SAMIRA’S POV
“ANO BA, Samira! Gumising ka na nga riyan, may pasok ka pang bata ka!” Ang walang tigil na pagkatok ni Mama sa pinto ng kuwarto ko na ‘yon ang nagpagising sa ‘kin.
“Babangon na po ako, Ma!” napipilitang sagot ko sa kaniya dahil alam kong hindi niya ako titigilan kung hindi pa ako sasagot.
Naiinis na bumangon ako sa kinahihigaan ko. Pagbangon ko ay dumeretso agad ako ng bathroom para maligo. This was my routine every morning at kahit tamad na tamad ako ay wala akong magawa kundi ang bumangon dahil kailangan ko pang pumasok sa school. Pagkatapos ko maligo ay nagbihis na rin ako ng uniform ko sa school. 17 years old pa lang ako and at this moment ay nasa Grade 11 pa lang ako. Wala akong kapatid kaya isa rin ‘yon sa dahilan kung bakit boring na boring ako sa buhay ko.
Pagbaba ko sa kumedro namin ay sinalubong ako kaagad ni Mama.
“Samira, kumain ka na at baka mahuli ka pa sa klase. Kailangan ka na rin naming maihatid ng maaga ng Papa mo dahil maaga rin naming kailangang pumunta sa pabrika, may mga clients kasi kaming kakausapin ng Papa mo,” nagmamadaling usal sa ‘kin ni Mama. “Andeng, pakilabas nga rito ‘yong gatas para kay Samira!” tawag niya sa halos pitong taon na naming kasambahay.
“Gatas? Ma, Grade 11 na po ako, at hindi na po ako bata para uminom ng gatas! Nasusuka na nga po ako makaamoy pa lang ako ng gatas, eh,” angal ko naman sa kaniya. Dahil nga sa nag-iisa lang akong anak kaya parang baby pa rin ang turing niya sa ‘kin. “I’m grown up now! In fact, may fiancé na nga ako.”
Yes, you heard it right, may fiancé na ako dahil last year lang nang ipakilala sa ‘kin nila Mama si Brian na siyang anak ng kaibigan nila. Although, arranged marriage lang ang lahat ay natutunan ko na rin namang mahalin ang lalaking ‘yon.
“Naku! Tigilan mo lang ako, Samira! Sabihin mo sa ‘kin 'yan kapag marunong ka na kahit magtimpla man lang ng kape. Sarili mo nga hindi mo pa kayang asikasuhin na mag-isa tapos sasabihin mo pa sa ‘kin na hindi ka na bata! At saka huwag na huwag mong ipinagmamalaki sa ‘kin si Brian dahil kahit fiancé mo na siya ay hindi pa rin kayo dapat lumagpas sa hangganan ninyo. Dapat matuto pa rin kayong maghintay ng kasal!” sermon na naman niya sa ‘kin.
“What are you talking about, Ma?” naiinis namang tanong ko sa kaniya. “Ni minsan nga po hindi pa ‘yan pumasok sa isip ko saka ini-enjoy pa lang namin ni Brian ang pagiging boyfriend and girlfriend status namin.” Hindi ko mapigilang mapanguso dahil sa mga sinasabi niya sa ‘kin.
Dahil sa sagutan namin ni Mama ay itinigil na ni Papa ang pagbabasa ng newspaper na hawak nito saka tumingin sa ‘kin at ngumiti.
“Hay naku, anak! Pagbigyan mo na kasi ‘yang Mama mo, nakita mo naman na wala naman talagang ibang ginawa ‘yan kundi ang asikasuhin ka saka ‘yan na lang talaga ang kaligayahan niya kaya hayaan mo na lang,” pagkampi naman nito kay Mama. Hindi na rin naman ako nagreklamo dahil malaki ang respeto ko sa mga magulang ko. Saka alam ko naman na para sa ‘kin din naman ang lahat ng sinasabi nila.
“Yes, Pa, I understand po,” tugon ko naman kay Papa. Kahit na nag-iisa lang akong anak ay hindi naman akong pinalaking spoiled brat ng mga magulang ko. Sa katunayan kapag may nagagawa akong kasalanan, kung ano man 'yong nagawa ko ay may kaakibat ‘yon na parusa kaya kahit ganito ay takot pa rin naman akong sumuway sa lahat ng mga sinasabi nila sa ‘kin. “Pa, pwede po ba akong tumambay mamaya sa pabrika?” pagbabago niya ng topic nila.
“Oo naman, tawagan mo lang ako kapag tapos ka na sa klase mo para ipapasundo na lang kita sa school,” sagot naman nito.
“No need, Pa, sasamahan naman po ako ni Brian, saka hindi niyo na rin po pala ako kailangan ihatid sa school dahil ang sabi po niya sa ‘kin ay dadaanan na lang daw niya po ako rito sa bahay para sabay na raw po kaming papasok.”
“At bakit kailangan ka pa niyang sunduin, eh, ihahatid ka na nga namin?” angal naman ni Mama.
“Hayaan mo na nga ‘yang anak mo, Samantha, besides 17 na rin naman ‘yang si Samira at alam na niya ang ginagawa niya. Mabuti nga at nagkakamabutihan na rin ang dalawang bata kahit na tayo ang nagdesisyon para sa kanilang dalawa.” This time ay ako naman ang kinampihan ni Papa.
Hindi na sumasagot si Mama kapag kumokontra na sa kaniya si Papa. Anyway, isang pabrika ng mga damit ng bata ang family business namin at hindi naman sa pagmamayabang ay malaki na rin naman iyon, in fact, sa pagkakaalam ko ay kami na ang nagsu-supply sa Divisoria at pati na rin sa mga tiange sa Taytay. Ang sabi sa ‘kin nila Mama ay baby pa lang ako ng suwertehin sila at naitaguyod nilang ang business na ‘yon at sa awa ni Lord God ay pinagpala naman at umunlad.
Hindi rin lingid sa kaalaman ko na may mga charity na tinutulungan sila Mama dahil nga nag-iisa lang naman akong anak at hindi naman nila ako sinanay sa maluhong buhay kaya may pagkakataon pa rin sila Mama na makatulong sa mga nangangailangan at iyon ang bagay na ipinagmamalaki ko sa mga magulang ko. Yumaman man sila ay never mo makikita sa kanila na yumabang sila sa buhay.
“Simon, nagkausap na ba kayo ni Devorah?” biglang tanong ni Mama kay Papa kaya nagsalubong ang kilay ko. Kilala ko kasi ang tinutukoy niya, si Tita Devorah ang nag-iisang kapatid ni Papa sa ama at hindi rin maikakaila na sobrang malayo ang loob namin sa kaniya dahil hindi naman ako nagbigyan ng pagkakataon para makasama sila. At isa pa, base sa mga naririnig ko kay Mama ay talagang hindi niya kasundo ang Tita ko na ‘yon.
“Yep, pero tinanggihan ko na siya dahil tingin ko hindi pa naman natin kailangan mag-expand. Saka sabi ko naman sa kaniya na hindi pa kaya ng budget ko ang isa pang pabrika at kuntento na rin naman tayo sa pabrika natin ngayon.”
“Hay naku! Hindi ko naman kasi maintindihan diyan sa kapatid mo na ‘yan, siya nga itong may pinakamalaking minana sa Papa ninyo pero siya itong hindi makaahon-ahon sa hirap. Tapos kung diktahan ka akala mo siya ang nagbigay ng mga tinatamo natin ngayon,” naiiling naman na wika ni Mama. “Puro kasi luho ang inaatupag nila, eh, hindi pa naman nila kakayahan, siguradong mahihirapan talaga sila kung hindi sila matututong maghawak ng pera.”
“Kinausap ko na rin naman siya, saka lumapit lang naman sa ‘kin ‘yon mula ng maging successful ‘tong negosyo natin, no’ng time na nagsisimula pa lang tayo at humihingi ako ng tulong sa kaniya hindi man lang niya ako mapagbigyan dahil sigurado naman daw na katagalan ay babagsak din ang negosyong sinimulan natin,” naiiling na dagdag pa ni Papa.
Hindi rin naman lingid sa kaalaman ko na gano’n na lang kung maliitin ni Tita Devorah ang mga magulang ko. Kahit pa nga bata pa lang ako no’ng maririnig ko ang mga pananalita niya pero tumanim ‘yon sa isip ko kaya hindi ko rin talaga magawang ilapit yung loob ko sa kaniya.
“Puro lang naman kasi kayabangan ‘yang kapatid mo na ‘yan! Samantalang no’ng tayo yung naghihirap ni hindi mo man lang siya nalapitan at nagawa ka pang siraan sa Papa niyo, ni hindi ko nga alam kung paano mo naging kapatid ‘yong ganoon kasamang ugali, eh!” Galit na galit na saad ni Mama.
“Hayaan mo na lang siya, kahit naman kasi gano’n ‘yon kapatid ko pa rin naman si Devorah. Magkataon lang kasi talaga na hindi ang Nanay ko ang pinakasalan ng Papa kaya hindi sila ang nagkatuluyan at ako ang walang karapatan kahit ako ang unang anak.”
“Huwag na nga lang natin pag-usapan yung mga ganiyang bagay, ako’y talagang umiinit ang dugo riyan sa kapatid mo na ‘yan! Kung hindi lang talaga ako mabait baka napatulan ko na rin siya dahil sa dami ng atraso niya sa ‘tin.”
“O, siya, tara na kasi at huwag na lang natin pag-usapan,” saad naman ni Papa saka ito tumayo sa harap ng hapagkainan.
“Ikaw, Samira, hindi ka na ba talaga sasabay sa amin ng Papa mo?” pangungumbinsi pa rin sa ‘kin ni Mama.
“Hindi na, Ma, hihintayin ko na lang po ang pagdating ni Brian,” tugon ko naman.
“Oh, siya sige, mag-iingat kayong dalawa, tawagan mo na lang kami ng Papa mo kapag nasa school na kayo ni Brian at kapag papunta na kayo sa pabrika,” aniya saka ako hinalikan sa pisngi ko.
“Aalis na kami, anak, ingat ka sa pagpasok mo, ha!” dagdag na paalala pa ni Papa.
“Okay, Pa, no worries!” nakangiting sagot ko rin sa kaniya.
Nang makalabas na sila sa pintuan ng bahay namin, kasunod noon ay ang pag-andar naman ng makina ng kotse namin kaya alam kong papalabas na sila ng gate. Pero patayo pa lang ako sa harap ng hapagkainan nang makarinig kami ng malakas na pagsabog at kasunod noon ay ang malakas na pagtawag sa ‘kin ni Andeng kaya binalot ng malakas na kaba ang dibdib ko at mabilis akong napatakbo palabas ng bahay namin.