MAL'S POV
"AAAHHH!!! "P-PAANO?!""
Walang kasing lakas akong nagwala sa aming dormitoryo. Ang kaninang maaayos na mga gamit ay sira-sira at basag-basag na. Namataan ko ang aking itsura sa salamin at nakita ang labis na pamumula ng aking mga mata sa panlalaki. Nang balingan ko si Vee na nanonood sa akin ay halo-halong reaksyon ang nakapinta sa kaniyang mukha na para bang gulong-gulo din ang isipan.
Pare-pareho kaming naghahanap ng kasagutan. Makailang beses pa akong huminga ng malalim hanggang sa bumigay na ang aking mga tuhod at napaupo na sa aking kama.
Mahabang oras ang lumipas na tahimik ang kwarto. Nang batid kong maramdaman ni Vee na kumalma na ako ay saka lamang siya nagsalita.
"M-Mal, ano nang gagawin natin? Sino ang babaeng 'yon? Dahil imposibleng buhay si Mei! P-Pinatay na natin siya...d-diba? Paano siya makakaligtas sa malalim na hukay?" Uutal-utal na aniya.
Nahilot ko ang sintido at bahagyang sumakit ang aking ulo. "Hindi ko alam, Vee! Hindi ko alam!"
"Hindi kaya..." Nakagat niya ang ibabang labi. "Talagang nananadya siyang gayahin si Mei? O hindi naman kaya may kambal siya o ano?"
Matalim na mga mata ko siyang tinitigan. "Hindi pa ba malinaw na may pakay siya? Tsaka ako ang kapatid ni Mei! Kahit magkaiba kami ng ina, wala siyang kambal! E'di sana sinama ko na 'yon sa libingan niya!" Kumuyom ang panga ko.
Malakas akong nagpakawala ng hininga at pilit kinalma ang pintig ng puso ko. Kung iisipin, imposibleng mabuhay si Mei. Alam ko ng demonyo ang babaeng 'yon, pero isang kagaguhan na gumapang siya palabas ng hukay. Kung sino man ang babaeng 'yon, kitang-kita naman kung anong pakay niya! Hindi dapat ako matakot. Napatay ko na ang Mei noon, paniguradong ako parin ang papatay sa Mei ngayon!
Subalit alam ko sa sariling hindi ko siya magagawang mapatay ng mag-isa. Kailangan ko ang pwersa ng mga estudyante at pahintulot ni Dean Chicago.
"Ano na'ng gagawin natin ngayon, Mal? Paano ba nangyari ito?" Nauubusan siya ng lakas na napaupo sa sariling kama ng aming dorm.
Nagkiskisan ang aking mga ngipin. "Sa darating na isang linggo ay katapusan na. Papatayin natin siya, Vee. Bago pa may mapugutan ng ulo sa'tin."
Tatlong buwan na lang makakalabas na ako sa eskwelahan na 'to. Hindi ko hahayaang masira ang mga plano ko dahil lang sa babaeng 'yon. Isang taon nang patay si Mei. Kahit hukayin ko pa ang hukay niya ay paniguradong nandoon ang mga buto niya!
Nagdugo ang ibaba kong labi sa labis na pagkagat. Bakit nga ba hindi ko ipahukay ang libingan niya? Tumalim ang mga mata ko at napatitig kay Vee.
Natigil lamang ang pag-iisip ko nang kumalabog ang pintuan ng kuwarto at iniluwa niyon sina Ashlee at Terra.
"Mal!!!" Bungad ni Ashlee sa amin nang may nanlalaking mga mata. "Si... Mei... SI MEI! B-Buhay si Mei!!!"
Nanatili kaming tahimik ni Vee. Mas lalong naiirita ang tainga sa naririnig. Ang kaninang napakalma kong damdamin ay para na naman gustong sumabog!
"Anong nangyayari, Mal?! B-Bakit nakita ko ang mukha ng babaeng 'yon sa opisina ni Dean Chicago?!" Gulong pagtatanong ni Terra, nasa akin ang paningin.
Sa halip na tumugon ay maabilis akong napatayo. Tumutunog ang mga ngipin ko sa labis na panggagalaiti. Lumabas ako sa dormitoryo at naramdaman ang pagsunod nilang tatlo.
"Saan ka pupunta, Mal?"
Nagmamadali akong lumabas ng gusali nang may madilim na mga mata. Imposibleng walang gawin si Dean Chicago. Kailangan kong malaman kung anong plano niya sa babaeng 'yon.
Nakarating kami sa unang palapag ng kabilang gusali. Mula sa gilid ng mga mata ko ay nakita ko ang mga estudyanteng nagkalat sa lugar. Lahat ay maiingay ngunit isa lamang ang naging usapan. Samantalang ang mga bagong estudyante na walang kamalay-malay sa taong nagngangalang Mei ay walang maibigay na opinyon.
Madalim ang pasilyo dahil sa gubat na nakapalibot sa labas. Natanaw ko na ang opisina ni Dean Chicago sa hindi kalayuan at mas lalo ko pang binilisan ang paglalakad.
Nang malapit na ako ay biglang nanginig ang aking katawan na para bang may kuryenteng dumaloy. Ang matalim kong mga mata ay napalitan ng panalalaki dahil sa gulat. Nakita ko ang babae na lumabas ng opisina ni Dean Chicago. Ito na ang pangalawang beses na nakita ko ang mukhang iyon ngayong araw. Noong una ay napahiya ako nang bumagsak ako sa sahig at kaagad akong inalalayan ni Miss Hermosa patungo sa dormitoryo. Ngayon ay pinilit kong tigasan ang aking mga binti habang nilalabanan ang mga titig niya.
"M-Mei..." Dinig kong usal ni Vee sa likuran ko. Naramdaman kong dumikit sila sa akin na para bang ginawa akong pangharang.
Madiin kong pinagdikit ang aking mga labi. Hindi siya si Mei... Hindi siya si Mei!
Nang hindi ako kaagad nakabawi sa pagkabigla ay nakita kong naglalakad na ang babae papasalubong sa akin. Ang mga labi niya ay nakangisi ng nakaloloko. May mapangahas na talim sa kaniyang mga mata. Hanggang sa dumaan siya sa aking gilid na hindi parin inaalis ang paningin sa akin.
"Humanda na kayo." Nanlaki ang mga mata ko kasabay ng paglukot ng aking mukha sa malamig niya pang bulong sa ere. Hindi lang ako kundi sina Vee, Terra at Ashlee ay labis na natigilan sa kinalalagyan.
Ilang segundo pa ang lumipas bago ko nagawang ilingon ang aking ulo. Wala akong ibang naririnig kundi ang mabilis na pagdagundong ng aking dibdib. Tinitigan ko ang likuran ng babae saka kinuyom ang aking mga kamao. Kaparehong pangalan at kaparehong mukha... subalit magkaiba ng pangangatawan.
Hindi mo ako maloloko, 'Mei'.
Mabilis kong nakalma ang aking sarili. Hindi dapat ako magpatinag. Sa dami kong pinagdaanan, ngayon pa ba?
Tuluyan akong pumasok sa opisina ni Dean Chicago nang hindi kumakatok. Binalibag ko pa ang pagsara niyon at nadatnan ang matandang lalaki na napatalon sa gulat sa kaniyang inuupuan.
Humawak siya sa kaniyang dibdib. "Walang respeto! Hindi dahil ilang beses na kitang pinagbigyan ay babalewalain mo na lang ang posisyon ko sa eskwelahang ito, Mal Yaotzin!"
Pasinghal akong napatawa sa sinabi niya. "Ibig mo bang sabihin---posisyon mo sa eskwelahang binaboy mo? Huwag mong kalimutan ang kabalastugan mo, Dean Chicago! Ako pa talaga pagagalitan mo?"
Napatayo siya at lukot na lukot ang mukha akong tinitigan ng masama. "Anong ginagawa mo rito?"
Naglakad ako sa harapan niya at pinandilatan siya ng mga mata. "Ano pa ba, Dean Chicago? Sabihin mo sa'kin kung anong plano mo sa babaeng 'yon?"
"TSK! Kung makapagtanong ka akala mo'y mas mataas pa ang katungkulan mo kaysa sa'kin! Malamang ay simula ngayon, isa ng estudyante ang batang 'yon!"
"HA!" Mas lalong nalukot ang mukha ko. "Ano ngayon kung isa na siyang estudyante rito? Ang gusto kong malaman ay kung paanong may kamukha ang Mei na 'yon! Maaaring pineke niya lang ang pangalan niya pero bakit naman niya gagawin 'yon?! Sino siya, Dean Chicago? Huwag mong sabihin sa'kin na wala ka lang gagawin?! Na hindi mo aalamin?!"
Malakas na sumampal ang palad niya sa aking kaliwang pisngi. Nakabawi kaagad ako sa pagtabingi ng aking ulo at natatawa siyang tinitigan.
"Hindi ikaw ang masusunod, Mal Yaotzin! Pero dahil masyado kang nagmamagaling, bakit hindi ikaw ang umalam! Pare-pareho tayong hindi nakakalabas sa eskwelahan na 'to kaya't wala akong magagawa. Tatlong buwan na lang at magtatapos na kayo sa pag-aaral sa eskwelahan na 'to. Huwag ka ng gumawa pa ng gulo o pare-parehong hihiwalay ang mga ulo natin sa katawan."
Ha! Imposibleng wala kang magagawa, Dean Chicago. Duwag ka lang kaya wala ka talagang gagawin! Dahil sa oras na mabuksan ang kaso ni Mei at makarating sa mga opisyal, ulo mo ang unang matatanggal.
Sa dinami-dami ba naman na mga batas ng Murim ang nilabag mo? Ewan ko na lang!
"Tama ka, Dean Chicago. Tatlong buwan na lang at makakaalis na rin ako sa paaralang ito. Pero huwag kang umasa na wala akong gagawin laban sa babaeng 'yon. Hindi ko hahayaang makakaalis din siya ng buhay dito." Tumalikod ako at naglakad patungong pintuan.
"Kung talagang gusto mong patayin si Mei. Gawin mo sa legal na pamamaraan. Ilang araw na lang at simula na ng katapusan. Doon, libreng-libre kang pumatay!"
Bahagya ko siyang nilingon nang hindi tumutugon. Tuluyan akong lumabas ng kaniyang opisina at kaagad sumalubong sa akin sina Vee, Terra at Ashlee. May pagtatanong sa kanilang mga mata.
Seryoso at matalim ko silang tinugunan. "Gaya ng sinabi ni 'Mei'. Humanda kayo."