“YOU’RE beautiful!” halos mapasipol sa paghanga si Tim nang sunduin siya nito.
Napangiti si Julianne. Isang dark green corset style tube blouse ang suot niya at tinernuhan iyon ng kakulay ding silk A-line skirt. Simple lamang iyon at halos walang adorno. Kahit ang makeup niya ay subdued maliban sa matingkad na lipstick na siyang pinaka-emphasis ng kanyang ayos.
“Thank you. You too, Tim. You’re dashing,” matapat na papuri niya dito. Naka-coat and tie ang binata. Matikas na matikas ang anyo nito at wala sigurong makakasisi sa kanya kung maging attracted man siya dito. He was so gorgeous.
Tumawa nang mahina ang binata. “Is this a mutual admiration society?” tudyo nito.
“Sa palagay mo?” ganting biro niya.
“Pareho lang siguro tayong honest,” sagot nito at nagkatawanan sila.
She liked his humor. Akala niya ay palaging seryoso ang binata pero ngayon ay nakikita niya ang lighter side nito. Kahit nang dalhin siya nito sa naghihintay na sasakyan ay hindi natapos ang biruan nila.
“Excited na excited si Lloyd sa pagdating natin. I told him that I’m coming with a beautiful lady.”
“Sobra naman iyan, Tim,” naiyang nakadama rin ng pagkailang. Hindi siya sanay na hantarang napupuri bagaman alam naman niya na hindi siya pangit.
“Niloloko nga ako, eh. Hindi pa man daw ako nakakabawi ng jetlag ko, nakakilala na ako ng babae. You know, Julianne, I like you the first time I laid my eyes on you. Kaya nga sinamantala ko nang imbitahan ka sa coffee shop kagabi. At tamang-tama din ang party’ng ito. Makikilala mo ang mga kaibigan ko rito and through them, mas marami ka pang malalaman tungkol sa akin. But let me warn you. Kalahati sa sasabihin nila ay hindi na totoo, so please ask me.”
“Hindi kaya hindi rin totoo ang sabihin mo sa akin?”
“I’m not perfect. Pero hindi kasali sa mga kapintasan ko ang pagiging sinungaling. That I can promise you.”
Buong-buo ang tinig ni Tim at direkta pa itong nakatingin sa kanyang mga mata. Dahil doon, hindi ito nag-iwan ng anumang dahilan para siya magduda.
Isang bagong building sa Mandaluyong ang tinungo nila. Dama agad ang party ambience sa parking lot pa lang. Pagbaba nila ay marami na agad ang nakakita kay Tim. Pawang mga tuwang-tuwa ang mga ito sa pagkakakita sa lalaki.
“So, you’re here for good?” wika ng isang socialite na matrona.
“Maybe yes, maybe no,” nakangiting sagot ni Tim. “Gusto kong pagbigyan si Lloyd sa hiling niya sa akin. Magazine business is new to me. Kung hindi ko magagamayan, I can always leave the opeartion to him. But I will remain co-owner.”
“Good enough,” anang babae. “And who’s she?” Bumaling ang tingin nito sa kanya at sa kabila nang maluwang na ngiti ay nababasa niya ang labis na kuryusidad sa mga mata nito.
“Oh, she’s Julianne de Luna. I assume you know her. She’s a designer.”
“But of course!” Dumukwang sa kanya ang matrona at nakipagbeso. “You’re a big name in the making in fashion industry, hija. Hanga ako sa mga disenyo mo. One day, papasyalan kita sa shop mo. By the way, I’m Luisa Estevez.”
“Thank you, Ms. Esteves. And nice meeting you.”
Magkakasabay na nilang tinungo ang elevator na maghahatid sa kanila sa rooftop ng building. Pagdating nila doon, binati sila ng masiglang tugtugin buhat sa inarkilang banda.
“Pare, mabuti at dumating ka na!” salubong ng lalaki kay Tim at agad ding bumaling ang atensyon sa kanya. “So, you’re his date? Welcome!”
Minsan pa ay ipinakilala siya ni Tim. “Pare, na-warning-an ko na si Julianne. Don’t say any exaggeration. She would know it.”
“Well, baka mas mabuti ay hindi na lang ako magsalita,” biro nito.
MASAYA ang party. Ni hindi nagawang mailang ni Julianne dahil kahit na kanina siya ipakilala ni Tim ay dama niya ang mainit ding pagtrato sa kanya. Ang iba nga ay interesado pa sa kanya kapag nalamang isa siyang designer.
Ngayon lang niya na-realized na malaki na rin pala ang nagiging ambag niya sa fashion industry ng bansa. Akala niya, pawang mga kliyente lang niya noon ang nakakakilala sa kanya.
Pero dahil hindi naman siya talaga party-goer, hinahanap pa rin niya ang katahimikan. Nang makuha ng grupo ng mga lalaki si Tim at nagsimulang mag-usap ng tungkol sa negosyo, nagpaalam siya sandali na tutunguhin ang powder room.
Bumaba pa siya dahil wala naman niyon sa rooftop.
“Tim is still a debonair,” narinig niya wika ng babaeng nasa loob na ng poweder room.
“Nakita ko silang dumating sa airport. Nandoon ako dahil inihatid ko ang anak ko,” sabi ng isa.
Sa narinig ay tila awtomatikong napahinto sa paghakbang si Julianne.
“Sila? Ibig sabihin, kasamang dumating ni Tim si Julianne? Matagal na pala ang relasyon nila?” sabi uli ng unang nagsalita.
“Hindi si Julianne ang tinutukoy ko. Ang madrasta niya.”
“Ah,” sabi lang ng babae. “Tara na doon. Baka nami-miss na tayo ng mga kasama natin.”
Tumikhim si Julianne at itinuloy na ang pagpasok sa powder room.
“Oh, hi!” bati sa kanya nang isa sa dalawang babae nang magkasalubong sila.
Nginitian lamang niya ang mga ito.
Ilang sandali rin na tumining sa kanya ang mga narinig. Pero siya na rin ang nagdikta sa sarili na wala namang dapat ikabahala doon. Mayamaya pa ay bumalik na siya sa rooftop.
pero hindi siya nakihalo sa mga nagdidiwang. Nakita niyang walang tao ang isnag dulong bahagi ng rooftop kaya ang direksyong iyon ang tinungo niya.
Isang malalim na paghinga ang ginawa niya. Bagaman abot pa rin ng dinig niya ang ingay na bunga ng party, maski paano ay nakadama na siya ng ginhawa sa lugar na iyon.
Ipinako niya ang tingin sa tanawin mula sa kinatatayuan niya. Hindi naman kataasan ang building. Pero nasa sentro iyon ng komersyo sa naturang lungsod.
“Julianne, narito ka pala,” lapit sa kanya ni Tim. “Are you bored?”
Mabilis siyang umiling. “Naghahanap lang ako ng kaunting katahimikan. Hindi naman kasi ako talagang mahilig sa party,” paliwanag niya.
“Gusto mong libutin natin ang opisina ng Style? Kasali pala sa sorpresa ni Lloyd ang pagpapa-renovate ng isang bahagi para maging opisina ko.”
“Nakakahiya naman kung mawawala ka dito. Para pa naman sa iyo ang party.”
“Everybody is having a great time. Walang makaka-miss sa atin,” sabi nito. “Halika.” Sinenyasan nito si Lloyd na abot-tanaw lang sila. “Pare, ilibot mo naman kami sa opisina,” sabi dito ni Tim nang makalapit ito.
“Sure. Iyon lang pala.” At tinungo na nila ang elevator.
Nasa ika-apat na palapag ang naturang opisina. Sa may pintuan niyon ay makikita ang logo ng magazine. Sa pagpasok nila, natuklasan ni Julianne na modernong-moderno ang opisina. Parang hindi iyong kumpanya ng magazine. Walang makikitang nakatambak na anumang papel. Organisado ang lahat ng gamit.
“Ito ang office ko,” sabi sa kanila ni Lloyd at binuksan ang isang pribadong kuwarto. Maluwang iyon at masinop na masinop rin ang lahat ng gamit. Ang pinto na nasa gitna ay binuksan nito. “Ito naman ang conference room.”
Doon sila nagdaan at binuksan nito ang isa pang pinto.
“Ito ang magiging opisina mo, Tim,” sabi ni Lloyd. “You see, nasa gitna natin ang conference room. Pinagawan ko ito ng division para magkaroon ka ng kahit na maliit na bedrom. May sarili ding toilet and bath. And pantry, of course.”
“Pare, mukha dito na ako titira, ah?” sabi ni Tim na halata namang nasisiyahan sa nakita.
Ngumiti lang ito. “Siyempre, ipinaayos ko talaga iyan nang husto. Ikaw yata ang big boss ng Style.”
“Stop it, Lloyd. Pantay lang tayo ng puwesto sa kumpanyang ito.”
“You can’t fool everybody. Alam ng corporate secretary na ikaw ang may hawak ng pinakamalaking share. Anyway, masaya ang lahat na nandito ka na sa bansa. Obvious naman sa pagsaludar sa iyo ng mga tao.”
“Yeah, I’m also happy about it.”
“Oh, paano? Tour yourselves here. Babalik ako sa itaas. Alam mo namang ako ang host ng party.”
“Salamat, Lloyd.”
“Don’t mention it, boss,” may emphasis pa na sabi nito at iniwan na sila.
“Mukha nang bahay ito, ‘no?” sabi sa kanya ni tim. “Kumpleto na halos.”
“Kung sabi nga ni Lloyd ay ikaw ang talagang boss, then hindi na ito dapat ipagtaka,” kaswal na sabi niya.
Ang totoo, bigla siyang naasiwa nang tumalikod si Lloyd. Parang naging conscious na conscious siya sa pagiging dalawa lang nila doon ng binata.
“Ano ang masasabi mo dito?” tanong nito.
“Maganda,” tugon naman niya. “Nagre-reflect sa opisinang ito ang status ng Style sa market.”
“Napag-isipan mo na ba ang alok ko? The fashion advice column, Julianne,” paalala nito.
“I’m flattered, Tim. Pero bigyan mo pa ako nang kaunting panahon para magdesisyon.”
“It’s all right,” anito at humakbang palapit sa kanya. “Julianne,” he said her name again.
“What?” halos pausal na sabi niya.
Sa pagtitig sa kanya ni Tim ay lalo na siyang na-conscious samkatayuan nila roon. Kaylapit nito sa kanya. At bago pa matapos sa isip niya ang ideyang maaaring gawin nito ay tumaas na ang kamay nito at hinaplos ang kanyang pisngi.
“I’m so atatracted to you, Julianne. The feeling I have for you is so strong,” he said solemnly. “Let me kiss you, honey.”