Chapter 3

2309 Words
CHAPTER 3: Tawanan ng apat na lalaki ang umalingawngaw sa paligid. “Anong tingin mo sa amin, madaling mapapabagsak ng isang babaeng pulis na kagaya mo?” sabi ng isang lalaki sa likuran ni Asia. Bukod sa nakatutok sa likod ng dalaga, tinutukan din siya ng isa pang lalaki na nasa harapan niya. “Taas ang kamay!” aniya. Agad siyang sumunod, sa isip ay nananalangin na sana dumating na ang back up, sana dumating na ang police car na kasunod nila. “Pagsisisihan mong sinundan mo pa kami, miss,” sabi pa ng isa sa kanila. Hindi umiimik si Asia, ayaw niyang makapagsalita ng ‘di maganda na maaring magtulak sa mga kalaban niya na mapa-aga siyang tapusin. Nagsalita muli ang lalaki na nakatutok din ng baril sa kanya, “Wala ka bang huling hiling bago ka mamatay?” aniya. “Ibaba ang mga baril!” Agad na nataranta ang apat nang palibutan sila ng mga pulis na kasamahan ni Asia, tila dininig ng langit ang panalangin niya. “Medyo totoo pala talaga na sa huli dumarating ang mga pulis,” bulong niya. Pinulot niya ang baril niya na nabitawan ng suspek nang hablutin siya ng pulis. Pinanood sila ni Asia habang pinoposasan. “Reyes.” Lumingon siya sa gawi ng tumawag sa kanya. “Sir!” sumaludo ang dalaga. Sumaludo rin ang lalaki saka muling nagsalita, “Magaling ang ginawa mo, Reyes. Kung hindi sa tulong mo hindi natin sila mahuhuli.” Ngumiti siya bago sumagot, “Salamat, sir. Ginawa ko lang po ang trabaho ko.” “Pero hindi ko pa rin gusto ang ginawa mo, napakadelikado ng pagsugod mo ng alanganin. Marami sila at nag-iisa ka lang, nakita mo naman kanina na-corner ka na, mabuti na lang at dumating kami kung hindi bangkay ka nang makakauwi sa pamilya mo.” Yumuko siya saka humingi ng tawad sa padalos-dalos niyang kilos, alam niyang hindi na uubra sa kausap niya kung mangangatwiran pa siya. “Inspector!” Napalingon ng sabay sina Asia at ang pulis na kausap niya. “Wala sa kotse ang perang dala nila, wala na rin ang mga epektos,” sabi ng isang pulis na tumawag. “Paanong wala roon? Wala naman silang bitbit, imposible naman yatang itapon nila 'yon habang tumatakas.” Medyo namangha si Asia nang malaman niya na Inspector na pala ang pulis na kausap niya, hindi naka-uniform si Inspector kaya walang ideya ang dalaga sa ranggo nito, tinatawag niya lang itong ‘Sir’ dahil ginawa niyang basehan ang itsura nito na mas matanda sa kanya, inisip niyang lang mataas na ang ranggo nito dahil kagalang-galang ang postura niya. Siguro nga bata pa siya sa serbisyo dahil hindi niya inakala na ang isang gaya ni Inspector ang makikita niya ngayon sa field—akala niya kasi kapag mataas na ang ranggo ay nasa loob na lang ng opisina, naghihintay ng mga report ng mga gaya niyang mababa lang ang ranggo, idagdag pa na si Inspector din ang nagmamaneho ng kotse kanina. “Reyes.” “Sir!” bahagyang nagulat ang dalaga nang tumingin ulit sa kanya si Inspector. “Napansin mo bang may dala ang mga suspek nu’ng hinahabol mo sila?” Sandaling nag-isip si Asia bago sumagot, “Meron, Sir.” Naglakad ang dalaga papunta sa unang lalaking nakaharap niya, sinundan naman siya nila Inspector. Pagdating nila sa nakahandusay na katawan ng lalaki, agad itong dinampot ng ibang pulis kasama na ang itim na bag na nakasukbit sa kanya. Tiyak ni Asia na 'yon ang hinahanap nila Inspector. “Reyes, salamat sa naging tulong mo sa amin ngayon. Wala na ‘kong masasabi sa nagawa mo.” Abot tenga ang naging ngiti ng dalaga. “Karangalan ko po ang makatulong sa inyo, Sir!” “Gusto kong makausap ang Hepe mo, para masabi ko sa kanya ang reward na puwede kong ibigay sa ginawa mong tulong sa amin.” Hindi na nakasagot ang dalaga sa Inspector dahil tumalikod na agad ito sa kanya, kinalabit na lang niya ang isa sa mga pulis na kasama nito. “Ano pangalan ni Inspector?” ani Asia. “Kinakausap mo, hindi mo kilala? Siya si Sir Nuñez, ang pinakamagaling na pulis sa Station.” Pagkatapos siyang sagutin nito ay umalis na ito. Napairap na lang ang dalaga. “Alangan naman unahin ko pang itanong ang pangalan niya kaysa mag-report ng nangyari,” bulong na lang niya sa sarili. Inobserbahan ni Asia ang paligid kung meron pa ba siyang maitutulong sa mga pulis na nag-iimbestiga, pero dahil alam naman ng dalaga na hindi na ito sakop ng trabaho niya at natiyak niyang hindi na siya kasali sa mga tatanungin tungkol sa nangyari ay kinuha na niya ang motor niya at bumalik na siya sa Block, hindi na niya nagawang magpaalam kay Inspector. Pagdating ng dalaga sa pwesto niya, agad na bumungad sa harapan ng Block sina Clint at Sir Galang na tila naghihintay sa pagbabalik niya. Pagbaba ng motor, alam na ng dalaga ang mangyayari pero pinili pa rin niyang sumaludo sa kanyang Hepe. “Sir!” “God damnit, PO2 Asia Reyes! Oras ng trabaho wala ka sa pwesto mo?! Ang ganda pa ng bati ko sa ‘yo kaninang umaga bago kita iwan at binilinan pa kitang ikaw muna ang bahala rito, tapos ito ang aabutan ko rito?!” Kahit may posibilidad na hindi siya paniwalaan o pakinggan, pinili pa rin ng dalaga na sumagot dahil mas magagalit ang Block Commander niya kung hindi siya sasagot. “Sir, may nangyaring engkwentro kanina sa pagitan ng kapwa natin pulis at mga suspek sa pagnanakaw, ginawa ko lang po ang trabaho ko na tulungan silang hulihin ito.” “Hulihin?! Ano bang pakialam mo sa trabaho ng mga humuhuli sa mga magnanakaw?! Dito ka sa Traffic Division naka-destino at hindi mo trabaho ang humuli ng mga kriminal na tumatakas, gaano ba kaliit ‘yang utak mo para hindi iyon maisip, ha?!” Halata namang galit ang Hepe nila, pero si Asia ang tipo ng tao na hindi tinitingnan ang posisyon ng kausap niya maipaliwanag lang ang sarili niya. “Sir, alam ko ang tungkulin ko rito pero bilang isang pulis, sumumpa ako sa tungkulin ko na gagampanan ko ito sa abot ng aking makakaya, at hindi ko kayang titigan lang ang kasamahan kong itinataya ang buhay nila mahuli lang ang mga kawatan habang ako ay nakatayo lang dito at pinapanood lang sila. Isa pa, sakop pa rin naman ng trabaho ko ang paghuli sa kanila, lumabag pa rin sila sa batas-trapiko dahil sa overspeeding, Sir.” “Stop your nonsense reason! Ang order ko sa ‘yo, dito ka lang sa Block, wala akong sinabing habulin mo ang mga kawatang lalabag sa overspeeding!” “Yes, Sir. Pasensya na po,” mahinang sambit ni Asia. Kinalma ni Sir Galang ang sarili bago muli nagsalita, “Pumasok ka sa loob, Reyes. Tandaan mo, hindi ko palalampasin ang ginawa mong ito.” Hindi na umimik ang dalaga, sumaludo na lang ito sa Block Commander saka sinunod ang utos nitong pumasok siya sa loob. Walang talab kay Asia ang mga sermon sa kanya, tila sanay na itong makatanggap ng gan'ong galit, pasok sa kaliwang tenga at labas sa kanang tenga. Nagawa pa nga niyang itapat ang sarili sa harap ng electric fan. “Asia! Nababaliw ka na ba talaga?! Alam mo ba kung anong ginawa mo?!” tarantang bungad ni Clint sa kanya pagpasok sa Block. “Clint, puwede ba? Let me enjoy my last moment here,” ani Asia. “Asia!” Inalog pa ni Clint ang kaibigan. “Ano bang nangyayari sa ‘yo?!” “Naiinitan?” sagot ng kausap. “Asia, alam ko palagi kang nasesermonan ni Sir Galang pero iba ‘yung kanina, galit na galit talaga siya sa ‘yo at puwede ka niyang ipa-suspinde or worst ipatanggal sa serbisyo dahil sa ginawa mo.” “Alam ko. Wala naman na akong pakialam pa ro’n.” Kumunot ang noo ng binata. “What?” Umayos ng pagka-upo si Asia, napabuntong hininga ito bago sumagot, “Alam mo kung gaano ko ka-ayaw dito ‘diba? Siguro ito na ang perfect time para makaalis na ‘ko rito.” “Makaalis? Ibig sabihin, ayos lang sa ‘yo matanggal ka?” “Yeah, tanggap ko na ‘yon bago pa ako sumakay sa motor ko para makihabol sa mga suspek.” “Hindi kita maintindihan, ano ba kasing nangyari?” “Clint, nag-pulis ako kasi gusto ko ng challenge, thrill, exciting, stunts, o ano pang masaya gawin pero hindi ko ‘yon nagagawa rito sa Block, pero kanina... nagawa ko na siya, finally na-enjoy ko na ang action na hinahanap ko. Kaya kung ang kapalit ng nangyari kanina ay mawalan ako ng trabaho, wala akong pinagsisisihan.” “Hindi ko alam ang isasagot ko sa ‘yo, hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong i-react sa sinabi mo. Basta ang masasabi ko lang, nababaliw ka na talaga.” Pagak na natawa ang dalaga. “Alam mo ba, ang cool ng nakilala kong pulis kanina, pang-tatay na ang edad niya pero nasa field pa siya. Grabe, kanina ko lang siya nakilala pero ang taas kaagad ng respeto ko sa kanya, sana kagaya na lang ni Sir Nuñez ang Hepe natin dito.” Nanlaki ang mata ng binata. “Sino?!” “Sir Nuñez.” “Nakita mo Sir Nuñez?!” “Yeah, nakita at nakausap ko siya, hindi ko makakalimutan na pinuri niya ako, first time kong makatanggap ng papuri sa trabaho.” “Sige, magkwento ka pa kung anong mga nangyari.” Tinuloy naman ni Asia ang pagkwento sa mga nangyari kanina, sobrang bumilib si Clint dahil gaya ng dalaga ay minsan na rin niya itong nakita at nakausap.Tunay nga namang respetado ang isang Inspector Nuñez, idagdag pa sa personality niya ang galing kapag sumasabak siya sa mga engkwentro. Naputol ang kwentuhan ng dalawa nang kumatok ang isang Traffic Enforcer. “Ma’am Reyes, pinapatawag daw po kayo sa Station.” Ngumiti ang dalaga. “Bye, Clint. Masaya ‘ko na ikaw ang naging kasama ko rito.” Ngumiti pabalik ang binata. “Magkikita pa tayo, Asia. Ingat ka.” Agad na umalis ang dalaga, isa lang naman ang laman ng isip niya—ang murahin muna si Sir Galang bago tuluyang umalis sa serbisyo. Pagdating sa Police Station, medyo kabado na si Asia. Ito ang unang beses niya na haharap dito kasama ang Block Commander niya, alam niyang hindi na niya magagawang depensahan ang sarili niya sa pagkakataong ito at malamang diretso dismiss na ang ending niya nito. Kumatok muna siya bago pumasok sa loob ng opisina, bahagya siyang nagulat nang makita na nasa loob din si Sir Nuñez. Halos hindi na nakapag-saludo ng maayos si Asia. “Maupo ka, Reyes,” alok ng Hepe. “Reyes, bago kita pinatawag dito ay narinig ko na ang kwento sa Sir Galang mo at kay Inspector.” Tumango lang si Asia. “At gusto kong marinig naman ang side mo.” Napalunok ang dalaga. “Sir, ginawa ko lang po ang sa tingin ko ay tama.” Sandaling natahimik ang Hepe, naghihintay na may dagdag pa si Asia pero dahil wala ay nagsalita ito ulit, “Bakit sa tingin mo ay iyon ang tama?” “Sir, tawag ng tungkulin ang unang nanaig sa akin, gusto ko lang po talaga makatulong.” “Hindi mo ba alam na maari kang mapahamak sa ginawa mo?” “Alam ko po pero ‘diba, Sir, sa sinumpaan nating tungkulin, sadyang nasa hukay na ang isa sa dalawang paa natin.” “Tama ka, pero ang order sa ‘yo ng Block Commander mo ay doon ka lang sa Block habang wala sila ng kasama mo.” “About that, Sir, handa po akong tanggapin ang anomang parusa na ibibigay ninyo sa akin.” Nagkatinginan na lang ang tatlong opisyal dahil sa isinagot ni Asia. Sa totoo lang, iyon na lang talaga ang hinihintay ni Asia. Hindi na siya naghahangad ng kapatawaran sa kasalanan niya dahil sa totoo lang hindi na niya kayang makisama sa Block Commander niya na hindi manlang nagbibigay ng rason para respetuhin siya. Ginawa niya naman ang kaya niya para tiisin ang lahat, hindi lang siguro talaga para sa kanya ang pagiging pulis at hindi talaga siya nakatadhana mapunta sa Intelligence Division. “May gana ka pa talagang sabihin ‘yan sa harap ko, Reyes?!” pagalit na sabi ni Sir Galang. Hindi umiimik ang dalaga, alam niyang wala na siya sa posisyon para sumagot pa. “Well, hindi ko na dapat pang aksayahin ang oras ko sa ‘yo, nasabi ko na rin naman kung anong parusa ang nararapat para sa ‘yo.” Napapikit si Asia, kanina niya pa sinasabing handa siya pero ngayong maririnig na niya mismo ito ay biglang nakaramdam siya ng takot na mawala sa kanya ang propesyon na inakala niyang maipagmamalaki niya sa mga kaibigan niya kapag nagkita silang muli. “I want you to be out of my team! Hindi ko kailangan ng isang pulis na katulad mo!” Kahit paano, nasaktan si Asia doon. Alam niyang may mali siya pero hindi niya lang matanggap na sa kabila ng pagtitiis niya, wala rin pala siyang makukuha kahit kaunting appreciation manlang. “Reyes.” Nagmulat ng mata ang dalaga at tumingin Inspector nang tawagin siya nito. “Sir... Nuñez,” sagot ng dalaga. “Pinag-usapan din namin ang tungkol sa reward na sinabi kong ibibigay ko sa ‘yo kapag nakausap ko ang Block Commander mo. And after what I heard from him, gusto kong ikaw na ang mamili kung anong reward ang gusto mo.” Sa pagkakataong ito, isa lang ang reward na gustong makuha ni Asia. “Sir, gusto kong mapunta sa Intelligence Division. I want to be part of your team, Sir Nuñez.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD