Sa isang madilim na eskinita, may isang grupo ng kalalakihan na nagkakasayahan habang paulit-ulit na pinagsisipa at pinagsusuntok ang isang walang malay na lalaki. Sila ay isang grupo ng hoodlum na mga walang pangarap sa buhay at walang ginawa kun’di ang maghanap ng gulo.
Natigil lamang sila sa kanilang kasiyahan nang may lumapit sa kanilang isang kahina-hinalang lalaki.
“Sino ka? Anong kailangan mo?” tanong ng isa sa kanila.
Nagsilapitan naman ang iba pa nilang kasamahan habang binabantayan ang magiging kilos ng dumating na lalaki.
“May gusto akong ipadispatsya sa inyo. Magbabayad ako ng malaking halaga,” sabi ng kahina-hinalang lalaki sa kanila.
“Paano naman kami nakakasigurong makakapagbigay ka nga ng malaking halaga?” tanong ng isa sa mga hoodlum.
Natawa ang lalaki at inilabas niya ang isang attache case na naglalaman ng limpak-limpak na salapi. Nagliwanag ang mga mata ng mga hoodlum sa dami ng perang nakikita nila.
“Kung gano’n, sino ba ang ipapadispatsya mo at kailangan mo pang maghanap ng ibang tao?” tanong ng leader ng mga hoodlum.
May inilabas na larawan ang lalaki at ibinigay sa kanila.
“Bibigyan ko lamang kayo hanggang bukas ng alas-siyete ng gabi para gawin ang ipinag-uutos ko. Nakasulat sa likurang bahagi ng larawan ang ilang detalye tungkol sa didispatsyahin niyo. Huwag kayong mag-alala dahil hindi ko kayo tatakasan. Marunong akong sumunod sa mga usapan,” anang ng lalaki habang humihithit ito ng sigarilyo.
“Kung gano’n, makakaasa ka. Madali lang sa ‘ming gawin ang isang ‘to.”
“Mabuti kung gano’n,” sabi ng lalaki. “Magkita na lamang muli tayo rito bukas.”
Umalis na ang lalaki habang bumalik sa pagsasaya naman ang mga hoodlum lalo na’t may misyon silang kailangang isagawa.
“Anong plano natin, Boss?” tanong ng isa sa kanila.
“Mukhang bata pa ang ipapadispatsya ng isang ‘yon. At babae pa,” anang naman ng isa.
“Oo nga, Boss. Maganda pa naman at mestisa. Bakit hindi na lang natin kunin ‘yong babae at palabasing patay na.”
“Tigilan niyo ang kalibugan niyo. Wala akong planong magdagdag ng palamunin,” sabi ng leader habang maiging pinagmamasdan ang larawan.
“Ano bang plano natin, Boss? Paano natin madidispatsya ang isang ‘yan?”
Napangisi ang leader nang may mapagtanto siya.
“Hindi natin siya didispatsyahin,” sabi niya sa mga tauhan niya.
“Anong gagawin natin sa kan’ya?”
“Ibebenta natin siya. Sa gano’ng paraan ay dodoble ang magiging kita natin bukas,” nakangising saad ng leader.
“Magandang ideya nga ‘yan. Saan naman natin ibebenta?”
“May mga kakilala akong naghahanap ng mga magagandang dalaga. Tiyak kong ginagamit nila para sa kanilang illegal na transaksyon.”
“Napakatalino mo talaga, Bossing. Paniguradong limpak-limpak na salapi ang makukuha nating bukas.”
Nagtawanan ang mga hoodlum at nasasabik na sa isasagawa nilang trabaho para bukas. Nakakatiyak ang mga itong magtatagumpay sila.
Kinabukasan, maaga namang nagising ang isang dalaga dahil sa maingay nitong kapatid.
“Good morning, kapatid! Happy birthday!”
“Ano ba, Kuya! Bukas pa ang birthday ko, mas excited ka pa sa ‘kin,” reklamo ng dalaga sa kan’yang kapatid.
“Pero mamayang gabi gaganapin ang debut mo. Aren’t you excited?”
Nanlaki ang mga mata ng dalaga at agarang napa-upo mula sa pagkakahiga. Sumilay sa kan’yang mukha ang malawak nitong ngiti.
Siya si Ravenna Elizabeth Fontana o mas kilala bilang si Raven. Siya ay dyesisyete anyos na dalaga na sa ilang oras na lamang ay nasa legal na edad na. Ang nakakatandang kapatid naman niya ay si Kian Helius Fontana na nasa bente-dos anyos na taong gulang na.
“Oh my! Oo nga pala, Kuya! Mamaya na nga pala ‘yon.”
“Oo, kaya maligo ka na dahil aalis na kaagad tayo pagkatapos para pumunta sa venue na pina-reserve ko.”
“Ang aga naman yata nating pupunta ro’n?” nagtatakang tanong ng Raven.
“Mas mainam na bago pa tayo abutan ni Daddy dito mamaya. Baka may gawin pa siya at ‘di na tayo matuloy sa debut mo,” malungkot na saad ng Kuya Kian niya.
Mapait na napangiti ang dalaga at sinunod na lang niya ang Kuya niya na maligo na bago pa magkatotoo ang sinabi nito.
Mabilis na kumilos ang magkapatid at kinuha ang ilang gamit nila na gagamitin sa magaganap na debut mamayang gabi. Nagpapasalamat din silang hindi sila nakita ng kanilang ama na nadaanan nila habang sakay na sila ng kotse ni Kian.
Matindi ang takot nila sa tatay nila dahil sa pang-aabuso nito sa kanila mula noong sila’y mga paslit pa lamang. Palagi sila nitong pinapalo at binubugbog kung kaya’t palagi silang may pasa sa kanilang mga katawan. Hindi nila magawang makapagsumbong o tumakas dahil natatakot ang mga itong patayin sila nito lalo na’t may baril ito.
“Naalala kaya ni Daddy na birthday ko ngayon?” biglaang tanong ni Raven.
“Huwag mo nang intindihin ‘yon. Tiyak na wala siyang alam dahil kailanman ay hindi niya tayo binati. Hindi rin anak ang tingin niya sa ‘tin,” sabi naman ni Kian habang iniiwasang mapatingin sa kapatid.
“Siguro nga. Nakakapagod na ring mabuhay kasama siya,” sabi ni Raven. “Pero Kuya, I promise na kapag talaga naging isang ganap na doktor na ako someday, bibili ako ng condo o bahay na kung saan tayo maninirahan.”
Natawa si Kian at ginulo ang buhok ng kan’yang kapatid.
“Ikaw talaga. Ilang beses mo nang sinabi ‘yan. Pero sasabihin ko rin ulit sa ‘yo na hayaan mong ako ang gumawa no’n. Ginagawan ko na nang paraan at konti na lang ay mai-aalis na kita sa bahay na ‘yon,” sabi naman ni Kian.
“Eh pero Kuya, ano ba kasi ang trabaho mo ngayon? Ba’t hindi mo masabi-sabi sa ‘kin kahit ilang beses na kitang kinukulit? Tapos may sarili ka na ring kotse, sa’n mo nakuha ang pinangbili mo rito?”
“I told you, bigay ‘to ng Boss ko.”
“Sino nga siya? Bigtime naman niya. Siguro babae, noh? Tapos baka may gusto siya sa ‘yo kaya binigyan ng kotse. Puwede namang lalaki tapos type ka niya.”
“Lalaki ang boss ko, Raven. At lalong-lalo nang hindi kami talo dahil matalik ko ‘yong kaibigan,” sagot ni Kian.
“Kaibigan? Sino naman? Ang yaman naman ng kaibigan mo. Ba’t ‘di mo pinapakilala sa ‘kin?”
“Hindi mo naman na siya kailangang makilala pa. At isa pa, kung sabihin ko sa’yong ipakilala mo rin ang mga kaibigan at ‘yong manliligaw mo ngayon, gagawin mo ba?”
“H-Huh? Eh nakilala mo naman na ‘yong best friend kong si Kyla. Sinabi ko nga sa’yo na type ka no’n.”
“Siya lang ang pinapakilala mo. Eh ‘yang manliligaw mo? O baka naman siya ‘yong escort mo mamaya sa debut mo?”
Biglang namula si Raven at nahiya sa naging tanong ng Kuya niya.
“Kuya naman eh. Mag-drive ka na lang, ang dami mong tanong.”
Napailing nalang si Kian sa inasal ng kapatid na napaka-transparent sa kan’yang mga reaksyon.
Maya-maya pa ay nakarating na sila sa venue kung saan gaganapin ang debut mamayang gabi. Isa ‘yong hotel na ipina-reserve ng kan’yang kapatid. Si Kian din ang naging punong-abala sa lahat upang matupad lamang ang pangarap na debut ni Raven. Nakaayos na ang lahat at ang mga pailaw ay naka set-up na rin.
“Nasa isang room ang mag-aayos sa ‘yo. Nandoon din si Kyla na nag-aayos ng isusuot mo mamaya,” sabi ni Kian sa kapatid.
“Talaga? Thank you talaga, Kuya! The best ka talaga!” masayang sabi ni Raven at napayakap sa kan’yang kapatid.
“Alang-alang sa nag-iisang prinsesa ko. Gagawin ko ang lahat para maging masaya ka,” sabi ni Kian at hinalikan ang kapatid sa noo.
Nagpunta na si Raven sa room kung saan siya aayusan habang nagpunta naman si Kian sa catering area kung saan niluluto na ang mga pagkain.
“Make sure na masarap ang mga ‘yan lalong-lalo na ang mga paboritong pagkain ng kapatid ko,” paalala ni Kian sa mga taga-luto.
“Oo naman po, Sir Kian. Siguradong matutuwa si Ma’am Raven ‘pag natikman niya ang mga ito.”
“Mabuti kung gano’n,” sabi ni Kian. “Huwag niyo ring kakalimutan ‘yong pinahanda ko sa inyong cake.”
Ilang saglit pa ay may tumawag sa cellphone ni Kian kaya naman nagpaalam na muna siya saglit.
“Hello? Is there anything you need?” kaagad na tanong ni Kian.
“Where are you? May importante akong bagay na ipag-uutos sa ‘yo.”
“Ngayon na ba? Magiging mabilis lang ba ‘yan?”
“Yes, I know you will finish this quickly.”
“Mabuti kung gano’n nang makabalik ako kaagad dito.”
“Why? May gagawin ka bang importante?”
“Sabi ko naman sa’yo, debut ng kapatid ko. Hindi ako puwedeng mawala sa napaka-importanteng araw niya.”
“I see. Then, why don’t you invite me?”
“Ayoko nga!” agad na sabi ni Kian.
“Did you just shout at your boss?” naging seryosong tanong mula sa kabilang linya.
“H-Hindi naman sa gano’n. ‘Di ba nga naghahanap ka ng mapapangasawa? Ayoko lang na baka ang kapatid ko ang matipuhan mo,” saad ni Kian.
“What? Your sister will just be turning eighteen. What made you think na papatulan ko siya?”
“Eh kasi ‘di ba nasa criteria mo, 18 pataas. Eh magdedesi-otso na ang kapatid ko, baka bigla mo siyang patulan.”
Natahimik sa kabilang linya hanggang sa narinig na lamang ni Kian na tumatawa ang kan’yang Boss.
“What the hell, Helius? You’re being silly.”
“What? I’m just stating possibilities, Zane. Ba’t hindi na lang kasi ‘yang sekretarya mo ang pakasalan mo? Mukhang type ka naman no’n. Maganda tapos sexy din. ‘Di ba nga pinapakilala mo rin ‘yon minsan bilang girlfriend mo?”
“That's something I can't do. She's almost like a sister to me. And, come on, you know I just need to introduce her as my girlfriend to keep some stupid girls away. I would never consider marrying my secretary.”
“Kung gano’n, good luck sa paghahanap mo. Basta ipapaalala ko lang sa’yo, ‘wag ang kapatid ko,” pagbabanta ni Kian sa kausap.
“Yeah, yeah. Just do what I told you to do.”
“Yeah. I’m on my way.”
Ibinaba na niya ang tawag at nagpaalam na muna sa isang staff kung sakaling hanapin siya ng kan’yang kapatid. Kaagad itong nagtungo sa kan’yang sasakyan at mabilis na pinaandar.
Sa kabilang banda naman ay iiling-iling na ibinaba ng isang lalaki ang kan’yang telepono pagkatapos niyang kausapin ang kan’yang matalik na kaibigan. Hindi nito matiis na matawa sa kan’yang isip dahil sa pagbabanta ng kan’yang kaibigan.
“Boss, nasa basement na po ang ipinapahanap niyo,” saad ng kakapasok lang na tauhan niya.
“Mabuti kung gano’n. Ako na ang bahala sa isang ‘yon,” utos niya sa kan’yang tauhan.
“Masusunod, Boss.”
“How about the other guy? Nahuli niyo rin ba?”
“Opo, bossing. Napatunayan po naming isa siya sa mga espiya ng kalaban nating pamilya dahil sa tattoo nito sa likuran na isang alakdan bilang kanilang simbolo,” sagot ng tauhan.
“Papunta na si Helius. Siya na ang bahala sa espiyang nahuli niyo.”
“Areglado, bossing.”
Pagkaalis ng kan’yang tauhan ay kaagad niyang kinuha ang kan’yang baril sa kan’yang drawer. Kaagad siyang nagtungo sa basement kung saan naroon ang kan’yang ipinapahanap.
“Boss,” salubong ng ilang tauhan sa kan’ya.
“Umalis na muna kayo. Gusto kong kami lamang ang nandito,” utos niya sa kan’yang mga tauhan.
Sumunod naman ang mga tauhan at lumabas ng silid. Tinitigan niyang maigi ang lalaking nasa harapan niyang nagpupumiglas dahil sa mga nakatali nitong mga kamay at paa.
“Pakawalan niyo ako rito. Mga hayop kayo! Wala akong ginagawang masama!” sigaw ng nakagapos na lalaki.
“Hindi mo ba ako nakikilala?”
“Sino ka ba?!”
Inilapit ng lalaki ang kan’yang mukha sa kan’ya. Kaagad namang nanlaki ang kan’yang mga mata nang mapagtanto niya kung sino ito.
“Z-Zane…”
“Ako nga. Kumusta ka na, Hepolito?”
Nanlamig ang kan’yang katawan at biglang pinagpawisan ang kan’yang mga palad.
“Z-Zane, buhay ka. A-Akala ko tuluyan ka nang---”
“Drop the act and stop being a sh**. Diretsuhin mo na lang ako, nasaan ang kapatid ko?” galit na tanong ng lalaki sa kan’ya habang gigil na gigil na hinila ang kuwelyo ng kausap.
“H-Hindi ko alam. U-Umalis siya, Zane. Limang taon na ang nakakalipas,” nanginginig na saad ng lalaki.
“That’s because you molested her! Bastard!” galit na sigaw sa kan’ya ng lalaking nagngangalang Zane.
“H-Hindi. A-Ano bang pinagsasabi mo? Sino ang nagsabi n’yan? Maniwala ka sa ‘kin. Wala akong ginawa sa kapatid mo. Tito niyo ako kaya---”
Pinaputukan ni Zane ng baril ang kaliwang paa ng lalaki dahilan para mapahiyaw siya sa sakit.
“Wala kaming kamag-anak na hayop. You are just like your brother,” nanggigigil na saad ni Zane. “Pinagkatiwala ko sa ‘yo ang kapatid ko para maalagaan, pero anong ginawa mo? Minolestiya mo!”
“W-Wala talaga akong alam sa p-pinagsasabi mo. W-Wala akong ginagawa sa kapatid mo.”
“Ang ibig mo bang sabihin ay nagsisinungaling ang asawa at mga anak mo?”
“A-Ano?”
“Ilang taon ko kayong pinaghahanap, Hepolito. Nang matagpuan ko na kayo ay hindi ko nadatnan ang kapatid ko. Sinabi ng asawa at tatlo mong anak na umalis ang kapatid ko sa puder mo dahil sa pananantala mo sa kan’ya. Sabihin mo sa ‘king nagsisinungaling lang ang asawa’t mga anak mo dahil kung oo, papatayin ko sila,” sabi ni Zane sa kan’ya.
“Hayop ka! Anong ginawa mo sa mga anak ko?! Huwag na huwag mo silang papatayin! Maawa ka naman, mga pinsan mo pa rin sila!”
“Kung gano’n, ituro mo kung nasaan ang kapatid ko ngayon nang sa gayon ay walang mangyayaring masama sa mga anak mo.”
“Wala nga akong alam sa pinagsasabi mo! Matagal na siyang lumayas sa pamamahay ko! Siguro ay may iba nang nakakuha sa kan’ya at kinakama siya---”
Hindi na napigilan ni Zane na paputukin ang gantilyo ng kan’yang baril sa mismong ulo ng lalaki. Kaya naman nagkalat ang dugo sa silid.
Lumabas mula sa silid si Zane at inutusan ang kan’yang mga tauhan na linisin ang katawang nasa loob. Mabilis siyang umalis upang bumalik sa kan’yang opisina.
Nadaanan naman niya ang isa pang kuwarto at lumabas mula ro’n ang kan’yang kaibigan na kagaya niya ay may talsik ng dugo sa kan’yang damit.
“How was it?” kaagad na tanong sa kan’ya ni Zane.
“Confirmed. He is a spy from the Donato family. Mabuti na lamang ay wala pa siyang nailalabas na impormasyon tungkol sa atin,” sabi nito kay Zane at ipinakita ang hawak niyang ilang mga papel, litrato, at mga gadyet.
“Sunugin mo ang lahat ng ‘yan. Hindi talaga tayo sigurado kung wala pang hawak na impormasyon ang mga kalaban natin.”
“Sige, pero ano nang plano mo?”
“Have an inspection of all of our men. Kill all the traitors and spies.”
“Areglado, boss. Pero ipagpa-utos mo na lang sa iba, kailangan ko pang bumalik sa hotel para asikasuhin ang debut ng kapatid ko.”
Napabuntong-hininga si Zane dahil sa kaharap niya. Kung hindi niya lang ito kaibigan ay matagal na niya itong pinatay dahil sa pagiging pala-desisyon niya kung minsan.
“Fine, but on one condition, let me attend your sister’s debut---”
“No! ‘Yan ang huwag na huwag mong gagawin,” pagputol kaagad sa kan’ya.
“Why? I just want to cool myself.”
“Edi maghanap ka ng ibang lugar, ‘wag lang lang sa debut ng kapatid ko. Palagi ka pa namang sinusundan ng gulo, baka sirain mo pa ang espesyal na okasyon.”
“You act like a damn bodyguard, Helius.”
“Talaga! Kaligtasan ng kapatid ko ang mas importante kaysa sa buhay ko,” seryosong saad nito kay Zane. “Ba’t hindi ka na lang doon sa underground fight club magpalamig ng ulo?”
“Ano namang gagawin ko do’n? Mahihina ang mga nandoon. I will be bored,” sabi naman ni Zane.
“Pumunta ka na lang dahil balita ko ay may event na magaganap mamaya. At ang hinahanap mo ay ang magiging premyo.”
“What do you mean?” curious na tanong ni Zane.
“Babae, ‘tol. Babae ang premyo. Malay mo doon mo makukuha ang mapapangasawa mo. You’re just like killing two birds with one stone. Lalamig na ang ulo mo, magkakaroon ka pa ng mapapangasawa.”
“I’m not interested, Helius. Hindi natin alam kung saan nanggaling babae magiging premyo nila. She may have an infected disease and I don’t want that.”
“Sabagay, may point ka. Pero kung sakaling magbago ang isip mo, hindi naman masamang bumisita ka sa fight club mamaya. Matagal-tagal ka na ring hindi nagpupunta ro’n.”
Habang nag-uusap sila ay nakasalubong naman nila ang hindi nila inaasahang tao.
“Dad,” pagtawag ni Zane sa kan’ya.
“Magandang umaga po, Don Dominique,” magalang na bati naman ni Helius.
Si Don Dominique Fuentes ay ang mafia boss ng pamilya Fuentes. Nasa edad na ito at may dinadamdam na matinding sakit kaya naman kay Zane niya ipinagkakatiwala ang mga dapat ay kan’yang trabaho. Si Zane ay ang kan’yang magiging tagapagmana at ang susunod na mafia boss.
“Let’s talk, son,” saad ni Don Dominique at nauna nang maglakad patungo sa isang silid habang nakaalalay sa kan’ya ang ilan niyang mga doktor.
“Mag-usap daw kayo. Siguradong pipilitin ka na naman niyang magpakasal,” natatawang saad ni Helius.
“Shut up, Helius. Or else I’ll kill you here.”
“Gawin mo nga?” mapang-asar na saad ni Helius sa kan’ya bago siya nito tinalikuran. “Aalis na ako, panigurado ay hinahanap na ako ng prinsesa ko.”
“Wait,” pagpigil ni Zane sa kan’ya at may kinuha mula sa kan’yang coat. “Give this to your sister.”
“Huh? Ano naman ‘to? Suhol?”
“It’s a gift from me. Say my greetings to her,” sabi ni Zane.
“Baka naman bomba ‘to? Huwag na, hindi mo naman kailangan bigyan ang kapatid ko. Hindi naman kayo magkakilala.”
“Just take it and give it to her. It's my way of saying thank you for allowing me to have her brother as a friend,” seryosong sabi ni Zane na ikinatuwa ni Helius.
“Na-touch naman ako sa’yo, ‘tol. Sige na nga. Pero kung naghirap kami, isasangla ko talaga kung ano man itong regalo mo sa kan’ya.”
Tuluyan nang umalis si Helius at sumunod naman si Zane sa kan’yang ama upang mag-usap tungkol sa kalagayan ng mafia.
Sa kabilang dako ay si Raven na kanina pa niya hinahanap dahil hindi niya ito mahagilap sa kung saan. Patapos na rin ang lahat ng preparasyon at mamaya lamang ay magsisimula nang ayusan siya.
Nagpunta siya sa may balkonahe upang magpahangin. Natuwa naman siya nang makita niya ang kotse ng kan’yang kapatid. Aalis na sana siya para salubungin ang kapatid nang nahagip niya ang isang grupo ng mga kalalakihan na nasa isang madilim na lugar. Kahit sobrang layo ng mga ito ay pakiramdam ni Raven ay nakatingin ang mga ito sa kan’ya kaya naman nakaramdam siya ng kilabot at takot.
Pumasok na lamang sa loob ng venue at iniwasang mag-isip ng masama lalo na’t kaarawan niya na mamaya.
“Raven, are you okay? Namumutla ka,” biglang sulpot ni Kian sa harapan niya.
“Wala, Kuya. Bigla lamang akong nainitan. Hihingi na lang muna ako ng tubig,” sabi na lamang niya.
Lumipas ang ilang oras ay natapos na ang lahat ng preparasyon. Dahil alas-singko y medya na ng hapon, nagsimula nang magdagsaan ang mga bisita. Nariyan ang matatalik na kaibigan ni Raven at pati na rin ang kan’yang mga katrabaho sa kan’yang model agency.
“You look gorgeous, my princess,” bungad ni Kian sa kapatid pagpasok niya sa kuwarto kung saan ito inaayusan.
“Thank you, Kuya.”
“I have a gift for you,” sabi nito.
Isinuot ni Kian sa leeg ng kan’yang kapatid ang isang kuwintas. Isa itong double chain necklace na kung saan nakaukit ang kan’yang pangalan na Raven. Nakasukbit din ang isang locket na kung saan nandoon ang larawan nilang dalawa.
“Ito ‘yong locket na binigay sa ‘yo ni Mommy. Ba’t mo binibigay sa akin?” naiiyak na tanong ni Raven.
“That locket suits more on you. It’s Mom’s favorite luxury. Alam kong proud na proud siya sa ‘yo kung nasaan man siya ngayon.”
“Thank you, Kuya Kian,” pasasalamat ni Raven at niyakap ng mahigpit ang kapatid.
“Huwag kang umiyak baka masira ang make-up mo.”
Natawa naman sila pareho at muling niyakap ang isa’t isa.
“May regalo rin pala sa ‘yo ‘yong boss ko,” sabi ni Kian at ibinigay ang isang maliit na kahon.
“Talaga? Ba’t naman niya ako binigyan?”
Excited na binuksan ni Raven ang kahon at nalula siya nang makita niya ang laman nito.
“You gotta be kidding me?”
“Bakit? May problema ba sa regalo niya?” takang tanong ni Kian.
“Oh my, Kuya! This is one of the priciest earrings! These are the Golconda Diamond Earrings, which are very expensive and cost millions of dollars!” nalululang sabi ni Raven habang hindi makapaniwala sa mga hawak niyang hikaw.
“Talaga? Kung gano’n, ibenta na lang natin,” sabi naman ni Kian at akmang kukunin ang hikaw kaya inilayo ito ni Raven.
“Anong ibebenta? Sira ka ba? This is a gift to me from your boss. Grabe talaga ‘yang boss mo, sobrang bigtime. Kung magpa-ampon na lang kaya ako sa kan’ya? Kailan mo ba siya ipapakilala sa ‘kin, Kuya? Para naman makapagpasalamat ako.”
“Hindi mo na siya kailangang makilala pa, Raven. Ako na ang bahalang magsabi sa kan'yang nagustuhan mo ang regalo niya,” sabi ni Kian at bigla itong naging seryoso. Napansin naman ‘yon ng kan’yang kapatid kaya natahimik na lang siya.
Nanghihinayang naman si Raven sa hawak niyang mga hikaw. Ayaw niya itong tanggapin, pero gusto niya sanang siya ang magbalik nito ng personal.
“Magsisimula na ang party. Ayos ka na ba, Raven?” biglang pasok ng kan’yang kaibigang si Kyla sa kuwarto na nakabihis na rin.
“Sige, lalabas na rin ako.”
“Oo nga pala, nasa labas na ang escort mo,” kinikilig na sabi ni Kyla sa kaibigan.
“Sige, pakisabi na mabilis lang ako.”
“Escort ba kamo? Sige, ako muna ang kakausap at kikilatis kung sino man ‘yang poncio pilato na ‘yan,” biglang singit naman ni Kian at walang ano-anong lumabas ng silid.
Napabuntong-hininga si Raven at muling napatingin sa mga hikaw. Naisipan naman niyang tanggalin ang suot niyang mga hikaw at ipalit ang mamahaling hikaw na bigay ng boss ng kuya niya.
Medyo mabigat ito sa kan’yang tainga pero hindi niya ito inintindi at napangiti siya nang makitang mas bumagay ito sa suot niyang off-shoulder light blue vintage quinceanera dress. Kaya naman napagdesisyunan niyang ito na lang ang kan’yang gagamitin.
Lumabas na si Raven ng silid at sumalubong sa kan’ya ang kan’yang kapatid na malawak ang pagkakangiti sa kan’ya. Sa tabi naman nito ay ang magiging escort niya.
“Joaquin,” pagtawag niya sa pangalan ng kan’yang escort.
“Raven, you look gorgeous,” saad ni Joaquin sa kan’ya na hindi na matanggal ang pagkakatitig sa kan’ya.
Kumapit si Raven sa braso ni Joaquin. Hindi niya mapigilang mamula dahil medyo nahihiya siya rito. Bukod kasi sa escort niya ang binata ay manliligaw niya rin ito.
Napansin naman niya ang Kuya niya na nag-iba ang timpla ng kan’yang mukha at ‘tila masama ang tingin nito kay Joaquin. Hindi na lang niya ito pinansin at nagpatuloy sila sa paglalakad. Mas nauna na rin ang Kuya niya sa kanila.
“Let’s all welcome, our beautiful debutante, Ravenna Elizabeth Fonatana!”
Bumilis ang t***k ng puso ni Raven nang sabihin na ng MC ang kan’yang pangalan, kasabay no’n ay ang pagbukas ng malaking pintuan. Sumalubong sa kan’ya ang maraming bisita kasabay ng mga samu’t saring mga pailaw.
Naiiyak si Raven habang naglalakad dahil sa ganda ng mga dekorasyon at pailaw ng debut niya. Ang tema ng kan’yang selebrasyon ay starry night kaya naman ‘tila nagmukhang mga bituin ang kan’yang mga bisita sa kan'yang paningin.
“Smile, Raven. Don’t look at the ground and walk confidently,” bulong sa kan’ya ni Joaquin dahil tinamaan na naman siya ng pagiging mahiyain niya.
Nag-angat ng tingin si Raven at ngumiti sa mga bisita niyang sumasalubong sa kan’ya. Nawala na rin ang kaba niya lalo na nang magtama ang tingin nila ng Kuya niyang masayang nakatingin sa kan’ya.
Nang makarating na si Raven sa harapan ay napansin niyang nasa kapatid niya ang mikropono.
“Good evening to all of you,” pagbati ni Kian sa lahat. “Thank you for coming to my sister’s 18th birthday. Nakakatuwa lang isipin na nasa legal na edad na siya. Pero kahit gano’n pa man, mananatili pa rin siyang prinsesa ko. It’s incredible to think how lovely she has grown right now. She is the woman whom I always thought of dedicating my life with. And no matter what, I won’t let anyone take away my sister’s smile.”
Naluluha si Raven habang nakatingin sa kan’yang kapatid na nagbibigay ng mensahe sa kan’ya. Gusto niya itong pasalamatan ng paulit-ulit dahil sa pag-aaruga at ibinibigay nitong atensyon sa kan’ya na hindi kailanman niya naramdaman sa kanilang ama.
“Enjoy your day, my princess. I prepared a short clip for you. I hope you enjoy it. I love you.”
Napatingin ang lahat sa audio-visual presentation na inihanda ni Kian para sa kan’yang kapatid. Subalit, bago pa man magsimula ang presentation ay biglang namatay ang ilaw ng buong venue.
Nakaramdam ng matinding kaba si Raven lalo na nang magsimulang magtilian ang kan’yang mga bisita.
“Raven!” dinig niyang pagtawag ni Kian sa kan’ya.
“Kuya!”
Napaluhod siya nang bigla niyang matapakan ang kan’yang gown. Tatayo na sana siya nang marinig niya ang isang putok ng baril mula sa kung saan.
“Raven! Where are you?! Damn it! Get out of my way!”
“Kuya…” impit na sabi ni Raven dahil sa pagkirot ng kan’yang dibdib.
Bumibigat ang paghinga ni Raven dahil sa naririnig niyang sunod-sunod na putok ng baril. Unti-unti na rin siyang nawawalan ng ulirat.
Hindi man makagalaw ay nagulat na lamang siya nang may humila sa kan’ya at tinakpan ang kan’yang mukha.
“Ilabas niyo na ‘yan bago pa tayo maubos dito. Naghihintay na si boss sa may sasakyan,” dinig niyang sabi ng isa.
“Pero pa’no ‘yong ibang mga kasama natin? May mga magagaling lumaban sa mga bisita rito.”
“Hindi na bale, ang importante ay matapos na natin ang misyon natin.”
Tuluyan nang nawalan ng malay si Raven habang dakip siya ng mga ‘di kilalang mga kalalakihan. Habang desperado naman sa paghahanap si Kian sa kan’yang kapatid na ‘tila wala nang paki-alam sa ibang tao sa kan’yang paligid.
Nagising na lamang si Raven dahil sa malakas na mga sigawan. Unti-unti nitong inimulat ang kan’yang mga mata at nagulat na lamang siyang nasa ibang lugar na siya.
Masakit ang kan’yang katawan at may tali sa kan’yang mga kamay at paa. Napansin niya ring tanging ang kan’yang mga underwear ang kan’yang suot.
Naiiyak na siya sa takot lalo na nang mapagtanto niyang nasa isang malaking hawla siya. Iba’t ibang mga tao naman ang kan’yang nakikita habang nakasuot ng iba’t ibang uri ng maskara. Mas lalo pang sumilab ang kan’yang kaba nang makita niyang karamihan sa mga ito ay may hawak na baril.
“Mukhang gising na ang maganda nating premyo. Handa na ba ang mga maglalaban?”
Napatingin si Raven sa may boxing match ring sa loob ng malaking kulungan. May nakatayo sa may gitna habang may hawak itong mikropono. Nagulantang siya nang makita ang napakaraming mga kalalakihan doon sa loob ng ring at naglalakihan ang mga katawan ng mga ito.
“Kung sino man ang matira sa singkwentang maglalaban na ito ay siyang magwawagi at mag-uuwi ng limpak-limpak na pera. At hindi lang ‘yon dahil maaari rin kayong mag-uwi ng espesyal na premyo,” anunsiyo ng nasa gitna ng ring.
Tumutok ang spotlight kung saan naroon si Raven. Nagsigawan ang mga lalaban pati na rin ang mga manonood sa tuwa.
“Pakawalan niyo ako rito!” sigaw ni Raven sa kanila pero tanging tawanan lamang ang kan’yang narinig.
Sunod-sunod siyang nagsisigaw at nakiki-usap na pakawalan siya pero ‘tila walang nakakarinig sa kan’ya at mas natutuwa pa sa kan’yang ginagawa.
“Do you want to get out of there?”
Napaangat siya ng tingin sa lalaking nasa harapan niya. Wala itong suot na maskara pero hindi niya gaanong makita ang mukha nito dahil sa ilaw.
“Paki-usap… Gusto ko nang umalis sa lugar na ‘to,” lumuluhang saad ni Raven.
“Okay then. I’ll help you,” anang ng lalaki.
Nabuhay ang pag-asa sa mga mata ni Raven dahil sa naging turan ng lalaking nasa harap niya.
“But on one condition...”
“Ano ‘yon? Gagawin ko ang lahat, makaalis lamang sa lugar na ‘to,” desperadang saad ni Raven.
“Once I get out of this stupid place, you have to marry me.”