Part 2

940 Words
“AT MULA sa alabok ay sa alabok din naman babalik…”             Parang dam na tinanggalan ng harang ang pagdaloy ng mga luha ni Ethel. Hindi man siya maghisterya sa libing na iyon ay labis-labis na ang pag-iyak na ginagawa niya. Akala niya ay nauubos ang luha. Akala niya ay totoong nakakapagod ang pag-iyak pero nagkakamali pala siya.             Mula nang malaman niya ang trahedyang nangyari sa grupo ni Jaime ay halos wala na siyang tigil sa pag-iyak. Mugto na ang mga mata niya. At siya na rin ang pumipigil sa sarili para umiyak pero hindi siya nagtatagumpay.             Libing ngayon nina Jaime at ng ama nitong si Fred Orlante. Si Olivia na inulila ng asawa at anak at ilang beses nang hinihimatay. Halos nakalungayngay na ito sa hirap at hapis. Hindi niya ito masisi kung hindi na nito magawang pansinin siya ngayon.             Nagkaroon na ng isang pagkakataon na nagdamayan sila sa pagtangis. Kinikilala naman siya nito bilang naiwang girlfriend ni Jaime.             Sa kanya naman ay nakaalalay si Riza. Best friend niya na siyang matiyagang sumasama sa kanya sa pakikipaglamay hanggang sa pakikipaglibing.             Bukod sa kanila ni Riza, kay Olivia at sa babaeng nakaalalay dito, si Luke ang nakatayo sa harapan ng magkatabing kabaong. Alam niya, sa likod ng matigas na ekspresyon nito ay ang pagsikil ng tunay na damdamin. He was Jaime’s best friend. Bumalong na naman ang luha sa kanyang mga mata. Bukod sa sakit na nararamdaman niya para sa sarili ay naroroon din ang awa niyang nadarama para kay Luke. Mula pa pagkabata ay magkaibigan na ang mga ito. Saksi siya sa samahan ng dalawa. Daig pa nito ang magkapatid.             “Ethel, tama na iyan,” banayad na paalala sa kanya ni Riza. “Makakasama na sa inyo iyan ng baby mo.”             Lalo siyang impit na napaiyak. On instinct, nakapa niya ang pipis pang sinapupunan. Marahil ay mas marami siyang dahilan sa pagluha. Hindi lang silang malalaki ang inulila ni Jaime. Sa loob ng katawan niya ay mayroong inosenteng nilalang. At ni hindi nalaman ni Jaime ang tungkol sa magiging anak nila.             Hindi niya alam kung dapat niyang sisihin ang sarili. Dapat sana ay lakas-loob na niyang sinabi dito ang tungkol doon. Iniisip niya ngayon kung nagkataon kayang sinabi niya ay sumama pa kaya si Jaime sa sailing adventure na iyon? At hindi kaya pinakasalan na agad siya nito?             Hindi na niya malalaman ang sagot sa mga tanong na iyon.             Ni wala siyang katawang tatanungin. Ang kabaong na nasa harapan niya ay bakante ang loob. It was selyado iyon kagaya ng kabaong ni Fred. Ang pagkakaiba nga lang, maski na dispormado ay nakuha ng mga frogmen ang katawan nito.             Napaiyak na naman siya. Parang hindi niya matatanggap ang naging kalunus-lunos na kamatayan ni Jaime. Tinitigan niya ang nakakuwadrong larawan nito. Puno iyon ng buhay. He was only thirty. At muli ay gumapang ang panghihinayang sa dibdib niya.             Nang unti-unting ibaba ang kabaong ay inihagis niya roon ang tangkay ng rosas na kanina pa niya hawak.             She wept silently. Tinatangisan niya ang bakanteng kabaong. Tanging ideya ng malagim na kamatayan ni Jaime ang tila nakapaloob doon.   KASABAY NG pagkuyom ng mga palad ay ang pagtatagis ng mga bagang ni Luke. Sa likod ng mamahaling eyeshades ay ang namumula niyang mga mata. Nagbabanta roon ang mga luha. At kanina pa siya sumuko sa pagpipigil ng sarili. It was the time to let his tears roll down. Pero tila ang mga luha naman niya ang ayaw bumagsak.             But he knew one thing, may luha man o wala, hindi mapagbabago niyon ang  masakit na pagkawala ni Jaime. Matalik silang magkaibigan. Kung ituring nga ng mga magulang nila ang kanilang samahan ay halos magkarugtong na raw ang kanilang mga pusod.             They went to the same grade school. Nang tumuntong sila ng high school, bagaman hindi magkaklase ay sila pa rin ang naging magkabarkada. Magkasabwat sila sa lahat ng kapilyuhan at kalokohan. Magkasama rin sila sa mga pagbuo ng kanilang mga pangarap.             Ang mga pangarap na iyon ay mag-isa na lang niyang aabutin. Hindi biro ang panghihinayang na nararamdaman niya ngayon. Abot-kamay na lang nila ni Jaime ang rurok ng tagumpay. Ang usapan ay walang iwanan. Pero bigla ay nang-iwan si Jaime.             Gusto niyang sumbatan ang bakanteng kabaong.             Isang malaking kalokohan pero kinakausap niya sa isip si Jaime. Kinakastigo niya ito sa pagkamatay nito.             Hindi ka dapat namatay ng ganyan, pare. Parang nagmamadaling kang umakyat sa langit. Nang-iwan ka na nga ng wala sa oras, ipinagkait mo pa sa amin ang bangkay mo. Bakit pumayag kang papakin ka ng mga pating? Ni isang daliri ay hindi mo itinira para naman mapunta sa amin?             Naramdaman niya ang bikig sa lalamunan niya nang lumunok siya. Mapait talaga ang katotohanang namatay na nga si Jaime ay wala man lang bahagi ng katawan nito na natagpuan ng mga frogmen. Iisa lang ang teorya. Na kinain na ito ng pating sapagkat shark-infested ang lugar na pinangyarihan ng trahedya.             Ganoon din naman ang nangyari kina Fred at sa ibang negosyanteng kasama nitong naglayag. Iyon nga lang, maski paano ay mayroon pang nakuhang bahagi ng katawan ng mga ito.             Hindi niya alam kung dapat niyang sisihin ang sarili. Nang banggitin sa kanya ni Jaime ang tungkol sa sailing trip na iyon ay hindi maganda ang naging pakiramdam niya. Parang kinutuban siya pero hindi niya pinansin. Ang paniwala niya ay para sa mga babae lang ang mga ganoong kutob.             Isa pa, ang saya-saya nila ni Jaime noong gabing bago ito sumamang maglayag. Pagkatapos nitong ihatid si Ethel sa boarding house ay tumuloy ito sa bahay niya. At sa pag-iinuman nila, hindi nakaligtas sa panlalait nito ang semi-furnished niyang bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD