ISANG ungol ang kumawala sa lalamunan ni Julienne nang balikan siya ng malay. Tunog ng mga alon ang agad na pumasok sa kanyang pandinig. Dahan-dahan siyang nagmulat ng mga mata. Buhangin ang nakita niya. Nakadapa siya sa buhangin at ang alon ay bahagya pang humahampas sa kalahati ng kanyang katawan. Napamulagat siya.
Nasaan ako? Ano’ng nangyari? disoriented na tanong niya sa sarili.
Dali-daling tumayo si Julienne. “Aw! Aray…” Nakangiwi niyang sambit nang makaramdam ng pananakit ng katawan habang tumatayo. Mahapdi rin ang kanyang balat. Tiningnan niya ang sarili. Gula-gulanit ang suot niyang pang-itaas at may mga galos siya. “Ano’ng… Oh, my God!” bulalas niya nang pumasok sa kanyang isip ang tungkol sa eroplanong kinalululanan niya. Sumabog iyon. Natutop niya ang bibig, nanlalaki ang kanyang mga mata. Mayamaya ay hinaplos ni Julienne ang kanyang mga pisngi, mga braso, at katawan. Buo pa naman siya, buhay siya. Nakaligtas siya sa aksidente. Dahan-dahang inilinga niya ang paningin sa paligid. Nakaharap siya sa isang mapunong lugar, sa likuran niya ay naroon ang malawak na karagatan. Isla. Mukhang nasa isang isla siya. Muli niyang sinuri ang paligid. She was expecting to see the debris of the tragedy. At hindi naman siya nabigo, may mga piraso ng bagay na nakasampa sa dalampasigan.
Binalot ng takot si Julienne. Napasalampak siya ng upo sa buhangin. Napakaraming katanungan ang nag-uunahan sa kanyang isip. Nag-iisa lamang ba siyang survivor ng plane crash? Nasaan siya? Nakarating na kaya ang balita ng aksidente sa kanyang pamilya?
“Wait! Pamilya…? S-sino… S-sino ang p-pamilya ko…?” namamangha niyang tanong sa sarili. Hindi niya maalala kung sino ang kanyang pamilya! Pilit niyang hinagilap sa isip ang tungkol sa bagay na iyon. Bakit wala sa alaala niya ang tungkol sa kanyang pamilya? Mariin siyang pumikit at nag-isip. Then the realization hit her! Hindi lamang ang kanyang pamilya ang hindi niya matandaan kundi ang halos buong detalye ng kanyang buhay. Ang tangi lang niyang natatandaan ay ang pagsabog ng eroplanong kinalululanan niya at kung ano ang kanyang pangalan. Maliban doon ay wala na, blangko na ang kanyang memorya. Desperadong kinapa ni Julienne ang kanyang ulo at naghahanap ng palatandaan kung may sugat ba siya roon o ano. Baka sa sobrang lakas ng impact ng pagsabog ay tumilapon siya at nauntog sa kung anong bagay. Pero wala naman siyang makapang sugat o kahit bukol man lang.
God! Ano’ng nangyayari sa akin? “M-may a-amnesia ba ako?”
Nagsimula siyang mag-panic. Parang puputok ang dibdib niya sa sobrang kaba.
“No. Panaginip lang ito. Hindi ito totoo.” Sinampal-sampal ni Julienne ang kanyang pisngi at mariin niyang kinurot ang kanyang braso. “Aw!” Napangiwi siya sa naramdamang sakit. God! Totoo nga. Hindi ako basta nananaginip lang. Naaksidente ang eroplano at… heto ako ngayon sa hindi malamang lugar at nawawala ang memorya…
“Julienne, relax. Huwag kang mag-panic! Nakaligtas ka, be grateful…” pagpapalakas-loob niya sa kanyang sarili. “Hinga nang malalim, Julienne. Inhale. Exhale. Nakaligtas ka, nakaligtas ka…” Paulit-ulit na ginawa ni Julienne ang pagpapaluwag ng kanyang dibdib. Alam niya na sa malao’t madali ay may darating na tulong para i-rescue siya. Siguradong naging malaking balita ang pagsabog ng eroplano. The authorities will definitely look for survivors. Sa ngayon, ang kailangan niyang gawin ay magpakatatag at panatilihing ligtas ang kanyang sarili habang naghihintay ng tulong.
Tumayo siya. Muli niyang inilinga ang kanyang paningin sa paligid. Pakiramdam ni Julienne ay nananayo ang balahibo niya sa takot. Where the hell am I? Nag-iisa lang siya sa tila napaka-isolated na lugar na iyon. Teka, baka hindi lang ako ang survivor… Baka mayroon pang ibang nakaligtas. Kahit nananakit pa ang kanyang katawan, sinikap niya na puntahan ang kabilang dulo ng isla. Baka doon ipinadpad ang ibang nakaligtas.
“H-hello? H-hello? May tao ba diyan? He—” Natigilan siya nang makita ang tila isang pigura sa banda roon. Dahan-dahan itong tumatayo. Julienne could tell that the other survivor was a man.
Nakadama ng tuwa si Julienne. At least hindi siya nag-iisa sa lugar na iyon. “Hello?!” malakas niyang sigaw rito. Kumaway-kaway siya. Tiningnan ng lalaki ang direksiyon niya, mayamaya ay tumingin ito sa paligid. Pagkatapos ay naupo sa buhanginan.
Paika-ika niya itong nilapitan. Nang makalapit siya sa lalaki ay nadatnan niya ito na nakasubsob sa magkadikit na mga tuhod. Imbes na mag-panic ay kalmadong pinoproseso nito sa isipan ang sitwasyon.
“N-naaksidente tayo…” sabi niya nang tuluyan siyang makalapit sa lalaki. “I mean the plane crash…”
“Tell me something I don’t know,” sagot naman nito sa supladong tinig. Nakasubsob pa rin ang mukha sa mga tuhod. “Alam ko na naaksidente tayo. Don’t stress the obvious.”
Wow! May attitude! lihim na komento ni Julienne. Pinalampas na lang niya iyon. Batid niya na nakaka-depress ang kanilang sitwasyon. Siya man ay nakakadama ng takot pero mas gusto niyang tingnan ang positibong bahagi ng pangyayari. At least buhay siya, nakaligtas sila sa aksidente.
Nanatiling nakayukyok ang ulo ng lalaki sa mga tuhod. Tulad niya ay may mga gasgas at sugat din ang braso nito. Ang suot na business suit ng lalaki ay may sira din. Lihim na napasipol si Julienne nang makita niya ang suot nitong relo. Mamahalin iyon, gayundin ang leather na sapatos nito. Mukhang may-kaya sa buhay ang lalaki. Kunsabagay, hindi lang naman ang relo at sapatos ang nagpapahiwatig ng estado nito sa pamumuhay kundi ang aura na rin mismo. Kahit hindi niya nakikita ang mukha nito, there was something extraordinary about him that was radiating all over him.
Tumayo ang lalaki. Saglit siyang sinulyapan bago naglakad patungo sa parteng may mga puno. Hindi makahuma si Julienne. Saglit yata siyang nawala sa kanyang sarili. Mayamaya ay tinapik-tapik niya ang kanyang pisngi na para bang sa pamamagitan niyon ay ginigising niya ang kanyang sarili.
Whew! Did I just see the most handsome man in the planet? Napailing-iling siya, pagkatapos ay pumalatak. “Great. What a beautiful scenario you have here, Julienne. No memories and stranded on an island with a very handsome man. Kaya lang mukhang suplado ang lolo. Good luck sa beauty mo, Julienne,” mahina niyang sabi sa sarili.
“Ahm. Excuse me,” pagtawag niya sa atensiyon ng lalaki. Hindi ito lumingon at tuloy-tuloy lang na naglakad. “Baka bingi siya, Julienne. Hindi ka niya naririnig. Gamitan mo siya ng sign language,” kunwari ay paalala niya sa sarili sa medyo malakas na tinig para makarating din iyon sa lalaki. Alam naman niya na hindi ito bingi dahil nag-react ito sa sinabi niya kanina. Napangiti siya nang tumigil ang lalaki sa paglalakad. Humarap ito sa kanya, seryoso ang mukha. “Hindi ako bingi,” anang lalaki.
“Now I know,” aniya bago ito nginisihan. “Narinig mo ako pero pinili mong hindi ako pansinin. Hindi ka bingi, suplado ka lang.”
Nagsalubong ang mga kilay ng lalaki. His nose flared in anger. His lips thinned. “Paano ka nakakatawa sa sitwasyong ito? Akala mo ba isa lang itong laro?”
Muntikan nang mapasikdo si Julienne sa kanyang kinatatayuan. Mapanganib ang boses pati na ang seryosong aura nito. Napakabata pa ng lalaki pero mukhang malaking responsibilidad ang maagang iniatang sa mga balikat nito dahilan para magkaroon ito ng ganoong personalidad. Kadalasan ay mga anak mayaman na maagang namahala ng isang malaking kompanya ang mga ganoon.
“For the record, Mister, alam ko kung gaano kaseryoso ang sitwasyong ito. Kaya lang, kapag umiyak ba ako, makakatulong ba ang mga luha ko para makaalis ako rito? Kapag nag-hysteria ba ako, katutuwaan mo ako? Optimistic lang ako.”
Ni hindi nagbago ang ekspresyon ng lalaki. “May sasabihin ka pa?” he asked, impatiently.
“Meron.” Nagtaas siya ng noo. Pagkatapos ay nginisihan niya ito. “Bukas ang zipper mo.”
Bumuka ang bibig ng lalaki kasabay ng panlalaki ng mga mata. Agad itong tumalikod sa kanya at umakto na tila inaayos ang zipper ng suot nitong pantalon. Then he froze. Hindi naman talaga bukas ang zipper ng lalaki. Pinagkatuwaan lang niya ang lalaki. Halos manakit ang lalamunan ni Julienne sa pagpipigil ng kanyang halakhak. Hanggang sa hindi na niya iyon mapigil at tuluyang humulagpos ang kanyang mga halakhak. Kung hindi pa niya napansin ang kunot-noong pagkakatitig nito sa kanya ay hindi siya titigil.
“Funny,” sarkastikong wika nito bago tuloy-tuloy na umalis.
Pinahid ni Julienne ang mga luhang naipon sa gilid ng kanyang mga mata dahil sa pagtawa. Great! Nagawa ko talagang tawanan ang sitwasyon kong ito! palatak niya sa sarili. “Sandali! `To naman, o, hindi na mabiro—”
“Ilagay mo sa lugar ang biro mo!” angil nito.
Napasimangot siya. “Ang sungit naman nito… Ano… Gusto ko lang malaman kung ano na ang gagawin mo?” Dapat ba niyang sabihin sa lalaki na mukhang may amnesia siya?
“What else? Di gawin ang lahat para mabuhay hangga’t hindi dumarating ang tulong,” suplado pa rin na tugon nito. “Gumawa ng masisilungan at maghanap ng makakain.”
Wow. Mukhang alam din naman niya ang gagawin sa mga ganitong pagkakataon. Lihim siyang natuwa. At least ang makakasama niya sa isla ay marunong din.
“Let me make it clear to you, Miss,” sabi nito bago pa man siya makapagsalita. “You do your thing and I’ll do mine. Hindi natin kargo ang isa’t isa, naiintindihan mo?”
Bumuka ang bibig ni Julienne sa gulat. “You mean, kanya-kanya tayo rito? Kanya-kanya ng gawa ng paraan para mabuhay? Wow. Ang gentleman mo,” hindi makapaniwalang tugon niya. Napuno ng pagkaasar ang kanyang dibdib. “Pero sige. Tinatanggap ko ang kaarogantihan mo. Akala mo ba aasa ako sa `yo? Akala mo ba magiging pabigat ako sa `yo? Puwes, nagkakamali ka. Sige, kanya-kanya tayo.” Hah! Sapat din naman ang kaalaman niya sa mga basic survival. At hindi siya maarteng babae!
Wait! Naaalala ko kung paano ang mga basic survival technique? Ang pagkatao ko lang talaga ang hindi ko maalala? napapantastikuhang wika ni Julienne sa sarili. “Weird…”
IPINASYA ni Julienne na ipagpaliban na muna ang pagtungo sa kabilang dako ng isla para tingnan kung may iba pang nakaligtas. Tumingala siya sa langit. Medyo madilim ang paligid. Alinman sa dalawa: hapon na o masama lang ang panahon. Sa tingin niya ay kailangang unahin ang paggawa ng masisilungan at siyempre ang pagkain. Sinulyapan niya ang lalaki. Tulad niya ay patungo rin ito sa kakahuyan. From now on she will call him “Aro,” pinaikli ng salitang arogante. Napangisi siya sa naisip. Pero kahit arogante, guwapo talaga siya…
Hindi pumasok si Julienne sa kakahuyan. Sa halip ay pinili niya na gawing campsite ang isang puno na nasa b****a lamang. Hindi niya alam kung ano ang pangalan ng punong iyon pero hindi iyon kataasan at malago ang dahon kaya nagbibigay ng sapat na lilim. Dadagdagan na lamang niya ang bubong niyon at gagawan ng paraan na magkaroon ng harang. Sa ngayon, kailangan niyang unahin ang magkaroon ng pagkain bago man lang dumilim. Fruits will do. Sana lang ay may mga namumungang punong-kahoy sa loob ng kakahuyan.
“Hindi ka puwede diyan,” narinig ni Julienne na sabi ng lalaking pinangalanan niyang Aro. Sinusuri na niya noon ang ilalim ng puno, mukhang nahulaan nito na doon niya balak tumigil.
“Bakit? Pagmamay-ari mo ba ang lugar na ito? May pangalan mo ba ito? Nasaan, ba’t `di ko nakita?” pambabara niya. “Dito ako magka-camp para `pag may dumating na tulong, makikita agad nila ako.”
Aro snorted. “Look. Unti-unti nang tumataas ang tubig. High tide. At base sa mga marka…” Itinuro nito ang marka o pagkakapantay-pantay ng mga buhangin. Wala ring ano mang damo o halaman ang buhay sa parteng iyon. “Obvious na tumataas ang tubig hanggang diyan. You have to set up camp inside.”
Natameme si Julienne. Gusto niyang batukan ang sarili. Bakit nga ba hindi niya napansin na tila sumasampa rin ang tubig hanggang doon. “T-thank you,” kaswal na sabi niya bago naglakad papasok sa loob.
s**t, s**t! lihim at pikit-mata niyang bulalas. Takot siya sa ahas. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit pinili niyang sa labas na lang sana mag-campsite. Wait! Alam ko na takot ako sa ahas? Ah, baka paunti-unti nang bumabalik ang kanyang alaala.
Narinig ni Julienne ang paghugot ni Aro ng malalim na hininga. “Okay. I think it’s best that we stick together. Mukhang mas mamomroblema ako kung hindi kita nakikita.”
Agad siyang nakalapit sa lalaki. Hindi niya palalampasin ang pagkakataon na magkaroon ng makakasama. Oo nga at marami siyang alam sa mga basic survival pero kasi pulos theory lang ang mga iyon. Ang mga impormasyon na iyon ay nabasa lang niya at wala pang pagkakataon na nalagay siya sa ganoong sitwasyon. This man, mukhang alam nito kung ano ang gagawin. And, despite her initial impression that he was arrogant, mukhang mabuti naman itong tao. Isang palatandaan na sa pagiging mabuti nitong tao ang ipinakitang pag-aalala. Pagtitiisan na lang niya ang kasungitan nito.
“Nangangako ako sa `yo na hindi ako magiging pabigat,” sabi niya habang umaagapay sa paglalakad nito.
“Ako si Julienne,” nakangiti niyang pagpapakilala sa sarili.
“Edward,” matipid nitong sagot, ni hindi siya nilingon.
She wrinkled her nose and followed him.
AGAD silang nakakita ng isang clearing. Magandang lugar iyon dahil may puno ng acacia na bahagyang nakahapay. “Stay here. Maghahanap ako ng mga tulos at malalaking dahon,” instruction ni Edward.
“Hindi. Mas makabubuti kung sasama na ako sa pangunguha para marami na tayong mabitbit pabalik.”
Hindi ito sumagot pero mukhang sang-ayon naman sa ideya niya kaya agad din siyang sumabay rito. Iyon nga lang, gusto nang pagsisihan ni Julienne na hindi na lang siya nagpaiwan, paano ay unti-unti na siyang kinakapos ng hininga dahil sa hingal. Bukod doon ay napapangiwi siya sa matatalim na bagay na natatapakan niya tulad ng piraso ng kahoy at bato. Saglit siyang sumandal sa isang puno at sunod-sunod na huminga.
Marahil ay naramdaman ni Edward na hindi na siya sumusunod. Tumigil ito sa paglalakad at nakapamaywang na lumingon sa kanya. Julienne bit her tongue. Hindi niya maitago ang paghahabol ng hininga dahil sa pagod. Si Edward na salubong ang mga kilay ay biglang lumambot ang ekspresyon. Ibinaba rin nito ang mga kamay na kanina ay mariing nakakapit sa magkabilang baywang nito.
“Are you okay?” tanong nito. “Maiwan ka na lang dito, ako na lang ang maghahanap ng mga dahon. Kapag nakapagpahinga ka na, bumalik ka na doon sa clearing.”
Umalis si Julienne mula sa pagkakasandal sa puno at naglakad patungo sa lalaki. “Sasama ako.”
Edward stared at her. Mayamaya ay nagkibit-balikat ito at nagpatuloy na sa paglalakad. Hindi katulad kanina, maliliit na ang bawat hakbang nito. Hindi mahirap isipin na ginawa nito iyon para sa kanya, para makaagapay siya. Siya naman ang hindi magawang alisin ang paningin sa binata. This man is special. Mukhang hindi lang ang panlabas na anyo nito ang kaaya-aya, kundi maging ang kalooban din.
“Inaasahan ko kanina na magkokomento ka tungkol sa pagiging pabigat ko,” aniya nang hindi na siya makatiis.
“Kung ginawa ko `yon, binigyan kita ng rason para magsaya. Hindi ikaw ang magmumukhang tanga kundi ako.”
Tama si Edward. Kung sakaling nagbigay nga ito ng masasakit na komento, ipinapakita lamang niyon kung anong pag-uugali mayroon ang lalaki. Hindi mo nga ako binigyan ng rason para magsaya, binigyan mo naman ako ng rason para dagdagan ang pogi points mo.
“Bullying is not my game. At wala ako sa sitwasyon mo, hindi ko alam ang kuwento ng buhay mo,” dagdag pa nito. “Kailangan nating magtulungan para malampasan ang sitwasyong ito.”
Julienne nodded in agreement.
Nakakita naman agad sila ng mga halaman na may malalapad na dahon. Sa isang malapad na dahon, nakita ni Julienne na pumilas ng kaunting piraso si Edward pagkatapos ay ikinuskos iyon sa maliit na bahagi ng balat nito.
“Ano ang ginagawa mo?” she inquired.
“Hindi ako pamilyar sa halamang ito. Sinusubukan ko kung toxic o harmful ang dahong ito.”
“Oohh,” nausal niya. Naghintay nang ilang sandali si Edward kung mangangati ba o mamumula ang bahagi ng balat nito na ikinuskos ang dahon. Nang walang maging reaksiyon ang balat nito ay nagsimula nang manguha ng dahon ang lalaki. Ganoon din ang ginawa niya. Pagkatapos niyon ay ang pangunguha naman ng mga piraso ng mahahabang kahoy ang inasikaso nila. Dahil wala silang itak o ano mang matalas na bagay na puwedeng ipamputol, ang mga nakuha lang nila ay iyong mga tuyo na at madaling putulin gamit ang lakas ni Edward. Julienne could not believe how organized Edward was. Mukhang alam na alam nito ang ginagawa kaya sa loob lamang ng mahigit isang oras ay nakagawa ito ng masisilungan nila. Ang lapag ay sinapinan din lang ng mga dahon at tuyong kugon.
“Papasok ako sa loob ng kakahuyan. Maghahanap ako ng kahit anong prutas bago tuluyang gumabi. Will you be okay here? Hindi ka ba takot mag-isa?”
Hindi ako takot mag-isa pero, Diyos ko, takot ako sa ahas! Ninenerbiyos na ngumiti si Julienne. “Ahm… Siguro babalik ako sa dalampasigan. M-maghahanap ako ng mga bagay na puwedeng magamit. At gagawa na rin ako ng ilang help signs.”
“Okay.”