"At ito, sino naman ito?" tanong ni Pam.
Hawak niyang iphone ni Hannah at tinitignan ang mga photos na naroon. 7:18 ng umaga at nagaalmusal ang dalawa sa shared apartment nila sa Mandaluyong. Pancakes at orange juice. Makulimlim sa labas, tulad ng nagdaang mga araw, panahon ng tag-ulan. Ayon sa weather bureau, may mga nakahilera ng mga bagyo ang paparating.
"A...si Alessandro," tingin ni Hannah, hawak ang bottle ng maple syrup.
"Eh, itong curly-haired na blonde?"
"Si Stefano," ngiti ni Hannah.
"Ito naman..."
"Si Vincenzo..."
"s**t, girl," sabi ni Pam. "Ang hot!"
Ang tinitignan nilang mga pictures ay ng mga lalaki, mga pawang binata pa—mga seminaristang nakilala ni Hannah sa Rome. Or, as she claims, nagpakilala sa kanya. Nagguguwapuhang mga Italyano na nakasuot ng puti.
"Eh itong kulay blue ang mata?" excited na tanong ni Pam.
"Pietro. Taga-Sicily ata 'yan. Kapatid niya 'yung isa...si Tommaso."
"Magkapatid na seminarista! I'm sure may abs ang mga 'yan sa loob," kilig na sabi ni Pam. "Eh, ito naman? 'Yung six-footer?"
"Si Leonardo, katabi niya si Raffaele," sabi ni Hannah at sumubo ng pancakes. Abala ang kaibigan sa pagtingin ng mga litrato kaya't sinimplehan niyang tusok sa pancakes nito.
"Kulang na lang si Michaelangelo at Donatello, Ninja Turtles na," tawa ni Pam.
"Iba spelling nung Rapahel..." point out ni Hannah.
"Whatever!" bulalas ni Pam. "Girl, dapat nagpabuntis ka na sa isa sa mga ito bago ka umuwi!"
"Gaga," sabi ni Hannah. "Gusto mong patayin ako ni father?"
"Sinong magpapabuntis?" sabi ng boses.
Paglingon nila'y nasa may pintuan si Dean, ang rakistang nobyo ni Pam, at dating manliligaw ni Hannah. Hindi sila nagkatuluyan matapos malaman ni Hannah na Christian Rock pala'ng hatawan nila. Iyon, at hindi lang daw talaga sila compatible.
"Uy, hi, Dean!" bati ni Hannah.
"Hi, Hannah," bati pabalik ng long-haired na drummer.
"Kadarating mo lang? Kumusta ang gig?" tanong ni Pam.
"Yeah, okay naman," sagot ni Dean.
Lumapit si Dean kay Pam at nag-smack sila sa lips.
Nakaramdam ng konting inggit at selos si Hannah. Konti lang naman.
Galing si Dean at ang banda niyang Beatlehem (pronounced: Beat-le-hem) sa isang rock festival na ginanap sa Angeles, Pampanga. Isa sa mga nasa line-up ay ang hip-hop group na Beelzerap, composed ng mga dating Satanista-turned-rappers na nakaengkwentro nila at ang pinuno nilang si Juan Satan (kasalukuyang nasa impiyerno) nang i-infiltrate nila ang kuta ng mga ito. Kalalabas lang ng mga members ng Beelzerap mula sa Munti.
Pinakita ni Pam ang mga pictures ng young Italians kay Dean.
"Ang guguwapo ano? Sabi ko kay Hannah dapat nagpalahi na siya eh."
"Kamukha nitong isa 'yung sa movie na Call Me By Your Name," turo ni Dean.
"Ay, oo nga!" nagliwanag mukha ni Pam. "'Yung binatilyo!"
Bago magpunta ng Rome sila Hannah ay ipinaalam ni Dean na magamit ang Hi-ace nito, at ito ang agad na tinanong ng psychic.
"Baka ginasgasan mo, ha!" pamewang ni Hannah.
"Alagang-alaga," pagmamalaki ni Dean.
Sumilip si Hannah sa bintana at nakita ang kanyang sasakyan na nakaparada sa labas. Napangiti siya, kinuha ang susi kay Dean at lumabas. Sumakay siya sa van, naupo sa driver's seat at ininspek ang loob. Malinis naman at walang kalat. Binuksan niyang glove compartment at binilang ang mga CD compilations niyang naroon. Kumpleto naman. Kumuha siya ng isa at sinaksak sa luma ring car stereo, habang nilapag ang kaha ng Marlboro Reds sa dashboard. Nagsindi siya ng isang stick at sumandal.
"I miss you..." sabi niya sa Hi-ace.
Tapos ay bumayo sa speakers ang kanta: Just ng Radiohead.
Can't get the stink off
He's been hanging around for days
Comes like a comet
Suckered you but not your friends
One day he'll get to you
And teach you how to be a holy cow
You do it to yourself, you do
And that's what really hurts
Is you do it to yourself, just you
You and no-one else
You do it to yourself
You do it to yourself
Malakas ang patugtog kung kaya't hindi niya agad narinig na tinatawag pala siya ni Pam. Kumatok ang waitress sa bintana.
"Telephone! Si Jules!" sigaw ni Pam.
Pinatay ni Hannah ang stereo at bumalik sa loob ng apartment.
"Hello, Jules?"
"Hannah..." serious ang tono ni Jules.
#
Nang buksan ni Father Markus ang pinto ng kanyang townhouse ay naroon sa labas sina Jules at Hannah suot ang usual rock tees, jeans at sneakers. Bitbit ni Jules ang isang hardcase kung saan laman ang mga ghost hunting equipments niya.
"Hi, father!" bati ni Hannah.
"Halika, pasok kayo," senyas ni Father Markus, naka-civilian clothes, t-shirt at slacks.
Dahil tag-ulan, makulimlim ang alas-diyes ng umaga, kaya't mahina ang liwanag sa loob ng bahay.
"Saan mo nakita ang mga footprints?" tanong ni Jules.
"Sa itaas," tingala ng pari.
Nilapag ng parapsychologist ang hardcase sa sofa at kinuha doon ang K2 meter, ang gadget na kasinlaki ng lumang cellphone at may needle na nagme-measure ng EMF o Electro Magnetic Field na nagsasabi ng presence ng multo. Nang buksan niya ito'y may mahinang palo ang needle, na palakas nang palakas habang paakyat sila ng hagdan. Sa second floor, tinuro ni Father Markus kung saan nag-appear ang mga ghost footprints, though wala na ngayon.
"'Yung matanda, saan mo nakita?" tanong pa ni Jules.
"Sa banyo," sabi ni Father Markus.
Nagtungo sila sa banyo ng Master's Bedroom, at dito pumalo ng todo ang K2 Meter.
"Malakas ang vibes ko dito," sabi ni Hannah.
Hinatak ni Father Markus ang shower curtains at tinuro ang bathtub.
"Nandito 'yung multo ng matanda," ani ni Father Markus. "At sinabi niya sa akin, "Umalis ka dito!"
"Exact words?" taas ng kilay ni Jules.
"Yes."
"Tapos nakahubad 'yung multo?"
"Yes."
Nagkatinginan sina Jules at Hannah. Sabi ng parapsychologist:
"Father, malamang 'yun din sasabihin ko 'pag nasa shower ako at biglang may nagbukas ng curtains."
Nagtawanan sina Jules at Hannah. Umiling si Father Markus at tinignan sila ng masama. Tumigil sina Jules at Hannah sa pagtawa at bumalik sa pagkasiryoso.
"Yes, definitely may presence dito," sabi ni Jules.
"Portal?" tanong ng pari.
"Not necessarily, father," sagot ng parapsychologist. "May possibility na dito namatay 'yung multo...or nagpakamatay."
"Definitely, suicide," tingin ni Hannah sa paligid.
Ayon sa studies, mas malakas ang activity ng isang multo kung saan may nangyari sa kanya na may kinalaman sa kanyang pagkamatay. The restless dead, ito 'yung mga bumabalik madalas sa scene of the crime, lalo na ang mga multong hindi natatahimik hangga't hindi nakakakuha ng hustisya.
"Gusto n'yo bang itanong ko ang history ng townhouse na ito?" suggest ni Father Markus. "I'm sure may records sila kung sino'ng mga tumira dito."
"Father naman...hindi na kailangan," sabi ni Jules at tumingin kay Hannah. "Kaya nga may psychic tayo eh."
"Yes, oo nga naman, duh!" tinaasan sila ng kilay ni Hannah.
Nasa malapit sa pinto nakatayo si Hannah kung saan tanaw ang stairwell. Paglingon niya roon ay may nasulyapan siyang bata na nakasilip mula sa railings ng hagdanan. Batang lalaki na hindi lalampas ng 10 years old. Nang nagkatinginan sila ni Hannah ay agad na bumaba ng hagdan ang bata.
"s**t!" bulalas ni Hannah.
"Hannah, bakit?" pagtataka ni Jules.
"Bata, may nakita akong bata."
Nagmamadaling hinabol ni Hannah pababa ang multo. Sa likuran, kasunod niya sina Jules at Father Markus. Pagbaba sa dining area:
"Shit...nawala..." sabi ni Hannah.
"Anong nakita mo?" tanong ni Jules, ang hawak niyang K2 meter ay pumapalo.
"Batang lalaki, ganito kaliit," sabi ni Hannah, sinukat niyang kamay sa kanyang bewang.
"Kung ganon, hindi lang iisa ang multo mo, father," sabi ni Jules. "Dalawa."
Nagkatinginan silang tatlo, at nakita muli ni Hannah ang bata. Tumakbo ito sa sala, suot ay blue na jumper at rubber shoes, at nagtago sa likuran ng pahabang sofa.
"Nandun!" sigaw ni Hannah.
May kadiliman sa sala pagka't sarado ang mga kurtina. Humakbang ang psychic tungo sa sofa, sa likuran niya, kasunod ang dalawa. Dahan-dahan ang lakad nila, walang umiimik, mabilis ang mga pulso. Tensyonado. Dinig mo ang mga sapatos nila na nag-squeak sa marble floor. Ayan na si Hannah sa gilid ng sofa.
"Okay, one...two...three..." bilang ni Hannah.
Sabay-sabay silang sumilip sa likuran ng sofa.
Pero, walang multong bata roon.
Natahimik sila. Mabilis ang mga pulso. Nasaan ang bata?
At bigla, napatalon sila nang may malakas na katok sa pintuan.
"f**k," nagulat si Jules.
Binuksan ni Father Markus ang entrance door at naroon sa labas ay walang iba kundi si Father Deng. Kasama ng Aprikanong pari ang isang matipunong lalaki na naka-uniform na brown polo shirt, maong, cap at may bitbit na rat trap at iba pang equipment.
"Gooda morning, father," bati ni Father Deng. "I'm here wid de extermenetor."
"Rat Packers at your service," magalang na sabi ng lalaki at sumaludo pa.
Nagkatinginan sina Jules at Hannah.
#
Nagkakamot ng ulo ang lalaking rat exterminator habang paalis ng townhouse compound. Nagtataka siya na pinaalis siya't hindi na raw kailangan ang services niya. Na hindi raw kaya ng powers niya ang pumipeste sa bahay. Okay lang, binigyan naman siya ng tip.
Sa bahay, ganoon din ang pagtataka ni Father Deng, at napatingin sa dalawang tao na kasama ni Father Markus.
"Father Deng, this is Jules and Hannah," pakilala ni Father Markus.
"Itsa good to meet you, a frend of Father Markus es a frend of mine," ngiti ni Father Deng at kinamayan sila. "So, you are rat killers?"
Nangiti ang dalawa.
"Parapsychologist," turo ni Jules sa sarili, at kay Hannah, "psychic."
Nakatingin lang sa kanila ang Aprikanong pari, nagtataka. Mabait naman si Father Deng at wari ni Father Markus, ay mapagkakatiwalaan, kung kaya't sinabi niya ang tutoo.
"Ghoost?" dilat ni Father Deng, ang mata niya'y kasingputi ng kanyang ngipin. "So, you tell me der es no rat?"
Tumango si Father Markus at inexplain pa sa kaibigang pari na narito sina Jules at Hannah para tumulong.
"So, Hannah, anong gagawin natin?" tanong ni Jules.
Tinitignan ni Hannah ang lugar. Pinapakiramdaman.
"Séance," sabi ng psychic. "Kailangan nating mag-conduct ng séance."
Sa pagperform ng séance at kontakin ang mga espiritu ay kailangang magform ng circle ang apat na katao.
"Sakto, ikaw, ako...si father..." bilang ni Jules, sabay turo, "...and Father Deng."
Napadilat si Father Deng.
"Who, me?"