IKATLONG KABANATA-- BALIK-TANAW

2547 Words
SA PALASYO NG ALKASIA Dumating na ang takdang panahon ng pagpapadala ng hukbo ng Uryon sa Alkasia, hiningi ito ni Artemiar sa Hari ng mga Ur upang kanyang malaman kung tunay nga bang nakikipag alyansa ang mga mangangaso sa mga Alkasir. Kasalukuyang nasa kanyang trono si Artemiar, nasa kanyang kaliwa naman si Adelyon na Punong-Heneral ng Kaharian ng Alkasia. “Ngayon na ang ika-dalawampung araw mula nang magpadala ng mensahero ang Ur, sa tingin ba ninyo ay magagawa ‘ngang pagtaksilan ng Ur ang Sanyar?” tanong ni Adelyon kay Artemiar. “'Yan din ang aking nais malaman, kung kaya’t aking sinubukan si Vartos” tugon ni Artemiar. “Ngunit kamahalan, umabot na sa paglitaw muli ng buwan ang ating paghihintay, sa aking palagay ay hindi tapat si Vartos sa kanyang pakikipag tulungan sa atin” komento pa ni Adelyon. “Huwag kang mabahala, Adelyon, kung hind magiging matapat ang Hari ng Uryon sa kanyang mga tinuran ay sila naman ang babagsak kasunod ng Sanyar, ” tugon naman ng Hari. Maya-maya pa ay may isang kawal na humahangos ang pumasok sa trono ng Alkasia upang mag ulat. ”Kamahalan!” sigaw ng kawal habang tumatakbo palapit sa nag-uusap na si Artemiar at Adelyon. “Ano’t tila hapong-hapo at takot na takot ka kawal?” tanong ni Adelyon sa kanyang kawal. “Heneral, mayroong 10 pulutong ng mga kawal ng Uryon ang dumating, bawat pulutong ay binubuo ng limampung mangangaso! Tingin ko po ay aatakihin nila tayo” takot na saad ng kawal na siya namang ikinangiti ni Artemiar at Adelyon. “Nasaan sila ngayon?” “Naroon po sila sa tarangkahan ng palasyo, ” “Mainam! Bigyan sila ng makakain at maiinom, ” utos ng Gurdashi. “Heneral? Tama ba ang aking narinig? Bigyan sila ng makakain at maiinom?” pagkumpirma naman ng kawal sa narinig na utos ng kanilang heneral. “Oo. Malayo ang kanilang nilakbay, at huwag kayong mabahala sapagkat sila ay ating kapanalig! Ipagbigay alam mo din sa kanila na sila ay haharapin ng ating Hari sa oras na sila ay matapos na sa pagpapahinga!” “Masusunod, Heneral!” Agad namang umalis ang kawal at nagtungo sa tarangkahan ng palasyo upang bigyan ng makakain ang mga bagong kapanalig. “Mukhang tama ang inyong sapantaha, Kamahalan!” nakangiting saad ni Adelyon. “Ngayon ay napatunayan na ni Vartos sa akin ang kanyang sarili, ” tugon naman ni Haring Artemiar sa tinuran ng Gurdashi. SA SENTRO NG SANYAR Tulad ng utos ni Renzir kay Astora ay sumunod nga siya dito. Tinatahak nila ang landas patungo sa gusali kung saan niya nakitang nakatayo at nag-anunsyo ang Hari ng mga Sanyas ilang sandali pa lamang ang nakararaan. “Sandali, Ginoong Renzir! Bakit tayo patungo sa kinaroroonan ng Hari?” tanong ni Astora. “Mag-uulat lamang ako sa kamahalan, isasama na kita dahil wala ka namang makakasama kung ikaw ay aking iiwanan dito ng nag-iisa,” “Ngunit sa aking pagkakaalam ay hindi pinahihintulutan ang isang ordinaryong mamamayan upang mapakinggan ang mga pinag-uusapan ng mga matataas na indibidwal ng kaharian,” “Huwag kang mangamba, Ako ang Punong-Heneral ng Sanyar, higit pa rito’y kilala mo din naman ang Prinsipe Jibreel,” Tumango na lamang si Astora sa mga tinuran ni Renzir bilang hudyat ng kanyang pagpayag na sumama sa kanya at makaharap ng malapitan ang Hari. Paglapit nila sa kinaroroonan ng Hari, ng Prinsipe Jibreel at mga Heneral ng mga ito ay agad nag bigay galang kay Renzir ang mga kawal at Heneral na nakapalibot sa mag-ama na ginantihan din naman ni Renzir ng pag galang bago tuluyang lumuhod upang magbigay pugay sa Hari. “Kamahalan!” bati ni Renzir “Ah, Punong-Heneral! Mabuti naman at umabot ka sa ating piging, ” ganting bati naman ni Haring Kimor. Pagkatapos sabihin nito ay natapunan ng tingin ng Hari si Astora na siya namang ikina-aliw nito. “Aba! Hindi ka lamang nagbalik ng ligtas, mukhang dinala mo din pala ang sa pakiwari ko’y iyong kasintahan, ” pagbibiro pa ng Hari na siya namang ikinatawa ng lahat maliban kay Astora at Renzir na mukhang hiyang-hiya sa tinuran ng Hari. “Hindi ko po siya kasintahan, Kamahalan. Siya ay isa lamang kaibigan, ” tugon naman ni Renzir na sumulyap pa kay Astora na tila humihingi ng paumanhin na kanya lamang tinanguan. “Ipagpaumanhin mo ang aking biro, Binibini. Ngunit—nagkita na ba tayo? Pamilyar ang iyong wangis, ” “Marahil ay ibang Babylonian ang iyong naiisip, kamahalan. Ngayon pa lamang ako nabigyan ng pagkakataon na makaharap kayo, ” “Sa tingin ko ay tama ka, sapagkat ngayon pa lamang ako nakaharap ng Babylonian na iyong kasingrikit, ” “Nawa’y magustuhan mo ang ating piging, Binibini. Humayo ka na at magsaya, ” dagdag pa ng mabuting Hari. Pagkasabi nito ni Kimor ay agad ding lumayo si Astora sa mga kalalakihan upang magbigay ng oras para sa gagawing pag-uulat ni Renzir. “Ano na nga pala ang nangyari sa misyong ipinagkaloob ko sa iyo, Renzir? Tanong ni Kimor. “Bigo akong matunton kahit isa man lamang sa mga Gabay, Kamahalan. Mukhang wala talaga silang balak na magpakita pa sa atin matapos ang Sinaunang Digmaan, ” “Inaasahan ko na ito ang mangyayari, subalit hindi tayo dapat na sumuko sapagkat nakataya dito ang kaligtasan ng lahat. Sila na lamang ang ating natitirang pag-asa upang manalo sa mga Alkasir kung sakali ngang hindi magtagumpay ang diplomatikong pag uusap namin ni Artemiar at mauwi sa Digmaan.” malungkot na pag amin ni Kimor. “Ama, Paumanhin dahil hindi ko maunawaan, sino ba ang mga Gabay na inyong tinutukoy?” tanong ni Jibreel. Matagal munang nag-isip si Kimor bago muling magsalita upang magsalaysay sa mga naganap noong unang mga panahon ng mundo ng Babylon. “Nagsimula ang lahat nang binalak na sakupin ng Pinuno ng mga Diablong dayuhan ang Babylon na nilikha ng mga nilang Bathala. Matapos pumasok ng mga Diablo sa mundo ng Babylon ay kaagad silang naghasik ng kasamaan. Pinaslang nila ang lahat ng naninirahan sa isang nayon sa teritoryo na sakop ng Sanyar. Nang malaman ito ng Matataas na Hari at Reyna ng Babylon na sina, Haring Yusuf ng Sanyar; Haring Franduk ng Uryon; Reyna Emilia ng Alkasia, at Reyna Carolina ng Parsis, ay kaagad silang nagpulong upang pag-usapan kung anong hakbang ang kanilang nararapat na gawin sa mga ginagawang pagpaslang ng mga dayuhan sa pamumuno ng tinatawag na ‘Itim na Hari’. Habang sila ay nasa kalagitnaan ng pagbuo ng istratehiya ay may liwanag na tumama sa kanilang harapan galing sa kalangitan. Laking gulat nila ng maaninag kung sino ang nakapaloob sa ilaw na nagmula sa kaitaas-taasan. Bumaba ang apat na Bathalang may likha sa buong mundo ng Babylon suot ang damit na pakiwari nila ay gawa sa ginto dahil sa kulay at pagkinang nito. Nang kanilang mapagtanto na mga Bathala nga ang kanilang nasa harapan, agad na lumuhod ang lahat ng nakasaksi sa mga pangyayari; dala ng takot at pagkamangha.” “Natuwa naman ang mga Bathala na sina Zephir, Raftel, Jafar, at Saphira sa ipinakitang paggalang ng kanilang mga nilikha. Pinatayo nila ang lahat at kinausap ang apat na namumuno sa mundo ng Babylon. Sinabi nilang ang mga Diablo ay hindi nanggaling sa Babylon at ngayon ay gusto itong sakupin, sinabi rin ng mga Bathala na sila man ay labis na nagagalit sa ginawang pagpaslang ng mga ito sa mga mamamayan ng Babylon kung kaya’t sila ay magbibigay ng tulong sa mga Hari at Reyna ng Babylon. Dahil sa balitang ito ay labis na nagalak ang mga pinuno ng mga kaharian at nagtanong sa mga Bathala kung anong tulong ang kanilang maaaring asahan ngunit hindi na ito sinagot pa ng mga Bathala at tinalikuran na sila, Nawala ang mga bathala kasabay ng paglaho ng liwanag na nagmula sa kalangitan. Sa di-kalayuang kagubatan na parte ng Kaharian ng Sanyar ay nagkakampo ang Diablo. Nakita ng Itim na Hari ang liwanag na nagmula sa kaharian at tila alam na nito ang ibig sabihin ng mga nagaganap sa di-kalayuan. Ang nalalapit na Digmaan. Dahil na rin sa utos ng mga Bathala, agad na naghanda ang mga Kaharian para sa paparating na digmaan. Bawat Hari, Reyna, at mga kawal ay may kanya-kanyang simbolo na sumasagisag sa kanilang mga Kaharian sa kanilang mga suot na baluti. Tulad ng sa Sanyar, ang kanilang simbolo ay hugis ng isang Babylonian na mayroong pakpak at may hawak na isang halaman na sumasagisag sa kanilang pagiging mapagkalinga. Sa Uryon naman ay hugis ng isang mangangasong Babylonian na mayroong hawak na mga Palaso na sumisimbolo naman sa kanilang pagiging mabangis na mangangaso. Sa Alkasia naman ay hugis araw na may mukha ng isang Babylonian na sumasagisag sa kanilang katapangan. Sa Parsis naman ay hugis asarol sa ibabaw ng isang bloke ng ginto na sumasagisag naman sa kanilang talento sa pagmimina. Ang mga nasabing sagisag ay nagagamit pa din hanggang sa kasalukuyang panahon. Ang pinagsama-samang hukbo ng apat na Kaharian ay nagmartsa patungo sa tabing ilog upang pigilan ang pagpasok ng mga dayuhang may masamang tangka sa Kaharian ng Sanyar. Sapagkat alam ng lahat na sa oras na bumagsak ang Sanyar na siyang unang linya ng depensa laban sa mga mananakop ay mabilis na makapapasok sa iba pang Kaharian ang mga kaaway. Natanaw ng mga Babylonian ang paparating na hukbo ng Itim na hari. Sila ay mga kulay itim at malalaking nilalang na may matatalas na ngipin, may mahahabang sungay, at mga sandatang palakol na sa tingin ng lahat ay ubod ng talim na kayang pumutol ng isang malaking puno sa isang hataw lamang. Makikita ang takot ng mga kawal sa papalapit na mga kaaway, wala ni isa sa kanila ang nagtangkang magsalita man lamang, mararamdaman din sa tabing ilog ang presensiya ng Itim na Hari na lalong ikinatakot ng lahat maging ng mga Matataas na Hari at Reyna ng Babylon. Nagulantang ang lahat maging ang mga Diablo nang may makita silang liwanag na nagmumula sa kalangitan at iluwa nito ang isang hukbo na binubuo lamang ng pitong mandirigma na nakasuot ng gintong baluti at may hawak na mga sandatang gawa din sa ginto. Ang hukbo ay pinamumunuan ng isang mandirigma na may hawak na ginto ngunit maliit na espada, kasing liit lamang ito ng kutsilyong ginagamit sa pagluluto ng makakain sa Kaharian, nabigla ang lahat ng bunutin ito ng Pinuno ng hukbo ay nagbago ang anyo ng kanyang sandata, naging kasing haba ito ng katawan ng isang Babylonian, gayon din ang ginawa ng iba pang mga kawal ng hukbo na mula sa kalangitan at nagsipag-bago rin ang anyo ng kanilang mga sandata. Labis itong ikinagulat ng lahat, ngunit agad na nadinig ang sigaw ng pagpupunyagi ng mga Babylonian dahil sa kanilang tulong na natanggap mula sa mga Bathala. Maya-maya pa ay nag-umpisa na ang digmaan. Unang sumabak sa labanan ang hukbo na nanggaling pa sa kalangitan na umubos ng napakaraming kalaban, lahat ng kanilang madaanan ay agarang napapaslang at parang punong nagbabagsakan. Dahil sa kanilang nasaksihan, lumakas ang kalooban ng karamihan lalo na ang mga Pinuno ng mga Kaharian. Nagmartsa sila kasunod ng hukbong di matatawaran ang lakas at katapangan. Ilang oras pa lamang nagsisimula ang digmaan ay umabot na sa kalahati ng pwersa ang kanilang nagapi, ngunit marami rin sa kanila ang nasawi. Umabot ng limang araw ang digmaan sa pagitan ng mga Babylonian at mga Diablong dayuhan bago nila tuluyang nagapi ang Itim na Hari, sumumpa itong mamamayani din sa Babylon ang kasamaan na kung saan walang sino man ang makakaiwas at makapipigil. Sa pagkatalo ng mga demonyong mananakop ay lumitaw muli ang liwanag mula kalangitan na siya namang pinagmulan ng apat na Bathalang kanilang pinapasalamatan para sa kanilang pagwawagi sa digmaan. Nagbigay ng kautusan ang apat na Bathala sa hukbong ginintuan na nasa harapan ng karamihan, kanilang ipinag-utos ang pananatili ng hukbo sa Babylon na tatawaging mga ‘Gabay’ upang gabayan ang Babylon laban sa kasamaan. Bilang tugon ay sumumpa naman ang mga mandirigma na kanilang tutuparin ang nais ng mga Bathala, sila rin ay nagwikang hindi pababayaan at palaging po-protektahan ang mundong kinabibilangan ng karamihan na nasa kanilang harapan. Kasunod nito ay ang paglaho ng liwanag na naghatid naman sa mga Bathala sa kanilang natural na tahanan; Ang Kalangitan. Matapos umalis ng mga Bathala ay sumunod namang nagpaalam ang Hukbong Ginintuan, pinilit silang panatilihin ng Mataas na Hari at Reyna ngunit mas pinipili nila ang manirahan at magbantay sa kanila ng hindi nila namamalayan. Sa kabila ng pakikiusap ng mga pinuno ng Kaharian ay tuluyan ng iniwan ng mga ‘Gabay’ ang Sanyar at hindi na muli pang natagpuan ninoman. Matapos ang naganap na digmaan, ilang daang taon man ang nagdaan, hindi pa din ito makalimutan ng karamihan lalo na ang mga bayaning nakilahok sa nasabing labanan, lalo na noong tuluyang maramdaman ng Babylon ang sumpa ng Itim na Hari, lumaganap ang kasamaan na hindi napigilan ninoman.. Bago pumanaw ang Matataas na Hari at Reyna ng Babylon sila ay nagbigay ng kautusan sa mga hahalili sa kanilang kaharian; na kung sakaling sila ay tuluyan ng masakop ng kasamaan at kaguluhan ay agad nilang hanapin ang tulong at patnubay ng mga Gabay, upang talunin ang kasamaan. Dito na natapos ang pagsasalaysay ni Haring Kimor tungkol sa mga ‘Gabay’ at sa naganap na Sinaunang Digmaan. “Wala ba sa mga Matataas na Hari at Reyna ang nakakita man lamang sa mukha ng mga Gabay, Ama? Tanong ni Jibreel sa kanyang Amang-Hari. “Wala, subalit may kilala ako na nakakaalam ng wangis ng isa sa kanila; ang aking dating tagapayo na si Alab. Ngunit matapos niyang magbitiw sa kanyang panunungkulan sa akin ay hindi ko na siya muli pang nasilayan ni hindi ko alam kung saaan ko siya matatagpuan. Mayroon siyang iginuhit na wangis ng Pinuno ng mga Gabay ngunit ang larawan ay biglang naglaho ng di namin malaman ang kadahilanan. “Kung gayon ama, hayaan ninyo akong maglakbay kasama si Renzir upang hanapin ang inyong dating tagapayo upang makatulong sa ating paghahanap sa mga Gabay” pakiusap pa ng Prinsipe. “Kung yan ang iyong nais, magpapahanda ako ng mga kabayo at pagkain na maaari ninyong dalhin sa inyong magiging misyon” “Maraming Salamat, Kamahalan!” Kinabukasan, bago pa masilayan ang araw sa kalangitan ay naghahanda na sa paglalakbay si Jibreel at Renzir kasama ang sampung kawal ng Sanyar, matapos ang paghahanda ay humarap silang muli sa kanilang Hari upang magpaalam. “Nawa’y magtagumpay kayo sa inyong misyon, at patnubayan nawa kayo ng ating mga Bathala, palagi ninyong iingatan ang inyong mga sarili, Humayo na kayo!” ani ng Hari. “Salamat, Kamahalan,” tugon naman ni Jibreel. Matapos magpaalam ay agad na umalis si Jibreel at Renzir kasama ang kanilang mga kawal, patungo sila ngayon sa gawing silangan ng Sanyar sapagkat ang huling balita ng lahat sa dating tagapayo ay doon ito huling namataan. “Nasaan ang Binibining Astora, Renzir? Tila yata hindi ko na siya muli pang nasilayan matapos ang naganap na piging, nais ko pa naman sana siya ay lubusan pang makilala, ” “Nagpaalam na siya sa akin kagabi, matapos kong mag-ulat sa iyong Ama. Siya ay magpapatuloy na sa kanyang paglalakbay, ” “Patungo saan? Hindi ba't lubhang mapangib ang mga kagubatan para sa mga kababaihan?” “Yun din ang aking tinuran kay Astora, kung kaya’t naikwento niya sa akin na nagkaroon siya ng guro noon at tinuruan siyang makipaglaban upang protektahan ang kanyang sarili, kaya hindi na siya natatakot na maglakbay mag-isa sa kagubatan, ” Tumango lamang si Jibreel kay Renzir tanda na wala na siyang iba pang sasabihin at nagpatuloy na lamang sa kanilang ginagawang paglalakbay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD