Kailangan kong makaalis dito! Hindi ko pweedng pabayaan si Kiko! naluluhang sabi ni Heaven.
Pinilit niyang maupo. Masakit pa rin ang buong katawan niya dahil sa pambubugbog na natamo niya kay Kiko. Napangiwi siya noong sinubukan niyang ibuka ang kaniyang bibig. Kailangan niyang makaalis dito. Iyon ang nasa kaniyang isipan. Na aawa siya sa pwedeng kahitnan ni Kiko sa loob ng kulungan.
Noong makabawi na siya ng lakas at pinilit na niyang tumayo. Buong lakas na tinanggal niya ang malaking karayom na nakabaon sa likod ng kaniyang palad.
“Aray!” mahinang sabi ni Heaven at agad na diniinan ang likod ng palad. Noong bahagyang humupa na ang sakit ay pinilit na niyang maglakad palabas ng ospital. Sa tuwing may madadaanan siyang nurse ay natalikod siya sa pag-aalalang makilala ng mga ito. Patuloy na naglakad si Heaven nang paika-ika hanggang sa marating niya ang labas ng ospital.
“Ma’am? Ayos lang kayo?” tanong ng isang guard kay Heaven.
Napatigil sa paglalakad si Heaven at dahan-dahang nilingon ang guard. Pinilit niyang ngumiti at tumango. “A-Ayos lang po,” aniya at nagmamadali nang naglakad ulit.
Napakunot ang noo ng lalakeng guard kay Ingrid. Hindi nito maiwasang magtaka dahil kitang-kita sa mukha nito ang pasa sa pisngi at sugat sa gilid ng labi. Paika-ikaw rin ang paglalakad nito na parang nahihirapan. Napakamot na lang sa ulo ang guard at muling naupo sa kaniyang pwesto.
Pinunasan ni Heaven ang kaniyang noo. Tirik na tirik na ang araw at ramdam na niya ang mainit na klima. Pero hindi iyon naging hadlang kay Heaven para lakarin ang mahabang kalsada. Kailangan niyang puntahan si Kiko. Kung kinakailangang lumuhod siya sa mga pulis para lang pakawalan ito ay gagawin niya.
Mabait naman si Kiko. Nagselos lamang ito kaya nagalit na naman sa kaniya. Dapat pala ay hindi na niya tinanggap ang alok ng kung sino mang lalakeng iyon. Kasanalan niya rin kung bakit ito nangyari sa kaniya. Nagselos tuloy si Kiko.
Isa pa, walang ibang mapupuntahan si Heaven kapag makulong si Kiko. Paano na lamang siya mabubuhay? Buong buhay niya ay nakadepende kay Kiko.
Hindi na alam ni Heaven kung ilang oras na siya naglalakad. Masakit na ang kaniyang mga paa at naging triple ang sakit ng katawan. Ngunit hindi pa rin siya tumigil. Hanggang sa ilang sandali pa ay narating na niya ang istasyon ng pulis. Hinihingal na napakapit pa muna siya sa gilid. Sandali siyang tumigil doon at kinalma ang mabilis na pagtibok ng kaniyang puso.
“Miss? Ayos ka lang? Kailangan mo ba ng tulong?” tanong ng isang pulis na papasok ng istasyon. Nakita nito si Heaven na nakatayo at hingal na hingal sa gilid.
Agad na tumingin dito si Heaven at huminga nang malalim. “S-Sir!” Nilapitan ito ni Heaven. “‘Y-Yong asawa ko raw po dinala rito kagabi. Please. Wala siyang kasalanan, sir. Kailangan niyo siyang pakawalan!”
Nangunot ang noo ng pulis. “Ikaw ba ang asawang binugbog kagabi? Bakit ka nandito?” gulat na tanong nito. “Hindi ba dapat nasa ospital ka?”
Mabilis na umiling si Heaven. “A-Ayos lang ako, sir! Please. Pakawalanan niyo na po ang asawa ko!”
“Naku, Miss. Hindi namin pwedeng gawin ‘yan. Tingnan mo ang sarili mo, oh? Ihahatid na po kita sa ospital.”
Hinawakan ng pulis ang braso ni Heaven ngunit agad niya iyong tinanggal. “Hindi niyo na iintindihan! Ayos lang ako!” Tinalikuran niya ito at nagmamadaling pumasok sa loob ng istasyon. “Kiko! Kiko! Nasaan ka? Narito na ako!” sigaw ni Heaven sa loob ng istasyon.
Nagtinginan ang mga pulis na naroon kay Heaven. May ibang mga naawa agad noong makita ang hitsura niya. Mayroong nagulat sa kaniyang pagdating. Pero lahat ng iyon ay hindi pinansin ni Heaven. Natuon ang kaniyang pansin sa kulungan kung saan may ilang mga presong nasa loob. Iika-ikang lumapit siya roon.
“Miss! Hindi ka pwedeng lumapit sa kanila!”
Hinarang si Heaven ng isang pulis bago pa man siya makalapit sa rehas. Napanganga siya noong makita niya si Kiko na nakaupo sa gilid ng silid at mayroon ding mga pasa sa mukha.
“Ano’ng ginawa niyo sa kaniya?!” galit na tanong ni Heaven at tinulak ang pulis na humarang sa kaniya.
“Miss. Kumalma ho kayo,” ani ng pulis na humarang sa kaniya.
“Hindi! Pakawalan niyo si Kiko!”
“Sino ba ang asawa mo?” tanong nito.
Tiningnan ni Heaven si Kiko na nakatingin lamang sa dingding. Sinundan ng pulis ang mga tingin ni Heaven.
“Iyon?” gulat na sabi ng pulis. “Ikaw ang asawa niya?”
“Siya ang asawa niya, p’re,” ani ng pulis na nakita ni Heaven sa labas ng istasyon. Nakalapit na pala ito sa kanila. “Miss. Ihahatid na kita ulit sa ospital. Hindi natin pwedeng pakawalan ang asawa mo dahil sa ginawa niya sa ‘yo.”
“Ayos lang ako! Ano ba ang mahirap intindihin do’n? Bakit niyo pa ako dinala sa ospital? Hindi ko kailangan ang tulong niyo!” galit na sabi ni Heaven.
Nagtinginan ang dalawang pulis. Hindi nila malubos maisip kung bakit nasasabi iyon ni Heaven gayong kitang-kita naman sa hitsura nito na matindi ang sinapit sa kamay ng walang pusong lalake. Kahit na gano’n ay na uunawaan naman nila kung bakit. Inaabuso si Heaven ng asawa nito.
“Hindi namin ‘yon magagawa, Miss. Ito rin ang utos namin ng boss namin. Siya ang nagdala sa inyo sa ospital. Ang nagligtas sa inyo.”
Napakunot ang noo ni Heaven. Wala siyang kilalang pulis kaya sino ang tinutukoy nito? Halos buong araw ay nasa loob lang siya ng bahay dahil nagagalit si Kiko kapag siya ay nalabas. Nalabas lang siya kapag mayroon siyang kailangang bilhin sa tindahan.
“H-Hindi ko alam ang sinasabi mo. Pero wala akong pakealam. Kailangan niyo hong pakawalan ang asawa ko, sir. S-Simpleng away mag-asawa lang ho ito. Hindi niyo na kailangan pang sumali!”
Napabuga ng hangin ang isang pulis. Hindi nito mawari kung bakit ganoon ang sinasabi ni Heaven. Hindi simple ang nangyari kay Heaven dahil mababakas pa rin ang pasa sa mukha nito at hindi pa naghihilom ang sugat sa labi. Hindi pa rin ayos ang paglalakad nito na para bang hirap na hirap.
Hinawakan ni Heaven ang braso ng isang pulis. Naluluhang tiningnan niya ito. “P-Parang-awa niyo na, sir! Pakawalan niyo ang asawa ko! Kung kailangan ko ng tulong ay ako mismo ang lalapit sa inyo. Pero hindi! Ayos lang ako!” Tuluyan nang napaiyak si Heaven. Lumuhod siya sa harapan ng pulis na ikinagulat nito. Agad naman siyang hinawakan sa braso at pinatayo.
“Oh, sige. Sige. Pakakawalan na namin ang asawa niyo. Pero kapag ito maulit hindi na kami makikinig sa inyo. Makatutulong kami sa inyo, Miss. Kaya kung gusto mong mawala sa buhay mo ‘yang lalakeng ‘yan. Kami ang bahala sa ‘yo.”
Umiling-iling si Heaven. “A-Ayos lang ho ako,” umiiyak na sabi niya. Natuwa siya sa sinabi nito na pakakawalan si Kiko. Ngunit hindi siya tanga para lumapit sa mga ito. Hindi niya gugustuhing bumalik sila rito ni Kiko. Kaya niyang magtiis hanggat kaya niya para lang sa buo nilang pamilya.