Five weeks ago…
“JULIANNE…”
Nasa mga labi na agad ni Julianne ang matamis na ngiti hindi pa man niya nililingon ang tumawag sa kanya. Binitiwan niya ang hawak na sketch pad at tumayo pa para estimahin ang matanda.
“Auntie Mildred, good morning,” may pagkagiliw na bati niya dito. “Nag-almusal na ba kayo?”
Tumango ito. “Tatlong hiwa ng papaya at dalawang mangga. Hindi ako nagkape ngayon. Nagtimpla kasi ako ng Tang. Ikaw, kumain ka na ba? Alas dies na. Baka naman inuna mo na naman ang trabaho kaysa pagkain. Remember, ang tao ay nagtatrabaho para mabuhay, hindi ang kabaligtaran niyon.”
Napangiti siya. Halos tuwing umaga na papasyalan siya ng matanda ay palaging iyon ang naririnig niya dito. Pero hindi niya magawang magalit ni mairita kahit ang totoo ay madalas niyang nakakaligtaan ang mag-almusal. Malumanay magsalita si Auntie Mildred. Kahit kailan na nagbitiw ito ng salita, hindi niya nahimigan ang pagsesermon o paghusga sa mga sinasabi nito.
Ang matanda ang may-ari ng building kung saan inuupahan niya ang magkatapat na unit. Sa ibaba niyon ang dress shop niya at pinayagan naman siyang lagyan iyon ng hagdan para diretso na sa katapat na unit sa itaas na siyang nagsisilbing tirahan niya. Ang puwesto niya ang katabi ng bahay ni Auntie Mildred kaya hindi na rin nakakapagtaka na siya ang palagi nitong puntahan.
Ang ibang tenant sa building na iyon ay lubhang abala sa negosyo ng mga ito kaya naaalala lamang na makipagkita kay Auntie Mildered kapag bayaran na ng upa o kung may irereklamo. Ang iba naman tuwing gabi lang umuuwi palibhasa ay pawang mga nagtatrabaho. Isa pa, hindi niya kinakitaan si Auntie Mildred ng pagtrato sa ibang tenant na kagaya ng ibinibigay nito sa kanya. Sa pakiramdam nga niya, anak na ang turing nito sa kanya kundi man apo dahil talagang matanda na ito.
“Nagdo-drawing ka na naman,” sabi nito sa bahagyang sinilip ang sketch pad niya. “Pangkasal ba iyan o pang-debut?”
“Wedding gown, Auntie. Alam ninyo naman, buhat nang ako ang maging official na gown designer ng Romantic Events, busy na ako sa pagdidisenyo ng mga pangkasal at pang-abay. Isinisingit ko na lang ang mga pang-debut kapag hindi ko talaga matanggihan ang kliyente ko. Mas lamang kasi ang mga kliyente naming ikakasal tapos karaniwan na package pa iyong isusuot ng entourage.”
“Sikat ka na rin, Julianne.” Bakas ang pagmamalaki sa tinig nito. “Iyong magazine na binili ko nu’ng isang araw, naka-feature doon ang isang kasal na ikaw ang nanahi ng damit ng buong entourage.”
“Hindi naman sobrang sikat. Malaking tulong sa akin iyong wedding firm ni Eve. Kung hindi dahil sa Romantic Events niya, hindi ganito kadali na magkapangalan ako.”
“Balang-araw, sisikat ka pa nang husto. Magiging ka-level mo sina Inno Sotto at Vera Wang. Hindi ba, iyon ang gumawa ng pangkasal ni Assunta de Rossi? Milyon yata ang halaga ng wedding gown na iyon.”
“Ikaw talaga, Auntie, basta pag sa showbiz at sosyalan, hindi ka pahuhuli.”
“I had my wonderful moments of so-called social life, Juli,” she said with fondness. She liked it when the old lady was calling her Juli. “Nagretiro na lang ako dahil mas kuntento na ako na ganito na lang kasimple ang buhay ko.”
Napatango siya. Hindi naman pangangarap lang ng gising ang tinuran nito. Sa mga litrato nitong nakakuwadro sa malapad na dingding ng bahay nito, si dating First Lady Imelda Marcos at mga asawa ng foreign diplomats pa nga ang kasama nito sa ibang kuha doon. Ang iba, kuha sa iba’t ibang malalaking social gatherings sa bansa kasama ang mga taong may malalaking pangalan sa iba’t ibang larangan.
“May pasalubong sa aking tela ang kumare kong galing sa pagliliwaliw sa Europa. Swiss lace daw iyon,” anito. “Maisisingit mo bang tahiin iyon para sa akin?”
“Oo naman, Auntie. Basta ikaw,” sagot niya. “Sana’y dinala ninyo na dito. Para saang okasyon ba iyon gagamitin?”
Ngumiti ito. “Pamburol ko.”
“Auntie!” gilalas na wika niya. “Huwag kayong magsalita ng ganyan!”
“Julianne, ninety-two years old na ako. Alam ko na bawat araw na lumilipas sa buhay ko, biyaya na lang iyon ng Diyos sa akin. Kung isang araw ay hindi na ako magising, ibig lang sabihin ay iyon na ang oras ko,” kalmadong sabi nito.
“Pero, Auntie, ang sigla-sigla ninyo pa. Wala nga kayong sakit, eh. Isipin ninyo naman, sa edad ninyong iyan, malinaw pa ang isip ninyo at pati mata ninyo. Daig ninyo pa nga ako, eh. Ako, may grado na itong contact lens na suot ko.”
“I live more than ninety years of my life na kuntento at masaya, Julianne. Wala akong gustong pagsisihan sa lahat ng nangyari sa buhay ko. Hindi ba, madalas ko namang ikuwento sa iyo, buhat nang tumuntong ako ng sisenta, tuwing bago ako mag-birthday at pagkatapos ng birthday ko ay inaasahan ko nang bigla na lamang akong atakehin? Kasabihan nang ang tao daw ay namamatay nang malapit sa petsa ng kaarawan niya. Noong isang buwan ang huling birthday ko.”
“Dito ka na mag-lunch mamaya, Auntie,” pag-iiba niya ng usapan. “Dadalhan daw ako ni Maxine ng tanghalian. Sobra pa sa limang tao ang ipapadala ng kaibigan kong iyon kaya pagsaluhan natin.”
Dalawa ang assistant niya sa shop. Ang mga iyon ay nasa kabilang dulo ng first floor na siyang pinaka-workroom ng shop. Si Julianne ang umeestima sa mga dumarating na kliyente. Tinatawag lang niya ang mga assistant niya kung nagkakataong sabay-sabay ang dating ng mga kliyente niya para makatulong niya ang mga ito sa pag-aasikaso.
“Si Maxine, iyong kagaya mo ring wedding girls kung tawagin? Hindi ba’t ikakasal na kamo iyon?”
Napangiti siya. Pamilyar na din ito sa klase ng trabaho niya. “Yes. Sa kanya nga itong ginagawa kong design.” Ipinakita niya dito ang sketch pad. “What do you think, Auntie? Maganda ba?”
“Yes. And elegant, too. How I wish, makita ko pang nagdidisenyo ka ng sarili mong wedding gown, Juli.”
She sighed. Sa kauna-unahang pagkakataon ay parang gusto niyang magalit sa matanda. Hindi niya gustong may konotasyon ng kamatayan ang mga salita nito pero hindi rin naman niya ito masasaway sa nais nitong sabihin.
“Kulang ang tatlong malalaking aparador ko sa mga gown na isinuot ko sa buong buhay ko, Julianne. Nakita mo naman siguro ang mga iyon. Pawang mga sunod sa moda noong panahon ko. At gawa rin ng mga kilalang couturier. Lalampas sa bilang ng mga daliri ko sa kamay at paa ang mga gawa sa akin nina Pitoy Moreno at Ben Farrales pero isa man doon ay walang kulay puti. Alam mo ba kung bakit?”
“Dahil hindi kayo nag-asawa,” sagot niya.
“Hindi kasi bumalik ang prince charming ko,” nakangiting sabi nito, walang mababakas na panghihinayang sa mga mata. “Huwag ka sanang matulad sa akin, Juli. Malapit ka nang mag-treinta. Talagang nasa edad ka na para mag-asawa. Wala ka pa rin bang napupusuan hanggang ngayon?”
She sighed again. Si Auntie Mildred ay para ring ang mga kasamahan niyang wedding girls sa pangungulit sa kanya dahil sa kawalan niya ng love life. But Auntie Mildred was so special to her na kahit na nakakakulili na sa tenga ang paulit-ulit na pagtatanong nito tungkol doon ay hindi niya magawang mapikon.
“Kapag dumating sa akin ang frog ko, hahalikan ko agad para maging prinsipe na,” maluwang pa ang ngiti na sabi niya.
“Sana ay buhay pa ako sa araw na iyon,” anito.
Napailing na lang si Julianne.
Bagaman lagpas na nga ang edad ni Auntie Mildred sa karaniwang dying age ng tao, ayaw niyang isipin na mamamatay na ang matanda. Sa ilang taon niyang paninirahan sa apartment nito, napamahal na rin ito sa kanya palibhasa ay nasa ibang bansa ang sarili niyang pamilya. Pamilya na rin ang turing niya sa landlady.
Kahit nga marami na rin siyang ipon ay hindi na siya umalis sa apartment na iyon. Noong una, inupahan lang niya iyon para gawing dress shop. Pero nang maging okupado ang maraming oras niya sa trabaho, nagsimula na siyang matulog doon hanggang sa bandang huli, nagdesisyon siyang kunin na rin ang itaas na unit na nagkataong bakante at doon na rin tumira. Ang nangyari, pinapaupahan na lamang niya ang mismong bahay na naiwan sa kanya ng mga magulang niya.
Naniniwala siya sa suwerte. Pakiramdam niya, suwerte sa kanya ang apartment na iyon. Buhat nang upahan niya iyon, naging marami ang nagtitiwala sa kakayahan niya bilang gown designer. Hirap na hirap siya noong umpisa. Kahit naman nasa upper level ang katayuan nila sa buhay, hindi iyon naging daan para magtiwala sa kanya ang mga kasirkulo nila. Siyempre, mas nais ng mga ito na magpagawa ng damit sa mas kilalang couturier.
But things changed dramatically when she had that apartment. At kasabay ng pag-angat ng pangalan niya bilang gown designer ay naging malapit din sila ni Auntie Mildred.
Sa ilang taon na lumipas, parang sila na ang nagturingan na magkamag-anak kahit na may isa pang pamangkin si Auntie Mildred. Isipin pa lang niya na lilipat siya ng lugar at maiiwan si Auntie Mildred ay nalulungkot na siya. Kaya naman ayaw din niya isipin na mamamatay ang matanda. Lalo na, wala naman itong sakit. Kung kumilos nga ito, daig pa ang sisenta anyos sa gaan ng katawan.
“Uuwi muna ako at kukunin ko ang telang sinasabi ko,” untag sa kanya ng matanda.
“Okay, Auntie,” tugon niya dito.