6 MONTHS AGO.
"Sige na, sumama ka na, maganda ang beach 'dun, white sand. We'll go snorkeling...fish feeding...island hopping. Tapos sa gabi, panonoorin natin ang mga stars sa sky."
Nakaupo sa sofa ng sala si Clint, isang senior sa high school at may kausap sa cellphone. Mainit na'ng magkabila niyang tenga dahil tatlong oras na siyang tele-babad. Bagama't nasa bahay lang, ay japorms siya. White t-shirt na may tatak na Supreme, basketball shorts na Lebron James at itim na tsinelas na Adidas. Kuntodo alahas siya, earrings, bracelets at bling-blings. Ready siya anytime na may biglaang gimik ang barkada.
"Hindi kita lalasingin noh! Ako pa?" sabi ni Clint. "Bait kong 'to."
Nakaswitch sa 3 ang standfan at bukas ang mga bintana. Sa halintulad din na mga apartment na hile-hilera't dikit-dikit dito sa may Dapitan Street sa Sampaloc, Manila, ay init ang kalaban sa tanghalian.
"Clint, nas'an bang remote?" sabi ng 74-year old na lola ni Clint. Nakaupo si Lola sa pang-isahang sofa at nanonood ng noon-time show.
"Naupuan n'yo po, lola," turo ni Clint.
"Ay, heto nga!" ngiti ni lola.
Bumalik si Clint sa pakikipag-usap.
"O, andito ako," pa-cute niyang sabi. "Ikaw naman, namiss mo naman ako agad."
Maya-maya'y nagtahulan ang mga aso ng kapitbahay, at saglit lang ay bumukas ang harapang pintuan.
"Lolaaaaaa!" bati ng chick na naka-boys cut pero mahaba ang bangs—ang psychic na si Hannah.
Nagliwanag ang mukha ni lola at napatayo, lalo na nang makita na kasunod ni Hannah ay walang iba kundi si Jules na kanyang apo, kuya ni Clint, at isang parapsychologist. Kapuwa sila naka-rock tees, jeans at sneakers. Ang kaibahan lang sa usual fashion nila'y suot sa ulo ni Hannah ay wool beret at si Jules ay may knitted scarf sa leeg at ang salamin niya'y nakataas sa buhok. Medyo humaba na ang buhok niya mula nang magpa-semi kalbo, ngayo'y bumabalik na'ng natural curls niya.
"Jules!" sigaw ni lola.
"Lola," ngiti ni Jules.
Niyakap ni Lola sina Jules at Hannah, pero, may agad siyang hinanap.
"Si Father?" alala siya na wala ang pari.
At mula sa pintuan ay sumilip si Father Markus. Naka-civilian clothes lang ito. Long-sleeves at slacks.
"Father!" agad na niyakap ni lola ang pari. Iba ang saya ng matanda tuwing makikita ang pari.
"Wow, fashionista!" pag-asar ni Clint kay Jules.
Tumayo ang high schooler at kinuha agad ang mga dalang shopping bags—mga pasalubong nila Jules galing abroad—direct from Rome, Italy.
"Thank you, ha," pagtaray ni Jules sa kapatid. "Inuna mo pa 'yan."
Matapos mapagaling nina Jules, Hannah at Father Markus ang anak ng mayaman na taga Forbes Park at mabigyan ng malaking komisyon, ay nagtungo sila sa Rome sa paanyaya ng mga Italiano, partikular ang Sacerdo Institute na isa sa pangunahing nagtuturo ng ukol sa exorcism. Sa kurso nilang Exorcism and Prayer of Liberation, ay guest speaker si Father Markus. Sikat ang JHS sa Roma pagka't nakarating na roon ang kanilang exploits, si Father Markus pa nga'y tinaguriang la rovina della diavolo or the "Devil's Bane," at ngayon ay may legion na sila ng fans doon.
"Yes..." bulong ni Clint habang kinuha ang designer brown jacket na maraming butones sa bag. Agad siyang umakyat ng hagdan papuntang kuwarto para sukatin ang jacket at tignan ang sarili sa salamin.
"Para sa inyo, lola," binigay ni Hannah ang pasalubong. "Galing po 'yan ng St. Peter's Cathedral."
"Hindi nga?" natutuwang sabi ni Lola.
Ito'y maliit na replica ng St. Peter's Basilica na may kasamang keychain at postcard. Tuwang-tuwa si lola at habang pinagmeryenda ang mga balikbayan ay ikinuwento ng mga ito sa kanya ang mga pinuntahan nila sa Rome. Ang mga pictures, mga selfies sa St. Peter's Basilica at St. Peter's Square, Sistine Chapel, Piazza Navona, Trevi Fountain, Pantheon, Colosseum at marami pang iba.
At ikinuwento nila ang nangyari noong pag-guest nila sa seminar at kung paano hinangaan si Father Markus at ang JHS.
"Na-meet niyo ba ang mahal na Papa?" mulat ni lola.
"Hindi po, lola," ngiti ni Father Markus. "Pero, may mga nakilala kaming matataas na mga pinuno ng simbahan."
Kasama sa binanggit ng pari ay mga pangunahing exorcists din sa Italya, isa na ang premyadong exorcist ng Vatican na si Father Amorth.
Maya-maya'y bumaba si Clint ng hagdan, nagkakamot ng ulo at ipinapakita ang suot na jacket.
"O, Clint, nagustuhan mo ba ang jacket?" ngiti ni Hannah.
"Okay naman," sabi ni Clint, pero may pagaalinlangan siya. "Kaso...panlalaki ba ito?"
Nagkatinginan sina Jules at Hannah at tumawa. Napa-roll ng eyes si Clint.
#
Matapos magkuwentuhan ay nagpaalam na sina Hannah at Father Markus. Sumakay sila sa white Revo na service ng simbahan na siyang sumundo rin sa kanila sa airport. Hinatid muna si Hannah sa apartment nito sa Mandaluyong.
"Girrrl, you're back!" salubong ni Pam, ang part-time waitress, promo girl at kasama ni Hannah sa apartment, habang tinulungan nito na bitbitin ang mga bag.
"Girl!" beso ni Hannah.
"Hi, father!" bati ni Pam sa pari na ngumiti mula sa bintana ng Revo.
Napatingin din ang driver ng Revo sa sexing si Pam, na suot lamang ay pink na tank top at maikling shorts. Maputi si Pam, malaki ang boobs, makinis ang balat at cute sa suot na eyeglasses.
"Bye, father!" paalam ni Pam.
"Bye! Kumusta mo na lang ako kay Dean," sabi ni Father Markus habang paalis ang van. Si Dean, na boyfriend ni Pam at drummer ng isang rockband ay kasalukuyang nasa isang gig.
Hinatid naman si Father sa may Manila Cathedral. Sa naging success niya sa mga exorcisms ay biniyayaan siya ng simbahan ng sariling bahay banda roon, although wala siyang sariling butler tulad ni Bishop Israel. Malapit lamang ang bahay niya sa obispo, kaya't doon na siya nagpababa para mabisita ang kaibigan.
"Welcome back, father," ngiti ni Arturo na pinagbuksan ng pinto ang pari.
"Thank you, Arturo."
Tinulungang buhatin ng may-edarang butler ang mga bag ni Father Markus at ipinasok sa loob.
"The bishop is waiting for you," sabi ni Arturo.
Alam na ng pari kung saan hahanapin ang kaibigang obispo. Alas-kuwatro y media ay tea time kaya't tumuloy siya sa backyard garden kung saan nakaupo sa bakal na lawn chair si Bishop Israel. Sa bilog na mesa sa tabi ay naroon ang teapot at teacups.
"Markus!" masayang bati ng obispo. Naka-robe ito at trousers.
Masiglang tumayo si Bishop Israel at kinamayan si Father Markus. Hawak pa nito ang binabasang libro—The God Delusion ni Richard Dawkins.
"Dawkins..." sabi ni Father Markus.
"Yes..yes," ipinakita ni Bishop Israel ang libro. "Meron din akong book ni Christopher Hitchens and Sam Harris. Very educational, Markus. You should read them."
Ang million-copy bestseller na The God Delusion ay isinulat ng evolutionary scientist na si Richard Dawkins. Kasama ang neuroscientist na si Sam Harris, philosopher na si Daniel Dennett, at political scientist na si Christopher Hitchens, ang bumubuo ng Four Horsemen ng New Atheism.
"I see na magaling na ang binti mo," pansin ng pari.
"Yes!" bulalas ng obispo at sinipa-sipa pa ang binti. "No more crutches!"
More than two years ago nang maaksidente si Bishop Israel habang nagmamaneho sa hi-way sa Quezon Province nang mag-assist siya sa JHS sa isang kaso ng exorcism, isang batang babae na anak ng magsasaka na sinapian ng dimonyo.
Inanyayahan niyang maupo sila ng pari.
"So, how was Rome?" tanong ni Bishop Israel habang pinasahan ng tasa ng tsaa si Father Markus.
"Rome was okay," tango ni Father Markus, habang nag-sip ng tea.
At kanyang isinalaysay sa kaibigang bishop ang naging karanasan sa talks niya sa Sacredo Institute. 8 sessions in all. Two weeks sila ng JHS doon at marami namang oras para makapag-sightseeing.
"Madalas nilang tanong ay kung paano ko natalo ang dimonyo."
"Of course," sabi ng obispo. "Did they mention the artifact?"
"'Yung mga bishops," confirm ng pari, at ngumiti, "gusto nilang malaman kung ano ang feeling."
Ang sinasabing artifact ay ang rosaryo ng protomartyr na si Blessed San Lorenzo Ruiz. Ilang beses na nitong natulungan si Father Markus sa exorcism. Ang hindi alam ng mga pari sa Rome ay may taglay na sariling kapangyarihan si Father Markus, at sa kanyang mga kamay, ang rosaryo ay mas lumalakas pa.
"Mga inggitero," ngiti ng bishop. "Panay nga ang tawag kay Archbishop Villasor ng Rome, Spain, even Japan, para hiramin ang rosaryo. I say, find their own artifact."
Tumawa sila. Biglang may naalala si Father Markus at tumayo.
"Ah! Bago ko makalimutan..."
Pumasok siya sa loob at nagpunta sa sala kung saan pinatong ni Arturo ang kanyang mga bag. Binuksan niya ito at kinuhang mga pasalubong. Binigay niya kay Arturo ang t-shirt na may print ng La Dolce Vita na lubos na nagustuhan ng butler. At para sa bishop, book end na miniature figurine ng Leaning Tower of Pisa. Dinayo pa niya ito para mabili.
Pero, pagbalik niya sa garden ay bigla siyang natigilan.
Pagka't siya'y nagka-vision.
Biglang nag-flash sa utak niya ang mukha ng isang dimonyo.
Saglit na nanigas ang kanyang katawan.
Lumagpak ang miniature na Tower of Pisa sa batong sahig at nabasag.
"Markus!" napatayo si Bishop Israel.
Inalalayan ng obispo ang nahihilong pari para maupo sa lawn chair. Tinawag ni Bishop Israel si Arturo para kumuha ng tubig.
"What happened?" tanong ni bishop.
Hindi alam ni Father Markus ang isasagot sapagka't hindi rin niya alam ang tiyak na nangyari. Bumalik si Arturo dala ang baso ng tubig at pinainom nila ang pari. Dinampot ng butler ang figurine na nabasag, nahati sa dalawa at ilang maliliit na piraso.
"S-sorry," paumanhin ng pari sa kalagayan ng kanyang pasalubong.
"It's alright," sabi ng obispo. "Arturo will fix it."
Sinenyasan niya ang butler na pumasok sa loob dala ang nabasag na figurine, bago naupong muli. Nang medyo bumuti na ang pakiramdam ni Father Markus:
"What is it, Markus?" tanong niya. "May nakita ka?"
Tumango ang pari.
Nanlaki ang mga mata ng obispo.
"Anong nakita mo?"
Base sa mukha ng pari ay hindi maganda ang kasagutan. May matinding pag-aalala sa kanyang mukha at takot na hindi pa niya dating nararamdaman.