PAGLABAS ko ng bahay namin ay tumambad sa akin ang nasusunog naming sasakyan at kitang-kita kung paano tinutupok ng buhay ng malakas na apoy na ‘yon ang mga magulang ko.
“MA! PA!” malakas na tawag ko sa kanila kasunod noon ay ang mabilis na pag-agos ng luha sa mga mata ko. Tatakbo sana ako palapit sa nasusunog na sasakyan namin nang mabilis din akong napigilan ni Andeng. “Ang Mama at Papa ko, Andeng!” umiiyak na sabi ko sa kaniya habang mahigpit lang siyang nakayakap sa ‘kin. “MAAAA! PAAAA!”
“Huminahon ka muna, Samira, baka mamaya may kasunod pang pagsabok! Hindi natin alam kung anong mga susunod na mangyayari kaya napakadelikado! Huminahon ka muna, please,” sabi ni Andeng habang mahigpit pa ring nakayakap sa ‘kin, alam kong umiiyak din siya dahil sa nakikita namin ngayon.
Walang tigil sa pagpatak ang luha ko habang pinapanood namin ang unti-unting paglakas ng apoy at kasunod noon ay mayroon na namang malakas ng pagsabog. And I know, mahirap nang paasahin ang sarili ko na baka buhay pa ang Mama at Papa ko pero sana. Lord, please...
Ilang sandali lang ay narinig na namin ang sunud-sunod na wangwang ng ambulansiya, bumbero at ng mga pulis. Sa sabay-sabay na pagdating ng mga iyon ay talaga namang kikilabutan ka sa tunog.
Mabilis na nagbabaan ang mga bumbero at sinumulang apulahin ang apoy. May ilang pang maliliit na pagsabog bago nila tuluyang mapatay ang apoy sa natutupok naming kotse. Nang sigurado akong wala nang apoy ay mabilis akong tumakbo papalapit sa sasakyan namin.
Dahan-dahan nang inilalabas ng mga bumbero ang Mama at Papa ko na halos hindi ko na rin makilala dahil sa sobrang pagkasunog ng mga katawan nila. Halos walang lumabas na kahit anong salita sa bibig ko at tanging pag-iyak na lang ang nagawa ko. Ni hindi ko alam kung anong gagawin ko habang tinitingnan ko ang mga katawan nila.
Hindi ko alam kung saan ako kumukuha ng lakas ng loob para tingnan ang mga katawan nila. Nasasaktan ako na para bang hindi ako makahinga nang dahil sa nakikita ko.
“MAAA!” una kong nilapitan si Mama na unang ibinaba ng mga bumbero. Patuloy lang din sa pagpatak ang mga luha ko. “PAAA!” tawag ko naman kay Papa na hawak pa rin ng mga bumbero. “Ano na pong gagawin ko ngayon sa buhay ko?” umiiyak pa ring bulong ko sa kanila. "MAMAAAA! PAPAAAA!"
“Hoy! Huwag ka munang lumapit!” sigaw sa ‘kin ng isang pulis sa ‘di kalayuan kaya doon ko nakita si Tita Devorah na kausap na ang isang pulis. Kahit 17 years old pa lang ako, alam ko nang may mali sa nangyayari, at hindi pwedeng basta na lang sumabog ang sasakyan namin nang walang dahilan at sa lakas ng pagsabog na ‘yon alam kung may pinagmulan ang pagsabog na ‘yon.
At ang isa pang ipinagtataka ko ay bakit ang bilis naman makarating kay Tita Devorah ng balita at agad siyang nakarating dito sa amin samantalang sa Rizal pa siya nakatira and we are living at Sta. Mesa.
Nakita ko pang may iniabot na isang sobre si Tita Devorah sa isang pulis at pagtapos noon ay tinawag na nito ang mga kasama nito saka isa-isa nang sumakay ng mga police car nila kaya mabilis akong tumako papalapit sa kanila.
“Mamang pulis! Mamang pulis!” malakas na tawag ko sa lalaking kausap ni Tita Devorah kanina kaya napalingon siya sa ‘kin. “Ano po bang nangyari? Pwede ko po bang malaman? Ako po ang anak nila, hindi po dapat lang na imbestigahan ninyo ang nangyari?” hindi ko mapigil na tanong sa kanila.
“Aksidente ang nangyari, bata, magpapadala na lang kami ng mag-aalis ng sumabog ninyong sasakyan para maialis na ‘yan diyan,” tugon naman niya saka ako muling tinalikuran pero mabilis ko siyang pinigil sa braso niya kaya nakaharap siya ulit sa ‘kin.
“Manong pulis, imposible naman pong aksidente ang nangyari! Kahit po sino ang tanungin niyo sa mga nakarinig, sa lakas ng naging pagsabog, wala pong maniniwala na aksidente ‘yong nangyari!” pagpupumilit ko pa rin pero sa halip na pakinggan ako ay iniwasiwas niya ang braso niyang hawak ko dahilan para mapaupo ako sa simento.
“Huwag kang mas marunong pa sa mga nakakatanda sa ‘yo dahil wala ka pa namang alam! Bakit ba mas marunong ka pa sa aming mga pulis!?” Galit na galit na wika niya sa akin saka ako tuluyang tinalikuran at sumakay ng police car.
Umiiyak na muli akong tumingin sa sunog na katawan ng mga magulang ko. Isinasakay na sila ng ambulansiya kaya dali-dali akong tumayo para sumama sa kanila. Hilam na hilam ng luha ang mata ko at hindi ko alam kung saan ako muling magsisimula dahil sa nangyari.
LABIS na lungkot ang nararamdaman ko habang nakatingin sa abo ng mga magulang ko na nasa harapan ko. Ipina-cremate na lang namin sila dahil hindi na rin naman sila makilala dahil sa sobrang pagkasunog ng mga katawan nila.
Nakasuot ako ng itim na damit at tahimik lang na nakaupo sa harapan ng mga abo nila. Walang tigil sa pagpatak ang mga luha ko, gaya ng walang kapantay na sakit na nararamdaman ko ngayon. Hanggang ngayon, hindi pa rin matanggap ng utak ko na wala na sila at kahit anong gawin ko hindi ko na sila makikita pa. Pero ang mas lalong hindi ko matanggap ay na-close case ang kaso nila Mama nang hindi man lang iniimbistigahan man lang ang nangyari. Hindi ko pa rin maintindihan kung paano nila nasabi na aksidente ang nangyari gayong halata naman na pinasabog ang sasakyan namin dahil sunog at sira ang kalahating bahagi ng sasakyan.
Hindi ko pa alam kung sino ang pwede kong lapitan sa nangyari dahil hindi ko alam kung sino ang pwedeng gumawa no’n sa mga magulang ko. Alam kong hindi ako pwedeng magtiwala sa kahit kaninong tao at dahil wala na rin naman akong ibang malapit na kamag-anak bukod kay Tita Devorah ay wala na rin akong ibang malapitan pa.
Alam kong si Tita Devorah ang nagpipilit na aksidente lang ang nangyari sa Mama at Papa ko, ni walang naglakas loob na paimbestigahan ang nangyari dahil iyon daw ang desisyon niya bilang kapatid ng Papa ko. No one also tried to asked me, kung ano ba ang gusto kong mangyari.
Marami ang nakiramay, kasama na roon ang mga empleyado namin sa pabrika at ilang malayong mga kamag-anak na. At dahil wala pa akong ibang alam gawin, at wala pa rin ako sa legal age ay si Tita Devorah ang nag-ayos ng lahat para sa burol ng mga magulang ko. Tuliro na rin naman ang isip ko at hindi ko rin talaga alam kung anong mga gagawin ko dahil wala akong ibang ginawa kundi ang umiyak nang umiyak.
Nagulat ako nang isang lalaki ang biglang tumabi sa ‘kin dito sa harapan ng erns nila Mama at mataman lang din siyang nakatingin sa abo ng mga magulang ko.
“Condolence, hija,” malungkot na usal niya kaya mas lalo akong napaiyak. Dahil nga sa kakaiyak ko ay halos hindi ko na rin maidilat pa ang mga mata ko. Puro iyak at wala pa siyang maayos na tulog at kain man lang. “Napakabata mo pa para maulila sa mga magulang. Kung sakaling magkakaproblema ka tawagan mo lang ako.” Pagtapos ay may iniabot siyang isang calling card sa ‘kin. Mr. Anderson, iyon ang pangalang nakalagay sa calling card. “Malaki ang naiwan ng mga magulang mo at sigurado akong maraming taong magtatangka na makuha ‘yon mula sa ‘yo,” dagdag pa niya na ipinagtaka ko naman.
“Marami pong salamat, Mr. Anderson,” humihikbi pang wika ko sa kaniya.
“Itago mo ‘yang number ko na ‘yan at huwag mo na lang ding ipakita kahit kanino,” dagdag na bilin pa niya sa ‘kin. Pagtapos ay tumayo na siya at tuluyan akong tinalikuran kaya muli akong naiwanang tulala roon.
“Samira…” isang pamilyar na tinig ang muling nagpalingon sa ‘kin. Muling bumalong ang mga luha sa mata ko nang makita ko si Brian.
“Bry, ano nang gagawin ko ngayon?” umiiyak na tanong ko sa kaniya. Hindi siya sumagot at mahigpit lang akong niyakap.
“Kahit anong mangyari, Sami, tandaan mo narito lang kami nila Mama, nakikiramay kami sa nangyari sa mga magulang mo at hindi talaga namin inaasahan na gano’n ang mangyayari sa kanila,” malungkot din na wika ni Brian.
“Hindi ko alam kung anong gagawin ko, Bry, hindi ko rin alam kung sino pa ang pwede kong lapitan. Na-declare na nila na aksidente ang nagyari kila Mama.”
“Aksidente naman talaga ang nangyari, Sami,” pagpupumilit niya kaya napahiwalay ako ng yakap sa kaniya.
“Imposibleng aksidente ‘yon, Bry!” pagpupumilit ko rin sa kaniya. “Sa lakas ng naging pagsabog imposibleng maging aksidente ‘yon. Oo, 17 pa lang ako para mag-conclude pero alam kong may mali. Maraming mali sa nangyari!”
“Ipalagay mo na kasi ang loob mo, Sami, aksidente ang nangyari, kung ipagpipilitan mong may gumawa niyan sa mga magulang mo baka lalo lang silang hindi matahimik dahil diyan sa iniisip mo. Alam kong mahirap 'yong pinagdadaanan mo, at alam kong mahirap tanggapin pero isipin mo, kung talagang hindi 'yon aksidente, sino bang iniisip mong gagawa no'n sa kanila?”
“Madali para sa ‘yo, Bri, na sabihin na itahimik ko ang loob ko, pero hindi mo alam kung gaano kahirap once na ikaw na ‘yong nasa sitwasyon ko. Hindi mo alam kung gaano kahirap mawalan ng mga magulang.” Pagtapos ay tuluyan na akong bumitiw sa kaniya. “Makakaalis ka na, Bry, gusto ko na munang mapag-isa,” walang emosyon na saad ko sa kaniya.
“Kung ‘yan ang gusto mo sige, tatanggapin ko, tawagan mo na lang ako kapag okay na ‘yang pakiramdam mo dahil wala rin naman akong plano na sabayan ‘yang amats sa utak mo,” parang naiinis pang sabi niya rin sa ‘kin kaya naguguluhan na nasundan ko na lang siya ng tingin.
Hindi ko alam pero parang biglang nagbago sa ‘kin si Brian, dahil dati naman kapag nagkakainitan kami ng ganito ay siya pa rin itong unang nagpapasensiya sa ‘kin. Ngayon hindi ko alam kung bakit bigla na lang niya akong hindi naintindihan. Samantalang mas mabigat 'yong dinadala ko ngayon.