Nagtanghalian muna sila bago sinimulan ang séance. May hang-over pa ang JHS ng trip sa Italy, kaya't ang niluto ni Father Markus ay spaghetti and meatballs with Italian sauce. May inuwi siyang spices, basil and oregano na nabili niya sa isang maliit na tindahan sa Roma. Pagkakataon na rin iyon para makilala pang mabuti nina Jules at Hannah si Father Deng, and vice versa. Nalaman nilang tunay na pangalan nito at mabulol-bulol si Hannah na bigkasin ang Ndengeyingoma.
Nakaupo na sila sa dining table at nang ihain ni Father Markus ang spaghetti at kanilang natikman ay lubos silang nasiyahan.
"s**t, ang sarap!" bulalas ni Hannah.
"Delicioso!" sabi ni Jules.
"Magnifico!" hindi papatalo si Hannah.
"Des es de very best spaghetti ah eber tested, father," pag-compliment ni Father Deng.
Nag-thank you si Father Markus at nagsalin ng red wine sa glass, although hindi imported.
"Next time, will you cook for us?" sabi ni Father Markus sa kaibigan.
"Yes!" mabilis na tugon ng Aprikano. "I will mek you Bugali. Et es our national dish."
Natuwa sina Jules at Hannah na makakatikim sila ng Rwandan food.
"Bulagi, yeah, Father Deng! " masayang sabi ni Hannah habang nagpaikot-ikot ng spaghetti sa tinidor.
"Bugali," pag-correct ng pari.
"Bulagi."
"No. Bugali," ulit ng Aprikano.
"Ang kulit mo," irap ni Jules kay Hannah. "Bugali nga eh! Bingi ka ba?"
"Hindi," sabi ni Hannah. "Bulag...i."
Sabay tumawa nang malakas ang psychic at sumubo ng spaghetti.
"Ewan ko sa 'yo!" nag-roll ng eyes si Jules.
Naaliw si Father Deng na makitang nagkukulitan ang dalawa, at tinanong sila:
"So, are you two lek, couples?"
Pinagdikit pa ng Aprikanong pari ang dalawa niyang hintuturo.
"No! Of course not!" deny-to-death ni Jules. "We are only friends, father."
"Ah, friends..." tango ni Father Deng.
"Yes, father," confirm ni Hannah. "Because Jules is a..."
Tinapat ni Jules ang hawak niyang tinidor sa katabi.
"Subukan mo lang, Hannah Claire," pag-threaten niya. "Subukan mo lang."
Tumawa na lang si Hannah. Itinaas ni Father Markus ang kanyang wine glass.
"Let's make a toast," sabi niya.
Kinuha ng iba ang kanilang mga wine glass at itinaas din.
"What shall we toast to?" tanong ni Jules.
"Father?" tingin ni Father Markus kay Father Deng, giving him the honors.
Saglit na nagisip ang Aprikanong pari at sinabi:
"Letsa tost to good conquering evil!"
To good conquering evil! sabay-sabay nilang sinabi.
#
Matapos ang tanghalian ay nagprepare na sila para sa séance. Sa labas, lalo pang nagdilim ang kalangitan dahil sa makakapal na mga ulap. Maya-maya lamang ay umulan na. Ang malalakas na patak ay dinig sa yerong bubungan ng townhouse na ngayon ay lalo pang nagdilim ang loob. Tamang-tama, according kay Hannah, dahil kailangan nila ang dilim, pagka't dito kumportable ang mga multo. Pinatay nilang mga ilaw at isinarang mga kurtina, at inilipat ang maliit na bilog na mesa ng kusina sa sala.
Doon, sinet-up din ni Jules ang kanyang video camera na naka-hook up sa kanyang laptop, para i-record ang mangyayari. Nakahanda na rin ang K2-meter at EVP (Electronic Voice Phenomenon) na nagre-record ng ingay na ginagawa ng multo o "white noise" kung tawagin.
Bago sila magsimula, at para na rin safe, ay inexplain nila kay Father Deng kung ano ang séance.
Ang pag-communicate with the dead o séance, ay galing sa French word na ang ibig sabihin ay sitting or session. Ginagawa na ito ng tao simula pa noong 3rd century AD. Kabilang sa mga sikat na practitioner nito ay si Cora Sott Hatch, the Fox Sisters, the Davenport Brothers at si Edgar Cayce. Although, maraming umano'y mediums ang na-exposed bilang huwad ng mga skeptics. Isa sa mga debunkers ay walang iba kundi ang sikat na magician at escape artist na si Harry Houdini.
May ilang paraan para i-conduct ang séance, ang pinaka-common ay through a spirit medium, na may abilidad na makipag-usap sa mga espiritu. Sa paraang ito, maaring magtanong sa mga espiritu. Usually ang sagot ay as simple as a "yes" or "no" sa pamamagitan ng pagkatok o paggalaw ng multo ng mga bagay. Maaari ring i-possess ang medium pansamantala ng espiritu, mapunta sa isang trance, kung saan ang espiritu ay magsasalita sa kanyang bibig.
"So, de spirit will enter your body?" tanong ni Father Deng kay Hannah.
"No, father, no need," iling ni Hannah at napa-shake ng katawan. "Ayoko din ng pinapasok ako noh. Kadiri."
Napataas ng kilay si Jules.
"En how about that thing dey use dat I see on TV?" tanong ng Aprikano.
"Ouija board?" sabi ni Jules. "No, father. We don't use that."
Ouija Board or Spirit Board ay pinasikat ng toy company na Parker Brothers ng Amerika bilang isang board game lamang, nguni't naging notorious nang gamitin ito ng mga mediums para makipag-communicate sa mga multo.
"You see, father," sabi ni Father Markus sa kaibigang pari. "Hannah is a very powerful medium. She has a third eye and can talk to ghosts. All she needs is our energy."
Energy. Ito ang nagpapatakbo ng isang séance, energy na nanggagaling sa tao ang magbubukas ng fissure or maliit na butas sa spirit world. Kung kaya't, as much as possible, hindi dapat ma-break ang chain, ang pagkakahawak ng mga kamay. Iyon, at may mahahalagang bagay na dapat tandaan sa pag-conduct ng isang séance:
1) Huwag gawin nang walang presence ng isang medium.
2) Dapat ay naniniwala ka na posible ang seance.
3) Dapat ang attitude mo ay siryoso at hindi hirangin itong kalokohan.
4) Sa una palang ay alam mo dapat ang iyong pakay, ang mga itatanong.
5) Gawin ito sa nararapat na lugar, tahimik at walang distraction.
6) Maging protektado ng dasal at kung anumang bagay na nagbibigay proteksyon tulad ng mga amulets o talismans.
Hindi pagsunod sa mga ito'y maaaring magresulta sa ilang bagay:
1) Maapektuhan ka mentally, maging depressed, even suicidal.
2) Mabuksan ang iyong third eye.
3) Sundan ka ng espiritu sa bahay, o kahit saan.
4) I-possess ka ng espiritu.
Kung protection ang pag-uusapan ay wala silang problema, pagka't nariyan si Father Markus. May taglay na power ang pari, isa na rito ang magbigay ng kanyang personal na proteksyon kung saan naging epektib na sa maraming kaso nila ng exorcism.
"Okay, let's do this," hudyat ni Hannah. "Pero, wait..."
"Ano 'yon?" nabitin si Jules.
"Kailangan natin ng mood music para may positive na aura," ani ni Hannah, at tinuro ang laptop. "Jules, magpatugtog ka sa i-tunes, 'yung instrumental lang."
"Not sure kung meron ako..." sabi ni Jules habang tinignan ang laptop niya. "Heto, baka pwede..."
At mula sa speakers tumugtog ang:
Orinoco Flow ni Enya.
Let me sail, let me sail, let the Orinoco flow
Let me reach, let me beach on the shores of Tripoli
Let me sail, let me sail, let me crash upon your shore
Let me reach, let me beach far beyond the Yellow Sea
Tumaas ang kilay ni Hannah, "What the f**k?..."
Si Father Deng nama'y may wide smile pagka't pamilyar siya sa tugtog, at napakanta pa:
"Sel awe, sel awe, sel awe..."
Nagkatinginan sila ni Jules na kumanta rin, at ginaya pa si Father Deng.
Sel awe, sel awe, sel awe...
Ang kanilang mga kamay ay ginagalaw nila na parang waves.
Napahawak sa ulo si Hannah, parang nagka-migraine. Napangiti lang si Father Markus.
"Okay, 'di bale na, patayin mo na lang," sabi ni Hannah kay Jules.
"Fine, kill joy..." simangot ni Jules
Naupo sila sa mesa, sina Hannah at Jules magkatapat, sa magkabila nila sina Father Markus at Father Deng. Naghawak sila ng mga kamay para maka-form ng circle. May apat na kandila sa taas ng mesa na sinindihan ni Hannah, at mga incense sa paligid.
Tumahimik sila at nakiramdam.
Ang mga patak ng ulan sa labas ang nagsilbing mood sound.
At nagsimula ang séance.
Pumikit si Hannah at nag-concentrate.
"Kung may espiritu sa kuwartong ito...magparamdam kayo," sabi niya.
No response. Again:
"Kung may espiritu sa kuwartong ito...magparamdam kayo."
Inulit-ulit ito ni Hannah hanggang sa ika-limang beses ay may nangyari.
Gumalaw ang apoy ng isang kandila, habang ang iba'y tuwid pa rin. At naramdaman nila ang malamig na simoy ng hangin, at amoy na kakaiba.
Nagkatinginan sila. Napalunok si Father Deng.
"May mga itatanong kami," sabi ni Hannah. "Isang katok para sa "oo," dalawang katok ay "hindi."
Sa labas tuloy ang pag-ulan, tunog na ngayon ay nakaka-mesmerize.
"Kayo ba ang espiritu na nagpakita sa akin at kay Father Markus?" tanong ni Hannah.
Maya-maya'y narinig nila ang isang katok sa kahoy na dingding. Na sinundan ng isa pang katok na galing naman sa kahoy na mesa...sa harap lamang ni Father Deng.
Nanlaki mata ng Aprikanong pari.
Dalawang espiritu nga. Ang matanda at bata. At nagpatuloy ang psychic sa pagtatanong.
"Kayo ba ay espiritu na namatay sa bahay na ito?"
Magkahiwalay na tig-isang katok.
"May gusto ba kayong sabihin sa amin? May mahalaga ba kayong mensahe?"
Muli. Tig-isang katok.
"May kinalaman ba ang sasabihin n'yo sa inyong pagkamatay?"
Nguni't, ngayon ay tig-dalawang katok. Sagot ng mga multo ay "hindi." Nagtaka sina Jules at Father Markus. Kadalasan kasi'y ang gustong i-relay na message ng mga multo, lalo na ang restless dead, ay ukol sa kanilang pagkamatay. Na ma-solve ang kanilang murder, o bigyang liwanag ang kanilang suicide.
Nagpatuloy sa pagtatanong si Hannah, na nakapikit pa rin at nagko-concentrate.
"May kinalaman ba ang sasabihin n'yo sa nakatira ngayon dito?"
Nagkatinginan sina Father Markus at Jules.
Tig-isang katok.
"May kinalaman ba ito kay Father Markus?"
Muli, tig-isang katok.
Na-tense sina Father Markus at Jules, habang si Father Deng na hindi naiintidihan ang usapan, ay tense sa maraming bagay.
Dumilat si Hannah at tumingin sa kanila. Alam niyang serious ang sitwasyon. Kung si Father Markus ang sadya ng mga multo, may malalim na dahilan na kailangan nilang malaman.
"Kailangan ko silang makita," sabi ng psychic.
Tumango sina Jules at Father Markus.
"Mga espiritu, magpakita kayo sa akin," sabi ni Hannah. "At sabihin n'yo ang gusto n'yong sabihin."
Saglit na katahimikan.
Maya-maya'y tumaas ang balahibo ni Jules sa kanyang likuran.
"Hannah..." mahinang sabi ni Jules, kinilabutan. "Nasa likuran ko ano?"
Tumango si Hannah. Pagka't tama si Jules, hindi nakikita ng iba, nguni't kita ni Hannah na sa likuran lamang ng upuan ni Jules ay nakatayo ang matandang lalaki na nakahubad.
Maya-maya'y nanlaki mata ni Father Deng nang makitang tumayo naman ang balahibo sa kanyang mga braso. Sa gilid niya, kita naman ni Hannah na nakatayo ang lalaking batang multo.
Nakatingin ang dalawang multo kay Hannah, na kanyang kinausap sa pamamagitan ng telepathy. Anong gusto n'yong sabihin? Tanong ng psychic. At nanlaki mga mata niya.
"Anong sinasabi nila, Hannah?" tanong ni Jules.
"f**k!" bulalas ni Hannah.
"Bakit?"
"f**k! f**k!" ulit ni Hannah.
Nanlaki mata ng psychic pagka't papalapit ang dalawang multo sa kanya.
"No...no...no..." iling ni Hannah, alam niyang mangyayari.
At iyon na nga, pinasok siya ng dalawang multo.
Saglit na nanigas ang katawan ni Hannah. Nagulat sina Jules, Father Markus at lalo na si Father Deng na makita ang hitsura ni Hannah, pagka't biglang tumirik ang mga mata nito at nagpatumpik-tumpik ang ulo, kaliwa't-kanan. Lalo na nang magsalita ang mga multo mula sa bibig ng psychic. Dalawang boses, isang matanda at isang bata, isang malalim at isang matining. Sabay.
"Parating na sila! PARATING NA SILA!" sigaw ni Hannah sa dalawang boses.
"Sino ang parating?" tanong ni Jules.
"PARATING NA SILA!" ulit ni Hannah sa boses ng mga multo.
"SINO ANG PARATING? SINO?" sigaw ni Father Markus.
At bigla, tumingin sa kanya si Hannah.
"Parating na sila para sa iyo, father."
Namutla si Father Markus.
Maya-maya'y bumalik sa normal si Hannah, at sila'y nagsipagbitiw ng hawak.
"f**k! f**k! I hate that!" sigaw ni Hannah at niyakap ang sarili. Ayaw na ayaw niya tuwing siya'y sinasaniban ng multo at gawing conduit, isang tulay from the Astral Plane to the living world. Malamig ang feeling, aniya, at medyo nakaka-violate.
Binuksan ni Jules ang mga kurtina at naliwanagan ang sala, bagama't makulimlim at umuulan pa rin sa labas, ang konting liwanag ay welcome sight. Nakahinga nang maluwag si Father Deng.
"Thank you, Jesus almighte," sabi niya at napa-kurus.
Nakahinga rin ng maluwag si Jules at pinatay ang video camera at iba pang gadgets. Si Hannah nama'y bumunot ng sigarilyo sa kaha at nagsindi sa kandila bago pinatay ang mga ito. Nang pasukin siya ng mga multo at mapunta sa trance state, ay hindi niya alam ang nangyari, kung ano ang kanyang mga sinabi. At ito ang tinanong niya agad. At sa reaksyon ng mga kasama niya, alam niyang hindi maganda ang balita.
Napatingin sila kay Father Markus, na ngayon ay medyo natulala at walang imik.
Parating na sila para sa iyo, father.