"Nakikipaghiwalay ka ba sa akin?" masakit na tono ni Glenn habang may ano'ng nagbabara sa lalamunan.
Nagpawala ng may kabigatang hininga si Arianne. Nang ilipad niya ang mga mata sa daan ay nahagip nang tingin niya ang parating na pampasaherong jeep.
"Ma-mauna na ako," nanginginig niyang boses na paalam bago naglakad.
"Teka, Arianne-" Mabilis na iniwaksi ng dalaga ang braso nang hawakan ng binata.
Isang matalim na tingin ang ipinukol niya rito kaya't natigilan si Glenn. At tila nakadama ng pagkapahiya.
"Huwag mo muna akong kausapin-"
"Ano, gano'n na lang 'yon?"
"Aalis ka na lang?" patuloy na hurimintado nito.
Kinamot ni Arianne nang marahas ang buhok dahil sa bwisit. Napupuno na talaga siya sa mga pinagsasabi ng nobyo.
Pagod na nga siya sa trabaho, pati ba sa relasyon na ito?
"Glenn, puwede ba?!"
"Puwedeng pagpahingahin mo muna 'ko?"
"Kasi sa totoo lang, ubos na ubos na ako e. Sa trabaho, sa pamilya ko, pati ba naman sa 'yo?" naging mapait ang naging tono niya sa mga huling tanong.
Naging malungkot naman ang anyo ni Glenn. Dinig niya ang sakit, at kumurot sa kaniyang puso ang mga binitiwan ng dalaga.
Hindi na namalayan ni Arianne ang pagkawala ng mga luhang umaalpas na sa mga matang mabigat na ang talukap dahil sa pagod at puyat.
"Dapat ikaw 'yong puwede kong pagpahingahan sa nakapapagod kong araw."
"Pero heto ka, nagrereklamo. Big deal na big deal 'yong simpleng pag-upo ko lang sa customer para makadagdag sa su-swelduhin ko," mahaba, at mabigat na mabigat niyang pahayag.
"Ano ba'ng gusto mong gawin ko?"
"Hayaan ka sa ganoong klaseng trabaho?" nananuyang katwiran ni Glenn habang nakataas ang makakapal, at maiitim na mga kilay.
Napailing si Arianne, sakto namang bumisina ang jeep. Inirapan niya muna ang binata bago tuluyang naglakad palapit sa sasakyang hinihintay na siya.
"Arianne!" tawag ni Glenn sa dalagang daig pa ang bingi dahil sa hindi paglingon sa tawag niya.
Pinatigas niya ang leeg para hindi lingunin ang binatang nasa gilid ng daan, at dismayadong nakatingin sa kaniya.
Agad niyang pinunasan ang luha nang tumulo. At minabuting pagmasdan na lamang ang nasa labas ng bintana.
Kahit palayo na ang jeep ay hindi pa rin napupuknat ang pagkatingin ni Glenn sa sasakyang palayo sa kaniya.
Habang pinagmamasdan ang nobya na literal na lumalayo at lumalabo, ganoon na rin ang relasyon nila.
"O, ang aga mo! Akala ko ba ala-una pa nang madaling araw ang uwi mo?" bungad ni Mercedes sa panganay na anak na si Arianne.
Bigat na bigat ang katawan niya habang dire-diretsong nagtutungo sa kapirasong silid. Naabutan niyang nakahiga sa sahig ang mga nakababatang kapatid, sina Aaron, Arci at Jacob.
Umiiyak niyang hinubad ang lumang shoulder bag. Bago tuluyang tumabi sa mga batang itinuturing niyang lakas sa nakauubos na mundo.
"Ano na?!"
"May sahod ka ba?!" bunganga sa dalaga ni Mercedes habang nasa makipot na pintuang nahaharangan ng kurtina.
"Wala po. Natanggal ako, bukas maghahanap ako ng trabaho-"
"Leste! Tanggal ka naman?!"
"Anong klase ka bang empleyado?!"
Tumagilid si Arianne para talikuran ang inang hindi man lang siya tanungin kung ano'ng nadarama niya.
"Bakit kasi hindi ka mag-asawa ng mayaman nang hindi ka napapagod sa kakarampot na sahod na 'yan?!"
Ilang beses na siya nitong pinagtutulakan sa mga lalakeng ka-barangay, at makilala nitong mayaman para sa pera.
Pero alam ni Arianne sa sarili na kahit mag-away man sila araw-araw, at paulit-ulit.
Si Glenn lang ang laman ng kaniyang puso.
Noon, hanggang ngayon at sigurado siyang sa habang-buhay.
"Bwisit na buhay na 'to!"
"Nagka-anak ka nga ng maganda, wala namang utak!"
"Gamitin mo 'yang hitsura para magkapera!"
"Hindi 'yong nagtitiyaga ka sa syota mong kamukha nating mahirap!" patuloy na daldal ni Mercedes, at galit na hinawi ang kurtina nang lumabas ng kwarto.
Tumihaya si Arianne habang sabog ang sandamakmak na mga luha. Patuloy ang pag-agos no'n sa kaniyang pisngi habang nakatitig sa butas-butas na kisame.
Kung may pagpipilian lamang siya ay tumakbo, at sumama na siya kay Glenn. Wala man itong ganoon karaming pera, kontento at punong-puno naman siya sa alaga at pagmamahal.
Napalinga siya sa mga kapatid na mahimbing na natutulog. Hindi kaya ng konsensiya niyang iwanan ito sa ina.
Hindi siya ganoong makasarili para piliin ang sarili.
Tinungga ni Glenn ang bote ng beer habang nakatanaw sa ilog. Kasalukuyan siyang nasa lugar kung saan madalas silang pumunta ni Arianne.
Inilahad ng binata ang kamay, at naroon ang isang simpleng kwintas. Kwintas, na pinahirapan, at pinagpaguran niyang bilhin.
"Arianne," naiiyak niyang usal.
Kung mayaman sana siya, hindi na sila aabot sa ganito. Sa araw-araw, at walang katapusang away kaso pareho lang silang kapos sa buhay.
May ama nga siyang mayaman.
Wala namang kwenta!
Ayaw niyang lumapit doon, at manghingi ng tulong.
Iniwan siya ng ama noong sanggol pa lang siya kaya't wala sa hinagap na makita niya ang sarili na lumapit sa taong iyon.
"Aaron, ayos ka lang?"
Matulin, at nababahalang bumangon paupo si Arianne matapos maalipungatan nang bumangon paupo ang kapatid.
"Bakit, Aaron?" nag-aalalang tanong niya.
"A-ayos lang ako, Ate."
Nagmasid siya sa paligid, wala silang electric fan. At mainit sa loob na madilim nilang kapaligiran.
"Sige, sandali lang. Kukuha ako ng tubig," Tumayo siya, at nagpunta sa marumi nilang kusina.
Nang bumalik siya sa kwarto ay agad niyang pinainom ng tubig si Aaron. Habang naiinom ng tubig ay pinagmasdan niya ang kapatid.
"Aaron, gusto mo magpunta tayo sa Doktor?"
"Huwag na, Ate," tanggi nito habang nakahawak sa mga braso, ganoon na rin sa mga binti habang nakatungo.
"Masakit na naman ba ang braso, at mga hita mo?"
"Ilang buwan mo na 'yang iniinda, ha?"
"Baka kung ano na 'yan-"
"Hindi. Baka kanina lang 'to no'ng naglakad ako, matutulog na lang ako."
Nakangiting ibinalik ni Aaron ang baso ng tubig kay Arianne bago humiga. Hindi pa rin niya inaalis ang nag-aalalang tingin sa kapatid.
Matagal na niyang napapansin ang madalas na pagsakit ng mga buto nito sa mga hita at binti. May pagkakataon pa na nahihimatay ang kapatid, at nagdudugo ang ilong. Mas lalo lang nadagdagan ang bigat sa puso ng dalaga.
"Hello?"
"Arianne, anong atin?" tanong ni Kia, kaibigan niya sa kabilang linya.
"Nasa trabaho ka ba?"
"Oo. Magdamagan kami rito sa Casino. Bakit?"
Naglakad-lakad si Arianne habang nakapameywang. Madaling araw na, at hindi na siya dinalaw ng antok dahil sa dami ng iniisip.
"Puwede mo ba akong ipasok diyan?"
"Kailangan ko lang talaga ng trabaho," pormal niyang pakiusap.