Alas-tres ng madaling araw ay nagising si Father Markus na pinagpapawisan. Mabigat ang kanyang dibdib na para bang dinaganan ng bato.
Tumayo siya't agad na bumaba ng hagdan tungo sa kusina. Hinihingal siya, nahihirapan huminga. Hindi na niya nai-on ang ilaw. Binuksan niyang ref at kinuhang pitsel ng tubig at doon na mismo uminom. Dumaloy ang tubig sa kanyang leeg, nabasa ang itaas ng kanyang kulay puti na t-shirt. Ang pangibaba ng pari ay shorts lamang.
Isa pang lagok ng tubig sa pitsel. Hinayaan ni Father Markus na bukas ang ref, ang ilaw nito ang nagsisilbing liwanag, habang hinila niya ang malapit na silya at naupo. Ang townhouse niya ay pareho lamang ng kay Father Deng, sa finish at floor plan. Same marble tiles, same parquet floor. Magkaiba lamang sila ng appliances. At kay Father Markus, mayroon daw mga daga.
Bigla, sa kanyang peripheral vision ay nakita nga niya ito.
Sa may sala ay may parang anino sa sahig na mabilis na naglakad at nawala. Makintab ang marmol na tiles kaya ang ginawa nitong ingay ay parang squeak. Mabilis na tumayo si Father Markus at binuksan ang ilaw hoping na abutan ang patakas na daga.
Nguni't, wala siyang nakita.
Saglit siyang napaisip, kung ano ba iyong nakita sa gilid ng kanyang mga mata.
Pinatay niyang ilaw at bumalik sa kusina para ibalik ang pitsel, nang biglang may dumagundong sa itaas. Mabibigat na mga yapak sa kahoy na sahig na naglakbay mula kuwarto papunta sa kabilang kuwarto.
Tumalon ang puso ni Father Markus. Hindi talaga siya matatakutin. Ni hindi nga siya takot sa dimonyo na nakaharap na niya ilang beses. Pero, tao lang siya at nagugulat din.
Ito ba ang tinutukoy ni Father Deng na mga dagang kanyang narinig? Muni niya sa sarili. Makapal ang pader sa pagitan ng mga townhouses, para madinig ng Aprikanong pari'y kailangan ang mga daga'y kasinlaki ng pusa, at hindi pa rin sapat ang laking ito para magawa nila ang ingay na narinig niya ngangayon lang.
"Hindi ito mga daga," sabi ni Father Markus sa sarili.
Binuksan ng pari ang ilaw ng stairwell at dahan-dahang umakyat ng hagdanan. Barefoot siya at maingat na tinahak ang barnisadong steps. Pagtuntong niya sa second floor ay hindi na niya ine-expect na makakita ng daga, higante man o hindi, ine-expect niyang makakita ng hindi pangkaraniwan, ng paranormal.
At iyon nga ang nakita niya.
Bakas ng mga paa sa sahig. Naiwang moisture sa kahoy. Footprints ng adult—lalaki, pagka't kasinlaki sila ng paa ng pari. Ang bakas ng paa'y naglakbay hanggang sa kuwarto—sa Master's Bedroom ni Father Markus.
Sinundan niya ang mga footprints, dire-diretso ng Master's Bedroom at lumiko papasok ng banyo. Huminto siya sa tapat ng banyo. Madilim sa loob. Aninag niya sa dilim ang sink at inidoro, ang shower curtain na nakasara. Kinapa niya ang light switch at kinakabahan na may makikita.
In-on niya ang ilaw at saglit na nagulat na may nakitang tao sa salamin. Nakahinga siya ng maluwag. Iyon pala'y sarili lang niyang reflection. Nagbuntong-hininga ang pari at nagtungo sa lababo at tinitigan ang sarili sa salamin. Tapos ay binuksan niya ang gripo at naghilamos. Malamig ang tubig, masarap sa pakiramdam. Pero habang umaagos ang tubig ay parang may naririnig siyang ibang ingay. Sinara niyang gripo at kinuha ang tuwalya na nakasabit at nagpunas ng mukha. At iyon nga, may parang kaluskos siyang naririnig.
Nang lumingon siya sa shower curtain ay nagulat siya pagka't may anino ng tao sa loob. Hindi siya namamalik-mata. Hindi ito gawa ng tubig sa paghihilamos, pagka't gumalaw pa ang shower curtain. Ang bakas ng kamay ng tao ay bumakat sa plastic. Napaindak ang pari. Pero, nilakasan niyang loob.
Bumuwelo si Father Markus, at humakbang para abutin ang dulo ng shower curtain. Kumakalabog ang dibdib niya. Sa karanasan niya, kadalasa'y nawawala naman ang multo kapag gusto mo na siyang makita. Malamang na ito ang mangyayari.
Pero, not this time.
Nang buksan ni Father Markus ay halos matumba siya pabalik.
Pagka't naroon sa loob ng shower, sa bathtub, ay isang nakahubad na matandang lalaki. Isang multo. Kulubot na'ng balat nito't nakakalbo na. Ang mukha niya ay magkahalong galit at takot.
At sumigaw ito sa kanya ng:
"Umalis ka dito! UMALIS KA DITO!"
Bago naglaho sa hangin.
Nagmamadaling lumabas ng banyo si Father Markus at naupo sa kama, nag-iisip, inaanalisa ang naranasan. Tinignan niya ang alaram clock sa side table. Alas-tres katorse. Naisip niya, kung gising pa ang nais tawagan. Kinuha niyang cellphone at nag-dial.
Nag-ring ang cellphone at may sumagot.
"Hello..."
"Hello, Jules..."