakas ang pandinig ninyo."
Bago pa sila muling may makaimik ay malakas na kumalabog ang pintuan. Lahat kami ay napatingin doon. Tumiwangwang ang pinto at iniluwa niyon ang mga guro. Nangunguna si Dean Chicago, sa kaniyang likuran ay si Miss Hermosa at mga guwardiya. Pare-parehong nanlalaki ang kanilang mga mata.
"Mei Yezidi." Usal niya sa malalim na boses at kaagad tinikom ang bibig. Kahit na kulubot na ang balat at abo na ang buhok ay walang bakas ng katandaan sa kaniyang postura habang nakatitig sa akin.
"DEAN CHICAGO!!!" Nagsipag-takbuhan ang aking mga kaklase, maging si sir Danilo patungo sa kaniya na para bang dumating ang kanilang tagapagligtas at kaagad na nagsipag-unahan sa paglabas ng classroom.
Naiwan ako sa loob habang walang emosyong nilalabanan ang titig ni Dean Chicago.
"Kamukha mo... ang dating estudyante rito na nagngangalang Mei Yezidi Cleveland." Walang reaksyon, buo at malalim ang boses niyang sabi.
Umangat-baba ang aking mga balikat, inilagay ko ang aking kamay sa aking labi, pinipigilan ang mapatawa. K-Kamukha? Kamukha?
"Magpakilala ka at sabihin mo sa'kin kung paano ka nakapasok sa paaralang ito?" Wala mang mababasang reaksyon sa mukha, subalit ang tono ng kaniyang boses ay seryosong-seryoso na tila ba'y sa oras na mali ang iyong masabi ay handa ka niyang kitilan ng buhay.
Hindi ako tumugon at hinayaang sayangin ang mga segundo. Hindi namin inalis ang matalim na titigan sa isa't-isa. Hanggang sa nagsalubong ang kaniyang mga kilay at muling nagsalita. Sa pagkakataong iyon ay hinugot na niya ang kaniyang kampilan.
"Anong pangala--"
"Mei." Walang emosyon kong putol sa kaniya. "Student recruitment... ang dahilan kung bakit ako nandito."
Hindi kaagad siya tumugon at inusisa kung nagsasabi ako ng totoo. Malaks siyang suminghap siya ng hangin at napipilitang tumango.
"Kung gano'n, sundan mo 'ko sa opisina."
Tumalikod siya at matutunog ang mga yakap siyang naglakad paalis. Ang mga guro at guwardiya ay kaagad na nakasunod sa kaniya na wari'y nakakadena. Nanliit ang aking mga mata.
Dean Chicago... Kung mas lalo mo lang ipapakita sa aking kalmado ka, mas lalo ko lang malalaman kung gaano ka naaalarma.
Bago pa ako makahakbang ay mayroong magkakasunod na mga yapak ng sapatos ang kumakaliskis sa sahig. Palakas iyon nang palakas na tila ba'y palapit nang palapit sa aking kinaroroonan.
Hanggang may isang babae ang hinihingal na humawak sa magkabilang gilid ng pader ng pintuan ng classroom. Hindi inaasahang mapapako ang mga mata namin sa isa't-isa sa bilis ng pangyayari.
Subalit hindi gaya ng iba, ang reaksyon niya nang makita ako ang siyang kinagagalak kong makita. Naramdaman ko ang pagtaas ng kaniyang balahibo at ang panlalamig ng kaniyang katawan. Nasaksihan ko ang unti-unting pagkaputla ng kaniyang mga labi. Nanginig at nanigas siya sa kaniyang pwesto.
"Mei..." Namamaos niyang bigkas sa aking pangalan.
Nanatiling walang emosyon, nanlalamig ko ring binigkas ang kaniyang ngalan. "Mal."
Halos tumigil ang ikot ng orasan para sa aming dalawa. Ang kurtina na kanina pa tinatangay ng hangin ay tuluyan nang nilipad at bumagsak sa maruming sahig. Sa sandaling iyon, pareho kaming nakatingin sa bangungot ng isa't isa.