FENRIZ'S POV
Tinaas ko ang isa kong kamay para takpan ang tirik ng araw na sumisilaw sa mga ko habang tanaw-tanaw ang Murim School. Tumaas ang sulok ng labi ko at tinatagan ang loob ko.
Hah! Ano nga 'yung sabi ni Dad? Hindi ko pa kaya ang sarili ko? Pwes tingnan natin!
"Salamat, manong!" Nag-abot ako ng isang libong pera sa matandang lalaki. Siya ang naghatid sa akin sa lugar na 'to. Pinalilibutan ng gubat ang lugar subalit napakaganda ng tanawin.
Hindi nabago ang mukha niya, nanatiling blangko at tinanggap ang pera. "Mag-iingat ka."
"Sige po!" Sinsero kong ngiti. Pinanood ko siyang maglakad pababa sa mabundok na gubat at maya-maya ay muling tinanaw ang school.
"I'll show my dad that I got it as a man." Buo ang loob ko na kinarga ang dalawang maleta at tumayo sa napakalaking gate ng school na ngayon ay naka-sarado.
Simula pagkabata lagi akong nakakulong sa mansyon at puro homeschooling! Hindi ako hinahayaan ni Dad na mag-decide para sa sarili ko. Kulang na lang ay sasabog na 'ko sa sobrang pagka-isolate sa mundo!
Lagi akong tinatakot ni Dad na magulo ang mundo lalo na sa school ng Murim. School ito ng mga martial arts at ang totoo ay nagpapatayan ang mga students. Magmula pagkabata ay lagi niya akong binabantaan na ipapasok sa school na 'to sa tuwing inaayawan ko ang homeschooling. Pero akala ba niya matatakot niya parin ako ngayong malaki na 'ko? Ha! Kaya naman palihim kong inimpake ang mga gamit ko, nagnakaw ng pera niya, lumayas at tinunton ang lugar na 'to. Sinong mag-aakala na kailangan ko pang sumakay ng eroplano at pribadong barko para makapunta lang sa isla na 'to? Malaki talaga ang tulong ni manong sa akin dahil siya lang sa lahat ng taong pinagtanungan ko ang nakakaalam ng school na 'to.
Namilog ang labi ko nang bumukas ang gate at niluwa no'n ang isang lalaki na may malaki at braskong katawan. Nakasuot ito ng purong itim na damit at mukhang guard. Walang pag-aatubili akong pumasok sa loob at nakita siyang muling i-lock ang gate.
"Good morning, guard! Saan po rito ang admission for enrollees?" Nakangiti kong tanong. "Junior high ako, second year."
Ang seryoso niyang mukha ay napalitan ng pagtataka. Mukha siyang may gustong itanong pero hindi naman nagsalita at naglakad lang papasok sa loob. Senyales iyon na sumunod ako.
Nakarating kami sa kaloob-looban at habang pinapalibot ko ang mga mata ko sa lugar ay hindi ko maiwasang mamangha at madismaya. Mamangha dahil sa lawak ng lugar. Maraming pwedeng pagtambayan at talagang halos lahat ay may espasyo. May tatlong building na magkakahiwalay. Ang nasa sentrong building ay may taas hanggang fifth floor at rooftop. Ang isa naman sa kaliwa ay may apat na palapag pero mas malaki ang haba kaysa sa sentro. At ang nasa kanan naman ay may dalawang palapag lang kung saan kami pumasok ng braskong guard. Nakakadismaya naman dahil mukha nang luma ang lugar at wala man lang renovation.
"Pumasok ka." Nanginig ako sa pagsasalita niya. Napakalalim ng boses! Tinuro niya ang kaharap na room.
Tumango naman ako at pinihit ang door knob para pumasok. Bumungad sa akin ang babae na mukhang nasa edad na thirty. May salamin ito habang nakapusod ang buhok---mukhang masungit. Nag-angat siya sa akin ng paningin at pinasadahan ang dalawang maleta na dala ko.
Walang pagtatanong na inilabas niya ang papel. "Maupo ka at sagutan mo 'to."
Isa iyong fill out form for enrollees kung saan ko nilagay ang buo kong pangalan, edad, at iba pang pribadong impormasyon. Pagkatapos ay kaagad niya iyong kinuha. May inabot sa akin na susi na mayroong room number at isang student handbook.
Ipinaliwanag niya na susi iyon ng magiging dormitoryo ko. Ang kaliwang building ang siyang dormitoryo ng mga students. Nang mahanap ko ang kwarto ay nakita kong walang katao-tao roon ngunit may mga gamit ang nakakalat. Nilagay ko lang sa sulok ang maleta ko at kaagad na pumunta sa sentrong buidling para naman bisitahin ang magiging classroom ko. Nakabase naman ang magiging grade level at section ko sa form na finill-up-an ko.
Miss Hermosa ang pangalan ng babaeng naghatid sa akin sa classroom. Napakatuwid nitong maglakad habang nakasunod lang ako. Ganoon na lang din katahimik ang lugar at tanging heels ng sandals ni Miss Hermosa lang ang naririnig tuwing tumatama ito sa sahig.
Class 3-3
"Ito na ang magiging klase mo magmula ngayon." Pormal na saad niya. Kumatok siya ng tatlong beses sa pintuan at pinagbuksan agad kami ng isang lalaki.
"Miss Hermosa," Bungad niya at dinungaw ako. "Bago? Pumasok ka." Presenta niya sa akin na agad kong sinunod.
Pagpasok ko pa lamang sa loob ng silid ay mayroon na akong kakaibang presensyang naramdaman. Sobrang tahimik ng lahat at mukhang naagaw ko ang atensyon nila. Lahat sila ay nakatitig sa akin na para bang hindi na sila kumukurap pa!
Maayos ang puwesto ng mga upuan at ang paraan nila ng pag-upo. Pero napansin ko lang na halos lahat sila ay dikit-dikit sa kanan at masyadong nasa harapan ang mga upuan. Kaya naman kapansin-pansin ang nag-iisang kinauupuan ng babae sa pinakasulok at dulo ng silid. Gaya ng iba, deretso siyang nakatitig sa akin na bahagya ko pang kinagulat. Wala sa wisyo akong napalunok ng laway at agad nag-iwas ng tingin.
"Mukhang may makakasama ulit kayo sa mga susunod na araw." Seryosong anunsyo ng lalaki at bumaling sa akin. "Magpakilala ka."
Napasinghap ako ng hangin saka naglakad sa pinka-sentrong harapan, katabi ng guro. "I'm Fenriz Wolf DeCavalcante, seventeen! I hope I can be friends with everyone! Let's all do our best!" Masigasig ko pang pakilala.
Tahimik pa rin ang lahat habang pinagmamasdan ako at wala man lang silang naging reaksyon. Bakit sa mga teleserye kapag nagpakilala ka, pumapalakpak sila? Bakit ganito ang sitwasyon ko!? Nakaramdam ako ng matinding pagkapahiya. Awkward! AHH!!
Nabasag lamang ang katahimikan nang magsalita ang guro. "Ako ang magiging guro mo magmula ngayon, DeCavalcante. Pwede ka nang maupo... sa bakante."
Kaagad akong nagling-linga ng paningin sa kabila ng kahihiyan para lang makaupo na agad. Kapag tumagal pa ako rito sa harapan, para na akong lalamunin ng buhay!
Nahinto ang mga mata ko nang makita ang nag-iisang upuan sa dulo. Katabi ng isang babaeng... sobrang tamlay ng itsura. Siya ang babaeng malayo ang upuan sa lahat. Para bang intensyonal ang pagkakalayo ng mga upuan sa kaniya.
Napalunok ako nang magtama ang paningin naming dalawa. Nanlamig bigla ang mga kamay ko sa ginawa niya. Wala mang emosyon ang mukha ay nanlalaki ang mga mata nito at mahigpit na nakatikom ang bibig habang nakatitig sa akin! Napalunok ako ng lihim.
B-Bakit gano'n itsura niya? Bakit gano'n siya makatingin sa'kin!?
Isinantabi ko ang isipin at mabagal na naglakad papalapit sa kanang upuan katabi niya. Ngunit ganoon na lang ang pagkabog ng dibdib ko nang mapansin ang mga kaklase ko na nakasunod ang mga mata sa akin sa paglalakad ko. Hindi nakatakas sa paningin ko ang ilan na napapailing. Nag-iwas na lang ako ng paningin at huminto sa gilid ng babae.
"Puwede ba rito?" Naniniguro kong tanong sa matamlay niyang mukha.
Tumabingi ang kaniyang ulo, sinusuri ang kabuuan ko na mayroon paring nanlalaking mga mata. AHH! Why are her eyes like that! Sunod-sunod pa akong napalunok. Hindi ko rin magawang alisin ang paningin sa kaniya, bakit ganito siya?!
Nakita ko nang tumalim ang paraan niya ng pagtingin sa akin. "Mm. Maupo ka." Malamig at mababa ang natural niyang boses.
Dali-dali akong naupo sa katabing upuan. Doon naman nagsi-iwas ng atensyon ang lahat.
Napakatahimik ng lahat at tanging maririnig lamang ay ang paggalaw ng orasan at ang tunog ng chalk habang nagsusulat ang gurong lalaki sa harapan. Hindi ako komportable sa layo ng distansya namin ng babae sa lahat. Para kaming gumagawa ng sariling mundo.
Nang bumaling muli ako ng paningin sa babae ay mabilis akong napaintag sa gulat. Nagtama ang mga mata naaming dalawa na para bang kanina niya pa akong tinititigan.
"M-May..." Tumikhim ako. "May problema ba?" Ngunot kong tanong.
"Wala." Tipid niyang tugon.
Sandali akong napatanga. Tumango na lamang ako at hindi na siya binalingan pa. Ngunit mula sa gilid ng mga mata ko ay nakikita ko pa rin ang pagtitig niya sa akin. Palihim kong kinagat ang ibaba kong labi para tiisin na lamang iyon. First time kong matitigan ng ganito! AHH!!
Ilang minuto ang lumipad at maya-maya lang ay hindi ko na kinaya ang pagtitig niya sa akin, hindi ko magawang huminga ng maayos dahil pinapanood niya ako! Ano bang problema ng isang 'to?
"It's rude to stare." Baling ko sa kaniya.
Sa halip na umiwas ay tumaas pa lalo ang dulo ng kaniyang labi. "Pasensya, hindi ko maiwasan."
Unti-unting lumaki ang mga mata ko. Napakurot ako sa sarili kong daliri. Paanong hindi maiwasan? Bakit... Bakit!
"Ako si Mei." inilahad niya ang sariling kamay sa akin.
Muli kong nakagat ang ibabang labi at nag-iwas ng tingin. "Hindi ko naman tinatanong."
Nawalan siya ng imik at nang balingan ko ulit ay wala ng emosyon ang mukha niya na kinagulat ko pa. Nakalahad pa rin ang kamay niya kaya't tinanggap ko iyon dala ng takot. "N-Nice to meet you pala..."
Nang hawakan ko ang kamay niya ay para akong humawak ng isang natutunaw na yelo! Napakalamig!
Kaagad kong binawi ko ang kamay. "Ano ba namang kamay 'yan?"
Nangunot ang noo niya."Kamay?"
"Bakit ganyan kalamig? Parang kamay ng bangkay!"
"Bangkay?" Tumabingi ang ulo niya.
Deretso siyang nakatitig sa akin. Ang mga mata ay puno ng pagiging inosente subalit hindi iyon akma sa itsura niya.
"Fenriz." Ganoon na lamang ang panandaliang pagkabog ng puso ko nang banggitin niya ang pangalan ko.
Binalingan ko siya ngunit hindi tumugon. Tinabingi naman niya ang sariling ulo na para bang nagtatanong parin.
"H-Huwag mo ngang gawin 'yan!!" Tukoy ko sa ulo niyang hindi manatiling tuwid!
Tinuwid niya ang posisyon niya at binawi sa wakas ang titig niya sa akin. Seryoso siyang humarap. Nang sundan ko ang tinitingnan niya ay saka ko lang namalayan na nakatingin na sa amin ang lahat, maging ang guro! Kaming dalawa lang ang maingay sa klase! Lalong-lalo na ang malakas kong boses! AHH!!