NAGKAROON AKO ng maraming agam-agam sa aking sarili na baka-- hindi na sapat ang pagmamahal na natatanggap ko mula kay Jerson, na baka-- pinipilit ko na lang para maging buo kami at baka-- tama si Rafael na may pinanghahawakan na lang si Jerson sa akin at iyon ay ang anak namin. Malalim na ang gabi at bago matulog ay natsempuhan kong tahimik lamang si Jerson habang nanunuod ng TV. Naisip kong ito na ang tamang oras para komprontahin ko siya, bukod sa napapadalas na pagtatalo namin ay nagi-guilty din ako dahil nagawa kong ilihim sa kaniya ang muntikan nang may mangyari sa amin ni Rafael. Napaayos siya mula sa pag-upo nang mapuna niya akong nakatayo mula sa pintuan ng k'warto. Doo'y unti-unti akong lumapit sa kaniya upang tabihan siya sa kaniyang inuupuan. "O, bakit gising ka pa?" aniya.

