Nagising si Heaven na ang bumungad sa kanya ay nakasisilaw na kisame. Sinubukan niyang imulat ang kanyang mga mata ngunit hindi niya magawa. Parang mayroong nakaharang sa talukap ng kanyang mga mata. Sinubukan niya ring ikilos ang kanyang katawan ngunit napakabigat niyon. Pakiramdam niya ay mayroong nakadagan sa kanya. Doon lang din niya naramdaman na sobrang sakit ng kanyang katawan.
Na saan ako? tanong niya sa kanyang isipan. Ipinikit niya ang kanyang mga mata, at muling na alala ang nangyari sa kanya kanina. Binugbog na naman siya ni Kiko. Nakagat niya ang likod ng kanyang labi. Gusto niyang umiyak ngunit wala ng luhang lumalabas sa kanyang mga mata. Para bang natuyo na iyon dahil sa paulit-ulit niyang pagluha. Na saan na nga ba si Kiko? Patay na ba siya? Siguro ay na sa kabaong na siya kaya hindi niya maimulat ng maayos ang kanyang mga mata.
Hindi niya alam kung ano ang masamang ginawa niya at nararanasan niya lahat ng ito. Naging mabuti naman siyang tao. Umalis na nga lang siya noon sa puder ng nanay niya at hindi na nagsumbong pa. Siguro ay napaka sama niyang tao noong una niyang buhay. Kaya ngayon ay masyado siyang pinaparusahan.
Mabait naman si Kiko, sobra. Noong nililigawan siya nito ay palagi siyang binibigyan ng manibang mangga. Bagong salta lang siya niyon sa Maynila at ito lang ang natatanging kumausap sa kanya. Pagkatapos ng kanilang trabaho tuwing sweldo nila ay dinadala siya nito sa mall. Palagi pa siyang nililibre nito ng load. Kaya naman ay mabilis na nahulog ang loob niya rito. Hindi mahirap pakisamahan si Kiko. Hindi naman sila aabot ng limang taon kung hindi ito naging mabait sa kanya.
Hindi naman siya maganda, sakto lang. Hindi lang si Kiko ang nanligaw sa kanya noon. Pero ito lang talaga ang nakasundo niya. Nag-umpisa lang talaga ang papanakit nito sa kanya noong nagsama at nagdesisyon itong umalis na siya sa karenderya. Papaano kasi, hindi raw nito gusto ang mga tingin sa kanya ni Gibo, dishwasher sa karenderya. Kung si Heaven lang naman ang masusunod ay mas gusto niya talaga ang magtrabaho. Magaan kasi ang buhay nila noon no’ng parehas pa silang kumikita.
Noong una ay napagbubuhatan lang siya ng kamay ni Kiko. Katagalan ay nasasaktan na siya ng sobra nito. Lalo na noong natanggal ito sa karenderya. Naging madalas din ang pag-inom nito ng alak. Sa tuwing sinasaway naman niya ay mas nagagalit pa ito.
Sabi nga ng mga kapit-bahay nila ay dapat iwanan na lang niya ito. Kung tutuusin naman daw ay wala silang anak. Kaso wala naman siyang mapupuntahan. Masyado na rin siyang na sanay sa presensya ni Kiko. Hindi na niya alam kung ano ang magiging takbo ng buhay niya kung wala ito. Mas ayaw naman niyang bumalik sa kanyang ina.
Lumipas ang oras ay hindi na niya namalayan na muli siyang nakatulog. Nang magising siya ay maingay na ang paligid. Bagamat bahagya pa ring nakapikit ang kanyang mga mata ay nakikita na niya ang paligid. Napagtanto niyang na sa isang silid siya ng hospital. Purong puti kasi ang pintura ng paligid. Tapos naramdaman pa niyang mayroong nakatusok sa kanyang kaliwang kamay na malaking karayom para sa dextrose. Dalawa ang kama sa silid, pero nag-iisa lang siya sa loob.
Lubos siyang nagtataka kung paano siya napunta sa ospital gayong ang huli niyang na aalala ay akala niya mamamatay na siya. Siguro ay na awa rin sa wakas sa kanya si Kiko. Natatakot din pala ito na mawala siya. Napangiti siya dahil doon. Akala niya ay talagang kinasusuklaman na siya nito. Siguro ay dala lang ng alak kaya iyon nagkakaganon.
Bumukas ang pinto ng silid ni Heaven at mayroong pumasok na isang babae. Nakasuot ito ng purong puti na blusa na may butones mula sa leeg hanggang sa may puson at slacks. Nakasuot din ito ng puting sapatos at nakataas ang mahabang buhok. Ngumiti ang babae na may dalang maliit na box na puno ng gamot.
“Kumusta po ang pakiramdam mo, ma’am?” tanong nito sa malambing na tinig. Nilapag nito ang dala sa gilid ng kama ni Heaven.
Tumingin lang si Heaven dito at pinanood ang ginagawa. Lumapit ito sa dextrose bag niya at pinitik-pitik. Gusto sana itong tanungin ni Heaven kung na saan na si Kiko ngunit pakiramdam niya ay masakit pa rin ang kanyang lalamunan. May kinuha ang nurse na syringe na may lamang likido.
“Ituturok ko lang po itong gamot niyo ha? Para mawala na ‘yang mga pasa mo. Tapos makapagsalita ka na rin ulit.” Biglang lumungkot ang mukha ng nurse. “Mabuti na lang ay nadala ka rito nung gwapong pulis. Kung hindi…” Umiling-iling ito. “… ayaw ko na lang mag-talk.”
Napakunot ang noo ni Heaven. Gwapong pulis? pag-uulit niya sa kanyang isipan. Wala siyang kilalang pulis. Ano ang ibig sabihin nito? Itinurok ng babaeng nurse ang syringe sa vent ng hose na nakakonekta sa dextrose bag niya. Agad na nakaramdam ng mainit sa loob ng kanyang kamay si Heaven noong unti-unti nang pumasok sa kanya ang gamot. Ilang gamot pa ang tinurok nito bago ito nagpaalam.
“Ayan. Mamaya po ay babalik ako para linisan ang mga sugat mo.” Ngumiti ng malapad ang babaeng nurse kay Heaven. “H’wag po kayong mag-alala. Safe po kayo rito sa ospital. Hindi siya makakapunta rito. Isa pa, ang rinig ko ay na sa kulungan na raw siya.” Inayos ng babaeng nurse ang unan ni Heaven. “Sige, ma’am. Babalik na lang po ako mamaya, ha?”
Bumuntonghininga ang babaeng nurse. Labis siyang na hahabag sa sinapit ni Heaven. Noong dinala ito kanina rito ay wala na itong malay. Halos hindi na makilala ang mukha dahil sa labis na pambubugbog. Napailing siya. Hindi niya mawari kung bakit may mga lalakeng ang hilig manakit sa mga mahihinang babae. Pagkatapos nitong masiguro na ayos na si Heaven ay lumabas na ito ng silid.
Na iwan namang nalilito si Heaven. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya o malulungkot dahil hindi pala si Kiko ang nagdala sa kanya sa ospital. Na puno rin siya ng pag-aalala dahil sa sinabi nito na nasa kulungan na raw si Kiko.
Kaya ba hindi ko siya makita? tanong niya sa kanyang isipan. Hindi pwede ‘yon! Kailangan niyang mapuntahan ito. Sa kanyang isipan ay kawawa naman si Kiko kung makukulong dahil sa kanya. Sigurado naman siyang dala lang iyon ng alak. Isa pa ay kasalanan naman niya. Kung hindi niya tinanggap ang biniling pagkain no’ng lalake ay hindi ito magagalit. Nagseselos lamang ito.
Tumulo ang kanyang mga luha. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi ito makukulong. Kapag gumaling na siya ay agad niya itong pupuntahan at hihingi siya ng tawag dito. Papakiusapan niya ang mga pulis na pakawalan si Kiko.