"PASS your papers on the center aisle,” ani ng professor kong napakasungit. Madalas magpa-long quiz at sobrang terror.
"One.." Naku naman! Hays, bahala na nga! Katulad nang palagi kong sinasabi kapag hindi nakakapag-review. Kung bakit ba naman kasi nag-OT pa ako, e tapos biglaan din naman ang quiz.
"That's all guys, goodluck!"
"Bye, ma'am!" sigaw nilang lahat at saka ito lumabas sa may front door. Dali-dali naman akong nag-ayos ng mga gamit.
Damang-dama ko ang pagod magmula kanina kaya hindi ko maiwasan na mapahikab habang naglalakad.
"Hays-- ay kalabaw!" Napagitla ako sa paglalakad nang bigla siyang sumulpot sa harapan ko.
"Jerson naman, bakit bigla ka na lang sumusulpot?" Napangiti siya at pasimpleng inagaw ang bag pack ko.
"Akin na--"
"Hindi," sabi ko at saka inagaw muli ang aking bag. Napasimangot naman siya habang magkasabay ang mga paa namin sa paghakbang.
"Bakit ba ang sungit mo?"
Napabuntong hininga ako at saka sumagot. "Pagod, e, bakit ka ba kasi nandito?" Ngumiti siya sa kawalan at bigla niya na lang hinablot ang kamay ko papunta sa motor niya.
"Wala lang. Halika na."
"Sandali.. saan tayo pupunta?"
"Ihahatid ka, pero kumain ka na muna." At kahit nag-aalinlangan man akong umangkas ay nagawa ko na lang, may tiwala naman ako sa kaniya, e.
Dumaan kami sa isang convenience store at bumili ng makakain.
"Dito mo na ba kakainin?" tanong niya matapos namin makapagbayad sa counter.
"Hindi na siguro, inaalala ko si papa, e." Napatango naman siya. Mag-aalas diyes y media na ng gabi nang makarating kami sa bahay.
"Papasok ka pa ba sa loob?" Napabuntong-hininga siya.
"Gusto ko sana, e, kaso masyado ng gabi, so paano? Bukas na lang, ah?"
"Jerson, salamat ah.." Binigyan niya ako ng isang simpleng ngiti. Halos isang linggo na rin magmula nang magkakilala kami. Alam kong masyadong mabilis ang pagtitiwalang ibinibigay ko kay Jerson bilang aking kaibigan, pero wala naman akong nakikitang dahilan para hindi siya pagkatiwalaan. Hinayaan ko na muna siyang makaalis bago pa man ako pumasok sa loob.
"Good evening, pa." Nagmano ako sa kaniya dahil nadatnan ko pa siyang gising.
"Good evening, din, bakit medyo ginabi ka 'yata ng uwi?"
"Ah, may binili lang po kami ni Jerson sa labas, ito po, gabihan natin."
"Mabuti naman at napapalapit na kayo sa isa't isa, anak." Sa tono ng boses ni Papa ay parang iba ang nais niyang iparating.
"Pa naman, alam mo naman po na magkaibigan lang kami," sagot ko habang binubuksan ang siopao.
"Alam ko, pero anak, malapit na akong mawala--"
"Pa, huwag mo naman sabihin 'yan, mahaba pa ang buhay mo, okay? Ga-graduate pa ako, ‘di ba? At kahit mahirap naman kinakaya ko, e." Hindi ko alam pero biglang nawala ang ngiti ni Papa.
Matapos namin kumain ay inalalayan ko na siyang makahiga sa higaan at pinalitan ng diaper upang makapagpahinga na.
Kinabukasan. Napagpasyahan kong dumiretso na muna sa practice para sa aming performance sa P.E., isang oras lang naman iyon. Subalit bigla akong nainis dahil late sa call time ang mga kaklase ko. Ilang minuto pa ang lumipas nang maka-received ako ng text mula kay Jerson.
'Good morning, Jeerah. :)'
Hindi ko alam pero bigla na lang akong napangiti. Re-reply-an ko na sana siya nang biglang dumating ang kaklase kong si Mikas.
"Wala pa sila?" Bungad niya sa akin habang inilalagay ko sa bag ang aking cellphone na thirty three sixthteen ang unit.
"Wala pa nga, e. Nakakainis na."
"Sabagay, first time ka lang namin maging kaklase, 'di ba? Ganoon kasi talaga ang mga 'yon, e." Napabuntong-hininga ako at kamukat-mukat ay agad ko na lang natanaw ang ilang estudyanteng paparating.
"Tayo pa lang? Nasaan na sila?" sabi no'ng isang babaeng kararating lang. Hindi ko alam ang pangalan nila dahil hindi ko naman sila nakakausap sa classroom, p'wera na lang kung may mga ganitong presentation.
Ilang minuto pa ang lumipas nang nagsidatingan na ang lahat. Kaya nakapagsimula na kami sa pagpa-practice ng modern dance. At dahil hindi naman talaga ako sumasayaw ay nangapa akong matuto at makasabay sa steps.
-
Humahangos akong nakarating sa salon, wala namang problema kung late ako dahil nagpaalam naman ako ng maayos sa amo namin.
"Jeerah!" Pagbungad sa akin ni Dela nang makarating ako sa salon.
"Bakit late ka ng dalawang oras?" tanong naman ni Mallow.
"Nag-practice kasi kami sa P.E, kayo kung anu-ano ang iniisip ninyo."
Pahapyaw silang natawa. “Alam mo ba, Jeerah, gusto ka lang niyan sulutan ni Dela," pang-aasar pa ni Elinor. Napapangisi na lang si Mallow habang ako naman ay halos magsalubong na ang kilay.
"Well, well, well.. hindi ka kasi nagku-kwento na lumalabas na pala kayo ni Papa Jerson!" kinikilig na sabi ni Dela.
"Dela, magkaibigan nga lang kami," sabi ko at halos umalingawngaw naman sa kabuuan ng salon ang tawa niya.
Inirapan ko na lamang siya at inasikaso ang mga dumating na mga customer. Ewan ko ba kung bakit tila umaasa ako na muli kong makikita si Jerson na sinisilip ako mula sa labas ng salon, wari ay nasanay ako sa ganoong routine at hindi ko maitatangging mas nagiging close nga kaming dalawa, hindi kagaya nang una ko siyang makilala.
Pasado alas kwatro na ng hapon nang makapag-out ako sa trabaho. Pasimple kong pinagmamasdan ang bawat madadaanan kung makikita ko ba siya. Hindi ko na nga maintindihan ang sarili ko kung bakit hinahanap-hanap siya ng mga mata ko.
Naisipan ko na munang mapadaan sa mall dahil alas singko pa naman ng hapon ang klase ko. Nag-window shopping ako ng damit na balak kong isuot sa darating na birthday ko. Minsan, kailangan mo rin ilibre ang sarili mo. Sakto naman at may natipuhan ako kung kaya't nangako ako sa sarili na bibilihin ko talaga 'yon sa suweldo!
Palabas na sana ako ng mall nang hindi ko inaasahan ang makikita ng dalawang mata ko.
Si Jerson.
At hindi lang iyon ang ikinabigla ko dahil.. may kasama siyang babae. Maganda, makinis at mukhang mayaman. Maganda ang ngiti nila sa isa't isa. Pinakiramdaman ko ang sarili at aminado ako sa sarili kong hindi na normal ang t***k ng puso ko. Bakit ba ganito ang nararamdaman ko? Gusto ko na ba siya? Hindi ko alam pero bigla na lang akong nakaramdam ng lungkot na nagdulot nang panghihina ng tuhod ko.