16

1506 Words
“ANONG color motif mo, Julianne?” tanong sa kanya ni Eve. Kumpleto ang wedding girls sa shop ng Romantic Events. Punumpuno ang opisina ni Eve lalo at ang iba ay kasama pa ang toddler na mga anak. Meeting iyon para pag-usapan ang kanyang kasal. At gaya ng inaasahan niya, halos hindi na niya kailangang mag-isip. Umaapaw sa ideya ang bawat isa. Walang dudang excited ang mga ito sa kanyang kasal. “Ano ba ang uso?” tanong din niya. “Tumigil ka. Kunwari ka pang clueless, eh, wedding gown at pang-abay ang mga tinatahi mo,” kantiyaw sa kanya ni Charity. Mula sa Cagayan ay lumuwas pa ito para daluhan ang meeting na iyon. “Maganda ang coral orange,” suhestyon ni Shelby. “Maganda din naman ang blue, ah? Iyong powder blue,” sabi ni Ysa. “Palasak na iyon,” kontra ni Andie. “Maganda ang pink. Kulay love talaga,” sabi ni Maxine. “Palibhasa, pink ang motif mo,” tudyo dito ni Lorelle. “Yellow gold na lang, Julianne. For prosperity.” “Basta huwag silver. Mukha iyong patay sa picture. Para bang burol,” sabi ni Nicole. “Kung gusto mo, burgundy,” ani Dindin. “O kaya red. Pulang-pulang rosas ang bouquet mo,” sabi ni Scarlett. “I guess, tama si Scarlett,” sabi ni Faith. “Remember iyong kasal ni Lea Salonga? Cranberry red ang motif niya. Maganda.” “Puwede.” Sandali siyang nag-isip. “Wait, kung red wine kaya?” “Nasa red family din iyon,” sabi ni Eve na bakas ang approving tone. “At maganda iyon sa video at picture,” ayon ni Maxine. “Red wine. Parang alak na pagsasama, mientras tumatagal, sumasarap!” sabi ni Charity. “At tumula pa raw ba,” kantyaw dito ni Ysa. “Okay, red wine,” aniya. “Next detail,” ani Eve. Bawat detalye ay umuubos ng mahabang sandali. Bawat isa ay may kani-kaniyang ideya at opinyon. Tuwang-tuwa naman si Julianne, damang-dama niya ang concern ng mga kaibigan niya para mapaganda ang kanyang kasal. At minsan pa ay ipinangako nito sa kanya ang mga sinabi nito noong kasal ni Maxine. “Inabot na tayo ng gabi dito!” kunwa ay reklamo ni Lorelle. “Kaya pala ang dami ng missed call ng asawa ko.” Parang sabay-sabay nilang naalala ang kanilang mga cell phone. Nakita ni Julianne na si Tim ay marami na ring missed call at text sa kanya. Nasa shop niya ito at mag-isang naghihintay sa kanya dahil nakauwi na ang staff niya. Malamang ay doon na rin ito matulog dahil si Tim mismo ay hindi kumportable na sa opisina ng Style siya dalhin. Hindi naman daw kasi talagang tirahan iyon, hindi kagaya ng shop niya na talagang tirahan niya ang itaas. “Umuwi na tayo,” sabi niya. “Naghihintay na rin sa akin si Tim.” “If I know, may derby sa shop ni Julianne pag-uwi niya,” kantiyaw ni Charity. “Inggit ako! Nasa Cagayan kasi ang asawa ko.” “Puwes, mamatay ka nga sa inggit,” sabi ni Maxine dito. “Uwian na!” “Julianne, punta ka na lang sa bakeshop. Doon natin pag-usapan ang detalye ng cake, magdo-drawing ako mamaya pag-uwi ko,” sabi ni Dindin. “Bukas na ako pupunta?” “Ikaw, kung gusto mo.” “TIM!” Iyon lang ang nasabi ni Julianne at napanganga na lang siya sa dinatnan. Nasa kusina si Tim at nagluluto. Mukhang abalang-abala ito sa ginagawa. “Surprised, honey?” nakangiting baling nito sa kanya. “Marunong kang magluto?” aniya na totoong nasorpresa. “Yep. Gourmet foods pa,” pagmamalaki nito. “Pa-kiss muna sa honey ko para mas maging inspired ako dito.” Lumapit siya at hinalikan ito. “Sana’y di ka na nagpakapagod diyan. Sabi ko naman sa iyo, pauwi na ako, di ba?” “Honey, it’s okay. Gusto kong gawin ito sa iyo. See, na-surprise kita?” “Ano bang mga iyan?” “Apple chicken, confetti pasta and rolled stuffed pork in tomato and olives. Puro healthy meal ito.” “Talaga? Ibig sabihin, nag-supermarket ka pa?” “Oo. Talagang nakaplano ko nang magluto today. Kaya lang naman kita tinatanong kanina sa text kung anong oras ka uuwi para nga ma-prepare ko na ito.” “Tulungan kita?” “No, honey. Upo ka na lang muna diyan. You’re my queen.” She just sighed with happiness. “Nagkakagulo nga pala sa meeting kanina,” wika niya mayamaya. “Lahat excited sa kasal natin.” “Talaga? Thanks to the,. Sayang nga, gusto ko sanang sumama kaya lang may meeting ang Style sa mga advertisers. Para sana nakilala ko na rin sila.” “Makikilala mo rin ang mga iyon. May mga susunod pa namang meeting. Honey, hindi ba pagod ka na? Baka maghapon ka nang may meeting sa office tapos nagluto ka pa ngayon.” “Gusto ko itong ginagawa ko, Julianne. Saka hindi naman ako kasing pagod ng inaakala mo.” Hindi siya nakatiis at lumapit muli dito. Dinampian niya ang paper towel ang pawis na gumiti sa noo nito. “Thanks for the effort, honey.” Tumikhim ito. “Isang halik lang naman ang bayad sa effort ko,” anito. “Sure.” At ipinagkaloob niya ang hiling nito. SIMPLE pero nagustuhan ni Julianne ang cake na dinisenyo ni Dindin. Inamin ni Dindin na nakuha niya iyon sa website ng Wedding Channel. Binago lang ng kaunti ang ibang detalye. Pero kahit ano pa, nagustuhan na niya iyon. Wala na siyang gusto ipabago pa. “Puwede ko bang hiramin itong drawing? Ipapakita ko kay Tim.” “Sa iyo na iyan,” sabi naman ni Dindin. “Thanks. At promise mo, libre ito, di ba?” “Of course.” “Thanks uli! Suwerte ko, kaibigan kita.” “Loka!” natatawa lang na sabi sa kanya ni Dindin. Nagpaalam na siya dito at tinawagan si Tim. Busy ang telepono nito kaya nagpasya siyang tumuloy na lang sa office nito para ipakita ang drawing ng cake. Sigurado naman siyang nasa Style lang ito. Kapag naman lalabas ito ng opisina ay kusa pa itong nagpapaalam sa kanya. “May bisita si Sir pero wala namang ipinagbilin na huwag silang abalahin,” sabi sa kanya ng isang staff na pinagtanungan niya nang dumating siya sa Style. “Salamat,” aniya at tumuloy na sa private office nito na nasa pinakadulo sa buong opisina. Bahagyang nakabukas ang pinto niyon kaya akma pa lang siyang magbibigay ng warning knock ay naulinigan na niya ang pag-uusap sa loob. Hindi sana siya magkakaroon ng interes pero narinig niya ang pangalan niya. “Sapat na ang kasal sa huwes, Timothy. Huwag ka nang magpakagastos pa sa mas malaking kasalan. Nabalitaan kong pakakasalan mo pa siya uli?” wika ng isang tinig babae. “Gusto ko,” tipid lang na sabi ni Tim. “Pero malaking gastos iyon. Hindi iyon kasali sa pinag-usapan natin na pagkagastusan mo nang husto si Julianne.” “Wala akong natatandaang pinag-usapan natin. Hindi ako sumusunod sa dikta ng ibang tao. May sarili akong pag-iisip.” “Punyeta!” malutong na mura ng babae. “At paano naman ako?” “Bakit sa akin mo itinatanong iyan? Bakit hindi ang sarili mo ang tanungin mo?” sagot dito ni Tim. “Leche!” wika nito at nagulat pa si Julianne nang hilahin nito ang pinto. Pero mas nagulat siya nang makilala ang babae. Ito ang babae sa hotel at siya ring nagmasid noon sa harap ng shop niya. Nagulat din ito nang makita siya. “Oh, Julianne,” ngisi nito at bumaling kay Tim. “Hijo, hindi mo ba ako ipapakilala sa kanya?” Hindi kumibo si Tim. Nakita niya itong tumiim lamang ang mga bagang. “Well, ako na ang magpapakilala sa sarili ko. Hija, ako si Cynthia. Siguro ay naririnig mo na ang pangalan ko kay Auntie Mildred.” Napamaang siya. “Yes. I’m Cynthia. At madrasta ako ni Tim.” Parang nabitin ang paghinga niya sa narinig. “Congratulations sa inyong kasal, hija. Gusto kong magtampo na hindi ako kinumbida sa inyong kasal pero okay lang. Hindi naman iyon ang talagang habol ko. Alam mo bang—” “Huwag kang magkakamaling magsalita ng kasinungalingan, Cynthia!” marahas na sabi ni Tim at inilang hakbang ang pagitan nila. “Umalis ka na. Huwag mo kaming guluhin.” “I have to say my last piece,” sabi nito na tila hindi naman natinag. “Julianne, napakasuwerte mo na sa iyo ipinamana ni Auntie ang kayamanan niya. Pero pasasaan ba’t magkakaroon din ako ng kaparte. Kasal na kayo ni Tim. Kapag nasalin sa iyo ang kayamana ay may karapatan na rin doon si Tim. At iyon ang magiging tulay ko para mapunta sa akin ang kayamanang dapat naman talaga sa akin mapunta!” “Kasinungalingan!” sigaw ni Tim na ikinagulat ng iba pang empleyado doon. “Guard! Guard! Palabasin ninyo ang babaeng ito.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD