Part 3

1534 Words
“PARA kang hindi arkitekto, pare. Bakit ganito ang bahay mo? Parang pa-housing ng gobyerno?” pang-aasar sa kanya ni Jaime.             “Hindi mo ba naa-appreciate? Ito ang dream house ko, ah!” sakay naman niya.             Pangkaraniwang bungalow ang bahay niya. Inalok lang iyon sa kanya ng isang engineer na magma-migrate sa Canada. Naisip niyang investment na rin kaya binili na rin niya tutal ay hindi pa rin naman siya nakakabili ng lupa na pagtatayuan niya ng talagang dream house niya. Ilang buwan na rin niya iyong tinitirhan.             “Namputsa, hindi ko iuuwi sa ganitong klaseng bahay si Ethel. Ang pangarap ko sa kanya, iyong isang marangyang bahay. Ipapa-kontrata ko sa iyo, pare. At siguruhin mong maipagmamalaki niya kahit kanino ang bahay na ide-design mo. Ipapakita ko sa lahat na si Ethel ang pinakamasuwerteng babae dahil ako ang napangasawa niya.”             “Oo na. Alam ko namang hanggang ngayon patay na patay ka sa kolehiyalang iyon. Ginayuma mo yata iyon. Sa laki ng agwat ng edad ninyo, nagkagusto pa sa iyo?”             He was fond of Ethel. Nililigawan pa lang ito ni Jaime ay ipinakilala na sa kanya. Second year college lang ito nang makilala niya. Neneng-nene pa nga halos ang itsura. Ang tudyo nga niya ay kay Jaime na ito nagdalaga.             Boto siya kay Ethel para sa kaibigan. In fact, kung nagkataong siyang ang unang nakakilala kay Ethel, malamang ay siya ang nanligaw dito. Hindi sila magkatipo ni Jaime pagdating sa babae. Pero pagdating kay Ethel, parang naipon na sa babae ang katangiang hinahanap niya sa mapapangasawa. Kaya naman kahit na nag-aasaran sila ni Jaime, alam niyang masuwerte ito kay Ethel.             “Tama lang ang siyam na taon. Saka graduating na siya sa April. Kinukulit na nga ako ng tungkol sa kasal.”             “Di, ginayuma mo nga! Kitam, siya pa ang nag-aaya sa iyong magpakasal? Dapat ay umoo ka na agad. Baka magbago pa iyon ng isip.”             “Ulol! Pakakasalan ko talaga iyon. Iba ang tama dito ni Ethel. Parang sipa ng kabayo.” At kinabog pa nito ang dibdib.  “Pangako ko sa kanya, pagka-graduate niya. Alam mo namang palaki iyon ng masungit na tiyahin. Baka ipakulam ako kung tatangayin ko iyong pamangkin niya ganoong nag-aaral pa.”             “Talagang desidido ka kay Ethel, ha?” arok niya.             “Oo. Mahal na mahal ko siya. Pare, mahalin mo rin si Ethel para sa akin, ha?”             Madaling sumagot ng oo pero ang mahirap ay iyong maipagkamali ni Jaime ang isasagot niya.    “Lasing ka na yata?” sa halip ay sabi niya. “Ano ba ang gusto mong mangyari, iyong ma-in love din ako sa girlfriend mo?”             Tinitigan siya nito na tila nag-isip muna. “Kung ganoon ba ang mangyayari, eh, hindi na nakakapagtaka. Madali siyang mahalin.” Oo naman. “Jaime, usapang-lasing na ito. Umuwi ka na kaya? Girlfriend mo ang pinag-uusapan natin, ipinapaalala ko lang sa iyo,” seryosong sabi niya.             “Hindi ako lasing, Lucas Abrenilla. Sinasabi ko lang sa iyo kasi daig pa natin ang magkapatid. Ingatan mo si Ethel ko, ha? Sa iyo ko siya ipinagbibilin.”             Kumunot na ang noo niya. “Pare, hindi na maganda ang takbo ng usapan natin. Marami ka nang naiinom.”             “Hindi, malinaw pa ang isip ko. Ang gusto ko’y mangako ka. Kung anuman ang mangyari sa akin, hindi mo pababayaan si Ethel.”             “Jaime—”             “Mangako ka, pare. Sumumpa ka.”             Napailing na lang siya. Bagama’t nakakaramdam na siya ng inis sa usapang iyon ay pinagbigyan na rin niya ito. “Oo na. Nangangako na ko. Iyan ha, may cross my heart pa,” aniyang gumawa ng imaginary cross sa tapat ng dibdib.             Tinitigan uli siya ni Jaime. Tumungga muna ito bago ngumiti. “Salamat, Luke. Aasahan ko iyan.”             Tumindig na siya. Gusto na niyang magalit sa mga sinasabi ni Jaime pero hindi niya ipinahalata.             “Halika na. Ihahatid na kita sa inyo.” Walang mababakas sa tinig niya pero tila nagsisimula nang tumigas ang mga face muscles niya.             “Pinauuwi mo na ako, Lucas? Ito na ang huli nating pagsasama, bakit hindi pa natin lubusin?”             “Jaime, ang pagkakatanda ko, nasa grade two tayo noong huli tayong magsuntukan. Gusto mo bang ulitin natin iyon ngayong matatanda na tayo?” Bumadha na ang galit sa tinig niya.             Tumawa lang ito. “Ikaw talaga, paminsan-minsan lang mabiro ang dali pang mapikon. Pareho kayo ni Ethel. Kanina nga’y naiiyak na sa galit sa akin. Ang sarap din namang pikunin. Parang ikaw. Pareho pala kayo sa bagay na iyon.”             Kinuha niya ang bote ng alak. “Tigilan na natin ito, Jaime. Lasing ka na.”             “Sige, itaboy mo ako. Pasasaan ba’t mami-miss mo rin ako.” Nang tumayo ito ay naging mabuway ang tindig. “Nakakahilo pala iyang alak mo,” biro pa nito.             “Ihahatid na kita.”             “Huwag na. Kayang-kaya kong magmaneho.” Lumabas na ito at wala siyang nagawa kundi ang ihatid na lang ito hanggang sa may gate. Pinag-aaralan niya ang kilos nito. Nang maupo ito sa harap ng manibela, matino naman nitong napaandar ang sasakyan. Bago iyon tuluyang umusad ay sumilip pa sa kanya. “Luke, ikaw ang best friend ko. Tandaan mo iyan.”             “Oo na,” sagot niyang hindi malaman kung matatawa na lang sa kakatwang kilos nito.             “Iyong bilin ko, pare. Huwag mong pababayaan si Ethel.”             Tumango siya pero nagsisimula na namang tumiim ang anyo niya.   UNTI-UNTI nang nag-aalisan ang mga nakiramay nang matinag si Luke sa pagkakatayo. Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya nang bahagyang panic nang makitang nakalayo na rin si Ethel. Hindi na niya namalayang nakalayo na ito sapagkat natuon ang isip niya sa pagbabalik-alala sa gabing iyon.             “Ethel!” Nilakasan niya ang pagtawag dito. Papasakay na ito halos sa taksing nakaabang dito.             “Luke,” she whispered. Hindi niya alam kung ang paglapit niya ay nakadagdag pa sa lungkot nito. Alam niya, isang malaking bahagi siya ng alaala ni Jaime.             “Kumusta ka na? Hindi kita masyadong naasikaso nitong… burol. Sa akin na kasi ipinabahala ni Tita Olivia ang mga dapat na harapin para sa libing.”             “Kasinungalingang malaki kung sasabihin kong okay lang ako.” Ngumiti ito subalit nasa buong anyo naman ang kalungkutan.             Nakakaunawang tumango siya. “Pareho lang siguro tayo. Parang ayokong isiping wala na siyang talaga. Mahirap kasing tanggapin. Halos buong buhay ko ay kasama ko si Jaime. Pero alam kong pareho tayong nasasaktan ngayon sa nangyari sa kanya. Magkaiba nga lang marahil ang paraan at dahilan.”             “Gusto kong isipin na mas malakas ka sa akin,” bahaw na sabi ni Ethel. “Pero sa itsura mo ngayon, pagluha lang siguro ang ipinag-iba ko sa iyo. Huwag kang mahiyang umiyak, Luke. Hindi nakakabawas ng p*********i ang pag-iyak lalo at mayroong mabigat na dahilan.”             Napatitig siya kay Ethel. Sa mga sandaling iyon, naisip niyang mayroon ding katapangan ang babae.             “Palagay ko’y si Jaime ang may gustong huwag akong umiyak,” aniya at bumuntunghininga. “Dalawa kayo ni Tita Olivia na inaalala ko ngayon. Kung hindi magiging matatag ang loob ko, baka imbes na ako ang umalalay sa inyo ay ako ang alalayan ninyo.”             “Walang masama roon, Luke. Ikaw na rin ang maysabi kung gaano ka-importante sa buhay natin si Jaime. At hindi biro ang bigla na lang pagkawala niya.” Pumiyok ang tinig nito.             Napansin niyang isinakay na ng kotse si Olivia. Kasama nito ang mama niya. Bumaling siya uli kay Ethel. “Ako na ang maghahatid sa inyo,” sinserong alok niya.             “Huw—”             “Bakit hindi?” agaw ng isang babae. “Natatandaan mo pa naman siguro ako. I’m Riza. Kaibigan nitong si Ethel.”             “Of course, Riza. Nagpapasalamat ako sa iyo dahil hindi mo pinabayaan si Ethel.” Saglit niyang nilapitan ang taxi driver. Dumukot siya ng pera at iniabot dito bago pinaalis. “Kukunin ko lang ang sasakyan doon,” aniya nang humarap uli sa dalawa. “Dito na lang kayo maghintay at malilim pa.”             Mabilis niyang tinawid ang distansya. Kainitan ng sikat ng araw ngunit hindi niya iyon alintana. Mas apektado siya ng malungkot na okasyon. Nang balikan niya ang dalawang babae sa pinaghintayan ng mga ito sa kanya, napansin niyang nakauklo si Ethel sa isang puno.             Kunot ang noong bumaba siya. At bigla na lang ang pag-ahon ng pag-aalala sa dibdib niya nang makitang nagsusuka ito.             “Ano ang nangyari?” tanong niya.             Tingin ang tanging itinugon sa kanya ni Riza. Ni wala siyang naging ideya sa kung ano ang kahulugan ng tingin na iyon.             “Huwag mo na kaming ihatid,” wika sa kanya ni Ethel habang pinapakalma nito ang sarili. “M-masama ang pakiramdam ko. Baka diyan pa ako magkalat sa sasakyan mo.”             “Mas dapat ngang ihatid ko kayo,” pilit naman niya. “Mahirap nang kung mapaano kayo sa daan.” Tumalikod siya at kinuha ang baong mineral water. Walang kibong iniabot niya iyon kay Ethel.             “Salamat,” tipid namang sabi nito. Tumalikod ito sa kanya bago nagmumog. Ang natira sa bote ay siyang inihilamos sa mukha.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD