“Sweetheart, kila Jenny ka na lang muna sumabay mamaya. May tatapusin pa kaming thesis eh. Mag-iingat na lang kayo pag-uwi ha?” Nasa canteen sila at kumakain ng mga oras na iyon.
Simula no’ng araw na nagpunta si Aileen sa bahay nila, napagpasyahan nilang ituloy ang pagpapanggap nila bilang magkasintahan. Kaya naman hindi na rin siya nito ginulo pang muli. Nasa huling taon na rin sila ng kolehiyo. Kaya naman pareho na rin silang busy. Sadyang humahanap lang sila ng oras para magkasabay kahit sa pagkain lang.
“Okay. Sabihin ko ba kila tita? O tinawagan mo na sila?” tanong nito sa kanya.
“Tinawagan ko na si mommy, pero sabihin mo na rin para sure. Alam mo naman si mommy,” sabi pa niya rito sabay kagat sa kaniyang burger.
“Okay. Kila Jenny na lang ako sasabay. At last makakagala rin ng walang bantay!” nakangising saad pa nito sa kanya.
Masyado nga kasi siyang clingy pagdating kay Cherry. Gusto niyang present siya sa lahat ng lakad nito. Which is hindi naman nagrereklamo ang dalaga. Kasi ginagawa siyang alipin ng magbabarkada kapag may lakad ang mga ito, na game na game naman niyang pinagbibigyan.
“Masaya ka ha! Sige basta mag-iingat kayo. Sasabihan ko rin sila Jenny mamaya,” turan pa niya rito. Napa-ikot naman ang eyeballs ni Cherry sa sinabi niya.
“Tobby Ryan, jowang-jowa lang talaga? Relax ka lang diyan!” Nakangiti pang saad nito sa kanya.
“Oh, ‘di ba girlfriend nga kita? Kaya syempre concern ako sa iyo Chubs,” sagot naman niya rito.
“Tantanan mo ako Tobby! Hjkjghkkjhj” sagot naman nito sa kaniya. Hindi na naman niya naintindihan ang huling sinabi nito. Magtatanong pa sana siya nang lapitan sila ni RJ.
“‘Tol, halika na nagtatawag na si Dion. Hi Cherry!” Yaya nito sa kanya sabay bati kay Cherry. Tinanguan lang naman ito ni Cherry na ikinangisi niya.
“Sige ‘tol, susunod na ako. Magpapaalam lang ako sa girlfriend ko.” Pinagdiinan pa niya ang salitang ‘girlfriend’ dahil parang nagpapa-cute pa ito kay Cherry.
Ngumisi naman ang kaibigan saka naglakad palayo. Nakakunot-noo niya na lang sinundan ito g tingin. Hindi niya gusto ang paraan ng pagtingin ni RJ kay Cherry. Mukhang may gusto ito kay Cherry, delikado!
“Chubs, mauuna na kami ha? Iyong bilin ko ha? Mag-iingat kayo!” Tumayo na siya sabay halik sa noo nito.
Cherry’s POV…
So, in realiy, walang kami ni Tobby. Palabas lang ang lahat para tuluyan na siyang tigilan ni Aileen. Effective naman kasi hindi na siya ginugulo ng babaeng haliparot na iyon at bali-balita, may bago na itong nilalandi.
Nasanay na rin si Tobby na tawagin kong sweetheart. No’ng una sinasaway ko siya pero nang lumaon, hinayaan ko na lang kasi wala rin namang mangyayari kung kokontra pa ako. Never naman akong nanalo sa arguments namin ng magaling na lalakeng iyon eh. Saka feel na feel ko rin naman eh, ehehehe.
Kaya kanina no’ng nagbibilin siya, sinabi kong ma-grelax siya at pinaalala kong hindi kami totoong mag-jowa. Aba ang magaling na lalake sabihin ba namang girlfriend niya ako? Kaya sabi ko tigilan niya ako at ‘baka seryosohin ko siya’. Pero syempre dahil mahina ang pagkakasambit ko ng mga katagang iyon, hindi niya na naman narinig, hahaha.
Sinadya kong ‘wag lakasan para syempre hindi inya isiping gustong-gusto kong maging totoong jowa niya. Arte-arte muna ang ate niyo syempre. Saka kung talagang seryoso siya, aba manligaw muna siya kahit ten minutes lang, sasagutin ko siya agad, ehehehe. Harot ko talaga!
Well anyway, aarte pa ba ako? Si Tobby kaya iyon. Lahat ng katangian ng isang jo-jowain ay nasa kanya na. Matangkad, matipuno, maputi, matangos ang ilong, mapupulang labi, mapang-akit na mga mata, malalalim na biloy, matalino at malaki— anong iniisip niyong malaki? Kayo ha? Malaki ang puso at malambing! Oh, saan ka pa? Hahanap pa ba ako ng iba? Syempre hindi na!
“Sis! Taralets bagets!” excited na yaya ni Jenny nang makalapit ito sa kinauupuan niya.
“Let’s go! Teka nasaan na naman si Althea?” tanong niya sa kaibigan.
“Nasa CR. Puntahan na lang natin doon at alam mo naman ang isang iyon. Baka bukas pa matapos sa pag-aayos. Kala mo naman may jowang pinapagandahan!” Nagkatawanan pa silang dalawa.
Palagi kasing ganoon ang kaibigan nilang iyon, kung makapag-ayos akala mo palaging a-attend ng party. Naglakad na sila patungong CR upang sunduin si Althea. At tama nga sila, nagkikilay is life pa ang loka.
“Althea, taralets na!” sabi niya rito, hindi sila pinansin nito at itinuloy ang pagkikilay.
“Huyyy, mukha ka ng tao. Tara na!” wika naman ni Jenny rito.
“Wait! Isang stroke na lang,” sagot naman nito sa kanila, saka seryosong ibinalik ang atensiyon sa pagkikilay.
“Luh, may pa-one stroke ka pa riyan, baka kami ang ma-stroke rito!” tugon naman niya.
“Ito na nga oh!” saad na nito sabay tago ng mga gamit nito.
Sa wakas natapos din ito, kaya naman nakaalis na rin sila sa kanilang paaralan. Dumiretso sila sa mall dahil may bibilhin daw si Jenny para sa nobyo nito. Anniversary na kasi ng mga ito sa makalawa kaya ang loka ay natataranta sa pagbili ng ireregalo sa jowa nito.
“Anong regalo ba ang hinahanap mo Jen?” tanong niya sa kaibigan. Nasa mens section sila ngayon at tumitingin-tingin ng mga damit.
“Ewan ko ba riyan sa kaibigan natin, puwede namang ‘yung ano na lang ang iregalo niya, para hindi na gumastos eh!” pilyang saad ni Althea habang nagbubusisi ng mga polo shirt.
“Thea, ‘yang bunganga mo!” saway ni Cherry rito at pinandilatan pa ang kaibigan.
“Bakit ano bang masama sa sinabi ko? ‘Yung ano ang iregalo niya.” ulit pa nito, kaya pinanlakihan niya ito ng mga mata saka kinurot sa tagiliran.
“Masyadong makamundo ‘yang iniisip mo!” sabi naman niya rito.
“Hala anong makamundo? Ikaw Cherry ha, ikaw ang madumi ang utak! Ang sinasabi kong ano ay ‘yung painting ni Jenny. Ipininta na kasi niya si Ron, kaya bakit hindi na lang iyon ang ibigay niya sa anniversary nila? Ano ba ang iniisip mo Cherry?” Biglang namilog ang mga mata nito, saka napatingin sa kanya na ngayon ay namumula na ang mga pisngi.
“Oo na mali na ako ng iniisip! ‘Wag mo na akong tingnan ng ganiyan!” Sabay iwas niya ng tingin sa kaibigan.
Hindi naman siya tinantanan ng mga ito ng kakatukso. Hindi na lang niya ito pinansin at nagkunwari na lang na namimili rin ng bibilihin. Nakakahiya talaga siya!
“Teka, teka ‘di ba si Ron iyon?” tanong niya sa mga kaibigan nang makita ang kasintahan nitong may kasamang ibang babae.
“Oh-em-gee— teh si Ron nga!” bulalas naman ni Althea. Biglang hinila nila si Jenny para magtago.
“Beshy, tawagan mo dali! Tingnan natin kung sasagot siya.” Utos ni Althea kay Jenny.
“Paano kung hindi niya sagutin?” naluluhang tanong naman nito sa kanila.
“Hindi natin malalaman kung hindi mo gagawin gaga! Kaya tawagan mo na bilis!” May pagmamadali sa tinig na utos ni Althea.
Maya-maya pa’y tinatawagan na nga nito ang kasintahan. Sinagot naman nito ang tawag ni Jenny, ngunit sinabi nitong nasa bahay ito at gumagawa ng assignment. Sinungaling! Kaya naman agad nila itong nilapitang magkakaibigan saka isa-isa nilang sinampal ito. Hindi pa nakontento si Jenny at tinuhod pa niya ito.
“Magsama kayong dalawa! Break na tayo gago!” galit na galit na saad ni Jenny, sabay walk out nilang tatlo.
Nang makalayo na sila sa department store ay saka bumuhos ang luha ng kanilang kaibigan. Inalo naman nila ito at pinakalma. Ilang sandali pa ay niyaya na lang niya ang mga itong umuwi na. Sa bahay na lang muna nila sila mananatili habang pinapakalma ang kaibigan. Nang makarating sila sa kanilang bahay ay agad silang umakyat sa terrace at doon tumambay.
“Tobby, nasa bahay na kami. May problema si Jenny eh. Medyo okay naman na siya. Mag-o-overnight na lang sila ni Althea rito. Ikaw nasaan ka na?” tinawagan niya si Tobby para ipaalam kung nasaan na sila, at ng hindi na rin ito mag-alala pa.
“Pauwi na rin kami, katatapos lang namin gawin ‘yung thesis namin. Anong nangyari kay Jenny?” nag-aalalang taong pa nito sa kaniya.
“Basta mamaya na lang. Mag-iingat ka pag-uwi,” tugon naman niya rito.
“Okay, dadaan na lang ako riyan mamaya. Sige na Chubs, bye!” At tuluyan na nga itong nagpaalam.
Pagbabang, pagbaba ni Tobby ng jeep, nagmamadali itong nagtungo sa bahay nila Cherry. Pag-pasok niya sa bahay ng mga ito, nadatnan niya sa sala ang ina nito. Nagmano lang siya saka nagtungo sa terrace kung saan naroroon ang magkakaibigan.
“Hi Girls! Pizza anyone?” tanong niya sa mga ito. Agad naman siyang nilapitan ni Cherry at kinuha ang dala niyang pizza.
“Kumain ka na ba? Gusto mo dalhan na kita rito ng pagkain?” tanong ni Cherry sa kaniya.
“Hindi pa nga eh, may pagkain pa ba kayo?” nakangisi naman niyang tanong dito.
“Oo, teka ikukuha kita. Diyan muna kayo, mabilis lang ako.” Tumango lang siya saka hinarap ang dalawang dalaga.
“Mabuti pa si Cherry may Tobby na hindi marunong tumingin sa iba. Sana all Tobby kagaya mo!” sabi ni Jenny at umatungal na naman ito ng iyak.
“Hayyy naku beshy, tama na iyang pag-iyak mong iyan. Think positive! Baka naman hindi pa talaga si Ron ang itinakdang mahalin mo?” hinimas-himas pa nito ang likod ng kaibigan.
“Ano ba kasi ang nangyari?” tanong naman niya sa mga ito.
“Nahuli lang naman namin si Ron na may kasamang ibang babae sa mall. No’ng tawagan ni Jenny ang sabi, nasa bahay siya at gumagawa ng assignment. Eh ibang assignment pala ang inaatupag!” dire-diretsong kuwento ni Althea sa kanya.
“Tsk, tsk, tsk, ‘wag mo nga pag-aksayahan ng luha ‘yun Jen. Kung talagang mahal ka no’n, ‘di sana hindi siya nagloko. Saka ang tagal niyo na ‘di ba? Hindi naman din ito ‘yung first time na nagloko ‘yung gagong ‘yun ‘di ba?” naiinis niyang saad sa mga ito.
“Pangatlong beses na niya ito! Palagi niyang sinasabing wala raw kasi akong oras para sa kanya. Eh lahat na nga ng spare time ko sa kanya na napupunta eh!” humihikbi namang sambit ni Jenny sa kaniya.
“Kaya nga, this time kapag sinuyo ka na naman niya, ‘wag ka ng papaloko. Madami pang iba riyan na mas deserve para mahalin mo. Bigyan mo ng space iyang sarili mo para makahinga. Focus ka muna sa ibang bagay. Darating din ‘yung tamang tao para sa ’yo sa tamang panahon. Iiyak mo lang iyan ngayon, itodo mo na. Bukas pag gising mo dapat hindi ka na iiyak. Ang mga ganoong klase ng lalake ay hindi dapat iniiyakan,” mahabang payo niya rito.
‘Hanep sa payo Tobby parang tunay!’ Pang-aasar ng isang bahagi ng utak niya sa kaniyang sarili.
“Oh, tama na muna iyang drama niyo. Kumain na muna tayo.” Nilingon niya si Cherry na may dalang tray ng pagkain at inumin. Agad niya itong nilapitan at tinulungan.
“Tara kain!” Yaya niya sa mga ito habang inilalapag ang mga pagkain sa mesang naroon.
“Sige pizza na lang kami. Kumain na kami kanina, itong si Cherry lang naman ang hindi pa kumakain,” sagot ni Althea sabay abot ng pizza. Napatingin naman siya kay Cherry saka hinila ito paupo sa kanyang tabi.
“Bakit hindi ka pa kumakain?” masuyong tanong niya rito.
“Nagda-diet ako!” sagot naman nito sa kaniya.
“Anong diet-diet kang nalalaman diyan? Kapag nagkasakit ka tignan ko lang. Kumain ka saluhan mo ako.” Saka siya nagsalin ng pagkain sa isang plato para sa dalaga.
“Tobby naman eh! Konti lang— hindi na ako magkasya sa uniform ko eh!” nakasimangot nitong saad sa kaniya.
“Patatahian kita ng bago kay mommy, kaya kumain ka na riyan,” sagot naman niya rito. Isa kasing mananahi ang kanyang ina.
“Panira ka talaga ng diet ko!” Reklamo pa nito sa kaniya saka nagkamot ng kilay.
“Bakit nagre-reklamo ba ako sa katawan mo? Hindi ka naman mataba eh, malaki lang ‘yung mga salbabida mo!” Sabay ngisi niya rito. Sinimangutan naman siya nito saka inilayo ang plato.
“Ayaw ko na nakakainis ka!” nakangusong saad pa nito. Tumawa naman siya saka inilapit ang kutsara sa bibig nito.
“Joke lang ito naman! Sige na kain na tayo oh, subuan kita, say ahhhh.” Natawa naman ito saka ngumanga.
“Very good Chubs!” nang-aasar na sabi pa niya rito.
“Heh, tumigil ka na sa pang-aasar Tobby ha! Kaya ko ng subuan ang sarili ko!” Agad naman niya itong pinigilan nang akmang kukunin nito ang kutsara mula sa kaniya.
“Ako na para sweet! At para mainggit si Jenny,” natatawang sabi niya, sabay lingon sa kaibigan.
“Letse ka Tobby!” Binato naman siya ni Jenny ng piraso ng pizza crust.
Humalakhak naman silang tatlo habang si Jenny ay nakabusangot ang mukha. Sarap lang mang-asar ng babaeng sawi. Pero mas masarap mang-asar sa babaeng mahal mo. tapos lalambingin mo after. Hehehe.