"Aaron, ayos ka lang dito?" tanong niya sa kapatid matapos pumasok sa kwarto nito. Masasabi niyang mas higit ito sa kwarto ng kapatid sa dating hospital kung saan ito naka-confine.
"Ayos na ayos, Ate."
Naawa niyang hinawi ang buhok ng kapatid at pigil ang luhang pinagkatitigan ito.
"May kausap akong Nurse, si Nurse Aiah. Siya muna ang bahala sa iyo rito habang nagtatrabaho ako."
"Salamat, ate," nahihinang tugon ng kapatid. Umiling siya habang pigil ang luha na hinawakan ang kamay ni Aaron.
"Wala kang dapat ipagpasalamat. Kapatid kita, at gagawin ko ang lahat para sa iyo."
"Paano sina Jack, Arci, at Jacob?"
Nginitian niya ang kapatid.
"Ako nang bahala sa kanila. Huwag ka nang mag-alala. Humiga ka na."
Inalalayan niya itong humiga at tinabingan ng kumot. Hinalikan pa niya sandali ito sa noo.
"Matulog ka na."
"Arianne."
Nakangiti siyang lumabas ng pinto nang harapin ang kakilalang nurse.
"Ikaw nang bahala kay Aaron. Kapag may problema, tawagan mo lang ako."
"Ako nang bahala."
Hinawakan niya sa kamay si Aiah. Buti na lang nang bisitahin ang kapatid sa hospital nito ay nakita niya kakilala noong highschool na si Aiah.
"Huwag kang mag-aalala. Magaabot-abot din ako sa iyo."
"Kahit huwag na, alam ko naman na kapos din kayo. Isa pa, trabaho ko ang alagaaan ang pasyente. Kasama naroon si Aaron."
"Salamat."
Puno siya ng pag-asa nang lumabas ng hospital. Isang malalim na hininga ang ginawa niya nang tingalain ang lugar kung saan komportable ang kapatid.
Naputol ang pagtitig niya roon nang tumunog ang cellphone niya.
"Hello, Boligs?"
"Nasaan ka na? Maaga raw magbubukas ang casino-"
"Pasakay na 'ko," nagmamadali niyang kinampayan ang jeep na dumaan at sumakay doon.
"Bilisan mo, ha?"
"Oo na," natatarantang ibinaba niya ang cellphone at tumanaw sa unahan ng jeep.
Nang huminto ang jeep sa terminal ng bus ay nakikipagunahan siyang bumaba.
"Dito, dito! Bayan ng Arouila! Aalis na!" sigaw ng konduktor ng bus.
Tumatakbong lumapit si Arianne doon at hingal na sumampa sa bus na siksikan na. Pinagkasya niya ang sarili at kumapit kung saan habang nakatitig sa bintana.
Alam niyang wala siyang panahon na mapagod. Lalo na't mas malaki na ang perang kailangang pera ng kapatid.
Ngumiti pa rin siya sa maliit na pag-asa na pumapawi sa pagod niya.
Mabilis ang patakbo ni Arianne. Nahuhulog pa ang parehong strap ng backpack niya. Napapreno siya nang huminto sa tapat ng casino. Habol hininga niyang sinulyapan ang suot na luma at plastik na relo.
"Sakto," pagbabasa niya. Itinuwid niya ang likod at pumasok sa loob. Naabutan niya ang mga kasamahan na nagsisimula nang maglinis.
"O, Arianne? Anong tinutunganga mo riyan?" tanong ni Kevin nang makita siya.
"Ki-kikilos na ho, Sir."
"Dapat lang! Bilis!"
Mabilis siyang tumakbo sa locker at nagbihis. Nang makalabas ay ang mop ang agad niyang pinadausdos sa sahig.
"Arianne?"
"Kia."
Huminto siya sandali at inayos ang ilang hibla ng sariling buhok.
"Marami tayong customer mamaya. Kakailanganin namin ng waitress, sabi ni Sir Kevin puwede ka naming hiramin."
"Oo naman. Sige," sabik niyang sagot.
"Arianne!"
Napatingin siya sa sekretarya ng Director of operation ng Casino na si Kevin na nasa pinto ng opisina nito.
"Halika rito."
"Sige po."
Nakangiti niyang sinulyapan si Kia.
"Baka ibibigay sa iyo ang uniforme mo."
Sabik siyang pumasok sa opisina. Dahan-dahan namang napunit ang ngiti niya nang makitang nakaupo sa mesa si Kevin.
Nalunok niya ang laway.
"S-Sir?"
"Umupo ka."
Kahit ayaw gumalaw ng mga paa ay humakbang siya at nanginginig ang binti na umupo sa silya.
Iniuusod ng hintuturong daliri nito ang uniforme na nasa ibabaw ng mesa.
"Binibigyan kita ng ibang trabaho-"
"Salamat ho," tiningala niya ito.
"Ikaw? Wala ka bang ibibigay sa akin?"
Napakurap ang mata niya nang balingan siya nito habang nakaipit ang sigarilyo sa bibig.
"Hu-huwag kayong mag-alala. Isasama ko kayo sa dasal ko. Mauna na ho ako," nagmamadaling hinila niya ang naka-plastik na uniporme at tumayo.
"Marami pa akong ibibigay na pabor sa iyo, basta pagbigyan mo lang ako, Arianne."
Takot niyang nilunok ang laway habang nakatalikod. Alam niya kung anong klaseng lalake si Kevin. Pero kailangan niyang sikmurain para sa pangangailangan.
Pigil ang luha niyang ibilog ang kamao bago tuluyang lumabas ng pinto.
Nagdiresto si Arianne sa locker.
At doon hinabol ang hininga.
Nang tumunog ang cellphone niya. Pumatak ang luha niya nang makita ang pangalan ng nobyo.
"Glenn?"
"Kumusta ka?" magaang tanong nito na nakapagpangiti sa kanya kahit na may luha.
"A-ayos lang."
"Iyong trabaho mo?"
"Ayos lang din."
"Arianne, pasensiya na, ha?"
"Para saan?"
Pinagbigyan niya ang sarili umupo sa sulok ng locker habang nakatapat ang cellphone sa tenga.
"Narinig ko 'yong tungkol kay Aaron. Ayos na ba siya?"
"Ayos na siya. Nilipat ko na siya ng hospital."
"Magaling ka talagang, Ate," puri nito na mas ikinalapad ng ngiti niya.
"Kaya sa iyo ko, e," dagdag pa ni Glenn habang natawa.
"Arianne!"
Napatanaw si Arianne sa loob ng casino. Masakit ang balakang niya ng tumindig.
"Kailangan ko nang magtrabaho."
"Okay. Kita tayo mamaya."
Napangiti siya.
"Sige."
"Arianne!" muling tawag ni Kia.
"Nandyan na!" sagot niya, ibinaba ang cellphone at pumasok sa loob ng casino.
"Glenn!"
Nilinga ng nakataas ang kilay na si Glenn ang drummer nila na lumabas ng bar. Naroon siya at nakasakay sa motor.
"Tara na. Umpisa na ng gig!"
"Oo na!" Bumaba siya ng motor at dala-dala ang helmet na pumasok sa loob.
"Boss Richard!"
Nakangiting niyang hinarang ang may-ari ng bar kung saan nagpe-perform ang banda nila.
"Bakit, Glenn?"
Sandali niyang nginuya ang bubble gum na nasa loob ng bibig bago sinapo ang batok.
"Baka naman puwedeng maka-advance-"
"Glenn-"
"Kailangan ng girlfriend ko."
Nagkatitigan silang mag-amo.
"Nasa hospital ang kapatid niya. Gusto ko lang sana siyang tulungan."
"Glenn, huwag mong mamasamain, ha?"
Hinawakan pa siya ni Richard sa balikat.
"Paano ka tutulong ng iba? Kung ang sarili mo, hindi mo matulungan?"
Kumurap ang mga mata ni Glenn.
"Sa ten thousand na bayad sa bawat performance niyo. Hahatiin pa sa limang miyembro ng banda niyo. Ano pang matitira sa iyo?"
Hindi siya nakasagot.
"Bago ka umuwi, pumunta ka sa office ko. Pahihiramin kita," seryosong dagdag ni Richard bago pumasok sa opisina.
Naiwan siyang nagbabara ang lalamunan. Nang marinig ang langitngit ng gitara ay nagbaling siya sa stage.
Paano nga ba niya maiiahon sa hirap ang babaeng mahal niya sa pagkanta lang?