So, time flies so fast. Matagal-tagal na rin noong huling beses silang nagkita ni Tobby at nananabik na siyang muling makita ang kababata. Anniversary ng parents nito at nagprisinta siyang mag-bake ng cakes and cup cakes para sa mga ito. Nag-effort din siyang mag-ayos dahil uuwi si Tobby ngayon. Na-miss niya ito ng sobra! Kaya excited na talaga siyang makita itong muli.
“Tita Martha!” tawag niya sa ina ni Tobby nang makapasok siya sa bakuran ng mga ito.
“Uyyy, Cherry halika pasok ka! Ang ganda naman yata natin masyado ngayon!” mapanuksong saad ng Ate Timmy ni Tobby. Nginitian naman niya ito at saka bumeso, bago pumasok sa loob ng bahay ng mga ito.
“Tita, Tito happy anniversary po!” Masayang bati niya sa mga ito nang makapasok siya sa kusina, kung saan siya iginiya ni Ate Timmy.
“Thank you hija! Naku nag-abala ka pa talagang mag-bake,” nakangiting saad naman ng ginang, habang kinukuha mula sa kamay niya ang bitbit niyang box ng cake at cupcakes.
“Syempre naman tita, para saan pa po at naging Pâtissier ako?” Nakangiting tugon niya sa mga ito.
“Aysus! Oh, siya maraming Salamat sa mga ito. Nasaan na si balae?” pabirong tanong naman ng tito Leo niya sa kaniya. Natawa naman siya na may kasamang kilig sa sinabi ng matandang lalake.
“Nasa bahay pa po. Papunta na rin po iyon, baka maya-maya nandito na rin po si mommy,” nakangiting sagot niya sa mga ito.
“Gano’n ba? Siya sige, pumwesto na kayo sa garden para makapagsimula na tayong kumain,” turan naman ng mommy ni Tobby.
“Mommy, hindi na ba natin hihintayin sila Tobby?” maya-maya naman ay tanong ni Timmy sa ina.
“Malapit na raw sila eh, sabi niya ten minutes ago. Kaya malamang na nariyan na ang mga iyon sa malapit,” sagot naman ng ama nito.
‘Sila? May kasama si Tobby? Bakit parang wala naman yata siyang nabanggit kagabi nang mag-usap kami na may kasama siyang uuwi rito?’ Gusto sana niyang tanungin ang mga ito kung sino ang kasama ni Tobby, nang biglang sumulpot ito sa pintuan ng kusina.
“Happy anniversary sa mga paborito kong magulang!” Masiglang bati nito sabay yakap sa mga magulang nito.
“Mga paboritong magulang ka riyan, bakit? May iba ka pa bang magulang?” Pabirong kinurot pa ito ng Tita Martha niya.
Tumawa lang ito saka hinalikan ang ina at ama. Gayon din ang ginawa nito sa kaniyang ate at sa pamangkin nitong karga na ni Timmy. Tumikhim siya saka ngumiti ng pagkatamis-tamis sa binata. Doon naman ito bumaling sa kanya.
Saglit na natigilan si Tobby nang makita si Cherry na nakatayo sa tabi ng mesa, kung saan nakalagay ang cake and cupcakes na alam niyang ito ang may gawa. Napakaganda nito sa kanyang simpleng ayos. Nakalugay ang buhok nitong hanggang bewang na kinulot sa dulo. At nakabestida ito ng kulay lumot, na hanggang tuhod ang haba. Lutang na lutang ang kaputian nito sa kanyang damit.
“Chubs! Kumusta naman ang pinakamalusog kong kababata?” Niyakap niya ito saka hinalikan sa noo nito na palagi niyang ginagawa. Agad naman siyang tinampal nito at pinandilatan na kanya namang ikinatawa.
“Puro ka talaga kalokohan!” sabi pa nito sa kanya.
Sabay pa silang napalingon nang may marinig silang tumikhim ng pagkalakas-lakas. Agad naman silang kumalas sa pagkakayakap ng isa’t isa nang lingunin ang tumikhim na iyon. Doon siya tila natauhan at muli siyang lumapit sa kasamang babae. Nakalimutan niyang may kasama nga pala siya. Masyado kasi siyang na-distract kay Cherry eh.
“Sorry babe. Si Audrey nga po pala mom, dad, ate Timmy, Chubs este Cherry pala.” Kakamot-kamot pa sa ulong sabi niya rito ng ipakilala niya si Audrey sa mga ito.
‘Ano raw Babe? As in baboy? Este girlfriend?’ gulat na gulat na tanong ni Cherry sa sarili.
Nagpapalit-palit nang tingin ang kanyang pamilya sa kaniya at kay Audrey. Saka nila nilingon si Cherry na nakaplaster ang ngiti sa mga labi, na halata namang pilit lang.
“Good afternoon po tito, tita, ate Timmy and Cherry.” Magiliw na bati nito sa pamilya niya at kay Cherry.
“Good afternoon din Hija. Hala sige magsipunta na kayo sa garden, ng maka-puwesto na kayo at makakain na rin tayo.” Pagtataboy sa kanila ng ina.
“Cherry, anak, tulungan mo muna ako rito ha?” Kinindatan pa ito ng kanyang ina.
Hindi niya alam kung bakit dinala niya si Audrey sa bahay nila. Wala naman talaga sa plano niya iyon, kaso inisip niyang kailangan niya ng distraction. Natakot siyang baka kasama ni Cherry si RJ kaya naisip niyang magdala ng date.
Audrey and him were dating for two months now. Kaya naman nang tanungin niya ito no’ng nakaraang buwan, kung puwede siyang maging girlfriend niya, agad naman itong pumayag. Kaya naman kahapon inaya niya itong umatend sa anniversary ng mga magulang niya.
‘Oo na bad boy na ako! At ngayon ay kinakain ako ng konsensiya ko,’ kastigo pa niya sa sarili.
“Tobby, halika nga saglit.” Tawag sa kanya ng ate niya.
“Babe, sandali lang ha?” paalam naman niya sa kasintahan, bago tumayo at sinundan ang kanyang ate sa isang sulok ng kanilang garden.
“What is this? What do you think you’re doing brother?” agad na sita ng kanyang ate nang makalapit siya rito.
“What? I brought my girlfriend. Anong problema roon ate?” tanong niya rito.
“Anong problema? Ikaw ang problema! You brought someone sa isang family gathering. Are you serious about that girl? Paano na si Cherry?” sunod-sunod na tanong ng kanyang ate sa kanya.
“What about Cherry? Wala namang kami ni Cherry ate. We’re just, friends,” mahinang sagot niya rito.
“Are you sure about that Tobby? Kilala kita Tobby, alam kong matagal mo ng gusto si Cherry. I just don’t understand, kung bakit hindi mo ipi-nur-sue ang panliligaw mo sa kanya.” Tila nafru-frustrate na rin ito sa sitwasyon nila ni Cherry.
“I don’t know. Mahal ko si Cherry ate but, I think mas mabuti ng walang kami. Natatakot kasi akong baka pag-inamin ko sa kanya ‘yung nararamdaman ko, mawala lahat sa akin. Ayaw kong tuluyang mawala si Cherry sa buhay ko ate. Hindi ko kakayanin,” nakayukong saad niya dito. Tinapik naman siya ng kanyang ate sa kanyang braso.
“And you think, sa ginagawa mong iyan, hindi siya mawawala sa iyo? Paano kung lahat ng kinatatakutan mo ay mali? Paano kung pareho pala kayong naghihintayan kung sino ang mauunang umamin ng nararamdaman? Tobby, sometimes you have to take the risk, to know the answer that you are looking for. Think brother, think.” Bumuntong hininga pa ito saka siya iniwang nag-iisa sa parteng iyon ng hardin.
Cherry’s POV…
Excited akong makitang muli si Tobby after a year na nasa malayo ito, talaga naman nami-miss ko na siya. Kaya ang ate niyo effort kung effort sa pagpapaganda. Nagpaparlor pa ako kahapon para lang sa kanya. Kaya naman maaga akong nagtungo sa kanila para dalhin ang cake at cupcakes na ginawa ko para kila tita.
Nang dumating ito, inihanda ko ang napakatamis kong ngiti. Kaso parang gusto ko iyong bawiin kasi may kasama pala isyang babae. Sino kaya ito? Lumapit siya sa akin at niyakap niya ako ng mahigpit saka hinalikan ako sa noo. Awww! Na-miss ko talaga siya.
Kaso may panira ng moment namin. Napaka OA lang naman tumikhim ng kasama niyang babae. Papampam lang ang loka. Nabitin sa ere ang pagtataray ko nang tawagin ni Tobby itong ‘BABE’. May jowa na siya? Nagkunwari na lang akong hindi apektado at pilit akong ngumiti sa harapan nilang lahat. Buti na lang at magaling si Tita Martha. Ipinagtabuyan silang magtungo na sa garden habang kami naman ay naiwan sa kusina.
Nang masiguro ni Tita na nakalabas na ang mga ito, agad niya akong nilapitan at pinaupo. Doon na tumulo ang luha kong kanina pa pinipigilan. Mabuti na lang at wala ni isa sa mga ito ang bumalik sa kusina. Hinagod ni tita ang aking likod habang ibinubuhos ko ang sama ng loob ko kay Tobby. Paano pa ako aasa kung may jowa na siya? Paano na ang puso ko? Mahal ko si Tobby, noon akala ko gusto ko lang siyang jowain. Pero ngayon nang makita kong may kasama siyang babae, na-realize kong mahal ko pala siya.
Ang hirap naman ma-in love lalo na kung ‘yung taong mahal mo ay may mahal ng iba. Ang sakit mga sis! Tagos hanggang buto! Anong laban ko doon sa Audrey na iyon? Maganda, mahinhin, sexy, mukhang mabait at higit sa lahat mahal ni Tobby. Huhuhu. Bakit? Bakit kasi late na ng ma-realize kong mahal ko pala siya? Kung nalaman ko lang ng mas maaga ‘di sana noon pa nasabi ko na sa kaniya ang nararamdaman ko. Baka sakaling may chance na naging kami.
Nang mahimasmasan ako, nagpaalam muna ako kay Tita na uuwi muna. Naintindihan naman niya ako kaya pumayag na rin siya. Nang palabas na ako ng bahay nila, narinig ko pa ang sinabi ni Tobby sa ate Timmy niya. Sinabi niyang wala namang kami, na magkaibigan lang kami. Ang sakit-sakit na talaga ng puso ko kaya naman hindi ko na tinapos ang usapan nila ng ate niya. Nagtatatakbo na ako pauwi sa bahay namin at nagkulong sa kuwarto ko.
Siguro naman mamaya magiging okay na ang pakiramdam ko. Sana lang talaga maging okay na ako mamaya. Naisip ko na lang ding umalis ng bahay at magpunta kila Jenny. Doon na lang muna ako hanggang matapos ang araw na ito. Hindi ko pa kayang harapin si Tobby ng hindi nasasaktan.