Chapter 4 -Anak na tagapagmana?-

2023 Words
❀⊱Madel's POV⊰❀ Nandito lang ako sa isang silid. Tahimik ang paligid, halos dinig ko ang mahinang tik-tak ng orasan na nasa dingding. Dapat sa isang hotel lang kami, pero dinala nila ako sa malaking mansyon ni Orion at saka ako ipinasok sa isang silid. Walang kausap, walang kahit sinong lumalapit sa akin. Ang mga kasambahay ni Orion ay pawang mga Pinay, ngunit kahit sila ay para bang hindi ako nakikita. Alam ko at nararamdaman ko na hindi nila ako tatratuhing amo sa oras na maikasal na ako sa amo nila. Nasa labas lang sila Orion at ang abogado niya, abala sa pag-uusap. Paminsan-minsan ay naririnig ko ang mahihinang boses nila, pero hindi ko maintindihan ang mga salita. Ako naman ay narito, nakakulong sa katahimikan ng silid na ito, naghihintay kung kailan ako tatawagin para simulan ang pagpirma sa mga kasunduang ilalahad sa akin bago ang kasal. Ang sabi niya, may mga kondisyon pa akong dapat malaman, at wala raw akong karapatang tumutol. Ngayon pa lang, nanlalamig na ang mga kamay ko sa kaba. Natatakot ako. Pero wala akong magawa kung hindi sumunod sa kung ano mang mangyayari ngayong gabi. Ano man ang nakasulat sa mga papeles na iyon, pipirmahan ko. Kailangan. Para matapos na ang kasalang ito, para isang taon na lang ang hihintayin ko bago ako tuluyang makaalis sa poder niya. Para mabawi namin ang lupang pinaghirapan ng aking mga magulang... ang tanging yaman namin. Biglang bumukas ang pintuan ng silid. Walang kumatok, basta na lang pumasok. Pero sino nga ba ako para asahan na may rerespeto sa akin sa lugar na ito? Wala naman akong karapatan sa bahay na ito. "Madel, right?" Malamig na tanong ni Orion. Nakakatawa. Magiging asawa niya ako, pero ni hindi siya sigurado sa pangalan ko. "O-opo." Mahina kong sagot, halos pabulong lang. Nakatungo ang ulo ko, pilit ikinukubli ang nanginginig kong mga labi. "Here." Iniabot niya ang makapal na dokumento sa akin. "Basahin mong mabuti ’yan. Nakasulat ’yan sa Tagalog para mas maintindihan mong mabuti. Read everything, then sign it, no questions asked. Walang magrereklamo, wala kang choice kung hindi sundin ang lahat ng nakasulat diyan." Tinitigan ko ang dokumento. Ramdam ko ang panginginig ng kamay ko habang hawak ko ito at binubuklat ang bawat pahina. Bawat salitang mabasa ko ay parang tanikala na unti-unting humihigpit sa leeg ko. Hanggang sa may isang bahagi ng kasulatan ang tila ba tumama nang malakas sa dibdib ko, parang punyal na unti-unting ibinabaon sa puso ko. Napatingala ako ng bahagya at tumingin ako kay Orion, nagtatanong ang mga mata ko, pero matalim lang ang tingin niya sa akin... mabigat, malamig, at walang bahid ng awa. "Anak?" Napalunok ako, halos hindi lumalabas ang boses sa lalamunan ko. "H-hindi ito kasali sa usapan natin, h-hindi ba?" Garalgal na ang boses ko. Bakit may kasamang anak? "Usapan? May usapan tayo? Wala tayong usapan na kahit na ano. Ako lang ang may karapatang magsabi sa’yo ng dapat mong gawin." Ngumisi siya at tinuro ang bahagi ng dokumento. Idinutdot pa ng daliri niya ang parteng 'yon upang maipakita sa akin kung ano ang nakasulat sa papel na hawak ko. "Nakasaad diyan na bibigyan mo ako ng isang tagapagmana. Isang batang lalaki o babae. At kapag naipanganak mo na ito, akin na ang bata at iiwan mo siya sa akin. Magsisilbi ka lang na tagadala ng magiging tagapagmana ko, at pagkatapos niyon, pipirma ka sa divorce papers na ilalatag ko sa harapan mo. Pagkatapos mong pumirma, gusto kong magpakalayo-layo ka na. Huwag na huwag mong susubukang lumapit sa anak ko, dahil sisiguraduhin ko sa’yo na masisira ang buhay ninyo ng mga magulang mo kapag ginulo mo ang katahimikan ng magiging anak ko." Sabi niya, pagkatapos ay muli siyang nagsalita. Ni hindi niya ako hinayaang sumagot. "Anak ko, Madel. Hindi mo siya tatawaging anak mo, o anak natin. Akin lang. Isipin mo na lang na isa kang bayarang surrogate mother na nagdala ng tagapagmana ko. Naiintindihan mo ba?" Ang sakit. Parang nanlambot ang tuhod ko. Napalunok ako, at sunod-sunod na nagtuluan ang mga luha ko. Bakit ganito? Bakit kailangan ko siyang bigyan ng anak, at pagkatapos ay kukuhanin niya ito sa akin na parang wala akong karapatang maging isang ina? Parang hindi ko kaya. Parang gusto ko nang umuwi sa mga magulang ko at tanggapin na lamang namin ang pagkawala ng ari-arian ng mga magulang ko. Pero hindi ko kayang makita na masasaktan sila sa pagkawala ng mga 'yon. Ginagawa ko ang lahat ng ito upang hindi mawala sa kanila ang tanging lupain na mayroon kami. Kaya alam kong hindi pwede. Kapag tumanggi ako, kukuhanin niya ang lupang pinaghirapan ng mga magulang ko at ang bahay na tinitirhan namin. Mawawala sa kanila ang lahat dahil sa desisyon ko. "Nakasaad din diyan na magiging asawa ka lang sa papel. Pero hindi ka aakto na isang Mrs. Dale. Gagawin ko ang kahit na anong gusto ko sa buhay ko, at wala kang dapat ireklamo. Wala kang karapatang magtanong, lalo na ang magreklamo." Dugtong pa niya. Humugot ako ng malalim na paghinga, pero parang hindi sapat ang hangin sa dibdib ko. Ang bigat. Ang sikip. Para akong unti-unting nauubusan ng lakas. Ngunit kailangan kong tibayan ang loob ko, kahit pakiramdam ko ngayon ay mawawalan na ako ng malay anumang sandali. "Kung hindi ka papayag, ibabalik kita sa Pilipinas ngayon din. Pagdating mo duon, wala na kayong lupain at sa lansangan na kayo maninirahan." Parang tinamaan ako ng matalim na kidlat. Sa isang iglap, naisip ko ang mga magulang ko. Ayokong maranasan nila ang mabuhay na parang mga daga sa lansangan, palipat-lipat ng lungga para lang makasilong. Muli akong napalunok. Nanginginig na ang katawan ko. Kailangan kong isipin ang kalagayan ng mga magulang ko, kaya unti-unti akong tumatango. “P-pumapayag po ako." Bulong ko, halos hindi ko na marinig ang sarili kong boses. Ipinikit ko ang mga mata ko habang patuloy lang sa pag-agos ang aking mga luha. Hanggang sa tuluyan nang yumugyog ang mga balikat ko dahil sa aking pag-iyak. "Pumirma ka. Hindi ko kailangan ang mga luha mo. Sa harapan ng abogado ko, pipirmahan mo ang lahat ng ’yan bago tayo ikasal. Nakapirma na ako diyan, ikaw na lang ang hinihintay para ma-legalize ang mga dokumentong ’yan. Tandaan mo Madel, ikaw ang lumapit sa akin, at hindi ako, kaya huwag kang umarte diyan na parang pinipilit kita." Wika pa niya. Tumango ako, hindi ko na magawa pang makapagsalita. "Tandaan mo rin ito. Wala kang karapatan sa mga ari-arian ko. I’ll give you some money to start your life pagkatapos ng divorce, but you’re not getting a single part of my conjugal assets." Tumango lang ako. Panay ang tango ko, kahit hindi na niya kailangang marinig ang sagot ko. Wala na akong lakas para magsalita. Patuloy lang akong lumuluha habang pakiramdam ko ay unti-unting lumulubog ang sarili ko sa putikan. Anong klaseng kapalaran ba ang naghihintay sa akin sa kamay ng lalaking ito? Ngayon pa lang, kitang-kita ko na ang kalupitan niya. At mas natatakot ako na balang araw, hindi lang salita ang ipupukol niya sa akin, baka pati kamay niya ay ilapat niya sa balat ko kapag hindi niya nakuha ang gusto niya. "Tumigil ka sa pag-iyak." Malamig niyang sabi. Hindi ako kumibo, at hindi ko rin mapigilan ang sarili ko na hindi umiyak. "Kung inaakala mo na marunong akong maawa, nagkakamali ka. Ayusin mo ang sarili mo. Maligo ka, magbihis ka. Nasa ibabaw ng kama mo ang isusuot mong puting dress. One hour, dapat nasa loob ka na ng library ko para masimulan na ang kasal. Bilisan mo. Hindi ako marunong mag-aksaya ng oras sa mga taong hindi importante sa buhay ko." Pagkasabi niyon, tinalikuran niya ako na para bang isa lang akong kontratang kailangan niyang tapusin, hindi isang taong may puso at damdamin. Masakit para sa akin ang nangyayaring ito, pero may choice ba ako kung ako mismo ang lumapit sa kanya upang mangyari ang lahat ng ito? Nanginginig ang mga kamay ko nang pumirma ako sa mga dokumento. Ito na lang ang tanging paraan para mabawi ko ang natitirang ari-arian ng aking mga magulang. Ito na lang ang natitirang pag-asa namin. Pagkatapos kong pumirma, iniwan na rin ako ng kanyang abogado, ni hindi man lang ako tinapunan ng kahit kaunting tingin ng simpatya. Para bang isa lang akong papel na kailangang aprubahan at kalimutan pagkatapos. Parang wala nang halaga ang pagkatao ko. Tama siya. Ako ang lumapit sa kanya. Ako ang pumili nito, alang-alang sa mga magulang ko. Pagkatapos kong maligo, isinuot ko ang damit na binili niya para sa akin. Simple lang ito, isang puting dress na hanggang tuhod ngunit halata ang pagka-elegante nito. Tinitigan ko ang sarili ko sa salamin. Maayos naman ang hitsura ko, pero sa likod ng maayos at malinis na mukha... ay ang mga matang namumugto sa kaiiyak. Muling tumulo ang luha ko, pero mabilis ko itong pinahid. Hindi ako naglagay ng kahit na anong makeup. Sinuklay ko lang ang buhok ko, tinuyo at saka ko itinali. Humugot ako ng malalim na paghinga. Kailangan ko nang pumunta sa sinasabi niyang library. Ang problema, hindi ko alam kung nasaan iyon sa napakalaking bahay na ito. Paglabas ko ng silid, nagulat ako nang makita ang abogado niya na naghihintay sa labas. Tahimik lang siya, seryoso ang mukha, parang isa ring pader na walang emosyon. Katulad siya ng amo niya. Walang puso. "Miss Madel. Sumunod ka sa akin." Maikli niyang sabi. Tahimik ko siyang sinundan sa mahabang hallway. Sa bawat hakbang namin, naririnig ko ang mahinang kaluskos ng carpet sa ilalim ng mga paa ko. Sa dulo ng pasilyo, binuksan niya ang isang pintuan at pumasok kami sa isang silid na agad kong naamoy ang masarap na kape na nasa ibabaw ng desk ni Orion. Napalingon sa amin ang isang lalaking Amerikano na nakasuot ng itim na suit na sa tingin ko, siya ang magkakasal sa amin. Pero si Orion, ni hindi ako tiningnan, ni wala siyang pakialam na nakatayo na ako sa harapan ng pintuan. Nakaupo siya sa swivel chair sa harap ng desk, hawak ang mga dokumentong pinirmahan ko kanina. Ineeksamin siguro kung napirmahan ko ba lahat. Sigurista rin ang lalaking ito. Ilang saglit pa at isinara niya ang folder, saka ito iniabot pabalik sa kanyang abogado. Saglit niya akong sinulyapan, sinuyod niya ako ng tingin mula paa hanggang ulo, para bang sinusuri kung pasado ba ako sa panlasa niya bilang kontratang asawa. Pagkatapos ay tumayo siya at malamig na nagsalita. "Let’s get started. May mahalaga pa akong lakad mamaya." Mahina ngunit mariin niyang utos. Mabilis lang ang lahat. Napakabilis, na halos hindi ko na namalayan ang bawat salitang binibigkas ng taong nagkakasal sa amin. Parang lumulutang ako sa ere, paramg sa isang iglap, naging asawa na agad ako ng isang nakakatakot na nilalang. Ang abogado niya ang naging witness. Pagkatapos ng kasal, isa-isa silang naglabasan ng silid. Naiwan akong mag-isa sa loob ng library, kasama ang katahimikan at ang bigat ng bagong apelyidong hindi ko man lang naramdaman sa puso ko. Hindi ko alam kung saan ako dapat pumunta. Kaya naupo na lang ako sa mahabang sofa, at duon ko na hindi napigilan ang sarili ko. Umiyak ako nang umiyak, hawak-hawak ang laylayan ng puting damit na ngayon ay tila ba mantsado ng pangako ng isang buhay na hindi ko pinangarap. Pero biglang bumukas ang pintuan. Sumilip ang isa sa mga kasambahay. Maging ito ay walang emosyon ang mukha. "Pinapatawag ka na ni amo. Puntahan mo daw siya sa third floor, sa office niya. Mababasa mo sa labas ng pintuan ang pangalan niya, at ’yon ang opisina niya. Siguro naman ay marunong kang magbasa." Pagkasabi niyon, agad siyang tumalikod at umalis. Ni hindi ko na nagawang tumango o magpasalamat. Naiwan akong nakatulala at nakatingin lang sa pinto. Muli akong humugot ng malalim na paghinga, at pilit pinupunasan ang mga luha sa pisngi ko na hindi naman matuyo-tuyo dahil ayaw tumigil ng mga luha ko. Ito na ang simula ng buhay na pinili ko... ang buhay na nakatali sa isang lalaking kailanman ay hindi ko mahal, at lalong hindi niya ako mahal. Ngunit para sa mga magulang ko, kakayanin ko. Kahit masakit. Kahit na malunod pa ako sa putikan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD