1

1174 Words
“MISS JULIANNE de Luna?” “Yes? Sino sila?” sagot niya sa babaeng bumungad sa kanyang shop. Pormal ang bihis ng may-edad na babae at pormal din ang anyo. At sa kutob niya, malabo itong maging kliyente niya. Wala sa itsura nito na may interes ito sa mga wedding gown. Ni hindi ito nag-abala na tapunan ng tingin ang hilera ng mga mannequin niya na naggagandahan ang suot na gowns mula sa pang-abay, pang-ninang at lalo na sa marangyang traje de boda. “I’m Attorney Priscilla Romero,” pakilala nito at inilahad ang kamay sa kanya. Tinanggap naman niya iyon. “Abogado ako ni Mildred Sunico,” wika pa nito. Napatango siya at mabilis na nagtaka. Pero bago pa siya mag-isip ng anuman ay bumuka na ang mga labi niya. “Ano ho ang maipaglilingkod ko?” “Bigyan mo ako ng labin-limang minuto at mauunawaan mo ang pakay ko,” malumanay na wika nito. “Saan ba tayo maaring mag-usap dito na hindi tayo magagambala?” “Oh, let’s go to my office. This way.” Iminosyon niya ang direksyon patungo sa dulong bahagi ng shop niya na nagsisilbing opisina niya. Nilingon niya ang assistant. “Lea, ikaw na muna ang bahala dito. Huwag mo kaming iistorbohin,” bilin pa niya bago isinara ang pribadong opisina. “Have a seat, attorney.” “Salamat.” At sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niyang ngumiti ito. “Naparito ako upang basahin sa iyo ang iniwang testamento ng matanda.” Totoo ang gulat na naging reaksyon niya. “Ho?! Baka ho nagkakamali kayo. Hindi naman ho kami magkamag-anak ni Auntie Mildred. I just call her auntie. Pero alam ninyo naman na karaniwan na sa atin ang ganoong tawagan sa nakatatanda kahit hindi natin kamag-anak.” Isang paghinga ang pinakawalan niya. “Actually, siya ang nagsabing auntie ang itawag ko sa kanya at kabilin-bilinan niyang huwag daw akong magkakamaling tawagin siyang lola.” She laughed softly at the thought of the day they first met. Malaki ang agwat nila ng matanda. At kung pagbabasehan ang kanilang edad, parang apo na nga siya nito. “Hindi ako pupunta dito kung walang kinalaman sa iyo ang testamento.” Muling bumalik ang kapormalan ng anyo nito. “Babasahin ko na ba?” “S-sige ho,” tugon niya bagaman hindi pa rin niya maintindihan kung bakit kailangang sa kanya basahin ang testamento. “Buweno, makinig ka, Miss de Luna… Bilang isang mabuting tao na nagpasaya sa mga huling araw ko sa lupa, ipinagkakaloob ko kay Julianne bilang regalo ang dalawang units ng studio type apartment na siyang inookupahan niya ngayon.” Napapikit si Julianne. Kakaibang ligaya ang bumalot sa kanya sa narinig. Bagaman hindi niya inaasahan iyon, lubos siyang nagpapasalamat sa pamanang iyon. “Napakabait talaga ni Auntie Mildred,” aniya. “May kasunod pa, hija. Ang natitira pang dalawampu’t walong unit pati ang mismong bahay ko, samakatwid ay ang kabuuan ng apartment building at ang lupang kinatitirikan nito ay iniiwan ko kay Julianne de Luna.” Napaangat ang puwitan ni Julianne buhat sa kanyang kinauupuan. “Ho?! But why? I can’t believe this! Bakit sa akin?” Tiningnan lang siya ng abogado at hindi na niya nagawang magsalita pa. Dahil sa narinig ay daig pa nang hinampas sa ulo ang pakiramdam niya. Maniniwala ba siya sa narinig o isang biro lamang ang lahat? Pero wala sa itsura ng abogado na mag-aaksaya iyon ng oras para lang biruin siya. “Ang limang ektaryang bukid sa San Miguel at ang bahay at lupa sa San Rafael na siyang ari-arian ko sa Bulacan ay iniiwan ko rin kay Julianne. Ang dalawang accounts ko sa bangko na naglalaman ng kabuuang dalawampu’t tatlong milyon, gayundin ang mga alahas na naipundar ko at minana mula sa aking angkan ay kay Julianne din mapupunta.” Napasinghap siya. Parang hindi na kayang tanggapon ng utak niya ag naririnig. Nananaginip ba siya? “Hija?” concerned na tanong sa kanya ng abogado na mula binabasang dokumento ay nag-angat ng tingin sa kanya. “Nagbibiro ho ba kayo?” Umiling ito. “Trabaho ko na basahin ito sa iyo, Miss de Luna. Pero bibigyan din kita ng kopya. At makikita mo na pirmado ito ng namayapa.” Tumikhim ito. “Hayaan mong ituloy ko ang pagbabasa.” Napatango na lamang siya. “Pero may isang kondisyon ako bago maisalin sa pangalan ni Julianne ang lahat ng iniiwan ko sa kanya. Sa loob ng anim na buwan ay kailangan niyang makahanap ng mapapangasawa.” “Oh, my God!” hindi nakatiis na bulalas niya. This is all but a dream! hiyaw ng isip niya. Sa palabas sa sine lang nangyayari ang ganito. “Patapusin mo ako, hija,” pormal na wika sa kanya ng abogado. “Pagkatapos ng kasal ni Julianne sa sinomang lalaking kanyang pipiliin ay kailangan niyang makisama dito bilang tunay na mag-asawa sa loob ng tatlong taon. Kung bago lumampas ang tatlong taon at magkaanak si Julianne, ang kalahati ng aking pag-aari ay awtomatikong ipapangalan sa anak ni Julianne habang si Julianne naman ang tatayong tagapangalaga ng nasabing ari-arian hanggang sa tumuntong sa edad na dalawampu’t lima ang kanyang anak. “Sa loob ng tatlong taon na may-asawa si Julianne, ay tatanggap siya ng buwanang allowance na limampung libong piso mula sa kita ng mga paupahan. Pagkatapos ng tatlong taon, halimbawa mang hindi nagkaanak si Julianne subalit sa loob ng panahong iyon ay nagsama silang mag-asawa, isasalin na ng aking abogado ang lahat ng aking pag-aari kay Julianne. “Sa unang anim na buwan mula sa araw na basahin ang testamento kong ito kay Julianne ay ang aking abogado muna ang tatayong administrador sa aking mga paupahan at tagapangalaga sa iba ko pang ari-arian. Ang kikitain sa loob ng anim na buwan ay iipunin sa bangko at ang halagang iyon ay awtomatiko nang mapupunta kay Julianne sa sandali na siya ay ikasal sa loob ng anim na buwan kong taning. “Subalit kung hindi makakasunod si Julianne sa aking kondisyon, malungkot man ay wala akong magagawa kundi iwanan ang lahat ng aking yaman sa aking malayong pamangkin na si Cynthia.” Napapikit siya nang mariin. Sa pagkakataong iyon, anumang salita ay parang hindi aalpas sa kanyang bibig. “Heto ang kopya mo ng testamentong ito, hija,” wika ng abogado at isinara na ang folder na hawak nito. Tahimik na kinuha niya iyon. Pinasadahan lang niya ng tingin ang nilalaman ng testamento. Punong-puno ang isipniya para maunawaan pa ang mga pangungusap na sinasaad ng dokumento. Mas tumutok ang kanyang mga mata sa mismong pirma ni Auntie Mildred. Nangislap ang luha sa mga mata niya. Pirma nga iyon ng matanda. “Kilala mo ba si Cynthia?” tanong sa kanya ni Atty. Romero. “Sa kuwento lang ho ni Auntie Mildred pero hindi ko pa siya nakikita nang personal.” Napatango ito. “At hindi maganda ang kuwento tungkol kay Cynthia, di ba?” Siya naman ang napatango. “Kung base sa mga kuwento ni Auntie Mildred, wala nga hong maganda tungkol sa babaeng iyon.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD