IKALAWANG KABANATA— PAGTATAKSIL

2127 Words
SA KAHARIAN NG ALKASIA Sa utos ng Hari ng mga mangangaso na si Vartos, dumating na ang mensahero sa Palasyo ng Alkasia. “Paumanhin sa aking biglang pagdating, Kamahalan, ” bati ng mensahero kasabay ng kanyang pagluhod sa harapan ng Hari upang magbigay pugay. “Ano’t nagpadala ng mensahero ang inyong Hari? Magwika ka at wag mong aksayahin ang aking oras, mangangaso!” utos ng mapagmataas na Hari. “Ang aking Hari ay ipinaaabot sa inyo ang balak na pakikidigma sa inyo ng Kaharian ng Sanyar, ” Natigilan ang Hari at animo’y nag isip na agad ding ngumiti. “Kung gayon ninanais ni Kimor na ako ay kanyang pabagsakin? Mainam,! Ako ay magkakaroon na ng dahilan upang ubusin ang lahi ng mahihinang mga Sanyas!” Muling nagtanong ang Hari sa mensahero ng Uryon. “Hindi ba’t magkapanalig ang Uryon at Sanyar? Bakit mo ito sinasabi sa akin? Ano ang nais na kapalit ng inyong Hari sa impormasyong kanyang ibinahagi?” “Kung kayo ay magwawagi, nais ng aking Hari na hindi ninyo pwersahang sasakupin ang aming Kaharian kapalit ng hindi niya pagpanig sa mga Sanyas, ” sagot ng mensahero. “Kung kami ay magwawagi? Hah! Isang mainsultong pahayag mula sa isang mababang hari! Bumalik ka sa iyong Hari at sabihing hindi pa nag uumpisa ang digmaan ay nagwagi na ang aming kaharian! Iyo ring ipabatid sa kanya na aking gagawin ang kanyang ninanais kung siya ay magpapadala ng hukbo sa Alkasia paglipas ng 20 araw upang aking magamit sa digmaan, ” “Ngunit kamaha—” “TAHIMIK!” galit na utos ni Artemiar. “Adelyon!” “Kamahalan,” “Ihatid ang mangangaso sa Bulwagan, bago ko pa siya maisip na paslangin,” “Masusunod, Mahal na Hari” pagtalima naman ni Adelyon “Bakit ninyo ibig ang hukbo ng mga mangangaso, Ama? Higit na malakas ang ating hukbo kaysa sa kanila, kung kaya’t hindi na natin pa kailangan ang mga Ur,” tanong ni Prinsipe Joco. “Prinsipe ka ng Alkasia at hindi hari, sundin mo lamang ang utos ng iyong Hari, may panahon para ikaw ay magpasya para sa mga hakbang na iyong gagawin kapag ikaw ay Hari na,” tugon ni Artemiar bago tuluyang umalis upang magtungo sa kanyang silid. SA PALASYO NG SANYAR Agad na kumalat ang balita ng pagdating ng Prinsipe ng mga Sanyas sa buong Sanyar at agad na nakarating sa kanilang Hari kung kaya naman ay agaran niyang ipinag utos ang pagdaos ng isang malaking piging para sa pagbabalik ng kanyang mahal na anak. SA KAHARIAN NG URYON Sa pagbabalik ng mensahero sa kanyang kaharian ay agad siyang nagtungo sa kanyang hari na nakaupo sa kanyang ginintuang trono na nababalutan ang itaas ng mga balat ng hayop. Sa tabi ng Hari ay ang kanyang matapat na Gurdashi, si Urbed. “Kamahalan! ” pagbati ng mensahero. “Mag-ulat ka sa iyong naging paglalakbay, ” utos ng Hari. “Akin nang naipabatid sa Hari ng mga Alkasir ang inyong nais, ” “At ano ang naging tugon ni Artemiar?” Nag-alangan ang mensahero sa kanyang isasagot ngunit itinuloy na din ang kanyang pag-uulat. “Sinabi ng kanilang Hari na hindi pa man nag uumpisa ang digmaan ay alam na niyang magwawagi sila, Kung kaya’t ang kapalit daw ng ating kaligtasan pagkatapos ng digmaan ay…..” napahinto sa pagsasalita ang mensahero na siya namang ikinagalit ni Vartos. “AT ANO? MAGWIKA KA MENSAHERO!” “Na-nais po ni Haring Artemiar na magpadala ng hukbo ang Uryon upang lupigin ang mga Sanyas, kung hindi daw po tayo tutugon sa kanyang hinihingi ay asahan na natin ang ating pagbagsak kasunod ng Sanyar, ” “LAPASTANGAN!” galit na sigaw ng hari ng mga Ur. ”Kamahalan, tayo ba ay tutugon sa nais ng Alkasia o tayo ay lalaban sa tabi ng Sanyar?” tanong ni Urbed. SA SANYAR “Nagagalak ako sa iyong ligtas na pagbabalik, Kumusta ang aking anak na Prinsipe?” tanong ni Haring Kimor sa Prinsipe. “Ako man ay lubos na nagagalak sa aking pagbabalik, ama kong Hari, ” tugon naman ng Prinsipe kasabay ng kanyang pagluhod at paghalik sa kamay ng ama bilang pagpupugay. “Kung gayon, ay nais ko sanang malaman kung bakit naging biglaan ang iyong pagbabalik?” “Naglalakbay ako sa teritoryo ng mga Alkasir ng aking mapag alaman na kanila ng napabagsak ang Kaharian ng Parsis, ” “Tama ka, napabagsak nila ang Parsis at Pinaslang ang mabuting Hari na si Parris kasama ng kanyang mag-anak, ” “Bakit hindi ninyo sila tinulungan, Ama?” Makikitang naging malungkot ang mata ng kanilang hari matapos itong itanong sa kanya ng Prinsipe “Huli na ng malaman kong nilulusob sila ng mga Alkasir, Anak. Naisin ko mang magbigay ng tulong ay napasailalim na sa Alkasia ang Parsis at napaslang na ang aking kaibigan at sampu sa kanyang sambahayan, ” Napansin ng Prinsipe ang malungkot na tono ng kanyang Ama, kaya agad niyang binawi ang kanyang nabitiwang tanong. “Patawad, Ama kong Hari, ” “Wala kang dapat na ihingi ng tawad anak. Ako man ay nalulungkot sa sinapit ng aking kaibigan, ” “Nakasisiguro akong tayo na ang isusunod ng Alkasia, hindi ba’t mas mainam kung tayo ang unang aatake sa kanila kaysa hintayin nating lumusob sila?” “Palagi mo sanang tandaan ito, Anak, Hindi sa lahat ng sigalot ay sagot ang paghihiganti karahasan, dahil kung sa bawat hirap at sakit na ating kakaharapin ay pag ganti ang ating magiging solusyon ay mas magkakaroon pa ng mas maraming hidwaan at di maiiwasang kamatayan, at bilang pinuno ng ating Kaharian ay kailangan kong gumawa ng mga hakbang upang mapangalagaan ang buhay at Kalayaan ng aking mga nasasakupan.” “Ngunit kung hindi natin susuklian ng karahasan ang karahasang namumutawi sa puso at isipan ng mga alkasir ay mas marami ang magdudusa sa buong Babylon, Ama.” “May awa ang ating mga Bathala Anak, hindi nila hahayaang tuluyang masira ang mundong kanilang nilikha at iningatan sa mahabang panahon,” “Ngunit ama—” “Buo na ang aking pasya anak, hindi tayo ang mauuna sa pagpapahayag ng digmaan laban sa Alkasia, magpapadala ako ng mensahero upang makipag pulong kay Artemiar, ngunit kung digmaan ang magiging huling sagot ng Alkasia upang magkaroon ng mahabang kapayapaan sa Babylon, yun ang aking ibibigay sa Alkasia.” “Lubos akong humahanga sa inyong pagiging mabuting Hari, Ama.” “Kung gayon ay magtungo na tayo sa piging na aking ipinahanda para sa iyong pagbabalik, Prinsipe, ” Nagtungo na nga ang mag ama sa sentro ng Kaharian ng Sanyar upang mag saya. Samantala, nakarating na sa pamilihan si Astora matapos ang kanyang kalahating araw na paglalakbay patungo rito. Namangha siya sa ganda ng pamilihan na halatang nilagyan ng mga palamuti ang mga tindahan. Sa dami nang mga Babylonian na kanyang nakikita ay hindi niya mawari kung ganito ba talaga ang pang araw-araw na takbo ng buhay dito dahil na rin sa matagal niyang hindi pagpunta sa pamilihan ay hindi na niya maalala kung ganito talaga kasaya rito, maya-maya pa ay may mga dumating na kawal upang mag anunsyo ng isang bagay. Kung kaya’t ang lahat ay tumigil sa kanilang mga gawain at nakinig, kabilang na si Astora. “Ang lahat ay inaanyayahan na makisaya sa piging na idaraos ngayong araw dito sa sentro ng Sanyar para sa pagbabalik ng Prinsipe Jibreel!” pagbibigay alam ng isa sa mga kawal. “Kung gayon, mayroon palang piging kaya’t napakadaming palamuti ng pamilihan” sambit ni Astora Sa di-kalayuan ay natanaw ni Astora ang mga Kawal na kanyang nakilala ilang oras na ang nakalipas. Napansin din siya ng pinuno ng mga ito kaya agad siyang nilapitan nito. “Binibini!” tawag sa kanya ni Renzir ng akmang tatalikuran niyang muli ang mga ito “Ano na naman ang iyong kailangan pinuno ng mga kawal?” bagot na tanong ni Astora. “Nais sana kitang imbitahin sa magaganap na piging,” “At bakit ko naman gugustuhin na dumalo sa inyong piging?” “Sapagkat narito ka sa Sanyar ay obligado kang tumugon sa utos ng hari na makisaya sa piging at wala naman akong nakikitang iyong kasama upang maaliw ka mamaya kung kaya’t ikaw ay aking inaanyayahan. Wag kang mag isip ng masama hindi kita sasaktan o pagsasamantalahan, sadyang ugali ko na talaga ang kaibiganin ang lahat ng aking bagong nakikilala,” sagot ni Renzir. Napatitig si Astora sa mukha ng lalaki upang kanyang malaman kung ito ba ay nagsisinungaling o hindi, nang mapagtanto niyang totoo ang mga sinasabi nito ay pumayag na din siyang samahan ng mga ito kaysa mabagot siya sa darating na piging mamayang gabi. Agad silang umalis ni Renzir kasama ang mga kawal nito at nagtungo sa sentro ng Sanyar. “Saan ka nagmula, Binibini?” tanong ni Renzir “Astora. Astora ang itawag mo sa akin, Wala akong permanenteng tirahan kung kaya’t maituturing narin akong isang manlalakbay, ” “Hindi ba't lubos na mapanganib sa isang Binibini ang maglakbay ng nag iisa?” “Marahil ay mapanganib para sa iba, ngunit hindi para sa akin.” Namangha si Renzir sa ipinamalas na katapangan at kayabangan ng kanyang bagong kaibigan, kaya’t napahalakhak siya na ikinainis naman ni Astora. “Patawad Astora, hindi kita minamaliit sadyang namangha lamang ako sa iyong tinuran, Siya nga pala, nandito na tayo sa Sentro, ” Lubos ang pagkamangha ni Astora sa ganda ng Sentro, na puno ng mga Babylonian at nag gagandahang mga palamuti na parang bahaghari sa dami ng kulay na makikita. “Alam ko, at napakaganda at buhay na buhay pa din ito simula noong huli kong pagbisita dito, ” Napansin niyang napatitig sa kanya si Renzir na kanya naang ikinailang, iginiya na lamang niya ito at sabay silang pumasok sa bulwagan ng Sentro. Sa pag sisimula ng piging ay makikita ang hari sa isang gusali kasama ang kanyang mga heneral na masayang nanonood sa mga nagtatanghal sa gitna ng madla. Sumasayaw sila sa saliw ng musikang Sanyar. Napahiyaw si Astora sa pagkabigla ng may biglang bumangga sa kanyang bandang likuran, nang kanyang tingnan kung sinong Babylonian ang bumangga sa kanya ay napanganga siya sa kanyang natunghayan. Isang lalaking may maamong mata ang ngayon ay nakatitig sa kanya, nakatali ang mahaba at kulay nyebe nitong buhok sa likuran ng kanyang mahahabang tainga, nakasuot ito ng simpleng kasuotan na gawa sa balat ng mga hayop na kalimitang nakikita lamang sa Kaharian ng Sanyar. “Nagtagpong muli ang ating mga landas Binibining Astora, ” saad ng lalaki na may malawak na ngiti sa kanyang mapupulang mga labi na nagpamula naman sa mga mukha ni Astora “Ginoong Ezekiel? Hindi ko akalain na magtatagpo pa tayong muli at sa isa pang piging, ” sagot ni Astora. Napalingon naman si Renzir na kasalukuyang may kinakausap na isang kawal ng marinig niya ang boses ng kausap ng kanyang bagong kaibigan. “Prins—” “Renzir, kaibigan! Masaya akong Makita kang muli!” pagputol ni Ezekiel sa sasabihin ng Heneral. Nagtataka namang nakatingin sa kanila si Astora. “Kung gayon ay kilala mo si Ginoong Ezekiel, Renzir?” tanong ni Astora Naguguluhan namang tumingin si Renzir kay Ezekiel na tumatango at nakangiti lamang sa kanya. “O-Oo, matagal ko na siyang kilala, ” “Maiwan ko na muna kayong dalawa, Nagagalak akong muli tayong nagkita Binibining Astora, gayundin ikaw Renzir” saad ni Ezekiel bago tuluyang umalis Tumango lamang si Astora kay Ezekiel ng magpaalam ito sa kanila. Maya-maya pa ay biglang nagtanong sa kanya si Renzir “Astora? Saan mo nakilala si Ezekiel?” Nagtaka naman si Astora sa kuryosidad na ipinakita ni Renzir kaya’t napatingin siya dito ng nakakunot ang kanyang mga noo, ngunit kanya na lamang sinagot ang tanong nito bago pa ito magtanong ng kung ano-ano. “Nakilala ko siya sa isang kagubatan sa Ur. Iniligtas niya ako sa mga kawal ng Alkasia na may masamang tangka sa akin” tugon niya dito “Hindi pa din talaga siya nagbabago” nakangiting turan ni Renzir na labis namang ikinapukaw ng kuryosidad ni Astora. Magtatanong pa sana ang dalaga ng bigla na lang tumigil ang mga nagtatanghal at tumayo ang Hari sa kanyang kinauupuan upang mag anunsyo kung kaya’t hindi na nagawa pang magtanong ni Astora kay Renzir. “Labis akong nalulugod sa inyong pagdalo sa ating piging sa kabila ng biglaan kong pag anunsyo nito. Bilang Ama ay lubos akong nagagalak sa pagbabalik ng aking Anak na siyang hahalili sa aking trono at pamumunuan ang aking mga mamamayan. Kaya mga Sanyas kayo ay magsaya ngayong gabi hanggang sa kayo ay malango sa mga nakahandang alak at pagkain! Inyong salubungin ng pagmamahal ang aking mahal na anak, si Prinsipe Jibreel!” Masayang nagpalakpakan ang lahat sa paglabas ng napakagwapong Prinsipe na ngayon ay nakasuot ng magarang kasuotan na alam ng lahat na tanging mga matataas na indibidwal lamang ang kalimitang nagsusuot. Makikita ang pantay-pantay at mapuputing ngipin ng Prinsipe habang kumakaway sa mga mamamayan ng Sanyar. “MABUHAY ANG PRINSIPE JIBREEL!” “MABUHAY!” “MABUHAY ANG HARING KIMOR!” “MABUHAY!” “MABUHAY ANG SANYAR!” “MABUHAY!” Napangiti na lamang si Astora ng makilala kung sino ang tinutukoy na Prinsipe ng mga taga-Sanyar. Ang Babylonian na nagligtas sa kanya sa kagubatan ay siya ding Prrinsipe na hinahangaan at minamahal ng karamihan. “Bakit hindi mo agad sinabi na si Ezekiel pala ang anak ng inyong Hari, Renzir?” tanong niya sa Heneral na nasa kanyang tabi “Dahil pinigilan niya ko kanina, sumunod ka sa akin” matipid na tugon naman nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD