“Gusto mo bang pumasok muna? Pahinga ka muna kahit saglit,” paanyaya niya ritong pumasok muna. Alam niyang pagod ito. Kanina ay panay ang hikab nito habang nagda-drive kaya kahit na inaantok siya ay pilit niyang pinigilan ang maka-idlip upang kausapin lang ito. Mahirap na, baka makatulog ito habang nagda-drive ay maaksidente pa sila. May kasama pa man din silang mga bata. Tutal ay gising na si Drake kaya pupuwede pa silang pumasok muna saglit para makapagpahinga ito bago mag-drive ulit. Saka maaga pa naman. “Sige,” pagpayag nito. Inayos muna nito nang maige ang pagkakaparada ng sasakyan nito sa gilid ng kalsada. Sumalubong naman sa kanila ang kanyang tatay. “’Tay, magpahinga lang muna saglit si Clint,” anya sa kanyang ama nang makitang nakababa rin ang mag-ama mula sa sasakyan nito.

