Chapter 2

2128 Words
CHAPTER 2: Nitong umaga lang, bago pumasok si Asia sa kanyang trabaho ay nakatanggap siya ng tawag sa kanya C.O. na may kailangan siyang kunin sa Munisipyo at kailangan din niya iyong dalhin ngayong araw. Walang nagawa ang dalaga kundi ang sundin ang utos na iyon kahit ang totoo ay nahihiya siyang magpakita mag-isa r’on lalo pa’t kasama niyang pumasok ang mayor ng kanilang lugar—ang kaibigan niyang si Callie. “Good morning, Sir. Ito na po ang papel na ipinakuha ninyo,” bati ni Asia sa kanilang Hepe pagdating niya sa Block. Agad niyang inasikaso ang pag-abot ng papel na iyon dahil sa oras na pumalpak siya, hindi kaya ay nakalimutan niya iyong ibigay ay tiyak na malilintikan siya. Hindi siya takot sa kanilang hepe, ngunit ayaw niya lang marindi sa ingay ng bunganga ito sa oras na sermonan siya nito. “Very good, Reyes,” aniya saka kinuha ang papeles sa dalaga. “Oo nga pala, ikaw na muna ang bahala rito sa Block dahil may iniutos ako kay Duran.” Si Duran ay ang kaibigan niya rito, pareho lang naman sila ni Clint na mas madalas gawing utusan kaya sanay na rin siya na kapag may iniutos sa kanya, tiyak na may iuutos din iyon sa kaibigan niya. Nagkataon lang na nauna siyang matapos ang utos sa kanya. “Yes, Sir.” Saludo ng dalaga. Pag-alis ni Sir Galang kasama si Clint, agad na nagdiwang sa isip ang dalaga dahil alam niyang puwede siyang tumambay sa loob ng Block hanggat hindi nakakabalik ang kasama niya, makakalibre siya ng pahinga sa init. Agad na naupo ang dalaga na para bang nasa bahay lang siya, wala siyang pangamba na may magsusumbong sa kanya dahil mas mataas naman ang posisyon niya kaysa sa mga Traffic Enforcer na nandito, takot din naman silang masigawan ni Asia. “Hindi na rin pala masama ang madestino sa Traffic Division,” aniya habang nakangiting tagumpay. Pero agad na naantala ang magandang pagkakaupo ng dalaga nang makarinig siya ng tunog ng gulong na para bang biglang nag-preno at isang malakas na sirena. “Anong nangyari?!” tarantang tanong ni Asia, agad din siyang lumabas sa Block. “Ma’am, nagkaroon ng biglaan, eh. May dumaan kasing kotse na mabilis ang takbo at pa-liko-liko pa kaya 'yung mga sasakyan na galing sa kabilang linya ay napahinto ng biglaan,” paliwanag ng isang Traffic Enforcer. “May nasaktan ba?” tanong ng dalaga. “Wala naman, Ma’am.” Alam na ni Asia ang nangyayari, dahil sa narinig niyang tunog ng sirena, sigurado siyang kriminal ang binanggit ng kausap niya na pa-liko-liko ang takbo na mabilis at hinahabol ito ng kasamahan niyang pulis. Agad na tinakbo ng dalaga ang motor niya. “Ma’am, saan kayo pupunta?” Sinundan siya ng isang kasama niya. “Hahabulin ko ‘yung naka-kotse, hindi ako papayag na umupo lang dito kahit nakita ko na ang nangyari,” sagot ng dalaga. “Pero Ma’am, hindi na po natin sagutin iyon, may humahabol na sa kanyang kapwa ninyo pulis at tiyak na—” “May violation pa rin siya sa batas trapiko, nakita mo naman ‘yung bilis ng takbo niya, ‘diba? Ikaw pa nga nagkwento sa akin ng nangyari, kaso rin natin ito dahil overspeeding din ‘yon.” Hindi na inantay ng dalaga ang sagot ng kausap na Traffic Enforcer dahil humarurot na rin siya ng takbo para makihabol sa naka-kotse. Hindi ko puwedeng palagpasin ito! Iyon ang laman ng isip ni Asia. Matagal na siyang naghahanap ng aksyon, at ito ang challenge na gusto niyang maranasan. Malaking advantage talaga na motor ang ginamit ng dalaga dahil mabilis siyang pinapasingit ng mga sasakyan na nadadaanan niya, sa tulong na rin ng sirenang nakakabit sa motor niya. Sanay ang dalaga sa mabilis na pagpapatakbo dahil minsan na siyang sumali sa Drag Race, hindi man nag-champion pero sapat na ang experience niya roon para sa ganitong pagkakataon. Ito ang hilig ni Asia, mga bagay na challenging, ‘yun bang may mga thrill. Hindi nga siya kinikilabutan kapag nanonood ng mga horror movies, dati nga bago maging mayor si Callie ay nagpunta sila ng Horror House tapos kaibigan niya lang ang natakot samantalang siya ay naboring pa. Bata pa lang ay gusto na niya ng may thrill pero hindi niya ‘yon alam dati, palagi niya tinatanong ang sarili niya noon kung ano ba ang isasagot niya sa tanong ng teacher nila na, “Anong gusto mo maging sa paglaki mo?” Pero dahil sa mga kaibigan niya nu’ng elementary siya, nagkaroon ng kasagutan sa tanong na iyon. Naalala tuloy bigla ng dalaga ang naging usapan nila kung ano ba ang kanilang mga pangarap. “Gusto ko maging isang doktor!” “Ako, gusto ko palaging sumakay ng eroplano kaya gusto kong maging flight attendant.” Nang mga oras na ‘yon, hindi alam ni Asia kung paano siya sasagot, hindi niya alam kung paano niya sasabihin na ang gusto niyang gawin ay ‘yung exciting. “Ikaw, Asia, anong gusto mo?” Tinanong siya ng isa sa mga kaibigan niya pero hindi niya alam kung anong isasagot niya, hindi niya pa alam kung ano ba talaga ang gusto niya paglaki. “Ako! Gusto ko maging isang lawyer, tapos ikaw Asia, dapat pulis ka para palagi pa rin tayo magkasama.” Ngumiti si Asia nu’ng sinabi iyon ng lalaking ‘yon, dahil sa kanya ay nabigyan ng pangalan ang propesyong gusto niya na exciting at may thrill, mayroong challenge! “Sige! Tapos ikaw Callie, dapat president para ako ang po-protekta sa ‘yo.” At si Asia naman ang nagsabi kung ano dapat ang kuning propesyon ni Callie. Matagal na ang usapang iyon pero hindi pa rin nakakalimutan ng dalaga, ang mga kaibigan nilang iyon ni Callie ang dahilan kung ano siya ngayon, sila ang nagbigay sa kanya ng rason bakit kailangan niyang magsikap at bakit kailangan ng pangarap. “Gusto ko silang makausap ulit para ipakita na natupad ko na ang propesyon na sinabi nilang kunin ko,” sabi ng dalaga sa kanyang isip. Bumalik sa kasalukuyan ang isip ng dalaga nang matanaw na niya ang isang police car, agad niyang tiningnan ang harap nito kung nasaan ang hinahabol nitong kotse. Nag-overtake ang dalaga para masabayan ang police car. “Sir! Ako po si PO2 Reyes, nakita ko kayong dumaan sa Block namin at napansin kong may hinahabol kayong kriminal, ano pong maitutulong ko sa inyo?” sigaw ng dalaga. Nasa kalsada pa sila at patuloy pa rin ang takbo pero madali lang para sa dalaga na sabayan ang kotse ng pulis na kausap niya. “Block? Taga-traffic ka ba?” sagot ng kausap niya. “Yes, Sir! I am a police officer—” “Bumalik ka na sa pwesto mo, I appreciate your help pero delikadong trabaho ito, hija. Doon ka na lang sa traffic tumulong.” Medyo natapakan ang pride ng dalaga dahil sa narinig niya, oo babae siya pero hindi naman siya mahina, kaya niyang patunayan sa pulis na kausap niya na kaya niya rin humuli ng kriminal. “Sir, taga-Intelligence Division kayo, ‘diba?” “Oo, malamang, bakit ba?” “Ibig sabihin, hindi ko kailangan sundin ang order n’yo, Sir.” Ngumisi ang dalaga sa pulis saka binilisan muli ang patakbo sa kanyang motor, iniwan niya ang kotse ng kasamahan niya. Challenge ang gusto niya, kaya kahit pigilan pa siya ng pulis na nakausap niya ay hindi siya papapigil doon dahil ito na ang hinihintay niyang mangyari sa buong police career niya. Wala nang pakialam ang dalaga kung pagkatapos ng gagawin niyang ito ay ma-dismiss siya sa pagka-pulis niya, hindi na rin naman niya nagagawa ang gusto niyang thrill sa Traffic Division at alam niyang wala ng pag-asa na malipat pa siya sa Intelligence Division kaya bago manlang siya mawalan ng trabaho, at least nagawa niya ang exciting stunt na ito—ang humabol ng kriminal. Hindi nabigo ang dalaga dahil kaunti na lang ang layo niya sa sinusundang kotse, alam niyang ilang saglit pa ay maaabutan na niya ito ng tuluyan. “Tigil!” sigaw ng dalaga. Nagpaputok din siya ng warning shot. Pero hindi takot sa kanya ang mga kriminal na hinahabol niya, imbis na bagalan ang takbo ay nagpaputok pa ito sa kanya. Nagawa niyang umiwas pero nag-aalala siya na baka madamay ang mga sibilyan na kasabay nila rito sa daan. Wala ng oras para mag-isip ng back up plan, masyado rin delikado ang nangyayari kung dito itutuon ni Asia ang isip niya, kaya hindi na muli siya nagpaputok ng warning shot, patuloy na lang niyang sinundan ang kotseng hinahabol niya. Maswerte rin si Asia na hindi na muli nagpaputok ang mga kriminal, siguro iyon ay dahil lumiko sila sa kanan. Panay pa rin ang sunod ng dalaga kaya muling nagpaputok ang sakay ng kotse, nakailag ulit si Asia at hindi niya maaring palagpasin ang ginagawa ng mga siraulong kriminal na iyon dahil maari silang makatama ng sibilyan kaya kahit nagmamaneho ay sinubukan muli ng dalaga na gumanti ng putok. Muling lumiko ang kotse, malayo na sila ngayon sa highway at hindi alam ni Asia kung nakasunod pa ba sa kanila ang police car pero hindi na niya iyon masyadong inintindi dahil mas kailangan niyang mahuli ang mga ito, perfect chance na kasing malayo na sila sa mga sibilyan in case na magkaroon man ng shoot out. Sa muling pagliko ng kotse ay napansin ng dalaga na malapit na sila sa dead-end kaya bago pa siya makalapit sa mga ito ay muli na naman silang nagpaulan ng putok. Sa galing ni Asia sa pag-ilag ay wala sa kanya ang mga iyon pero may hindi pa rin inaasahang pagkakataon na nagkamali siya ng paghawak ng manibela at hindi niya ito na-control dahilan para mabuwal siya. Advantage na sana ng kalaban iyon para ma-corner ang dalaga pero imbis na pansinin siya ay mas inuna nila ang pagtakas. Dead end na at hindi naman nila maaring labasin ang daan pabalik dahil posibleng makasalubong pa nila ang back up ng mga pulis kaya pinili na lang ng grupo ng mga kriminal na bumaba sa kotse at pumasok sa mga looban ng mga bahay at doon subukang tumakas. Pinilit ng dalaga na tumayo para habulin pa ang mga kriminal, hindi naman siya makatawag ng back up dahil emergency na ito wala na siyang oras para r’on. Hindi rin naman kabisado ng grupo ng kriminal ang pasikot-sikot sa eskinitang pinasok nila kaya nahirapan din silang humanap ng lulusutan kaya agad din silang naabutan ni Asia. Nagkaroon na naman ng barilan sa pagitan ni Asia at ng mga kriminal. Habang nakikipagbarilan ang dalaga ay sinasabay niya ang pagsigaw sa mga sibilyan na magtago sa lugar na hindi matatagusan ng bala. Habang nangyayari ang putukan, nabilang na ng dalaga na lima lahat ang kalaban. Palipat-lipat siya ng pwesto para subukang ma-corner kahit isa man sa kanila dahil hindi naman sila tabi-tabi. Matagumpay na nagawa ito ni Asia nang malikuran niya ang isa sa mga kriminal. Agad niya itong pinatulog sa pagpalo ng handle ng baril niya sa ulo nito. Tinali niya ang una niyang napagbagsak gamit lang ang plasticna nakita niya malapit sa kanya, isa lang ang posas niya kaya ayaw niyang gamitin ito agad. Nagtitiwala na nalang siyang hindi ito magigising kaagad. Kinuha na rin niya ang baril ng lalaking iyon. Pero bago pa siyang maka-alis sa pwestong iyon ay may nagpaulan na naman sa kanya ng putok, tinamaan pa ang lalaking itinali niya. Naasar ang dalaga dahil kahit kriminal ang nabaril ay ito pa rin ang unang aong nahuli niya, gusto pa naman sana niyang makita ito sa kulungan. Mabilis kumilos ang dalaga kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin siya natatamaan ng bala, akala niya ay hindi na niya magagamit ang natutunan niya sa training. Apat pa ang natitirang kalaban ni Asia, pero wala na siyang bala, maswerte na lang talaga at nakuha niya ang baril ng kriminal na napatumba niya. Tahimik na rin ang paligid, siguro dahil gaya niya ay wala na ring bala ang mga kalaban. Sugal ang naiisip ni Asia pero ito lang ang paraang naiisip niya para matapos na ito... Lumantad ang dalaga sa open space at nakangising nagsalita, “Alam ko wala na kayong bala, kung gusto niyong matapos na ang paghihirap natin pare-pareho ay lumabas na kayo sa pinagtataguan niyo.” Pero bata pa talaga sa serbisyo si Asia, sa ginawa niyang paglantad ay tinutukan siya sa ulo ng isa sa mga kriminal. “Sinong may sabi sa ‘yong wala na kaming bala?” sabi ng isang lalaking nasa likod niya. Agad na napalunok ang dalaga, lumitaw rin ang tatlo pa sa mga kasama nito at kinuha ang baril na hawak niya. “Tapos ka na, hija.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD