SAMIRA’S POV
AYOKO sanang ipa-columbary pa ang abo nila Mama at Papa dahil mas gusto kong sa bahay na lang sila para alam ko na kasama ko pa rin sila. Pero dahil hindi pumayag si Tita Devorah ay wala akong nagawa, sa lahat ng desisyon na gagawin para sa mga magulang ko ay palaging mas nasusunod ang kung anong gusto niya.
Hindi na rin naman ako makaangal dahil lagi niyang sinasabi sa ‘kin na bata pa ako at walang alam.
Walang patid sa pagpatak ang luha ko habang nakatingin ako sa ern ni Mama at Papa, nag-alisan na ang lahat ng sumama sa akin sa paghahatid doon sa mga magulang ko. Si Andeng na lang ang naiwang kasama ko.
“Andeng, anong gagawin ko ngayon? Paano na ‘ko?” wala nang pag-asa na sabi ko sa kaniya dahil hindi ko rin naman talaga alam kung ano ang gagawin ko. I was stuck and I don’t know what’s the next step I should take.
“Nandito pa rin naman ako, Sami, tatagan mo ang loob mo, sigurado akong hindi nila gusto na makita kang ganiyan. Alam ko na hindi ka naniniwala na aksidente ang nangyaring pagsabog ng sasakyan ninyo,” umiiiyak din na usal niya kaya napatingin ako sa kaniya.
“Andeng…”
“Ako man hindi ako naniniwala na aksidente ang nangyari sa mga magulang mo, Sami, kaya dapat tatagan mo ang loob mo, matuto kang lumaban at hanapin kung sino ang gumawa niyan sa kanila. Sa ngayon wala ka pa talagang magagawa dahil akala nila bata ka lang. Pero, Sami, nasa ‘yo ang susi sa paglutas sa kung ano ba talaga ang nangyari sa Mama at Papa mo. Kung susuko ka ngayon, tuluyan nang mababaon sa limot ang nangyari sa kanila at ang mga taong gumawa niyan sa kanila ay siguradong nagsasaya ngayon.”
“Pero wala namang kaaway ang Mama at Papa ko, Andeng, sino naman ang gagawa niyan sa kanila? Napakalaki naman ng galit niya para gawin ‘yan sa mga magulang ko.” Patuloy lang ang pagpatak ng luha ko. “Ginawa nilang parang hayop ang Mama at Papa ko para silaban ng buhay na gano’n.”
Hinawakan naman ni Andeng ang kamay ko dahil napahagulgol na naman ako, kapag kasi naaalala ko ang scenario kung paano sinusunog ng buhay ang Mama at Papa ko, parang pinipiga ulit ang puso ko.
“Alam natin na sobrang bait ng mga magulang mo, Sami, pero malaki ang kayamanan na iiwanan nila kung mawawala sila at siguradong iyon ang pakay ng gumawa niyan sa Mama at Papa mo. Hindi ka pwedeng bumitiw, maraming tao ang umaasa sa ‘yo ngayon. Hindi mo pwedeng pabayaan ang pabrika. Tandaan mo ‘yon na lang ang iniwan ng mga magulang mo sa ‘yo at huwag na huwag kang papayag na pati ‘yon ay mawala pa,” mahigpit na bilin niya sa ‘kin kaya sunud-sunod na tango ang ibinigay ko sa kaniya.
Hinding-hindi ko isusuko ang pabrika. Alam kong malaki ang hirap at sakripisyo nila Mama at Papa para lang sa negosyo na iyon.
“Tara na,” aya niya sa akin. “Balik na lang tayo rito. Siguradong marami kang aayusin pagtapos ng lahat.”
“Thank you, Andeng, hindi mo ‘ko iniwan,” umiiyak pa ring sabi ko sa kaniya habang naglalakad sila palabas ng columbary.
Hindi naman masyadong malayo ang edad namin sa isa’t isa, 20 years old pa lang siya. At 18 siya no’ng magsimula siyang mag-trabaho sa amin at alam ko ring malaki ang utang na loob niya sa pamilya namin kaya kahit na anong mangyari hinding-hindi niya ako iiwan. Pinagamot kasi ni Papa ang Nanay niyang may sakit at si Papa ang sumagot nang lahat ng gastusin nila sa ospital pero kahit isang kusing ay hindi iyon pinabayaran sa kaniya ni Papa. Bread winner si Andeng kaya hindi na rin siya umalis sa amin.
“Hindi ka dapat magpasalamat sa ‘kin, Sami, dahil mas malaki ang nagawa niyo para sa ‘kin kaya maliit na bagay lang ‘to. Saka alam mo naman na parang kapatid na rin kita.” Pagtapos ay umakbay siya sa ‘kin, halos magkasingtangkad lang kami
“Hindi ko pa rin maiwasan ang hindi matakot, Andeng, paano kung totoo na may gumawa no’n kila Mama, anong magiging laban ko kung babalikan nila ako?”
“Hindi na nila gagawin ‘yon, masyado nang halata kapag may nangyari pang masama sa ‘yo kaya sigurado ako sa ngayon na ligtas ka pa. Saka hindi ako papayag na may mangyari pang masama sa ‘yo,” paniniguto naman niya kaya napangiti na rin ako dahil ramdam ko sa katauhan niya ay may bago akong pamilya.
Nag-taxi lang kami ni Andeng hanggang sa gate ng subdivision namin at pagdating sa gate ay naglakad na lang kami hanggang sa bahay namin. Hindi ko na naman maiwasan ang malungkot habang nakatingin ako sa labas ng bahay namin. May part sa ‘kin na natatakot akong pumasok, natatakot ako sa lungkot na pwede kong maramdaman.
Doon ay muli na namang pumatak ang mga luha ko. Hanggang sa ang iyak na ‘yon ay unti-unti na ring naging hagulgol.
“Tumahan ka na kasi, Samira,” umiiyak na ring awat sa akin ni Andeng.
“A-andeng, parang hindi ko talaga kaya! A-ang sakit-sakit, eh! Ang Mama ko… a-ang Papa ko, kapag tumitingin ako sa bahay lalo akong nalulungkot dahil naaalala ko sila. Ayoko na nang ganito kasi ang sakit-sakit! Nakakabaliw talaga ‘yong sakit!” patuloy na hagulgol ko at napaupo pa ako sa may unang step ng hagdan bago makarating sa mismong pintuan ng bahay namin.
Hindi na naman nagsalita pa si Andeng at hinayaan niya na lang akong umiyak nang umiyak, nandito pa rin kami sa pintuan ng bahay namin at hindi ko man lang magawang pumasok. Nakayakap na siya sa ‘kin at panay lang haplos sa likod ko. Dahil sa ginagawa nito ay unti-unti rin namang naging mahinahon ang nararamdaman ko. Humiwalay na ako ng yakap sa kaniya.
“Okay ka na?” tanong niya.
“Oo, okay na ‘ko. W-wala naman akong magagawa kundi ang maging okay,” usal ko naman sa kaniya sa kabila pa rin ng bawat paghikbi ko.
“Tara na, pumasok na tayo sa loob at pagabi na rin naman,” aya niya sa ‘kin kaya tumayo na ‘ko.
Akmang bubuksan ko na ang pintuan nang may marinig kaming paghinto ng sasakyan sa harapan mismo ng gate ng bahay namin. Nagsalubong ang kilay ko dahil hindi naman pamilyar sa ‘kin ‘yong sasakyan at the same time nakaramdam din ako ng takot.
Pero mas kumunot ang noo ko nang sila Tita Devorah ang bumaba sa sasakyan na iyon at kasunod nito si Felicity at Venice.
“Ma, dito na ba tayo titira?” narinig kong tanong ni Felicity. Dahil anak siya ni Tita Devorah ay sa kasamaang palad ay magpinsan kaming dalawa pero kahit na magkalapit ang edad namin ay hindi naman kami naging malapit sa isa’t isa.
“Yes, simulan sa araw na ‘to ay dito na tayo titira at sa atin na rin ang bahay na ‘to,” wika naman ni Tita Devorah kaya mas lalo siyang nagtaka. Kahit kailan ay hindi ko sinasabi sa kanila na tumira sila sa bahay namin.
Lumakad sila papalapit sa kinatatayuan ko. Mataray akong tiningnan ni Felicity kaya hindi ko maiwasan na magsalubong din ang kilay ko. Dahil anong karapatan niyang tarayan ako sa mismong bahay namin.
Ang mas ikinagulat ko ay nang lampasan nila ako at diretso silang pumasok sa loob ng bahay namin.
“Wait!” awat ko sa kanila and to be honest, hindi ko gusto ang presensiya nila sa bahay namin. “Ano po bang ibig sabihin nito, Tita Devorah? Ano po bang ginagawa ninyo sa bahay namin?” sunud-sunod na tanong ko sa kanila pero sa halip na sagutin ako ay tinawanan lang niya ako.
“Are you kidding me, Samira? Baka nakakalimutan mo kung ano ako ng Papa mo?” sarkastiko namang tanong niya sa ‘kin.
“Never ko naman pong nakalimutan na magkapatid kayo sa ama. Pero hindi naman po iyon ang tinatanong ko sa inyo, gusto ko lang po sanang malaman kung bakit po kayo narito sa bahay namin at bakit ang dami niyong dalang mga gamit?”
“Hindi mo pa ba nakikita? Dito na kami titira, at simula sa araw na ‘to kami na ang may-ari ng bahay na ‘to,” deklara niya na mas lalong ikinagulat ko.
“At bakit naman po dito kayo titira?” hindi mapigilan na tanong ko sa kaniya. “Oo, alam ko po malaki ang bahay na ‘to para sa ‘kin pero hindi ko naman po kailangan ng kasama dahil nandito naman po si Andeng,” paliwanag ko dahil hindi ko talaga gusto na narito sila sa bahay namin. Muli na namang tumawa si Tita Devorah.
“Alam mo, hindi kami nandito para samahan ka kaya huwag kang feeling na bata ka. Manag-mana ka talaga sa mahadera mong ina, eh.”
“Pwede po ba!” hindi mapigil na sigaw niya. “Huwag na huwag niyong idadamay ang Mama ko sa usapan dahil wala na nga po sila rito tapos masasamang salita pa ang nanggagaling sa inyo.”
“Bakit ba napakawalang modo mong bata ka?!” sigaw niya sa ‘kin.
“Maayos naman po akong nagtatanong sa inyo, Tita Devorah pero ayaw niyo po akong sagutin ng maayos,” magalang pa rin na wika niya.
“Gusto mo ba talaga malaman ang totoo?” taas-kilay na tanong nito sa kaniya.