“MAGPALIWANAG ka, Tim” mahinahon pero bakas ang pagtitimpi sa tinig ni Julianne. “Napakadaling maniwala sa sinasabi ni Cynthia pero gusto kitang bigyan ng pagkakataon na ipaliwanag ang side mo. Totoo bang madrasta mo siya?”
Tumango ito. At ganoon na lamang ang naging pagbagsak ng mga balikat niya.
“Alam mo ba ang tungkol sa testamento ni Auntie Mildred? Umuwi ka ng Pilipinas dahil sa plano mong paibigin ako?”
“Honey, coincidence lang iyon. I fell in love with love you the first time I saw you. Gusto lang tayong guluhin ni Cynthia. Ang totoo, sa America pa lang ay hindi na kami magkasundo. Ang daddy ko lang ang kaya niyang paikutin at hindi ako. Idiniborsyo ng daddy ko ang mommy ko dahil sa kanya. Nagkandalugi-lugi ang mga negosyo ni Daddy dahil sa pagpapalayaw sa kanya. Ang alam ko’y hinihiwalayan na rin siya ni Daddy. Siya lang ang may ayaw dahil mayroon pang natitirang pera ang daddy ko. Nang malaman niyang uuwi ako ay pilit siyang sumabay. Maski nga sa hotel na tinuluyan ko ay pilit pa rin siyang sumama. Humiwalay lang siya sa akin ng bigyan ko siya ng panggastos.”
“Alam mong pamangkin siya ni Auntie?”
Umiling ito. “Hindi ko lubos na kilala si Cynthia. Ang alam ko lang ay nahumaling si Daddy sa kanya. Isang linggo na kami dito sa Pilipinas nang malaman kong interesado rin siya sa iyo. Hindi ko alam kung bakit basta itinutulak niya akong ligawan ka pa. Nitong huli ko na lang nalaman na sa iyo pala iniiwan ni Auntie Mildred ang mga assets niya.”
“Bakit mo ako pinakasalan nang ganito kabilis, Tim?”
“Julianne, look at me. Look into my eyes,” utos nito.
Tumalima naman siya.
“I love you. Iyan ang numero unong dahilan kung bakit gusto kong magpakasal na tayo. Hindi ako aabot sa ganitong edad kung maagpapakasal ako dahil lang sa impluwensya ng ibang tao. At lalong hindi dahil sa katapat na pera. I love you so much. Have I told you that my life has never been happier until I met you? Mahal kita. Mahal na mahal.”
Isang malalim na buntong-hininga ang ginawa niya at ilang sandali na hindi kumibo.
“Ang tanga-tanga ko ba?” aniya pagkuwa. “Nagpakasal ako sa lalaking hindi ko naman talaga kilala?”
Lumuhod sa harapan niya si Tim. Inabot ang kanyang kamay at hinalikan ang mga iyon. “Hindi rin naman kita lubos pang kilala, Julianne. Pero alam kong mahal kita. At alam ko rin na ikaw ang gusto kong mahalin sa buong buhay ko.”
Umuko siya at inabot ang balikat nito. “Tumayo ka riyan.”
Nagmatigas ito. “Kahit halikan ko ang dumi ng sapatos mo ngayon, Julianne, gagawin ko. Kahit anong gusto mo, gagawin ko. Patutunayan ko sa iyo na wagas ang dahilan ng pagpapakasal ko sa iyo.”
Napalunok siya.
“Sana ay narinig mo ang usapan namin kanina ni Cynthia. Wala akong inayunan sa mga sinabi niya. Dahil iyon naman ang totoo. Mahal kita. Hindi ko magagawang lokohin ka.”
Napaluha siya. “Hindi ko narinig ang lahat ng pinag-usapan ninyo pero tama ka, Tim.”
“Naniniwala ka na sa akin?”
Tumango siya. “Tumayo ka na riyan.”
Mabilis na kumilos si Tim at niyakap siya. “Maraming salamat.”
“I trust you. I love you.”
Sunud-sunod itong tumango. “At hindi ko sisirain ang pagtitiwala mong iyan. Dadalhin kita sa America. Ipapakita ko sa iyo roon ang yaman ng sarili kong pamilya. Gusto kong makita mo mismo na walang kwuentang dahilan na pakasalan kita dahil lang sa pera. Saka ano ang kondisyon ni Auntie? Tatlong taon kang pakikisamahan bago mailipat sa iyo ang kayamanan niya? Ah, ang tagal niyon. Bawat araw ay impyerno sa isang tao kung hindi mo ito mahal. Pero langit ang bawat segundo kung tunay mo itong iniibig.”
Napangiti siya. “Makata ka pala, Tim.”
“Nagkataon lang.” At niyakap siya nito. “I love you, Mrs. Julianne Pozzorubio.”
California, USA
“BAKA gusto ninyong magpakasal din dito sa America, may mga wedding planners din naman dito,” sabi ng mommy ni Tim. Isang linggo na sila roon at sa buong panahong iyon ay nagkahulihan na rin sila ng loob ng mommy nito.
Two weeks from now ay ikakasal siya sa San Rafael. Doon niya napagpasyahan na magpakasal lalo at may pahintulot naman ang abogado ni Auntie Mildred na gamitin niya ang bahay at lupa doon. Gusto niya, kahit sa espiritu man lang ay parang kapiling na rin niya ang matanda.
“Iyong pa nga lang pong second wedding sa Pilipinas, hindi pa natatapos, eh. Gastos na naman.”
“Hija, huwag mong intindihin ang gastos. Alam mo bang disiotso anyos pa lang iyang si Tim ay ipinag-ipon ko na ng pampakasal? Akala ko kasi mag-aasawa agad dahil masyadong lapitin ng mga babae. Eh, hindi naman pala agad mag-aasawa. Kaya ayun, inamag na sa bangko. Tumubo na nang marami ang pera,” nakatawang sabi nito.
Ang totoo, hindi na siguro kailangang ilabas iyon sa bangko. Nakita niya ang mga pag-aari ng mga ito hindi lang sa California kundi sa iba pang estado sa America. Tatlo ang nursing home ng pamilya ni Tim. Mayroon sa San Diego, San Franciso at LA. Bukod pa roon ay mayroon din itong apartment building sa New York. At pawang mga nagtatrabaho pa rin kaya naman talagang masaganang-masagana ang buhay ng mga ito. Kayang-kaya nitong higitan ang kayamanang nakatakda niyang manahin kay Auntie Mildred pagdating ng takdang panahon.
“Baka naman wala na kaming gawin ng honey ko kundi ang magpakasal?” Sali sa kanila ni Tim na naghain ng cookies sa kanila. “Gusto ko namang mag-concentrate sa honeymoon!”
Tumango ang mommy nito. “Para mabigyan mo na rin ako ng apo. Tumawag nga pala ang kapatid mo. Saan ninyo daw ba balak mag-honeymoon? Kung sa France daw ay sabihin ninyo na agad para maipa-book kayo. Regalo daw niya.”
“What do you think, honey?” tanong nito sa kanya.
“Ikaw ang bahala,” sagot niya pero na-excite din. Hindi naman karaniwang mangyari na makakapangibang-bansa siya. Pero pakiramdam niya, mula ngayon ay abot-kamay na lang ang ganoong posibilidad.
“Sa bukid na lang sa San Miguel,” ngisi ni Tim. “Di ba, ipapamana din sa iyo ni Auntie iyong bukid niya doon?”
Open-book na ngayon ang tungkol sa pagpapamana sa kanya ng matanda. Natuwa ang pamilya ni Tim nang malaman iyon pero ni bahagya ay hindi niya nakitaan ng interes ang mga ito kahit na sabihin pang milyon-milyon ang halaga ng ari-ariang naiwan ni Auntie Mildred. Kung sabagay, milyon-milyon din naman ang assets ng mga Pozzorubio. In dollars pa.
“Napakabait mong tao, Julianne. Kaya naman mabait din sa iyo ang kapalaran,” malumanay na sabi sa kanya ng biyenan niya.
“Mabait din ako, Mommy. Dumating si Julianne sa buhay ko at mahal niya ako. Nung magkita sila ni Cynthia, akala ko, maniniwala na siya doon at iiwan na niya ako.”
“Tsk!” palatak nito na bakas ang pagtutol. “Ayokong binabanngit mo ang pangalang sumira sa amin ng daddy mo.”
“Mommy, tumawag si Daddy. Kinukumusta ka,” ani Tim.
“Sabihin mo, mabuti,” matabang lang na sagot nito.
“Baka daw puwedeng sabay-sabay na tayong bumalik sa Pilipinas sa isang linggo. You know, invited din siya sa kasal namin ni Julianne.”
“Natural lang na nandoon siya. He’s still your father. Excuse me, may gagawin lang ako sa loob.” At iniwan na sila nito.
“Nasira mo tuloy ang mood ni Mommy,” sumbat niya kay Tim.
“Siguro pag niligawan uli ni Daddy si Mommy, magkakabalikan pa sila.”
“Eh, si Cynthia?”
“Out na siya sa picture. Mukhang desidido si Daddy na bumalik uli kay Mommy, eh.”
“Well, kung iyon ba ang mas dapat, eh.”
“Thank you, Julianne.”
“Bakit?”
“Because we’re still together. Akala ko talaga dati, iiwan mo ako.”
“Pagsubok lang siguro iyon sa atin. Saka di ba, importante ang tiwala sa isang relasyon? Huwag na nga nating pag-usapan iyan. Mas matimbang ang pagmamahal ko sa iyo kaya mas naniwala ako sa iyo.”
“Pero ngayong nandito tayo sa America, napatunayan ko na sa iyong hindi ang mamanahin mo ang habol ko, di ba?”
“Kahit hindi mo ito ginawa, mas nararamdaman ko naman na talagang mahal mo ako.”
“Thank you.”
Hinaplos niya ang mukha nito nang buong pagsuyo.
“I love you, honey. Excited na akong magpakasal tayong muli.”
“Ako rin.” At isang magaang paghinga ang ginawa ni Julianne. “Ang daming magagandang nangyari sa buhay ko nitong mga huling buwan.”
“Sa akin man,” sabi ni Tim.
“Pero sa tingin ko, ang pinakamagandang nangyari ay nang makilala kita.”
“Same here.”
“You make me happy. Always.”
“You make me happy too. Always.”
“You made my life complete.”
“Ikaw din sa akin.”
Tinitigan niya si Tim at inirapan ito. “Nanggagaya ka lang yata, eh.”
“I love you,” malambing na sabi nito.
“I love you too,” sagot niya.
“O, ikaw naman ang nanggagaya ngayon.”
“Ganoon?” aniya at kinurot ito sa sikmura.
“Julianne!” daing nito nang hindi pa rin niya alisin ang mga kukong pinong pinagdikit sa balat nito.
“Love mo ko?”
Sunod-sunod itong tumango. “Yes. Yes.”
“Sobra?”
“Sobra.”
Bumitaw ang kurot niya “Kiss na tayo.”
And they did.
*** wakas ***