“Look, hindi ko alam kung ano ang pinupunto mo rito. Pero, para sa akin walang mali sa ginawa ko. Walang masama Natasha na ipaglaban ang saloobin mo kung tinatapakan na ng iba. Walang masama na ipaglaban minsan ang ating mga sarili dahil sa mundong ito, kung may una kang kakampi dapat sarili mo yon.”
Binawi ni Natasha ang braso sa pagkakawahak ni Isabelo at iniiwas ang tingin. “Hindi mo ba talaga gets? Ang pinupunto ko rito, Isabelo. Mamamatay na ako paano ka? Sinong makakasama mo?”
“Baks.”
Muli ay katahimikan ang namayani sa kanilang dalawa bago muling nagsalita si Natasha. “Bilisan na natin. Maglilinis pa ako ng bahay, baka kapusin ako ng oras ay magalit pa si Mama.”
Madaling pinahid ni Isabelo ang mga luhang nakatakas sa mga mata at pinilit na magsalita na parang walang nangyari. “Talagang inuna mo na naman ang galit ng Mama mo.”
“Mas mapapaaga ang pagkamatay ko kung magagalit si Mama.” Tinalon ni Natasha ang tatlo pang palapag sa escalator at preskong naglakad papunta sa entrance door.
Iyon lamang ay natigilan siya nang walang ano-ano’y biglang tumigil sa kaniyang harapan ang isang lalaki na kapapasok lamang.
Wala sana siyang balak na pansinin ito pero ang lalaki, tumigil sa kaniyang harapan at ngumiti nang kay ganda. “Finally, we met. My Natasha.”
Sabay na tumaas ang dalawang kilay ni Natasha at tiningnan ang lalaki nang walang kabuhay-buhay. “Ano kamo? My Natasha? Kilala mo ako?”
“Don’t do this, please, love,” usal ng lalaki na tila ba labis ang pangungulila.
Nangunot ang noo ni Natasha at namulsa habang sinisipat ang lalaki. “Sorry, but I do not know you. And please stop calling me love.”
“You do know me. And you love to be called love.”
“Sorry, but as I have said, I don’t. So, if you would excuse me, I will be leaving you now because my patience is running low. And I can attest to you that I am not the Natasha you are looking for because I am not into the word love.”
Umamba siya ng hakbang nang biglang higitin siya ni Isabelo palayo. “Bakla, ang bibig mo talaga, minsan gusto ko na lang izipper. Sa iba, magpapacute kapag may lalapit na afam pero ikaw, ibang klase.”
“Ano? Bakit mo ako hinihila?”
“Bakla ka ng taon, wait lang,” tarantang saad ni Isabelo na halos mabangga na ang mga nakakasalubong na mga tao.
“Saan mo ba ako dadalhin? Nako, Isabelo! Nasasaktan ang braso ko.”
“Wait lang baks. Wag kang magulo!”
“Kakalbuhin ta, Isabelo ano ba.”
“Andito na. Tabi!” Madali nitong pinangtaboy palabas ang mga babae sa loob ng girl’s cr saka dali-daling isinara ang pinto.
Inis na inayos ni Natasha ang suot na t-shirt at hinagod ang mga nagkalat na buhok sa kaniyang harapan. “Oh, anong meron? Magsalita ka.”
Pikit-matang nagdaop ang mga palad ni Isabelo habang naglalakad ito palapit sa kaniya. “Baks! Baks! May kasalanan ako!”
“Ano? Anong kasalanan? Ay punyeta, Isabelo. Ano na namang ginawa mo?” inis na tanong ni Natasha na sa kauna-unahang pagkakataon ay may pagbabago sa tono ng boses ng dalaga.
“Baks…kasi…noong nawala ako, may nakilala ako sa US na lalaki. Sa ospital kung saan ako nagstay-in during recovery noong magpaboobs ako. Pinagtanong ko talaga ang contacts niya. Tapos…”
“Tapos chinat mo at ako ang ginamit mo? Ganon ba?”
“Baks oo! Ang galing mo talaga. Alam mo agad!”
“At sa tingin mo ay ipagpapasalamat ko ‘yon? Jusko naman, Isabelo, bakit mo naman ginawa yon? Niloko mo na nga yong tao, ginamit mo pa ako. So, yong lalaki sa labas ay yong lalaki na nameet mo sa US?”
“Oo, baks! Sorry!”
“Jusko ka, Isabelo. Sasabihin mo sa akin kung kailan wala na akong choice dahil andito na siya?”
“Baks ang totoo, wala akong alam sa pagpunta niya rito. Tinigilan ko na siya. Nakipaghiwalay na nga ako dahil kinakain na ako ng konsensiya ko bukod doon ay napapamahal na talaga ako sa kaniya. Hindi ko na siya kayang lokohin. Akala ko tinanggap na niya na wala na kami, kaya hindi ko talaga akalain na bigla na lang yang susulpot rito ngayon. Baks, please! Baka pag nalaman niyang niloko ko lang siya baka walang matira sa mukha ko. Ang mahal ng pagawa ko rito. Yong boobs ko,” sumamo ni Isabelo at umamba nang pagluhod.
Napabuntong-hininga si Natasha kasabay nang paglaglag na kaniyang panga sa pagkabigla. “Talagang yon pa ang inisip mo? Pero may point ka naman, kung ako yon baka nga patayin pa kita. Pero sana naisip mo rin na baka sa galit niyan, ipakulong ka pa. Hay nako, di mo manlang inisip mararamdaman ng mga magulang mo. Tapos, kung pagsabihan mo ako kanina na kesyo laging kapakanan ng iba ang inuuna ko pero eto ka at hayagang sinasamantala ang kabaitan ko. Ang galing! Sige subukan mo lumuhod, talagang uubusin ko lakas ko para lang bulbugin ka.”
“Hala, makukulong ako? Baks, nakikiusap ako. Magpatuloy ka muna ng ilang panahon bilang girlfriend niya. Hanggang sa, hanggang sa makakuha ako ng tamang tiyempo na magsabi ng totoo.”
“Ang galing! Kakasangkapin pa ako. Ayos. Ayaw ko!”
“Baks, nagmamakaawa ako. Ayaw ko rin na kamuhian niya ako. Wala naman akong hangad o intensiyon na masama. Minahal ko lang siya. Alam ko na hindi ka naniniwala sa existence ng pag-ibig pero baks, legit ang love.”
Kita ni Natasha ang pagluha ni Isabelo kaya wala na siyang nagawa kundi ang sumang-ayon. “Sige. Payag na ako pero paraanan mo na magsabi agad dahil ayaw ko sa lahat, Isabelo, alam mo yon ang nanloloko at nagsisinungaling.”
“T-Talaga, baks? Payag ka na? Salamat, baks! Salamat!” Sabik siya nitong niyakap nang kay higpit.
“Tahan na. Pero hindi ito dahil sa pinagbibigyan kita kundi dahil gusto kong makita kung pwede kitang iwan sa kaniya,” tugon ni Natasha at binigyan ng isang mabilis na hagod ang buhok ng kaibigan.
“Ito para namang, hindi ka mamamatay. Hindi ako papayag,” sabi ni Isabelo pagbitaw sa yakap at nagpunas ng mga luha. “Pag ok na ang lahat kay James, Samahan mo ako papuntang Canada.”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Come with me sa Canada. Doon kita aalagaan habang naghahanap tayo ng donor. I’ll be your doctor, wala kang iisiping bayarin.”
“Pero…”
“Op! Op! Di pa ako tapos. Wag kang mag-alala dahil maraming health benefits sa Canada. Kung may gagastusin man ako sayo, baka katumbas lamang ng utang na loob sa lahat ng ibinigay mo sa akin.”
“Hindi naman kita sinisingil. Saka paano sina Mama?”
“Binibigay ko ito ng bukal sa loob, wag kang nega. About sa Mama mo? Bakit? Sa tingin mo, iiyak manlang yon kapag namatay ka na? Hindi naman diba? Tsk! Kaya wag kang ano diyan. Basta, please, Natasha. Kahit ngayon lang, hayaan mong makatanggap ka naman ng tulong. Hayaan mong ikaw naman ang makatanggap ng kawang-gawa. Stay alive for me, please? Hanggat hindi ka pa rin nakakahanap ng mapapag-iwanan mo sa akin.”
“Ayos! Kuhang-kuha mo ako don. Nangonsensiya pa.”
“Oh ano? Do we have a deal?”
“Gusto mo pa talaga maging memorable ang last days ko sa mundo. Fine. Sige. Tutal, I’m dying, might as well enjoy it.”
“Yes! Hala ang happy ko.”
“Oo mo. Nanloko ka na nga, happy ka pa. Sa ngalan ng kalandian.”
“Gaga, hindi naman ako masaya dahil manloloko tayo, ang akin, masaya ako kasi first time ito na pumayag ka na gumawa ng something out of your usual boring life.”
“Wow! Utang na loob ko pa. So pano, anong gagawin natin?”
“Hindi ko rin alam baks.”
Huminga nang malalim si Natasha at umirap. “What if, what if lang…ganito. Naisip ko, bakit hindi ko na lang gawin ang lahat to make him unlove me? Alam mo yon. Make him dislike me. Doon ka papasok, comfort him and all para maconsider niya na maging kaibigan ka, atleast. Parang mas masakit kasi na malalaman niyang ang babaeng minahal niya, niloko lang siya.”
“Ok lang sayo, baks?”
“Ano ka ba. Pamilya ko nga hindi ako magawang mahalin. Buong buhay ko, isa lang ang natutunan ko. It is easy to unlove me.”