“PINAG-ARALAN ko ang mga previous issue ng magazine, Julianne. Nakita ko na mayroon pang dapat na idagdag doon. Fashion advice column, what do you think?” sabi sa kanya ni Tim habang nanghihimagas sila. Kapwa sila nabusog sa masaganang tanghaliang inorder nito sa isang restaurant sa Greenhills.
“Hindi ko alam. Sa totoo lang, hindi naman ako nagbabasa ng magazine. Madalas nga, ibang tao pa ang nagpapakita sa akin ng magazine kapag natataong napi-feature ang design ko.”
“Well, it’s about time na magbasa ka ng magazine, Julianne. I’m planning na ikaw ang designer na kunin ko for the said column. Siyempre, sino pa ang mas may karapatang magpayo kundi ang mga espesyalista talaga sa fashion?”
“Gown ang forte ko, Tim.”
“It doesn’t matter. Besides, mas problematic ang karaniwang tao kapag espesyal na okasyon ag pupuntahan, di ba?”
“Talagang kukunin mo ako?”
“Bakit hindi? Wala akong nakikitang masama doon.”
“Ano ang sasabihin ng iba? Maraming mas may pangalan sa akin para magkaroon ng ganoong column?”
“Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba. Ang alam ko, kayang-kaya mo iyon. Once a month lang ang release ng Style. Hindi magiging malaking abala sa iyo ang isang column. You’ll have a lot of time para maisulat ang column na iyon.”
“I’ll think about it.”
“Good,” nasisiyahang sabi nito. “Kung makakapagdesisyon ka agad, we can pilot your column two months from now. Iyong issue for next month, ang alam ko ay naka-layout na. Tamang-tama, iyong ilalabas na issue next month, mag-i-invite na kami for readers to write us their problem with regards to fashion.”
“Tim, hindi pa naman ako nakakapag-decide.”
“But I can feel it, Julianne. You would say yes.” Inabot nito ang kanyang kamay at bahagyang pinisil iyon.
Nagulat siya kapangahasang iyon ng binata. pero mas nagulat siya na hindi siya nakadama ng anumang pagtutol sa kilos na iyon. Nang ngitian siya ni Tim, gumanti pa siya dito ng ngiti.
“KANINA pa kita hinihintay, Juli,” wika sa kanya ni Aunti Mildred. Nasa reception area ito ng kanyang shop at binubuksan ang mga gown catalogue doon.
“Inimbitahan kasi akong mag-lunch ni Tim,” sagot niya dito. “May kailangan ho kayo, Auntie?”
Umiling ito. “Mayroon akong ibibigay sa iyo.” Inabot nito ang palad niya at nagulat siya nang ilagay nito doon ang isang antigong kuwintas. “Regalo ko sa iyo, Julianne.”
“Ho?” manghang wika niya at napatitig sa nasa palad. Singhaba yata ng rosaryo ang chain ng gintong kuwintas. Ang palawit ay isang asul na bato na ang kinang ay parang kagaya ng maliliit na brilyanteng nakapaligid dito. “Auntie, ang mahal nito!”
“Para sa iyo iyan, hija.”
“Pero—”
“Huwag mong tatanggihan, Juli. Kahit siguro magkabati kami ni Cynthia ay sa iyo ko pa rin ibibigay ang kuwintas na iyan.”
“Paano ho kapag nakita ng pamangkin ninyo na nasa akin ang kuwintas na ito?” Hindi niya kilala ang pamangkin ng matanda. Ang alam lang niya, pinalaki ito ni Auntie Mildred pero likas na rebelde at adbenturera. Maraming sama ng loob ang matanda sa naturang babae.
“Hindi ko alam kung nasaan ang babaeng iyon. Makakaalala lang iyon kapag kailangan ng pera ko. Tanggapin mo iyan. Mahal kita, hija. Napunan ng presensya mo ang kasabikan ko sa isang malapit na kamag-anak.”
Nangilid ang luha niya sa sinabi ng matanda. “S-salamat, Auntie. Alam ninyo namang napalapit na rin ang loob ko sa inyo.”
“Alam ko. Iyong lalaki kanina, manliligaw mo ba iyon?”
“H-hindi pa naman ho talagang nanliligaw.”
“Pero sa itsura ay mukhang malaki ang interes sa iyo. Mukha namang mabait. Saka bagay kayo. Maganda ka, guwapo siya. Maganda rin tiyak ang magiging anak ninyo.”
“Auntie naman.”
Ngumiti lang ito. “Siya, ako’y aakyat na. Alam mo bang hindi ko ipinasok sa aparador ang gown na ginawa mo? Tinititigan ko. Napakaganda talaga.” Tumalikod na ito pero lumingon uli. “Juli, samahan mo nga ako sandali. May ipapakita ako sa iyo sa itaas.”
Tumalima siya.
Sanay na siya sa kabilang bahay. Walang masyadong adorno ang bahay ni Auntie Mildred. Ang naroroon ay pawnag mga antigong gamit. Ang mga takip nga ng mesa at sandalan ng silya ay mga ginantsilyo pa.
Dinala siya nito sa mismong kuwarto nito kung saan ang makikita ay ang malapad na kamang narra at katernong mesita sa tabi nito. Sa gawi ng bintana ay ang silyang tumba-tumba na yari din sa narra. Nahagip ng mata niya na nakasabit ang gown na tinahi niya malapit sa silya.
Sa ibabaw naman ng kama ay ang malaking kahon ni Auntie Mildred. Kilala niya ang kahong iyon. Lalagyan nito ng alahas.
“Alin ba ang bagay sa gown na iyan, sa palagay mo?” tanong nito.
Inilatag nito sa kama ang laman ng kahon. Terno-terno ang mga alahas na iyon. Pawang antigo ang estilo pero walang duda sa kalidad ng mga iyon.
“Palagay ko ho ay ito, Auntie,” aniya at itinuro ang pearl set.
Napatango ito. “Iyan nga rin ang napili ko. Siya, alam kong marami ka pang gagawin sa ibaba, sige, bumalik ka na roon.”
Kumilos na siya. Malapit na siya sa pintuan nang lingunin niya ang matanda. Ibinabalik na nito sa kahon ang mga alahas nito. Hindi niya alam kung ano ang kahulugan ng kaba na bigla na lamang niyang naramdaman. Isang malalim na paghinga ang ginawa niya at bumalik na sa shop niya.
“GUESS what?” wika ni Tim nang mabosesan siya nito sa pagsagot niya sa telepono.
“What?” sagot naman niya. Masigla ang tinig ng binata kaya naman agad din siyang nahawa.
“May inihandang party sa akin ang business partner ko. Welcome party daw iyon para sa akin. Gusto sana kitang imbitahin.”
“Kailan?”
“Tonight at eight o’clock. Please don’t say no, Julianne.”
Ang huling pangungusap nito ang naging basehan ng isasagot niya. Sa tono nito, parang hindi niya maaatim na biguin ito. Besides, pakiramdam niya ay mabuting tao naman ang lalaki. Kung prangka ito sa pagsasabing interesado ito sa kanya, pakiramdam niya ay interesado na rin siya dito.
“Saan ang party?”
“Sa rooftop ng Amarillo Tower. Isang palapag ng building na iyon ay opisina ng Style magazine. Actually, hindi pa ako napunta doon pero ipapasundo naman daw ako ni Lloyd sa hotel. Susunduin ka namin pagka-pick up sa akin.”
“Namin?”
“Iyong driver na susundo sa akin.”
“Okay. Formal ba ang party?”
Narinig niya ang mahina nitong pagtawa. “Kung ibabase ko dito sa imbitasyong ipinadala sa akin ngayon lang, the party is formal. I hope it won’t be a problem to you.”
“Hindi naman sa ganoon. Kaya lang pag formal party, karaniwan nang hindi apurahan ang imbitasyon, di ba?”
“Yes. Pero surprise party daw ito para sa akin. Kung susunduin kita ng seven thirty, okay lang sa iyo?”
“Sige.”
Nang magbaba siya ng telepono ay saka niya naisipang tawagan si Eve.
“Kumusta, Julianne dear?” sagot agad sa kanya ni Eve. “Naaamoy ko, mukhang malapit ka nang magka-love life!”
“What?”
“A certain Tim Pozzorubio called here. Tinatanong kung saan ang shop mo. Nagpaliwanag nang kaunti. Konektado daw sa Style magazine. Nakita ko nga ang pangalan niya sa credits ng magazine. Pero sa tono niya, malakas ang kutob ko na mas interesado sa iyo kaysa sa sinasabi niyang aalukin ka raw mag-column sa magazine nila. Nakilala mo na ba?”
“I met him the night of Maxine’s wedding. Noong pauwi na ako. And yes, nagpunta nga dito. Nag-lunch kami sa Greenhills. At iniimbitahan niya ako mamayang gabi. Welcome party daw sa kanya ng business partner niya sa magazine.”
“Wow! Tapos?”
“Anong tapos? Di wala na. Mamaya pa ang party, di ba?”
“Hmmm, pumayag ka? That’s something. Guwapo ba?”
“Am, yes.”
Humalakhak si Eve. “Iyan, maganda iyan. Bilisan mong ma-in love, Julianne. Remember, ang ganda ng offer sa iyo ng wedding girls. Makakasal ka nang halos walang gagastusin!”
“Hindi naman ako nag-aapura.”
“Well, kung mai-in love ka at inaya kang magpakasal, then by all means go ahead! I’m so happy for you, Julianne.”
“Hindi kaya maaga pa para sabihin iyan?”
“Julianne, sa dami ng wedding girls, parang naka-develop na rin ako ng intuition kung magiging for keeps ang isang relasyon. And I’m keeping my fingers crossed na sana sa iyo ay huwag akong magkamali sa intuition kong iyon.”
“Hindi pa naman ako in love. Attracted pa lang.”
“Hmmm, that’s good enough. Mag-kiss na kayo. You’ll know by then kung mai-in love ka o hanggang attraction lang.”
“Ganoon ba iyon?”
Tumawa nang malakas si Eve. “Kung magsalita ka naman, para kang never been kissed.”
“Ang tagal na kasi ng huli. Nakalimutan ko na.”
Lalong napahalakhak si Eve.