Habang kumakain ay panay ang kulitan ng dalawang bata.
“Daddy, saan po tayo pupunta pagkatapos natin kumain?” biglang tanong ni Drake kaya napatingin ito sa anak.
“Kayo? Saan n’yo ba gusto?” balik-tanong nito. Ngunit hindi sumagot agad ang bata na tila nag-iisip pa kung saan nito gusto pumunta.
“Daddy, sa mga palaruan na lang dito. I want to play basketball.”
“Okay, then finish your food,” utos nito sa anak na agad naman tumalima.
“Lagi ba kayo nagkaka-bonding ng anak mo nang ganito?” naisipan niyang itanong kasi napapansin niya ang kakaibang closeness ng mag-ama. At saka, natutuwa kasi talaga siya sa bonding ng dalawa.
“Oo. Tuwing may oras ako at hindi ganoon ka-busy sa trabaho talagang pinaglalaanan ko nang oras ang anak ko.” Napatango-tango lang siya sa sinabi nito. At sa kaloob-looban niya ay hinahangaan niya ito bilang isang mabuti at responsableng ama.
“Siyanga pala, puwede ko ba kunin ang cell phone number mo?” kapagkuwan ay tanong nito sa kanya. Ngunit hindi siya agad sumagot nakatingin lang siya rito nang nakakunot ang noo. Nag-iisip kung bakit nito kinukuha ang cell phone number niya. “Para madali kang makontak sa Sunday. Susunduin ko kayo sa bahay n’yo.”
“Ah…O-oo ngapala.” Mukha yatang nabasa nito agad ang iniisip niya at inunahan na siya bago pa man siya magtanong ulit. “Akin na ang cell phone mo.”
“Here,” anito. Saka iniabot ang cell phone nito sa kanya. Idinayal niya ang numero sa screen ng cell phone nito.
“Eto, i-save mo na lang,” anya sabay abot dito ang cell phone nito.
“Thanks. I’ll pick you up at seven o’clock,” sabi nito. Ngunit bigla niya naalala na hindi pa pala niya alam kung saan sila nito ipapasyal sa Sunday. Gusto niya sana itanong dito pero baka masira ang sorpresa nito sa mga bata.
“Dad, tapos na po kami,” pag-i-imporma ni Drake sa ama. Agad naman pinunasan ni Clint ng tissue ang bibig nito. Nagkalat kasi ang sauce ng spaghetti na kinain nito. Pagkatapos malinisan ang nguso nito ay excited itong tumayo, sumunod naman ang anak niya.
“Baby, be careful. Don’t run,” paalala nito sa anak niya na kagyat naman sumunod ang bata. Tumigil ito pati ang anak niya at hinintay sila. Ngunit, ang hindi na naman niya inaasahan ay ang pag-alalay ni Clint sa kanya nang papatayo na siya sa kanyang kinauupuan. Hinawakan siya nito sa kanyang siko, na lihim niyang ikinapitlag. Hindi niya mawari kung sadya ba talaga itong gentleman o sa kanya lamang ito ganoon. Pero ayaw niya maging asumera. Mahirap na’t baka siya lang ang kahiya-hiya sa huli. Kaya ipinagkibit-balikat na lang niya iyon. Naglakad na sila papunta kung saan iyong sinasabi ng mga bata.
Habang abala ang dalawang bata sa paglalaro ay sinamantala niya ang magtanong. Gusto niya malaman kung saan ba talaga sila ipapasyal nito sa darating na linggo.
“Saan ba tayo pupunta sa linggo?” hindi talaga niya nakaligtaan na itanong iyon dahil nakukyuryos talaga siyang malaman.
“Sa Enchanted Kingdom,” sagot nito, na sa mga bata nakatuon ang mga mata. Nakakunot-noo siyang napatingin dito. Nang biglang napalingon din ito sa kanya. “Noong nasa Mall of Asia kasi tayo at kasalukuyan kang nasa loob ng women’s room, nag-uusap ang dalawang bata. Nabanggit ni JB na gusto niya makapunta sa Echanted Kingdom. Si Drake naman, noon pa ako niyaya pumunta ro’n at ipinangako ko sa kanya na one of this days, magpupunta kami ro’n. And I think this the best time to go there. Lalo na pagkasama kayo ni JB. The more the merrier. Right?”
Ano bang meron sa lalaking ito, mukha yatang may kakayahang makabasa nang iniisip ng isang tao? bulong niya sa isip. Iyon kasi ang laman ng isip niya bago pa man ito nagpaliwanag.
“Hey, Mina!” pukaw nito sa kanya na pinitik pa ang daliri nito sa may mukha niya. “Are you okay?”
“O-oo,” nautal na sagot niya.
“Bakit natulala ka na riyan? May problema ba?” halata sa boses nito ang pag-aalala.
“Wala. Naiisip ko lang, may ESP ka yata, eh. Kasi may kakayahan kang bumasa nang iniisip ng iba?” Biglang natawa ito sa sinabi niya. Na mas lalo naman niyang ikinatulala at napatitig dito dahil mas lalong lumitaw ang ka-guwapuhan nito. Kanina nga nang naglalakad sila habang naghahanap ng makakainan ay nakakakuha na ito ng atensyon ng mga kababaihan.
Kahit sino kasi ay talagang mapapalingon sa itsura nito.
“You’re staring at me. Na-mesmerized ka na yata sa kaguwapuhan ko, ah?” Namilog ang mga mata niya sa sinabi nito at biglang binawi ang paningin dito. Paano naman kasi hindi na niya naalis ang pagtitig dito.
“Wala naman masama kung titigan kita, ‘di ba?!” sagot niya rito na medyo pinataray konti ang kanyang pagkakasabi niyon para pagtakpan ang hiyang nararamdaman dahil nahuli siya nitong tinititigan ito.
“Ang guwapo ko kasi, ‘noh?” sabi nito sabay kindat sa kanya ngunit kababakasan nang pagbibiro ang tinig nito. At dahil doon ay bahagya siyang natawa sa sinabi nito.
“Wow! Ang gaan ng bangko natin, ah? Pinuri talaga ang sarili?” pagbibiro niya rito na hindi inaalis ang ngiti sa kanyang mga labi.
“Well, nasa lahi talaga namin ang magagandang lalaki,” nangingiting turan nito na sinakyan ang biruan nila.
“Oo na. Halata naman eh,” himig sumusukong pagsang-ayon niya sa sinabi nito. Talaga namang guwapo ito. Si Drake nga, bata palang pero kakikitaan na nang magandang itsura. Paano pa kaya pagbinata na ito.
“And you’re beautiful, too.” Unti-unting napalis ang ngiti niya pagkarinig sa sinabi nito.
“Compliment ba ‘yan?” pabiro uling tanong niya rito upang bawasan ang hiya at tensyon na nararamdaman niya. Hindi siya sanay na may nagsasabing maganda siya. Well, hindi naman niya sinasabi na pangit siya, kahit paano ay may laban naman siya kung kagandahan lang ang pag-uusapan. Pero mula kasi nang iwan siya ng tatay ni JB ay parang nawalan siya nang kumpyansa sa sarili dahil pinagpalit siya nito sa ibang babae.
“No kidding. You are beautiful, Mina,” naging seryoso ang mukha nito nang sabihin ang katagang iyon sa kanya.
“T-thank you,” tanging nasambit niya dahil sa kawalan nang masabi rito.
“’Ma, maglaro tayo?” tawag ng anak niya sa kanya na pareho nilang ikinalingon. Lihim siyang napausal ng pasasalamat dahil na-save by the bell ang pagtawag sa kanya ng anak niya. Hindi na kasi siya komportable sa takbo nang usapan nila. Nginitian niya ito at kumaway nang pahiwatig na ‘Sige lang’.
“Let’s go? Let’s join them,” kapagkuwan ay yaya nito saka hinila ang kamay niya. Nagpatianod na lang siya para hindi na muling maungkat kung ano man iyong pinag-uusapan nila kanina bago pa man siya tinawag ng kanyang anak. Sumali sila sa nilalaro ng dalawang bata.
Masaya silang nagkakantyawan tuwing hindi nakaka-shoot ng bola si Clint sa ring. Paramihan kasi sila ng score at mas lamang na siya. Mga boses na lang yata nila ang naririnig sa buong lugar na iyon.
“Pagod na ako.” Narinig niyang reklamo nito.
“Dad, talo lang po kasi kayo kay Tita, eh, kaya umaayaw na po kayo,” kantyaw ni Drake sa ama nito.
“Naku, hindi ah. Kulang lang ako sa praktis,” palusot nito sa anak. “Tsamba lang ng Tita Mina mo ‘yon.
Mas lalo siyang napatawa dahil pilit nitong dinedepensahan ang sarili sa anak.
“Ang cute n’yo naman pagmasdang pamilya.” Nagulat sila nang may isang babae ang tumigil sa tabi nila at sinabi iyon sa kanila. Pareho silang natigilan ni Clint. Ni isa sa kanila ay walang nagsalita sa sinabi ng babae. Tulad niya ay ngumiti lamang si Clint. Ngunit nang mga sandaling iyon ay hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya dahil pakiwari niya ay isang musika iyon sa kanyang pandinig na nagbibigay sa kanya nang saya.
“Let’s go?” kapagkuwan ay yaya ni Clint sa kanila. Kinarga ni Clint si Drake habang inakay naman nito si JB papalabas sa palaruang iyon. “Ang bilis ng oras, mag-aalas singko na pala. Ihatid ko na kayo para makapagpahinga kayo nang maaga.”
“S-sige,” nauutal na sagot niya dahil sa matinding pag-iisip sa sinabi ng babae kanina. “S-saka tatapusin na rin namin ang mga homework ni JB sakaling meron man para sa linggo ay wala nang iisipin,” anya rito habang naglalakad papunta sa parking area.
“Yeah, that’s great,” anito. “Did you enjoy, kids?”
“Opo, Tito.”
“Yes, Dad,” halos magpakanabay na sagot ng dalawang bata.
“How about you, Mina?” baling naman nito sa kanya.
“Oo naman.” Iyon talaga ang totoong nararamdaman niya. Talagang nag-enjoy siya.
“Good to hear that,” sabi nito habang nakatingin sa kanya. Gusto niyang kiligin pero pilit kumukontra ang isip niya sa gustong maramdaman ng puso niya. Hindi puwede!
Nang malapit na sila sa kanilang bahay ay pinaalala na naman ito ang tungkol sa lakad nila sa darating na linggo.
“Don’t forget to bring extra shirt, okay?” huling habilin nito bago sila bumaba ng sasakyan.
“Opo. Noted,” sagot niya na ikinangiti nito.
“See you on Sunday.”
“See you,” anya saka kumaway dito bago sinara ang pintuan ng sasakyan. Inaaya niya ang mga itong pumasok muna pero tumanggi na ito dahil may gagawin pa raw na paperworks para matapos na at wala na siyang iisipin na trabaho dahil sa linggo ay ipapasyal sila nito.
Pagkapasok nila sa loob ng bahay ay nakaabang na naman ang tatay niya sa sala.
“Si Clint ba ‘yon, anak?” tanong nito agad pagkapasok nila.
“Opo, ‘Tay,” sagot niya.
“O, e, bakit hindi mo pinapasok at nang makapagkuwentuhan naman kami,” anang kanyang ama.
“’Tay nagmamadali po kasi, eh. May tatapusin pa raw pong trabaho,” sagot niya.
“Ganun ba? ‘Di bale, marami pa namang nextime. Gusto ko makilatis ang mamanugangin ko.” Nanlaki ang mga mata niya sa tinuran ng tatay niya.
“’Tay!” suway niya rito ngunit tinawanan lang siya nito at iniwan sa sala.
“Sabihin mo sa susunod, ha? Inuman kami,” pahabol na sambit nito habang pasipol-sipol na pumasok sa kusina. Napabuntong-hininga na lang siya sa ginawi ng tatay niya. Eto na naman kami. Bakit ba atat si Tatay na makapag-asawa ako? nakasimangot na maktol niya sa isip.