Part 4

1836 Words
“NAMUMUTLA ka,” pansin ni Luke kay Ethel nang lulan na sila ng sasakyan. Si Riza ang siyang nagpatiunang maupo sa backseat. Nasa tabi naman niya sa harapan si Ethel. At sa tingin niya ay hindi ito mapakali roon.             “P-puyat siguro. Hindi kasi ako lumiban sa bawat lamay. Ito na lang ang huling pagkakataong makasama ko si Jaime.”             “Um-absent ka sa school.” It was a statement. At ang marahang pagtango ni Ethel ang siyang naging kumpirmasyon pa niyon.             “Malayo pa naman ang exams. Makakahabol pa ako sa mga leksyon na na-missed ko. Saka papasok na rin naman ako bukas.”             “No,” mabilis na sabi niya at saglit itong nilinga. “Malaki na ang inihulog ng katawan mo. Mas makabubuti kung magpapahinga ka muna.”             “Parang ganoon nga rin ang gusto kong i-advise sa kanya,” sabad ni Riza buhat sa likuran. “Sobrang haggard na ang itsura mo, Ethel. Kailangan mo ng pahinga lalo pa ngayon—” Bigla nitong natutop ang bibig.             Naging matalas naman ang pakiramdam ni Luke doon. Buhat nang ignorahin niya ang kutob na naramdaman niya nang huling gabing nakapiling niyang buhay si Jaime, binibigyan na rin niya ngayon ng importansya ang sariling kutob.             Sinulyapan niya si Riza sa pamamagitan ng center mirror. At tila nagkaroon ng basehan ang kutob niya nang makita ang guilt sa mukha nito. Nang magtagpo ang mga mata nila ay mabilis na nagbawi ng tingin si Riza.             “Ethel,” kaswal na baling niya sa katabi. “Kung patingnan kaya muna kita sa doktor? Kailangan mo sigurong maresetahan ng vitamins para makabawi ka agad ng lakas.”             “No. Hindi na kailangan,” puno ng pagtangging sagot nito sa kanya.             Hindi na siya nagpilit pero hindi rin niya iyon iwinaglit sa isip. Minsan pa niyang sinulyapan si Ethel. Sa tingin niya, mahipan ng ito ng hangin ay mabubuwal na. Malaki ang naging pagbagsak ng katawan at kulang na rin sa kulay ang mukha.             Nang matanawan niya ang isang restaurant, hindi na siya nagdalawang-isip na iparada doon ang Nissan Patrol.             “Kumain na muna tayo. Sigurado akong wala pang nananghalian sa atin. At ni hindi ko nga rin nakuhang mag-almusal man lang.”             “Mabuti pa nga,” ayon ni Riza na nagsimula na ring bumaba. “Ethel, pagkakataon mo nang bumawi ngayon. Ilang araw ka na ring tamilmil kumain.”             Anyong bababa na rin si Ethel pero mas mabilis siyang nakaligid sa gawi nito. Inalalayan niya itong bumaba. Tila naasiwa si Ethel na tanggapin ang kamay niya kaya nang sumayad na ang paa sa lupa ay binawi agad ang sariling kamay. Hinayaan lang niya. Malapit na sila sa entrance ng restaurant nang tila unti-unti itong maupos.             “Ethel!” bulalas ni Riza.             Bago pa saluhin ng baldosa si Ethel ay mabilis na niya itong nasalo.             “Dali! Dalhin natin siya sa ospital,” nag-aalalang sabi sa kanya ni Riza. “Luke, buntis si Ethel.”             Naglapat ang mga labi niya. Ito marahil ang kahulugan ng kutob niya kanina.   AMOY antiseptic ang nalanghap niya nang magkamalay siya. Nang imulat niya ang mga mata, natanto niyang nasa ospital siya.             “Ethel.” Hindi niya alam kung relief ang nasa tinig ni Luke. Ito ang unang tinamaan ng paningin niya. Sa tabi nito ay si Riza na nakaabang din sa pagbabalik ng malay niya.             Silang tatlo lang ang nasa silid na iyon. Nang mapansin niyang may nakakabit na suwero sa kamay niya, nagtatanong ang mga matang bumaling siya sa mga ito.             “Nandito ka sa ospital,” boluntaryong wika ni Riza. “Bed rest ka raw muna sabi ng doktor. Grabe. Anemic ka na, sobrang baba pa ng blood pressure mo. Ilang araw kang iko-confine para masigurong ligtas kayong pareho ng baby mo.”             Mabilis na lumipad ang tingin niya kay Luke. Katahimikan ang namayani sa ilang sandali na nagdaan. Si Riza na nakamasid lang sa kanila at napahinga.             “Doon na muna ako sa labas,” wika nito na hanggang sa marating ang pintuan ay wala namang pumansin.             “Alam mo na pala,” mahinang sabi niya kay Luke.             Bahagyang tango ang itinugon nito. “Nalaman ba ni Jaime ang kalagayan mo?” he asked gently.             Malungkot na iling ang isinagot niya. “Gusto ko sanang sabihin noong huling pagkakataon na magkasama kami. Hindi ko na nagawa dahil nawalan na ako ng lakas ng loob.”             “Bakit? Karapatan niyang malaman iyon.”             “I know. Tinanong ko siya kung kailan kami magpapakasal. Sabi niya’y pagka-graduate ko na raw. Nahiya akong magpilit na ngayon na namin kailangang magpakasal.”             Napailing ito. “Ethel—”             “Please, Luke. Huwag mo akong sisisihin. Iyan ang mismong nararamdaman ko ngayon. At siguro, kung nasabi ko iyon, malamang ay buhay pa rin siya hanggang ngayon. Malamang ay hindi na siya sumama sa sailing adventure na iyon at sa halip ay inaasikaso niya ang kasal namin kahit na apurahan iyon.”             “Ethel, huwag mong isiping kasalanan mo ang nangyari sa kanya. Nagkasama din kami ni Jaime nang gabing iyon. He seemed different that night. He had premonitions pero hindi ko pinansin. Of course, kung alam kong premonition iyon, kahit siguro igapos ko siya sa bahay ko ay gagawin ko huwag lang siyang sumama doon. It was his fate. Wala tayong kapangyarihan para baguhin ang gusto ng pinakamakapangyarihan sa lahat.”             “At dahil wala tayong magagawa, naririto tayo ngayon at nagdurusa,” mapait na wika niya.             “Ethel,” tawag sa kanya ni Luke bago nito pinangahasang abutin ang kamay niya. Sa masuyong pisil na ginawa nito ay naramdaman niya ang malaking pagdamay nito. “I hope you know you can come to me. Anytime.”             “Oh, Luke…”             “Huwag kang mahihiyang lumapit sa akin. Kahit na anong tulong basta kaya ko, ibibigay ko sa iyo.”             “Salamat.”             Isa na namang katahimikan ang bumalot sa kanila.             “Ano ba ang balak mo?”             “Itutuloy ko ito, siyempre,” may talim na sagot niya. “Nag-iisip ka bang ipalalaglag ko ito? Hindi ako kriminal.”             Napahinga si Luke. “I don’t mean to offend you. Naiintindihan ko naman na mahirap iyang sitwasyon mo. Pero nagpapasalamat pa rin ako na marinig sa iyo na desidido kang ituloy iyan. Paano na nga pala ngayon? Alam na ba ng tiya mo ang kalagayan mo?”             Umiling siya. “Sasabihin ko din naman sa kanya. Ayoko namang kung kailan halata na ay saka pa niya malaman.”             “Ilang buwan na ba?”             “Dalawa. K-kailan ko lang din naman nalaman. Kay Jaime ko nga sana unang sasabihin. Hindi ko naman nagawa.”             “Baka kailangan mo ng suporta kapag nagsabi ka sa tiya mo. Narito ako.”             “Maaabala ka nang masyado kung lahat ng kilos ko ay sasamahan mo ako.”             “Nonsense. Wala na si Jaime. Sino pa ba ang magbibigay sa iyo ng suporta kundi ako? Saka iyang mga ganyang balita, hindi iyang madaling tanggapin ng nakatatanda. Lalo pa sa sitwasyon mo na imposible nang mapanagutan iyan ni Jaime. Ipaalam mo sa akin kung kailan ka magsasabi sa tiya mo. Gusto kong nasa tabi mo ako.”             Nangilid ang mga luha niya. Ang sinasabi ni Luke ay ang sitwasyong ni isipin ay hindi siya magkaroon ng lakas ng loob na gawin. Kilala niya ang tiyahin. Kung noon pa lang ay sobrang higpit na ito, hindi na nakapagtataka ang magiging reaksyon nito kapag nalaman ang tungkol sa pagbubuntis niya.             Malaking bagay na kung hindi siya nito palalayasin.             Minasdan niya si Luke. Nababasa niya sa anyo nito ang sinseridad sa pag-aalok ng suporta at tulong. Pero dapat bang sunggaban niya iyon? Si Jaime at ito ang magkaibigan. Kung mayroon mang link na nag-uugnay sa kanila ay si Jaime iyon. At patay na si Jaime. Gaano man kasaklap isipin ay iyon ang totoo. Tama bang magpatuloy ang ugnayan nila ni Luke dahil lang sa alaala nito?             Wala sa loob na nakapa niya ang tiyan. Iyon marahil ang kapalit ni Jaime para magsilbing link nila sa isa’t isa.             “Dapat siguro ay malaman din ni Tita Olivia ang kalagayan mo,” kaswal na sabi nito. Wala sa tono nito na balak siyang pangunahang magdesisyon.             “Karapatan nga niyang malaman. Pero hindi kaya maaga pa para malaman niya?”             Payak na ngiti ang sumilay sa mga labi nito. “Mas mabuti kung malalaman niya agad. Natitiyak kong malaki ang magagawa niyon sa paghihinagpis niya ngayon. Isang malaking konsolasyon na mayroon palang buhay na naiwan si Jaime sa pamamagitan mo.”             Napangiti na rin siya. Nakakagaan ng kalooban niya ang mga salitang iyon. natigil lang sila sa pag-uusap ng pumasok uli si Riza.             “Ang sarap-sarap nitong dala ko,” masiglang sabi nito. “Kung ganito lang siguro kasarap ang pagkain a boardinghouse, malamang ay overweight na ako ngayon. Ibinaba nito iyon sa mesang katabi ng hinihigaan niya. Ako na ang nagprisintang magdadala nito sa iyo. Nasalubong ko kasi diyan sa pasilyo iyong nagrarasyon ng pagkain. Excuse me, Luke. Papakainin ko lang itong kaibigan natin.”             Mabilis namang nagbigay ng espasyo si Luke.             Nagtangka siyang bumangon pero maagap si Luke na alalayan siya. Ayaw sana niya subalit katawan niya ang mas nakakaalam na magpatangay na lang siya. Sa munting kilos ay nadarama niya ang panghihina.             Halos payakap ang ginawa ni Luke na pag-alalay sa kanya upang bumangon. It was the very first time they became that close. Isang natural na bagay na masamyo niya ang amoy nito. He smelled clean and masculine. Tila hindi nabura ng tindi ng init ang samyo ng cologne na ginamit nito. Nahaluan na iyon ng pawis. At sa halip na makasira sa chemistry at tila nagsilbi pa iyong base para maging kaaya-aya sa ilong ang amoy nito. Natural din na umamot din siya ng suporta sa likod nito upang madali siyang makabangon. Sa isang sandali ay naramdaman niya ang matigas na kalamnan sa likod nito. It felt strong and powerful. Kung ang likod na iyon ang magiging basehan niya, walang dudang magagawa siyang suportahan ni Luke nang buong-buo.             At hindi pa ito kaagad na umalis sa tabi niya. Inayos pa muna nito ang salansan ng mga unan para maging suporta sa likod niya.             “Salamat,” mahinang sabi niya rito.             Sinulyapan siya nito. “Ilang beses mo nang sinabi iyan gayong kanina lang tayo naging magkasama. Baka naman masyado nang magasgas. Sapat na iyong minsan,” pabirong sabi nito.             “Oo nga naman,” ayon ni Riza habang hinahalo ang soup. “I-reserve mo iyang pagpapasalamat mo paglabas mo rito sa ospital. Siyempre, hindi naman ako ang magbabayad dito. Pareho lang tayong umaasa pa sa allowance na ibinibigay sa atin.”             Napatingin na naman siya kay Luke. Pero bago pa bumuka ang mga labi niya ay sinawata na siya nito.             “I don’t want to hear anything,” nakangiting sabi nito. “Ang gusto ko lang ay magpahinga ka rito nang husto. Gusto kong makabawi ka ng lakas.”             Tumango na lang siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD