"Kaya mo ba akong mamahalin habang-buhay?" tanong ni David kay Sandra habang pareho silang nakahawak sa kanilang mga kamay ng mga sandaling 'yon.
"Mamahalin kita hanggang sa huling hininga ko," madamdamin namang sagot ni Sandra saka niya hinawakan ang kabilang pisngi ng lalaking mahal niya.
"Kahit pa, magkaiba tayo ng mundong ginagalawan? Mamahalin mo pa rin ba ako habang-buhay kahit pa hindi ako pangkaraniwang nilalang?" muli nitong tanong sa kanya.
"Wala akong pakialam kung ano ka pa o kung sino ka pa. Wala akong pakialam kung isa kang immortal. Wala akong pakialam kung hindi ka kagaya naming mga tao na mamatay. Wala rin akong pakialam kung hindi ka mamatay-matay kagaya ni Cardo Dalisay."
"Cut!" sigaw ni Direk Felipe. Inis itong napatingin kay Meiya matapos nitong bigkasin ang mga katagang binigkas nito na wala naman sa script.
"What are you doing, Meiya?" inis nitong tanong sa kanya pero nanatili lamang siyang tahimik na siyang lalong ikinainis ng kanilang director.
"Break muna kayo!" pasigaw nito nang balingan nito ang mga kasama nila saka ito umalis sa kanilang harapan at iniwan ang kasama nilang mga crew.
Agad namang napatayo si Moona Santos, ang manager ni Meiya at mabilis itong lumapit sa kanya habang naglalakad siya papunta sa kanilang vanity van.
"Ano na naman ba ang pumasok sa isipan mo at ginawa mo 'yon? Wala naman sa script 'yon, ah," pahayag ni Moona nang nakapasok na sila sa vanity van at maayos siyang nakaupo sa harapan ng half-length mirror.
"Kanina pa tayo walang break kaya ko 'yon ginawa."
"Hay, ewan ko sa'yo. Kung nakita mo lang kung papaano nagalit si Direk sa ginawa mo."
"Hayaan mo na. Alam ko namang magiging okay din 'yon," kampante niyang saad habang nag-aalala naman ang kanyang manager sa maaaring kahihitnan ng galit ng kanilang director dahil sa kalukuhan ng kanyang alaga.
"Hay naku, Meiya. Ako 'yong natatakot sa ginawa mo."
"Ano ka ba? Relax, everything will be fine," nakangiti niyang saad habang nakatingin siya sa salamin na nasa harapan nila. Napailing na lamang si Moona sa kanya.
"May pupuntahan akong charity dinner mamaya, samahan mo 'ko, huh?" baling niya sa kanyang manager.
"Invited ba ako?"
"Ako naman ang magdadala sa'yo kaya okay lang 'yon sa kanila. Sige na," pagpupumilit pa niya.
"Hindi ba parang nakakahiya naman kung papunta ako na hindi naman ako invited?"
"Huwag kang mag-aalala, sagot kita."
Natahimik ang kanyang manager kaya hinawakan na niya ito sa braso.
"Sige na, please," she insisted while pouting kaya ano pa nga ba ang magagawa ng kanyang manager kundi ang pagbigyan na lamang siya.
"Oh, siya. Anong oras ba?"
Lumitaw ang matamis na ngiti sa kanyang mga labi dahil napapayag na rin niya ito.
"7:00 pm. Dadaanan na lamang kita sa inyo mamaya."
"Okay," maikling sagot nito na siyang lalong nagpangiti sa kanya.
Si Meiya Morales, 25 years old. Dalaga at sikat na artista. Pilyang babae, makulit at palabiro. Mahigit 5'4 ft. ang taas nito at may balangkinitang katawan at makinis na balat. Mahaba at tuwid ang napakaitim nitong buhok na madalas lamang nakalugay.
Simpleng babae lamang ito at kahit na anong susuotin ay nababagay pa rin sa kanyang dahil magaling siyang magdala ng kasuotan. She was born to a simple family. Hindi mayaman, hindi rin mahirap. At kahit na ganu'n ang kanyang pamilya ay masaya siya dahil kahit papaano, lumaki silang may respito sa bawat isa at takot sa Diyos. Lumaki silang may pangarap sa buhay at hindi balasubas kagaya ng ibang kabataan.
Sa edad na 25, wala pa talaga sa kanyang isipan ang mag-asawa kaya hanggang sa mga sandaling 'yon ay nanatili siyang single dahil gusto niya na kung sakali mang magkakaroon siya ng nobyo, 'yon na ang kanyang pakakasalan.
"Let me drive," sabi ni Moona nang sunduin na niya ito sa tinitirhan nito.
"No, I can drive," tanggi naman niya. "You're an actress kaya dapat may nagda-drive para sa'yo."
"I can handle myself so, I don't need a driver," pagmamayabang pa niya.
"Ah, basta! Ako ang magmamaneho 'cause I am the manager."
Wala nang nagawa si Meiya nang biglang inagaw ni Moona ang car key mula sa kanyang kamay at mabilis na itong pumasok sa bandang driver seat.
Sa pagdating nila sa venue ay agad na bumaba si Moona upang ipagbukas siya ng pinto at nang lumabas na siya ay agad naman siyang sinalubong ni Daniel Rodriguez, ang gumawa ng nasabing okasyon na 'yon.
"Hi, Ms. Morales," nakangiting bati nito sa kanya.
"Hi, good evening," nakangiti rin niyang sagot.
"Good evening, too. I'm so glad to have you here tonight. Thank you for accepting our invitation," pahayag nito habang hindi mawala-wala sa gilid ng mga labi nito ang ngiti na kanina pa nakadungaw sa kanya.
"Well, it's my pleasure to be part of this kind of event, Mr. Rodriguez," aniya naman saka niya binalingan si Moona na kanina pa nakatayo sa kanyang tabi.
"Oh, by the way, I brought my friend with me, Moona Santos. I hope you don't mind it."
"No, of course! It's okay. We're so glad to know her as well."
Napangiti naman si Moona sa naging saad ni Daniel.
Kilala naman siya ng mga ito dahil lagi naman siyang kasama ng dalaga kahit saan, hindi bilang manager nito kundi bilang isang kaibigan.
Pasimpleng napatingin sa loob ng venue si Meiya at nakita niya ang iba pang mga bisita nito, marami-rami na ring nandu'n at halos kilala ang pangalan ng mga nandu'n sa industriyang ginagalawan nito which is the business industry.
Inimbitahan siya nito dahil malaking bagay para sa mga ito ang kanyang presensiya lalo na at yumayagpag ang kanyang pangalan sa pagiging artista niya. Sikat siya kaya marami ang nagnanais na makakasama siya sa mga napakaimportanteng event ng mga ito. Malaking karangalan sa mga ito kung sakali mang pagbibigyan niya ang mga imbitasyon nito.
Napatingin ang dalaga nang agad na inilahad ni Daniel ang kanan nitong palad sa kanyang harapan upang maaalalayan siyang makapasok sa loob ng venue habang ang ibang mga mata na nandu'n ay nakatuon sa kanya at humahanga sa simpleng ganda niyang taglay.
Simple lang kasi ang suot niya ng gabing 'yon at hindi naman niya kailangang magpabongga dahil 'yon talaga ang tunay na siya. She's just wearing a white tea dress na hanggang tuhod lamang niya ang haba with a pair of black ankle strap sandal na siyang lalong nagpapatangkad sa kanya tapos ang buhok niya ay nakalugay lamang kaya kitang-kita ang pagiging makintab nu'n na talagang inalagaan niya dahil isa siya sa mga shampoo model.
"Let's get inside," aya nito at walang pag-aalinlangang inilapat niya ang kanyang palad sa palad nito saka siya nito iginaya sa loob ng venue.
Nang makita at makilala siya ng mga nandu'n ay kanya-kanyang nagsilapitan ang mga ito sa kanya upang batiin siya at ang iba ay talagang nagpakuha pa ng picture sa kanya habang si Moona naman ay sinisikap siyang inalalayan upang walang mangyaring masama sa kanya kung sakali man.
Makalipas ang ilang sandali ay muli siyang nilapitan ni Daniel, "Pasensiya ka na sa kanila. Sabik lang talaga sila para sa'yo," paghihingi nito ng paumanhin.
"No, it's okay. It's not a big deal. Masaya na rin kasi ako at nandiyan sila para bigyan ako ng motivation sa buhay."
"So, iiwan ko muna kayo ulit dahil aasikasuhin ko ang iba ko pang mga bisita," pagpaalam nito.
"Sure, go ahead."
"Enjoy your night," bilin pa nito saka sila iniwan.
"Okay ka lang?" tanong sa kanya ni Moona nang nakaalis na nang tuluyan si Daniel.
"Oo naman. Okay lang ako," sagot naman niya na siya namang pagdaan ng waiter sa kanilang tabi dala-dala ang tray na nakapatong sa mga daliri nito at may mga red wine glasses sa ibabaw ng nasabing tray. Napahinto ang waiter nang kumuha siya ng isa at inabot niya iyon kay Moona na agad naman nitong tinanggap at nang akma na sana niyang hahawakan ang isa pang wine glass para sa kanya ay bigla siyang natigilan nang inagaw ang kanyang atensiyon ng lalaking kapapasok pa lamang sa venue'ng kinaroroonan nila.
Isang lalaking nakasuot ng black sport jacket na pinailaliman nito ng isang white long-sleeve. Black din ang suot nitong trouser habang ang sapin nito sa paa ay isang black derby shoes at kumikintab pa sa sobrang linis. Tumatak sa isipan ni Meiya ang hairstyle nitong classic combed back style.
May kaliitan ang matangos nitong ilong. Maninipis ang mga labi nito na kung hindi siya nagkakamali ay pinahiran nito ng lip gloss kaya medyo mamasa-masa ito tingnan.
Pakiramdam ni Meiya, biglang huminto sa pag-inog ang kanyang mundo nang biglang napatuon ang mga mata nito sa kanyang kinaroroonan pero saglit lang dahil agad naman itong nagbawi ng tingin at itinuon iyon sa ibang side ng venue at aminado siyang medyo nakaramdam siya ng pagkainis du'n dahil first time niyang ganu'n ang naging reaksiyon sa kanya ng isang lalaki nang makita siya.
Kadalasan kasi, kapag nakikita siya ay halos hindi na maalis-alis ang mga mata dahil nai-in love na sa kanya pero iba ang ipinakita sa kanya ng lalaking 'yon.
"Hey, dude!" nakangiting salubong ni Daniel sa lalaking kararating lamang. Nagkamayan ang mga ito saka nagyakapan kasabay ng pagtapikan ng likod ng bawat isa.
"I thought, you will not able to attend," saad ni Daniel habang nanatiling nakamasid sa kanila si Meiya.
"Of course, I will. This is a very important dinner of my friend kaya hindi ko dapat 'to palalagpasin," pahayag naman ng lalaking kausap nito.
"Do you know him? Sino siya?" baling niya kay Moona habang nasa mga labi nito ang bibig ng wine glass na hawak nito.
"Sino?" kunot-noong tanong nito sa kanya.
"That guy," aniya saka ininguso niya ang kanyang mga labi sa direksyon nina Daniel at ng lalaking umagaw sa kanyang atensiyon, "...'yang kausap ni Daniel."
"He's Ouyang Villanueva. One of the biggest businessmen in the business industry at sa pagkakaalam ko, magkaibigan ang mga 'yan," pahayag ni Moona habang bahagya itong nakadikit sa kanya at ang mga mata ay nakatuon sa dalawang lalaking nag-uusap.
"May asawa na ba siya?"
Nagtatakang napatingin si Moona sa kanya habang siya naman ay nakasilip ang kakaibang ngiti sa gilid ng kanyang mga labi.