SUMIKDO ang puso ni Yu nang bumukas bigla ang pinto ng apartment ni Aling Melai at makitang si Matt ang nagbukas niyon. Ilang araw na niyang hindi nakikita si Matt at bigla siyang kinain ng labis na pangungulila na muntik na niya itong yakapin. Napigilan lang ni Yu ang sarili dahil hindi siya makapaniwalang naroon si Matt sa apartment ng ina nito. Nagpunta pa naman siya roon dahil akala niya, hindi pa rin pinupuntahan ni Matt ang nanay nito. Nag-aalala rin si Yu para kay Aling Melai. Kaya nang malaman ni Yu na wala siyang trabaho bukas ay bumiyahe agad siya papunta roon. Hindi niya naisip na makikita roon si Matt. “Matt,” usal niya. At para bang hindi pa sapat na pagkagulat na makita si Matt doon ay ngumiti pa ito sa kanya. Iyong tunay nitong ngiti na nagpalabas sa biloy sa pisngi at nag

