s**t. Nagsisimula nang magwala ang mga alaga ko, sabi ni Julienne nang maramdaman niya ang pagkalam ng kanyang sikmura. Papadilim na nang bumalik si Edward, sa kasamaang-palad ay wala itong nakita na ano mang prutas o halaman na puwedeng kainin. Ayon sa lalaki ay pulos tropical trees lang ang nakita nito.
Naroon na sila sa silungan. Parehong nakaupo at nakasandal sa nakahapay na puno ng acacia. Edward managed to make a fire. Sa pamamagitan ng pagkikiskis sa dalawang matitigas na bato, ang spark niyon ay nagpaapoy sa mga tuyong kugon na nakuha nila. And now they were there, nakatitig sa naglalagablab na apoy na nililikha niyon. Malamig na ang hangin at nakatulong ang apoy para kahit paano ay magkaroon ng panlaban sa lamig ang mga katawan nila. Iyon nga lang ay malamok. At nagsisimula na siyang mairita sa kabi-kabilang kagat ng mga ito. Sana lang ay walang dengue na dala ang mga lamok na iyon.
At hindi naiilang si Julienne na may kasamang lalaki. Sa totoo lang ay nakakaramdam pa nga siya ng kaligtasan sa sitwasyong iyon.
“I’m sorry about the arrogance I showed you a while ago. Hindi ko lang inaasahan na mamamatay pala ako nang walang kaalam-alam. I mean, I was sleeping in the plane,” sabi ng tinig ni Edward na humalo sa mga huni ng insekto. Mayamaya ay nakita niya nang matigilan ito. Tila may pagtatalo sa emosyon ng mga mata nito.
“No worries. Naiintindihan ko. Ako man ay hindi pa rin makapaniwala. At pasensiya na rin sa mga naging hirit ko kanina. Idinaan ko na lang sa pagbibiro ang hysteria na nararamdaman ko.”
Tumango ang binata. Gumuhit ang manipis na ngiti sa mga labi nito. Tila ba biglang nawala ang ano mang pagkailang na nakapagitan sa kanila. Tila ba sila ay magkaibigan na.
“Sa tingin mo, madali kaya nila tayong makikita— s**t!” Hindi niya natapos ang tanong at napamura siya kasabay ng pagtaas ng kanyang kamay at pinadapo iyon sa binti niya na may kumakagat na lamok. “Ouch…” Agad din niyang hiyaw dahil napalakas ang paglagapak ng palad niya sa kanyang balat at nadama niya ang hapdi.
She heard Edward chuckle. Hinubad nito ang itim na pang-ibabaw ng three-piece business suit nito at iniabot iyon sa kanya. “Here. Suotin mo para matakpan ang mga braso mo. Takpan mo rin ng mga dahon ang mga naka-expose mong balat sa paa.” Pagkabigay sa kanya ng damit ay tumayo ito at kumuha ng malalapad na dahon at iniabot sa kanya.
“Salamat. A-ano sa palagay mo ang nangyari sa ibang pasahero?”
“Hopefully, tulad natin ay nakaligtas din sila.”
Pumagitna ang katahimikan sa pagitan nila. Sa kabila ng takot na nararamdam ni Julienne ay hindi niya mapigilan ang sarili na palihim na sulyapan ang mukha ni Edward. Sa pamamagitan ng liwanag ng lagablab ng apoy, malinaw niyang nakikita kung gaano kaprominente ang panga nito at kung gaano katangos ang ilong. Parang napakasarap paglandasin ang mga daliri niya sa prominenteng hugis ng mga iyon. Deep-set ang mga mata nito at tinernuhan iyon ng magandang pares ng mga kilay.
“You’re staring,” sabi nito. Umalis si Edward sa kinauupuan at dinagdagan ng panggatong ang apoy, pagkatapos niyon ay bumalik din sa puwesto.
Nataranta si Julienne. “H-hindi, ah!” tanggi niya na sinamahan pa ng pag-iling. “I-I’m not aware na nakatitig na pala ako sa `yo. I mean naglalakbay ang isip ko at hindi talaga ako sa `yo nakatingin. Kasi naman—”
“Hey!” natatawang putol nito sa paglilitanya niya. “Hindi mo kailangang magpaliwanag.”
“Eh, sa hindi nga ako nakatitig sa `yo!” Umingos siya. She even wrinkled her nose.
“Eh, di hindi kung hindi. Huwag kang maging defensive,” nagkibit-balikat si Edward pero may kung anong kislap sa mga mata nito na nagpapahayag ng panunudyo.
Umingos si Julienne. “Mabuti na `yong malinaw.”
“Kumakalam na ang sikmura ko,” sabi nito mayamaya.
“Nagwewelga na rin nga ang mga alaga ko.”
“Subukan mong matulog para hindi mo maramdaman ang gutom,” anito.
Tumango si Julienne. Pero duda siya kung magagawa niyang makatulog agad. Kung igugupo siya ng grabeng antok ay baka pa. Hindi birong sitwasyon ang kinasusuungan nila lalo pa at hindi niya lubusang batid kung sino talaga siya. Niyakap niya ang kanyang mga binti at itinuon ang kanyang baba sa magkadikit niyang mga tuhod. “Nangyayari ba talaga ito, Edward?” mahina niyang tanong. Naramdaman niya ang pag-iinit ng kanyang mga mata. Alam niyang naiipon na ang mga luha sa paligid niyon.
“Oh, no!” palatak ni Edward. “Sige na. Biruin mo na ako o pag-trip-an huwag ka lang umiyak.”
Pero hindi nagpapigil ang mga luha niya at tuloy-tuloy iyon na naglandas sa kanyang mga pisngi.
“Julienne…” Edward murmured. Tumayo ito mula sa kinauupuan at tumabi sa kanya. “We can do this. Malalampasan natin ang kabanatang ito ng buhay natin. Makakaligtas tayo,” pag-alo nito sa kanya. Naramdaman niya nang dahan-dahang isinandig ni Edward ang ulo niya sa balikat nito. Nagpatianod si Julienne. Kahit paano ay nawawala ang pagsisikip ng kanyang dibdib.
“Babae ako…” aniya.
“Huh? Sinabi ko bang lalaki ka?” gulat na tanong ni Edward.
Malakas na natawa siya dahil natural ang pagkagulat na rumehistro sa mukha nito. Halos manakit ang kanyang tiyan sa kakatawa.
“Oh, ibig mo bang sabihin baka pagsamantalahan kita?”
Natatawa pa rin si Julienne. Tinampal niya ang braso nito. “Tangi! Ibig kong sabihin babae ako, meaning, may karapatan ako sa mga inaakto ko. You know, mood swings…” Dapat ba niyang sabihin na wala rin siyang maalala sa kung sino ba talaga siya?
Nakauunawang tumango si Edward. “Makakaligtas tayo. Makakaalis tayo rito. Don’t worry, habang narito tayo, magiging mabait ako sa `yo.” May pagbibiro ang tinig nito at nanunudyo rin ang ekspresyon ng mukha.
Julienne smiled.
AGAD napabalikwas si Julienne nang tumama sa mukha niya ang init na tumatagos sa mga dahon. Inilinga niya ang paningin at agad namang bumalik sa kanyang isipan ang sitwasyong kinasusuungan. Maliwanag na ang paligid. Umaga na.
“Edward…?” tawag niya sa kasama nang hindi ito mamataan sa paligid. Napansin niya ang isang dahon na nakalambitin. Kinuha niya iyon at inusisa.
Will look for food. Iyon ang nabasa niya. Napangiti si Julienne. Mukhang marami talagang alam si Edward sa mga bagay-bagay. Sa pamamagitan ng tingting o maliit na kahoy ay nakapagsulat ito sa dahon para mag-iwan ng mensahe. Her body was aching. Tinutop niya ang kanyang bibig nang maghikab siya subalit naputol sa kalagitnaan ang paghihikab niya nang makapa ang tila laway na tumulo sa may ibaba ng kanyang pisngi at natuyo.
Nakaramdam si Julienne ng pag-iinit ng mga pisngi nang maisip na nakita iyon ni Edward. Ang masama niyan ay baka parang busina ng barko ang hilik niya. “Nakakahiya…” nakangiwi niyang usal. “Nakakahiya, nakakahiya…”
O, eh, bakit ka naman nako-conscious, Julienne? Eh, ano naman kung nakita ng isang pagkaguwapo-guwapong anak ni Adan ang tuyong laway mo at kung hindi siya nakatulog sa lakas ng hilik mo? tanong ng isang bahagi ng isip niya na may kasamang panunudyo.
Napasimangot siya. “Kunsabagay, bakit nga ba naman ako mako-conscious, eh, malabo naman na magkagusto `yon sa ak— Whoa! Bakit ko naman naisip ang bagay na `yon?” mulagat niyang tanong sa sarili. Bakit naman pagkakagusto ang pumasok sa isip niya?
Ipinasya ni Julienne na magtungo sa dalampasigan para maghilamos at makapagmumog. Tama nga si Edward. Inaabot ng tubig ang lugar na binalak niyang tigilan kahapon. Bahagya pa lamang iyong humuhupa at maraming kung ano-anong bagay ang nakasampa sa dalampasigan. Uusisain niya iyon mamaya at baka may mapakinabangan sila mula roon.
Walang pagdadalawang-isip na sumandok siya ng tubig gamit ang kamay niya at dinala iyon sa bibig. Upang maibuga din lamang iyon. Maalat ang tubig at parang nanakit pa nga ang dila niya sa alat niyon. “Ano ba namang kapalpakan `yan, Julienne.” She balled her hand into a fist and lightly hit her head. “Hindi kasi nag-iisip.”
“Julienne!” pagtawag sa kanya ng tinig na nakilala niyang kay Edward. Paglingon niya ay nakita niya ito sa b****a ng kakahuyan at kinakawayan siya. “May nakuha akong mga prutas.”
Tila agad nakaintindi ang bituka niya at mga alaga sa tiyan dahil nagparamdam ang mga iyon. Dali-dali niyang kinuskos ang tuyong laway at agad na siyang lumapit kay Edward.
“GOOD morning,” sabi ni Edward nang tuluyan siyang makalapit. May munting ngiti na nakaguhit sa mga labi nito. His eyes were smiling, too. “Sleep well?”
Sinimangutan ni Julienne ang lalaki. “Bakit hindi mo na lang sabihin na hindi ka nakatulog dahil sa malakas kong hilik?”
Lumuwang ang munting ngiti na nasa mga labi ni Edward. And oh boy, this gorgeous man was more gorgeous when he was smiling. Humihigop ito ng atensiyon. At grabeng pagpipigil ang ginawa niya para hindi ito titigan. My gulay! Mukhang tinutubuan ako ng crush sa mokong na ito, ah.
“Masungit ka pala sa umaga. Don’t worry hindi naman malakas ang hilik mo. Ang cute nga, eh. I swear, hindi ako na turnoff,” nakangising wika nito.
Ramdam niya ang pag-akyat ng dugo sa kanyang mga pisngi. Tiyak na namumula siya. Inirapan niya ito bago nilampasan at naglakad patungo sa silungan.
“Hey, Julienne!” tawag ni Edward pero hindi siya lumingon. “Maganda ka pala.”
Muntikan nang matisod si Julienne sa narinig. Lalong nag-init ang kanyang mga pisngi. Jeez! Nagba-blush pa yata ako! Hinamig niya ang sarili at hinarap ito. Kung inaakala ni Edward na matataranta siya dahil sa papuri nito ay nagkakamali ito. But yes, natataranta nga siya, nako-conscious siya pero hindi niya iyon ipakikita. Nginitian niya ito nang matamis. “Thank you. Hindi lang ikaw ang nagsabi sa akin niyan. Actually, immune na nga ako sa papuri, eh.”
Edward laughed in amusement. At siya, napatitig siya rito. She could not help it. Si Edward ay tila isang katangi-tanging anak ni Adan. Hindi pa niya ito kilala pero parang nararamdaman niya na magkadugtong ang kanilang mga kapalaran. Ipinagpatuloy niya ang paglalakad.
“I mean it. Hindi ako nagbibiro. Hindi ako nangungulit lang. Maganda ka,” sabi na naman ni Edward. Bigla ay hindi niya alam kung paano ibabalik ang panunudyo nito. Pero nanunudyo nga ba ito? Tila seryoso kasi ang tinig ng lalaki. Ipinagpatuloy ni Julienne ang paglalakad. But goodness, parang biglang nabuo ang kanyang umaga. Ang kilig niya ay tila kumikiliti sa kanya hanggang talampakan. Hala! Patay kang bata ka, Julienne…
Nakita niya roon ang piraso ng mga hinog na saging na saba, mangga, at dalandan.
“Kumain na tayo,” paanyaya ni Edward. Nagbalat ito ng saging at iniabot sa kanya.
Tinanggap niya iyon bago naupo. “Salamat.” Nagsimula silang kumain. But goodness. Hirap na hirap si Julienne na lunukin ang kinakain niya paano ay nako-conscious siya sa mga tingin ni Edward. Naaapektuhan siya kapag nagsasalubong ang kanilang mga paningin.
“Habang wala pa ang re-rescue sa atin, kailangan nating gawin ang lahat para manatili tayong ligtas at malusog. Kailangan natin ng tubig na hindi maalat. Kanina sa nakuhanan ko ng mga `yan ay tila may narinig ako na rumaragasang tubig. I’ll check that out later. Sa palagay ko ay kailangan din nating maghanap ng masisilungan na poprotektahan tayo laban sa buhos ng ulan. Kanina kasing umaga ay parang nabulabog ang mga ibon at nagliparan. Usually kapag ganoon daw ay may paparating na kalamidad. Kailangan din natin ng protein para mapanatili natin ang katawan natin na…”
Nawala ang pagkapahiyang nararamdaman ni Julienne. Hindi niya napigilan na tumutok dito ang kanyang paningin. So what if he accused her of staring again? She was guilty. Para kasi itong knight in shining armor sa kanyang paningin. Para itong isang superhero na siyang sumasagip sa kanya sa sitwasyong iyon. Masuwerte nga siguro siya at ito ang nakasama niya na ma-stranded sa lugar na iyon. “Have you been in this kind of situation before? Parang alam na alam mo kung ano ang ginagawa mo.”
“I don’t know. Hindi ko maalala—”
Bigla siyang naalarma. “Hindi mo maalala?” agad na putol ni Julienne sa sinasabi nito. Gulat na gulat siya. Alam niyang nanlalaki ang kanyang mga mata. “Huwag mong sabihin na pati ikaw ay may amnesia? Are you, Edward?”
It was Edward’s turn to gasp. “Ano ang ibig mong sabihin, Julienne? May amnesia ka? Nawawala ang alaala mo?” Napalunok siya at nag-iwas ng mga mata. “Julienne, sabihin mo sa akin…”
“N-noong magising ako kahapon, a-ang tangi ko lang naaalala ay sakay ako ng eroplano. A-at ang p-pangalan ko. Iyon lang ang meron sa alaala ko tungkol sa akin.”
Nanahimik si Edward. “Kapag daw naaksidente at na-trauma ang isang tao ay reflex na ng utak ng tao na kalimutan ang mga pangyayari—”
“Hindi mo sinagot ang tanong ko, Edward, pati ba ikaw ay walang maalala sa kung sino ka maliban sa pangalan mo at sa aksidente?”
Nang tumango si Edward ay nagsitayuan ang mga balahibo niya sa katawan. Kinikilabutan si Julienne. “S-sana dumating agad ang rescuers natin…” nausal niya, feeling helpless. At dala ng bugso ng emosyon ay namuo ang luha sa kanyang mga mata at tuloy-tuloy iyong nalaglag.
Ang sunod niyang namalayan ay nakapaloob na siya sa mga bisig ng binata. “Sshh… I’ll take care of you, I promise.”
Kumapit si Julienne sa bisig nito. Pakiramdam niya ay maghi-hysterical siya. “Natatakot ako, Edward, natatakot ako. B-bakit nangyayari ito? Ang tapang-tapang ko kahapon, tinatawanan ko lang ito at… at… P-pero ngayon nagsi-sink in na sa akin ang lahat. This isn’t a joke. This is nightmare.”
Ikinulong ng binata ang luhaan niyang mukha sa mga palad nito. “Julienne, look at me. Look at me…” Hindi ito tumigil hangga’t hindi niya sinasalubong ang mga mata nito. There, in his eyes, she saw promise. Pangako na poprotektahan at aalagaan siya habang naroon sila. At kumalma siya. Pinaniwalaan niya ito. Nararamdaman niya na puwede niyang ipagkatiwala rito ang kanyang buhay kahit pa nga ba noon lang sila nagkakilala. Ewan niya pero tuwing magsasalubong ang mga mata nila ay tila may humahaplos sa kanyang puso. “Pagtiwalaan mo ako. We can do this, okay?”
Sumisigok na tumango siya. Pinunasan nito ang mga luha niya pagkatapos ay muli siyang niyakap.
NAKITA ni Julienne si Edward na abala sa pagpuputol ng mga tuyong sanga. Wala silang gulok o ano mang matalas na bagay kaya lakas lamang ang ginagamit nito. Tinatapakan nito ang kabilang dulo bago hahawakan ang kabila at pupuwersahin para mabali. Bigla ay may naisip siyang gawin. Tumabi siya kay Edward at ginaya niya ang ginagawa nito. Hindi naman talaga siya nagpuputol ng kahoy, she was just mimicking his actions.
Kunwa ay kumuha siya ng invisible na kahoy at kunwari ay pinuputol din iyon gamit ang kanyang lakas. Kunot-noong tiningnan siya ng binata. Kunot-noong tiningnan din niya ito.
“Ano ang ginagawa mo?” he asked.
Bumuka ang bibig niya at inulit ang sinabi nito, bagaman walang tinig na lumabas mula sa kanyang bibig.
Namaywang si Edward. Namaywang din siya. Para siyang salamin na inuulit lamang kung ano ang ginagawa nito.
“Pinagkakatuwaan mo ba ako?”
Muli ay inusal ni Julienne ang sinabi nito. At hindi na maipinta ang mukha ng binata. Mukhang napipikon na ito sa panggagaya niya. Siya naman ay lihim na natatawa. Cute na cute kasi siya rito. Ewan niya pero hindi siya nasisindak sa animo galit na hitsura ni Edward. O marahil alam niya na hindi siya nito magagawang saktan. Sa maikling panahon na nakasama niya ito ay masasabi niya na perfect gentleman ang binata.
Hanggang sa mawala ang pagkunot ng noo ni Edward. To her horror, dumako ang mga daliri nito sa butones ng long-sleeved polo na suot at sinimulang tanggalin ang mga iyon sa pagkaka-hook. Habang nabubuksan ang polo ay nasisilip niya ang prominenteng hugis ng katawan ng binata. Hanggang sa hubarin na nito ang pang-itaas. Bigla siyang natulala. Maging ang mga labi niya ay bumuka.
“O, ano? Come on, gayahin mo ako,” hamon sa kanya ng binata.
Napalunok si Julienne. Biglang nanuyo ang kanyang lalamunan. Sa harap niya ay nakahantad ang tila isang perpektong obra maestra ng kakisigan. Edward’s torso was such a tease. Ang malapad na kaha ng katawan ay siksik sa purong kalamnan. Mas maputi ang dibdib nito kaysa braso at leeg. Palatandaan iyon ng pagkakabilad sa araw. At… oh, dear, ang abs! Oh la la! It was so well-defined. Marami na siyang nakikita na ganoon sa mga billboard, sa TV, sa magazine, at sa kung ano-ano pa. Pero iyon ang unang pagkakataon na live na live sa mga mata niya ang ganoong pangitain. Parang biglang nangati ang kanyang mga kamay at nais na haplusin ang mga iyon.
“Ano? Napasubo ka ano?” he asked, grinning. Mukhang ikinasisiya ni Edward ang pagkaasiwa ni Julienne. Isinampay nito sa balikat niya ang hinubad na damit at pasipol-sipol na itinuloy ang ginagawa. But, dear heavens, habang gumagalaw ito ay tila lalo lamang nagkikislutan ang mga muscles nito sa katawan at tinutukso siya.
Julienne, gising! Ipinilig-pilig niya ang kanyang ulo. Nang makabawi ay kinuha niya ang damit ni Edward at inihagis pabalik sa binata pagkatapos ay nagmamartsa siyang nagtungo sa dalampasigan. Narinig niya ang paghalakhak ni Edward na lalong nagpainit sa kanyang mga pisngi.
SA BAWAT pagguhit ng matalim na kidlat sa langit at sa bawat pagsabog ng dumadagundong na kulog ay hindi maiwasan ni Julienne na hindi mapapitlag. Patuloy na naglalagablab ang siga na ginawa ni Edward, ngunit hindi iyon sapat para pawiin ang lamig na dulot ng hangin at ulan. Tama ang sapantaha nito kanina, may parating nga na unos. Kaya naman pagkakain ay agad silang naghanap ng masisilungan. Nakakita sila ng isang kuweba. Sa b****a lamang sila pumuwesto dahil baka diumano maraming ahas o kung anong hayop sa loob ng kuweba.
“Hiding from the rain and snow. Trying to forget but I won’t let go. Looking at a crowded street. Listening to my own heartbeat…” mahina niyang paghimig. “So many people all around the world. Tell me where do I find someone like you, girl.”
“You always sing,” narinig niyang sabi ni Edward. Hindi iyon isang reklamo, sa halip parang nais nito na magbukas ng usapan. Nagdagdag ito ng piraso ng kahoy sa apoy. At sa pagkamangha ni Julienne, tumayo ang binata at lumipat ng upo sa kanyang tabi. Marahil ay para mas magkarinigan sila. Kanina pa nga siya kumakanta para palipasin ang oras.
“I love music,” sabi niya.
“Music loves you, too.”
Napamata siya rito. “Did you just praise me?” Inaasahan ni Julienne na babarahin ng binata ang sinabi niya pero lumundag yata ang kanyang puso nang bahagya itong ngumiti. And oh boy, she was enthralled with that light smile. Kapag ganoong ngumingiti si Edward ay lumalambot ang ekspresyon ng mukha nito at lalong gumuguwapo.
“Maganda ang boses mo. Soft and soulful.”
“Talaga?”
“Bakit parang hindi ka makapaniwala? I’m not lying. Wala pa bang nagsasabi sa `yo ng ganoong bagay?”
“I… I…” Hindi malaman ni Julienne kung ano ang isasagot. “I don’t know. Hindi ko maalala,” natatawa niyang tugon.
“Oo nga pala.”
Hindi niya napigilan ang panginginig ng kanyang katawan. Nilalamig na talaga siya. Sa tingin niya ay tila magpakailanman na ang tagal ng pagbuhos ng ulan. Hindi siya sigurado kung anong oras na pero madilim ang paligid.
Tumayo si Edward at muling dinagdagan ng gatong ang apoy. Mabuti na lang at handa ito. Maraming panggatong ang inipon ng binata, ganoon din ang prutas. Bumalik din agad ito sa pagkakaupo.
Niyakap niya ang kanyang mga tuhod.
“Julienne…” Lumingon siya kay Edward. Bahagyang nakabuka ang mga hita nito. Tinapik nito ang espasyo. “Come here. Nilalamig ka na.”
Napamulagat si Julienne at napalunok. Yayakapin siya nito? Natawa si Edward sa reaksiyon niya. “Halika na rito. Mas makabubuti para sa ating dalawa kung walang magkakasakit sa atin.”
“Ahm… eh…” muli siyang lumunok. Tempting. His offer was very tempting. Lalo na at gumagana ang kanyang imahinasyon. Tinutukso siya ng pilya niyang isip. Pagkakataon mo na, Julienne, na makasandal sa dibdib niya. Go! Push! Huwag pakawalan ang pagkakataon!
“Hey! You can trust me. Nakaka-offend ka, ah.” To her astonishment, sumimangot si Edward na animo nagtatampo dahil hindi niya ito pinagkakatiwalaan. Napalakas tuloy ang pagtawa niya.
Tumayo siya at lumapit sa binata. Dahan-dahan siyang naupo sa espasyong inilaan nito para sa kanya. “Sumandal ka sa dibdib ko.” Muntikan nang mapasinghap si Julienne nang ibulong nito sa kanya ang mga salitang iyon. Hesitantly, she slowly leaned back against his torso. Julienne bit her lip. Hindi niya alam kung bakit. Hanggang sa ipulupot ni Edward ang mga braso sa kanya. Para na siyang preso ng katawan nito. “Relax. You’re so tense.”
“Ahm… parang hindi na ako nilalamig,” sabi niya. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman, parang naghahalo ang pagkailang at pagkakilig.
“Ako nilalamig,” anito bago hinigpitan ang yakap sa kanya. “Wooo! Ang lamig!”
Napahagikgik si Julienne. Nag-relax siya. No, hindi lang siya na-relax, kumportable pa siya. Hindi na siya magtataka kung dalawin siya ng antok at makatulog sa bisig ni Edward. Patuloy na nagsusungit ang panahon. Hindi siya sigurado kung may bagyo ba o sadyang masama lang ang panahon. Then suddenly, Edward’s fingers caressed her fingers, especially her ring finger.
Hanggang sa maramdaman niya ang pagtuon ng baba nito sa kanang balikat niya. “Wala kang singsing. Ibig sabihin ay wala ka pang asawa,” bulong nito. “Ganoon din ako, Julienne. I’m single and I’m certain about that. Kahit wala akong maalala, I’m sure, single ako.”
Sa pagkakataong iyon ay dumaan ang kilabot sa kanyang katawan. Kilabot na hindi dulot ng takot. “S-so? Ano ngayon kung parehong walang singsing ang mga daliri natin?” she pried. Bagaman may ideya siya kung ano ang ibig nitong sabihin. Na pareho silang malaya at walang komplikasyon kung— Ipinilig niya ang kanyang ulo para iwaksi ang isiping iyon.
Edward chuckled. “Wala naman. Sinasabi ko lang. God! It’s really cold.”
“Cold, huh?” tudyo ni Julienne. Isinandal niya ang ulo sa balikat ni Edward. Effective nga ang naisip nito na gamitin ang init ng katawan nila para labanan ang lamig dahil unti-unting nawawala ang ginaw niya at mas nagiging aware na siya sa singaw ng katawan ng binata.
“Yes. It’s so damn cold.”
Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Sa mga labi niya ay nakaguhit ang isang ngiti. She was certain at that moment that she was falling. Falling in love with Edward.
“I will not forget you, Julienne,” usal ni Edward, puno ng pangako.